“Lesson 44: Doktrina at mga Tipan 111–14,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 44,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 44
Doktrina at mga Tipan 111–14
Pambungad at Timeline
Noong tag-init ng 1836, si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay naglakbay sa Salem, Massachusetts, para maghanap ng paraan na makatulong sa pagbabayad ng utang ng Simbahan. Noong Agosto 6, 1836, habang nasa Salem ang mga kapatid na ito, ibinigay ng Panginoon sa Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 111. Tiniyak Niya rito sa Propeta na “maraming kayamanan sa [Salem] … para sa kapakanan ng Sion” (D at T 111:2) at tinalakay ang mga alalahanin tungkol sa utang ng Simbahan at kinabukasan ng Sion.
Noong 1837, ikinabahala ni Thomas B. Marsh, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang paghihimagsik at pagtatalo ng mga miyembro ng korum na iyon sa Kirtland, Ohio. May mga tanong din siya tungkol sa gawaing misyonero. Humingi siya ng payo mula kay Propetang Joseph Smith, at noong Hulyo 23, 1837, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 112, kung saan pinagbilinan Niya si Thomas B. Marsh hinggil sa gawain ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang tungkulin ni Thomas bilang pangulo nito.
Noong Marso 1838, matapos lumipat sa Far West, Missouri, mula sa Kirtland, Ohio, idinikta ni Propetang Joseph Smith ang inspiradong mga sagot sa mga tanong tungkol sa ilang talata ng Isaias. Ang mga tanong at mga sagot ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 113 at ipinaliliwanag ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa Panunumbalik at sa pagtubos ng Sion.
Noong Abril 11, 1838, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 114. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon kay David W. Patten na maghanda para sa hinaharap na misyon at binalaan ang mga naghimagsik na lider ng Simbahan na mawawalan sila ng “kanilang obispado,” o tungkulin, kung sila ay hindi tapat (D at T 114:2).
-
Agosto 5, 1836Dumating si Propetang Joseph Smith at kanyang mga kasama sa Salem, Massachusetts.
-
Agosto 6, 1836Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 111.
-
Tagsibol at tag-init ng 1837Iba’t ibang miyembro ng Simbahan at mga lider sa Kirtland, Ohio, ang nagsalita laban kay Propetang Joseph Smith.
-
Tag-init 1837Sina Apostol Thomas B. Marsh, David W. Patten, at William Smith ay naglakbay mula sa Far West, Missouri, papuntang Kirtland, Ohio, upang lutasin ang paghihimagsik at pagtatalo sa Korum ng Labindalawang Apostol.
-
Hulyo 23, 1837Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 112.
-
Enero 12, 1838Sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay umalis sa Kirtland, Ohio, at naglakbay patungong Far West, Missouri, upang makatakas sa karahasan ng mga mandurumog.
-
Marso 1838Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 113.
-
Abril 11, 1838Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 114.
-
Oktubre 25, 1838Anim na buwan matapos mangusap sa kanya ang Panginoon sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 114, si Elder David W. Patten ay binaril at napatay sa labanan sa Ilog Crooked.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 111:1–11
Muling pinanatag ng Panginoon si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan hinggil sa kanilang paglalakbay patungo sa Salem, sa mga utang ng Simbahan, at sa hinaharap ng Sion
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang dahilan kung bakit kayo nakadarama ng tensyon o pag-aalala?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga nasasaisip kung komportable silang gawin ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng kasaysayan:
Noong 1836, naharap ang Simbahan sa mabigat na pagsubok sa pinansiyal. Ang pagpapatayo ng Kirtland Temple ay nag-iwan sa Simbahan ng malaking pagkakautang, at ang pagkawala ng mga negosyo, lupain, at mga tahanan dulot ng pag-uusig sa Missouri ay naging dahilan kaya hindi nabayaran ng Simbahan ang mga utang nito. Noong mga huling araw ng Hulyo 1836, sina Propetang Joseph Smith, Oliver Cowdery, Sidney Rigdon, at Hyrum Smith ay naglakbay patungo sa Salem, Massachusetts, at dumating doon noong Agosto 5. Bagama’t walang tala mula sa mismong mga taong pumunta rito na naglalahad ng partikular na layunin ng paglalakbay na ito, ayon sa isang tala kalaunan, isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Brother Burgess ang nagsabi sa mga lider ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, na sa isang bahay sa Salem, Massachusetts, ay may nakatagong malaking halaga ng salapi na walang nagmamay-ari. Ayon sa tala ring ito, hinanap ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasama ang salapi sa Salem, pero hindi makita ni Brother Burgess ang bahay na naglalaman ng salapi. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 5: October 1835–January 1838, inedit ni Brent M. Rogers at iba pa [2017], 274–75.)
-
Ano kaya ang madarama ninyo matapos ninyong maglakbay patungo sa Salem sa pag-asang makahahanap kayo ng paraan para makatulong sa pagbabayad ng utang ng Simbahan at hindi nakita ang inaasahan ninyo?
-
Ano kaya ang ginawa ninyo nang hindi ninyo nakita ang salapi?
Ipaliwanag na noong Agosto 6, 1836, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 111.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 111:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga lider na ito ng Simbahan.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga lider na ito ng Simbahan? (Maaari mong ipaliwanag na ang kahangalan ay isang pagkakamali o kamalian sa pagpapasiya.)
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na maaaring nagbigay ng kapanatagan sa mga lider na ito?
-
Anong alituntunin ang maaari nating matukoy mula sa mga talatang ito tungkol sa maaaring mangyari kung taos-puso nating sisikaping isakatuparan ang kalooban ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa kabila ng ating mga pagkakamali, pagpapalain pa rin ng Panginoon ang taos-pusong pagsisikap nating isagawa ang Kanyang kalooban.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 111:3–4 na ipinaliliwanag na tinagubilinan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith at kanyang mga kasama na kilalanin ang mga tao sa Salem ayon sa patnubay ng Espiritu (talata 3) at na “sa tamang panahon” ang “kayamanan” ay mapapasainyo “para sa kapakanan ng Sion” (mga talata 2, 4).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 111:5–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon kay Joseph Smith at sa kanyang mga kasama.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith at sa kanyang mga kasama sa mga talata 5–6?
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa kanila sa talata 7?
-
Ayon sa talata 8, paano malalaman ng mga kapatid na ito kung saan “ma[na]natili,” o mamamalagi sa kanilang pagbisita sa Salem?
-
Anong payo at pangako ang ibinigay ng Panginoon sa mga taong ito sa talata 11?
Ipaliwanag na hindi natin alam ang lahat ng paraan ng Panginoon sa pagtupad o sa gagawing pagtupad sa Kanyang mga ipinangko hinggil sa “mga kayamanan” ng Salem. Gayunman, mga limang taon matapos matanggap ang paghahayag na ito, ipinadala ng Unang Panguluhan si Elder Erastus Snow sa misyon sa Salem, kung saan nakapagtatag siya ng isang branch na may 110 miyembro. Maraming matatapat na miyembro ng Salem Branch ang kalaunan ay naglakbay pakanluran kasama ng mga Banal, at sila ay naging malaking kapakinabangan sa Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 112:1–34
Tinagubilinan ng Panginoon si Thomas B. Marsh hinggil sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa kanyang tungkulin bilang pangulo nito
Ipaliwanag na noong 1837, ilang miyembro ng Simbahan sa Kirtland ang naging mapagmataas at mapaghimagsik, kabilang na ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong Hulyo 1837, si Thomas B. Marsh, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at kapwa niya mga Apostol na sina David W. Patten at William Smith ay naglakbay mula sa Far West, Missouri, papuntang Kirtland, Ohio, upang lutasin ang kawalan ng pagkakaisa sa Korum. Tumawag si Pangulong Marsh ng council meeting na gaganapin kasama ang buong Korum ng Labindalawang Apostol noong Hulyo 24, 1837, ngunit nang siya ay dumating sa Kirtland, nakita niya na dalawang miyembro ng Korum ang nakaalis na para magmisyon sa England. Nagalit si Pangulong Marsh dahil hindi siya sinangguni tungkol sa mga misyong ito. Noong Hulyo 23, 1837, humingi ng payo si Pangulong Marsh kay Propetang Joseph Smith, at bunga nito natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 112.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 112:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Thomas B. Marsh.
-
Anong mabubuting bagay ang sinabi ng Panginoon na nagawa ni Pangulong Thomas B. Marsh?
-
Ayon sa talata 2, anong mga alalahanin tungkol kay Tomas B. Marsh ang inihayag ng Panginoon?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 112:4–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinayo ng Panginoon kay Pangulong Marsh at ang mga pagpapalang ipinangako Niya kung susundin nito ang payong iyon.
-
Anong payo ang ibinigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh?
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon kung susundin nito ang payong iyon?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa talata 10? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapagkumbaba, papatnubayan tayo ng Panginoon at sasagutin ang ating mga panalangin.)
-
Ano ang magagawa natin para tulungan ang ating sarili na maging mapagkumbaba?
-
Bakit makatutulong sa atin ang pagpapakumbaba para matanggap ang patnubay ng Panginoon?
-
Kailan ninyo nadama na ginabayan kayo ng Panginoon at sinagot Niya ang inyong mga panalangin nang magpakumbaba kayo ng inyong sarili?
Hikayatin ang mga estudyante na sikaping magpakumbaba para matanggap nila ang patnubay at mga sagot ng Panginoon para sa kanilang mga panalangin.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 112:11–13, at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Thomas B. Marsh na gawin para sa mga miyembro ng kanyang korum na espirituwal na nahihirapan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 112:14–34 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon sa Korum ng Labindalawang Apostol na huwag maghimagsik laban kay Propetang Joseph Smith. Sinabi rin sa kanila ng Panginoon na “[magpakumbaba]” (talata 22) at “padalisayin ang [kanilang] mga puso sa harapan [Niya]” (talata 28).
Ipaliwanag na dahil sa paghahayag na ito at sa mga pagsisikap ni Pangulong Marsh, ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsisi at naglingkod nang tapat sa Simbahan. Gayunman, may mga Apostol, pati na rin mga iba pang kilalang lider ng Simbahan, ang nagpasiyang hindi magsisi at kalaunan ay umalis sa Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 113:1–10
Sinagot ng Panginoon ang mga tanong tungkol sa ilang talata sa Isaias
Ipaliwanag na noong 1837 ang pagtatalo sa Kirtland, Ohio, ay tumindi at umabot pa sa puntong binalak ng mga tumiwalag na patayin si Propetang Joseph Smith. Noong Enero 12, 1838, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith at Sidney Rigdon na lisanin ang Kirtland kasama ang kanilang pamilya. Ginawa nga nila ito at dumating sa Far West, Missouri, kasama ang kanilang pamilya noong Marso 14, 1838. Pagdating sa Far West, itinala ng Propeta ang mga sagot ng Panginoon sa ilang tanong tungkol sa mga talata sa Isaias. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 113 na ipinaliliwanag na nakatala sa bahaging ito ang mga tanong at mga sagot tungkol sa ilang talata sa Isaias 11 at 52.
Doktrina at mga Tipan 114
Tinagubilinan ng Panginoon si David W. Patten na maghanda para sa misyon at balaan ang mga miyembro ng Simbahan na nagtatwa sa Kanya
Ipaliwanag na noong Abril 11, 1838, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag hinggil kay Apostol David W. Patten.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Si David W. Patten ay tinawag bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835. Hindi siya takot na ipaglaban ang Simbahan at si Propetang Joseph Smith. Sa pagtatanggol sa mga Banal laban sa mga mandurumog sa Missouri, si David W. Patten ay nakilala bilang si “Captain Fear Not.” (Tingnan sa Lycurgus A. Wilson, Life of David W. Patten: The First Apostolic Martyr [1900], 5, 14–15, 32, 41, 52, 62.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 114:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon kay David W. Patten.
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Elder Patten?
-
Gaano katagal naghanda si Elder Patten para sa kanyang misyon?
Ipaalam sa mga estudyante na matapos malaman ni Elder Patten ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 114, sinimulan niyang ihanda ang sarili sa pagtupad ng kanyang misyon. Gayunman, pagkaraan ng halos anim na buwan si Elder Patten ay napatay sa digmaan sa Ilog Crooked habang tinatangkang iligtas ang buhay ng tatlong Banal sa mga Huling Araw na hostage ng lokal na milisya.
-
Paano naging pagpapala kay Elder Patten ang utos na maghanda sa misyon, kahit hindi siya nakapaglingkod sa misyon na inasahan niya?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa ni Elder Patten? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang payo ng Panginoon, magiging handa tayo na gawin ang tungkuling iniaatas Niya sa atin.)
-
Kailan kayo sumunod sa payo ng Panginoon at nalaman ninyo na inihanda kayo nito sa isang bagay na hindi ninyo inaasahan?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 114:2 na ipinaliliwanag na nagbabala ang Panginoon na ang mga katungkulan ng mga taong nag-aapostasiya ay tatanggalin sa kanila at ibibigay sa iba.
Ipaliwanag na bago mamatay si Elder David W. Patten, kinausap niya ang ilan sa kanyang mga kapwa Banal, kabilang na ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na hindi naging tapat. Sabi niya, “O kung sila lamang ay nasa aking kalagayan! Sapagka’t nadama ko na iningatan ko ang pananampalataya, natapos ko ang aking takbo, magmula ngayon ay nakalaan sa akin ang putong na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matwid na Hukom.” Sa kanyang asawa, sinabi niya, “Anupaman ang gawin mo, O mangyaring huwag mong itatatwa ang pananampalataya” (sinipi ni Heber C. Kimball, sa Wilson, Life of David W. Patten, 69).
Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito, at hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.