Institute
Lesson 49: Doktrina at mga Tipan 125–28


“Lesson 49: Doktrina at mga Tipan 125–28,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 49,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 49

Doktrina at mga Tipan 125–28

Pambungad at Timeline

Pagsapit ng tag-init ng 1839, marami sa mga Banal na sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan sa Missouri ay nagtayo ng mga bagong tirahan sa lupaing binili ng Simbahan sa Commerce, Illinois, at sa Iowa Territory. Noong Marso 1841, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 125, kung saan inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa pagtitipon ng mga Banal sa Iowa Territory.

Matapos mabinyagan noong Abril 1832, nagmisyon si Brigham Young sa Upper Canada, sa hilagang-silangang Estados Unidos, at sa England. Kinailangan sa kanyang malawakang paglilingkod na magsakripisyo sila nang malaki ng kanyang pamilya. Noong Hulyo 1, 1841, bumalik si Brigham Young mula sa kanyang misyon sa England pagkatapos ng halos dalawang taon na pagkawala. Noong Hulyo 9, 1841, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag para kay Brigham Young, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 126. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon kay Brigham na hindi na niya kailangang iwanan ang kanyang pamilya para makapagmisyon “tulad noong mga araw na nakalipas” (D at T 126:1).

Noong Setyembre 1, 1842, lumiham si Propetang Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan para tagubilinan sila na itala ang mga binyag na isinagawa nila para sa kanilang mga yumaong ninuno. Ang liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 127. Nakita sa pananaliksik kamakailan na noong Setyembre 7, 1842 (sa halip na Setyembre 6, tulad ng iniulat sa section heading), sumulat ang Propeta ng isa pang liham sa mga miyembro ng Simbahan, kung saan mas itinuro niya sa kanila ang wastong pangangasiwa at pagtatala ng mga pagbibinyag para sa mga patay. Ipinaliwanag din niya ang doktrinal na kahalagahan ng ordenansang ito. Ang liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 128.

Agosto 15, 1840Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang kanyang unang diskurso sa publiko tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay sa libing ni Seymour Brunson sa Nauvoo, Illinois.

Mga unang araw ng Marso 1841Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 125.

Hulyo 1, 1841Dumating si Brigham Young sa Nauvoo matapos magmisyon sa England.

Hulyo 9, 1841Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 126.

Nobyembre 8, 1841Ang pansamantalang lugar na pinagbibinyagan ay inilaan para sa mga pagbibinyag para sa mga patay sa silong o basement ng hindi natapos na templo sa Nauvoo, Illinois.

Agosto 1842Upang maiwasan na madakip nang labag sa batas at ibalik sa Missouri, nagtago si Propetang Joseph Smith sa iba’t ibang lugar sa loob at paligid ng Nauvoo, Illinois.

Setyembre 1, 1842Sumulat si Propetang Joseph Smith ng liham sa mga miyembro ng Simbahan, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 127.

Setyembre 7, 1842Sumulat si Joseph Smith ng isa pang liham sa mga miyembro ng Simbahan, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 128.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 125:1–4

Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan sa Iowa Territory na magtipon sa mga itinalagang lugar

mapa, Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos

Ipakita ang mapa na “Ang Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos.” Ipaalala sa mga estudyante na matapos paalisin ang mga Banal mula sa Missouri noong taglamig ng 1838–1839, nakahanap sila ng kanlungan sa mga pamayanan sa tabi ng Ilog Mississippi sa Illinois at Iowa Territory.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 125:1–4 na ipinaliliwanag na kahit ipinag-utos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na magtatag ng stake sa Nauvoo, Illinois, at magtayo ng templo roon, sinabi rin Niya sa kanila na magtatag ng iba pang mga lunsod sa Illinois at patawid ng Ilog Mississippi sa Iowa Territory. Bukod pa rito, sinabi ng Panginoon sa padating na mga Banal na manirahan sa alinman sa Kanyang itinalagang lunsod na may itinatag na stake.

Doktrina at mga Tipan 126:1–3

Sinabi ng Panginoon kay Pangulong Brigham Young na hindi na niya kailangang iwan ang kanyang pamilya para magmisyon

Brigham Young

Magdispley ng larawan ni Brigham Young. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 126, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na talata:

Matapos mabinyagan si Brigham Young sa Simbahan noong Abril 1832, nagmisyon siya nang maraming beses sa sumunod na siyam na taon. Karamihan sa mga misyong ito ay tumagal nang tatlo hanggang limang buwan. Noong Abril 1838, si Brigham Young at ang iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tinawag na magmisyon sa Great Britain, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang tahanan nang mas matagal.

Nilisan ni Brigham Young ang Montrose, Iowa Territory, para magpunta sa Great Britain noong Setyembre 14, 1839. Napakahirap sa kanya na umalis ng tahanan sa panahong iyon. Noong tag-init ng 1839, isang epidemya ng malarya ang tumama sa lugar, na nagdulot ng matinding karamdaman kay Brigham, sa kanyang asawang si Mary Ann, at ilan sa kanilang mga anak. Kapapanganak pa lamang din noon ni Mary Ann sa kanilang pang-apat na anak. Bukod pa rito, dahil sapilitan silang pinaalis sa Missouri noong nakaraang taon, maraming ari-arian ang nawala sa kanila, at nang umalis si Brigham papuntang misyon, ang naiwan lamang niyang pera kay Mary Ann ay $2.72 na pangtustos sa kanilang pamilya. Nang halos dalawang taon na si Brigham Young sa England, nahirapan si Mary Ann na maghanap ng sapat na pagkain at maayos na tirahan para sa kanyang sarili at sa kanyang mga anak. Noong Hulyo 1, 1841, si Brigham Young, na hinirang bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol habang nasa misyon, ay dumating sa Nauvoo at muling nakasama ang kanyang pamilya. Walong araw kalaunan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 126. (Tingnan sa Leonard J. Arrington, Brigham Young: American Moses [1985], 74–75, 413–14; Lisa Olsen Tait at Chad M. Orton, “Take Special Care of Your Family,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 244–46, o sa history.lds.org.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 126:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano kaya nakapagpanatag kay Brigham Young at sa kanyang pamilya ang paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng paghahayag na ito kay Brigham Young tungkol sa Panginoon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Alam ng Panginoon ang ating mga kani-kanyang kalagayan at gagabayan Niya tayo ayon sa ating mga pangangailangan.)

Doktrina at mga Tipan 127:1–12

Si Propetang Joseph Smith ay nagpupuri at nagagalak sa gitna ng pag-uusig at pinayuhan ang mga Banal na mag-ingat ng mga talaan ng mga pagbibinyag nila para sa mga patay

Ipaliwanag na noong Mayo 1842, si Lilburn W. Boggs, dating gobernador ng Missouri na nag-isyu ng extermination order o utos na pagpuksa laban sa mga Banal, ay nasugatan nang may magtakang pumatay sa kanya. Pinagbintangan ng mga awtoridad ng Missouri si Joseph Smith na umupa ng taong papatay kay Boggs, at parehong pinagsikapan ng mga opisyal ng Missouri at ng Illinois na madakip ang Propeta sa Nauvoo Illinois, at ibalik sa Missouri para litisin. Batid na mapapatay siya kung babalik siya sa Missouri, pansamantalang pinagtaguan ng Propeta ang mga opisyal ng Missouri noong halos buong Agosto, Setyembre at Oktubre 1842 upang hindi siya madakip. Noong Enero 1843, napagdesisyunan na ang mga proseso ng pagdakip sa Propeta at pagpapabalik sa kanya sa Missouri ay labag sa batas. Ang Doktrina at mga Tipan 127 ay naglalaman ng liham na isinulat ni Propetang Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan habang nasa ganitong mahihirap na kalagayan.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 127:2–3 sa kanilang mga kapartner, at alamin kung paano tinugon ni Propetang Joseph Smith ang kanyang “[mga] pagdurusa” (talata 2).

  • Anong mga salita o mga parirala ang napansin mo tungkol sa paraan ng pagtugon ng Propeta sa kanyang mga pagdurusa?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 127:4–12 na ipinaliliwanag na sinabi ng Propeta sa mga Banal na pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsisikap na itayo ang Nauvoo Temple. Isinama rin niya ang mga tagubiling ibinigay sa kanya ng Panginoon hinggil sa pagbibinyag para sa mga patay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 127:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon tungkol sa mga pagbibinyag para sa mga patay. Sabihin sa ilang estudyante na ilahad ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 7, bakit mahalaga para sa mga miyembro ng Simbahan na magsagawa ng kanilang mga pagbibinyag para sa mga patay sa harapan ng isang tagapagtala?

Doktrina at mga Tipan 128:1–18

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung bakit kailangang itala ang naisagawang nakapagliligtas na mga ordenansa

Ipaliwanag na mga isang linggo matapos isulat ni Propetang Joseph Smith ang liham na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 127, sumulat siya ng isa pang liham sa mga Banal na may kasamang mga karagdagang turo tungkol sa mga pagbibinyag para sa mga patay. Ang liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 128.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 128:1–14 na ipinaliliwanag na itinuro ng Propeta na kailangang magtalaga ng mga lokal na tagapagtala na sasaksi at magtatala ng mga binyag na isinagawa para sa mga patay at dapat na isang “pangkalahatang tagapagtala” ang italagang magtipon ng mga lokal na talaan sa isang “pangkalahatang aklat ng simbahan,” o talaan (talata 4). Ipinaliwanag niya na ang mga ordenansa na naisagawa at naitala sa lupa ay magkakaroon ng bisa sa langit dahil sa nagbubuklod na “kapangyarihan na nagtatala o nagbubuklod sa lupa at nagbubuklod sa langit” (talata 9). Itinuro din ng Propeta na ang ordenansa ng binyag ay simbolo ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (mga talata 12–13).

  • Bukod sa pagbibinyag, ano pang ibang mga ordenansa ang dapat matanggap ng mga taong may pananagutan upang matamo ang buhay na walang hanggan at manirahan sa piling ng Diyos? (Kumpirmasyon [na kinabibilangan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo], ordenasyon sa Melchizedek Priesthood [para sa kalalakihan], endowment sa templo, at ang pagbubuklod ng kasal. Ipaliwanag na ang mga ito ay tinatawag na “nakapagliligtas na mga ordenansa.”)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay mahalaga “sa mga patay at sa mga buhay.”

  • Batay sa talata 15, bakit mahalaga sa atin na magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa ating mga ninuno na namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo? (Kung kinakailangan, ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap,” at tulungan silang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang ating mga ninuno na namatay nang walang kaalaman ng ebanghelyo ay hindi uunlad tungo sa kaganapan hanggang hindi sila nagagawan ng nakapagliligtas na mga ordenansa.)

  • Anong doktrina ang matututuhan natin sa pariralang “ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap” (talata 15)? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang kaligtasan ng ating mga namatay na ninuno ay kailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sa inyong palagay, bakit “kailangan at mahalaga ang kaligtasan ng ating mga ninuno sa ating kaligtasan”?

Sabihin sa mga estudyante na pag-usapan ang kanilang mga sagot sa tanong na ito sa maliliit na grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong miyembro. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante mula sa isa o higit pang mga grupo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 128:16–17 na ipinaliliwanag na sa sulat na ito sa mga Banal, nagbanggit ang Propeta ng dalawang talata mula sa Biblia tungkol sa binyag para sa mga patay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano nakatulong ang pasasagawa ng mga binyag para sa mga patay upang maisakatuparan ang propesiyang nakatala sa Malakias 4:5–6.

  • Ayon sa talata 18, paano nakatulong ang pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay upang maisakatuparan ang propesiya ni Malakias?

Doktrina at mga Tipan 128:19–25

Nagalak si Joseph Smith sa ipinanumbalik na ebanghelyo at hinimok ang mga Banal na magpatuloy sa pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay

Ipaliwanag na sa ikalawang liham na isinulat ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal hinggil sa pagpapabinyag para sa mga patay, isinalaysay niya ang ilang mahahalagang pangyayari sa Panunumbalik. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano inilarawan ng Propeta ang Panunumbalik.

  • Paano inilarawan ng Propeta ang Panunumbalik?

  • Sa anong mga paraan naging “isang tinig ng kagalakan” ang ipinanumbalik na ebanghelyo “para sa mga buhay at sa mga patay”?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 128:20–21 na ipinaliliwanag na inilahad ng Propeta ang ilan sa mga mahimalang pangyayari sa Panunumbalik, na naglalarawan na dumating ang mga anghel upang ipanumbalik ang “mga karapatan,” “mga susi,” at “kapangyarihan” ng nakaraang mga dispensasyon (talata 21).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang sinabi ng Propeta na gawin ng mga Banal, batid na ang mga karapatan, mga susi, at kapangyarihan ng priesthood ay naipanumbalik sa ating panahon.

  • Ano ang “napakadakilang adhikain” na nais ng Propeta na “[is]ulong” ng mga Banal?

  • Ayon sa talata 22, paano matutulugan ng ating paggawa ng family history at paglilingkod sa templo ang ating mga ninuno?

Ipaliwanag na sa katapusan ng liham ng Propeta sa mga Banal, binanggit niya ang Malakias 3:2–3, na kinapapalooban ng propesiya ni Malakias tungkol sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Propeta na gawin ng mga Banal.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang “handog sa kabutihan” na ating “[maihahain] sa Panginoon”?

  • Ano ang magagawa natin para makapag-ambag sa “aklat” na ito? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ginagawa natin ito ngayon sa pamamagitan ng pagpasok ng mga talaan ng ating mga ninuno sa FamilySearch website ng Simbahan at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo. Kung maaari, ipaalam sa mga estudyante ang FamilySearch.org.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa paggawa natin ng family history at mga ordenansa sa templo para sa ating mga yumaong ninuno, tumutulong tayo na makapaghain sa Panginoon sa kabutihan.

  • Ano ang ilang paraan na nakagagawa kayo ng family history at nakapaglilingkod sa templo?

  • Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pakikibahagi sa mga gawaing ito?

Ibahagi ang iyong patotoo na kapag gumagawa tayo ng family history at naglilingkod sa templo, tumutulong tayo na makapaghain sa Panginoon sa kabutihan. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na tutulong sa kanila na makagawa ng family history at maglingkod sa templo.