Institute
Lesson 55: Doktrina at mga Tipan 137–38


“Lesson 55: Doktrina at mga Tipan 137–38,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 55,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 55

Doktrina at mga Tipan 137–38

Pambungad at Timeline

Noong Enero 21, 1836, si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay nagdaos ng isang espesyal na pulong sa Kirtland Temple na halos matatapos na noon. Sa pulong na ito nakakita ang Propeta ng isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal, kung saan ipinaliwanag ng Panginoon kung paano Niya hahatulan ang mga “namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo” (D at T 137:7). Ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 137.

Noong Oktubre 3, 1918, natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138, na lalo pang nagpaliwanag sa doktrina ng kaligtasan para sa mga patay. Sa pangitaing ito, nalaman ni Pangulong Smith na sa pagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, nagministeryo Siya sa mga mabubuti sa paraiso na naghihintay ng “katubusan mula sa mga gapos ng kamatayan” (D at T 138:16). Nasaksihan din ni Pangulong Smith ang pagtatatag ng gawaing misyonero sa daigdig ng mga espiritu.

Nobyembre 19, 1823Namatay si Alvin Smith sa Palmyra, New York.

Enero 1836Malapit nang matapos ang Kirtland Temple.

Enero 21, 1836Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 137.

1918Isang epidemya ng influenza ang mabilis na kumalat at kumitil ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Noong Nobyembre, natapos ang World War I, na digmaang kumitil nang mahigit 17 milyong katao.

Oktubre 3, 1918Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 138.

Abril 3, 1976Sinang-ayunan at inaprubahan ng mga miyembro ng Simbahan na mapabilang sa mga pamantayang aklat o mga banal na kasulatan ng Simbahan ang pangitain ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal at ang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa pagtubos ng mga patay. Idinagdag ang mga ito sa Mahalagang Perlas.

Hunyo 1979Ipinabatid ng Unang Panguluhan na ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 137) at ang pangitain ni Joseph F. Smith tungkol sa pagtubos ng mga patay (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 138) ay isasama sa 1981 edition ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 137:1–10

Nakita ni Propetang Joseph Smith ang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga sitwasyon sa buhay na ito na tila hindi makatarungan.

Pangulong Henry B. Eyring

“Kakaunti lamang sa mga anak ng Diyos ang nagtatamo sa buhay na ito ng lubos na pang-unawa sa plano ng Diyos, kabilang na ang pagkakataong makinabang sa mga ordenansa at tipan ng priesthood na ginagawang lubos na epektibo ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay. Kahit yaong mga may napakababait na magulang ay maaaring mamuhay nang tapat ayon sa liwanag na taglay nila ngunit hindi kailanman [n]akarinig tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o [n]aanyayahang magpabinyag sa Kanyang pangalan. Totoo ito para sa milyun-milyon sa ating mga kapatid sa buong kasaysayan ng mundo.

“Maaaring isipin ng iba na hindi ito patas. Maaari pa nga nila itong gawing ebidensya na walang plano, walang partikular na mga kinakailangan para maligtas—nadaramang ang isang makatarungan at mapagmahal na Diyos ay hindi lilikha ng isang plano na para lamang sa kakaunti sa Kanyang mga anak. Maaaring ipalagay ng iba na naipasiya na ng Diyos kung sinu-sino sa Kanyang mga anak ang Kanyang ililigtas at ibinigay ang ebanghelyo sa kanila, samantalang yaong mga hindi nakarinig sa ebanghelyo kailanman ay talagang hindi ‘pinili’” (Henry B. Eyring, “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 20).

  • Ayon sa pahayag na ito, anong mga kalagayan sa buhay na ito ang tila hindi makatarungan?

  • Ano ang naging konklusyon ng ilang tao tungkol sa Diyos na batay lamang sa kanilang pagkaunawa sa mga kalagayan sa mundo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 137–38 na naglalarawan ng pag-ibig, katarungan, at awa na ipinakikita ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 137, ipaliwanag na noong Enero 21, 1836, kasamang nagtipon ni Propetang Joseph Smith ang kanyang ama at iba pang mga lider ng Simbahan sa isang silid sa itaas ng Kirtland Temple na malapit nang matapos noon. Sa pulong na ito, nagkaroon ng pangitain ang Propeta.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 137:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nakita ni Propetang Joseph Smith sa pangitain.

  • Paano inilarawan ng Propeta ang kahariang selestiyal?

  • Sino ang nakita niya sa kahariang selestiyal?

  • Ayon sa talata 6, bakit “namangha” si Joseph Smith nang makita niya ang kanyang kapatid na si Alvin sa kahariang selestiyal?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit espesyal ang kahulugan nito sa Propeta, ipakita ang sumusunod na talata at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Propetang Joseph Smith

Sa edad na 17, labis na nagdalamhati si Joseph Smith sa biglaang pagkamatay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Alvin, na lubos niyang minahal at hinangaan. “Hiniling ng pamilya [Smith] sa isang pastor na Presbyterian sa Palmyra, New York, na siya ang mamuno sa burol ni Alvin. Dahil hindi miyembro ng kongregasyon ng pastor si Alvin, iginiit ng pastor sa kanyang sermon na hindi maliligtas si Alvin. Nagunita ni William Smith, nakababatang kapatid ni Joseph: ‘Ipinagdiinan … [ng pastor] na napunta sa impiyerno [si Alvin], dahil hindi siya miyembro ng simbahan’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 471–3).

  • Kung kayo ang nasa katayuan ni Joseph Smith, ano kaya ang madarama ninyo sa sermon ng pastor sa burol ni Alvin? Bakit?

  • Ano kaya ang madarama ninyo na nakita ninyo si Alvin sa pangitain ng kahariang selestiyal?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 137:7–8, at alamin ang isinagot ng Panginoon sa tanong ng Propeta.

  • Batay sa itinuro ng Panginoon sa Propeta, anong doktrina ang matutukoy natin tungkol sa mga magmamana ng kahariang selestiyal? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Lahat ng taong namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo ngunit tatanggapin ito kung nabigyan ng pagkakataon ay magmamana ng kahariang selestiyal.)

  • Paano makapapanatag ang doktrinang ito sa mga taong namatayan ng mga mahal sa buhay na hindi narinig ang ebanghelyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga karagdagang katotohanang inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Sa pagsagot nila, isulat sa pisara ang mga sumusunod na katotohanan: Hahatulan tayo ng Panginoon batay sa ating mga ginagawa at sa ninanais ng ating puso. Lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay maliligtas sa kahariang selestiyal.

Doktrina at mga Tipan 138:1–11

Pinagbulayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga banal na kasulatan at nakakita ng pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu

Ipaliwanag na noong Oktubre 3, 1918, mahigit 82 taon matapos magkaroon ng pangitain si Propetang Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal, nagkaroon si Pangulong Joseph F. Smith ng pangitain na nagpapaliwanag kung paano maliligtas ang mga namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo. Ang pangitaing ito ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 138.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na talata.

“‘Ang kaluluwa ko’y nahati sa dalawa. Nabagbag ang aking puso, at nag-aagaw buhay! Mahal kong anak, aking kaligayahan, aking pag-asa! … O Diyos, tulungan ninyo ako!’

“Ito ang isinulat ni Pangulong Joseph F. Smith sa kanyang journal nang mamatay ang kanyang panganay na anak, si Hyrum Mack Smith, ang 45–taong gulang na Apostol na pumanaw noong Enero 1918 dahil sa pumutok na apendiks. Makalipas ang walong buwan, noong Setyembre 24, ang balo ni Hyrum, si Ida Bowman Smith, ay namatay dahil sa sakit sa puso isang linggo pa lang mula nang magsilang ng anak na lalake. Naulila ng mag-asawa ang limang anak. Noong panahong iyon ang Unang Digmaang Pandaigdig … ay kasalukuyan pang nasa katindihan. …

“Kamatayan at digmaan ang tiyak na nasa isipan ni Pangulong Smith noong taong iyon” (George S. Tate, “I Saw the Hosts of the Dead,” Ensign, Dis. 2009, 54; tingnan din sa Mga turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 483).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginagawa ni Pangulong Joseph F. Smith bago niya natanggap ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138.

  • Anong doktrina ang “[pinag]ninilay-nilay” ni Pangulong Smith nang siya ay “nagbubulay-bulay sa mga banal na kasulatan” (mga talata 1–2)? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, lahat ng tao ay maliligtas. Bigyang-diin na ang doktrinang ito ay pangunahing mensahe ng Doktrina at mga Tipan 138.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:5–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga turo na tumimo kay Pangulong Smith nang basahin niya ang Biblia. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 138:11 at alamin ang nangyari nang pagbulayan ni Pangulong Smith ang mga talatang ito ng banal na kasulatan.

  • Ano ang nangyari habang pinagbubulayan ni Pangulong Smith ang mga talatang ito ng banal na kasulatan?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa karanasan ni Pangulong Smith tungkol sa kung paano maghanda para makatanggap ng paghahayag? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag binasa at pinagbulayan natin ang mga banal na kasulatan, inihahanda natin ang ating sarili na makatanggap ng paghahayag.)

Doktrina at mga Tipan 138:12–24

Nakita ni Pangulong Joseph F. Smith ang mabubuti na naghihintay sa Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:12–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino ang nakita ni Pangulong Smith sa kanyang pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ibuod ang mga talata 18–24 na ipinaliliwanag na sa kanyang pangitain, nakita ni Pangulong Smith na itinuturo ng Tagapagligtas ang “walang hanggang ebanghelyo” (talata 19) sa mabubuting espiritu habang nakahimlay ang Kanyang katawan sa libingan. Napansin din niya na hindi dinalaw ng Tagapagligtas ang masasamang espiritu (talata 20).

Doktrina at mga Tipan 138:25–60

Nalaman ni Pangulong Joseph F. Smith kung paano inorganisa ng Tagapagligtas ang pangangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at scripture reference:

Ano ang itinanong ni Pangulong Smith tungkol sa ministeryo ng Panginoon sa daigdig ng mga espiritu (D at T 138:25–28)?

Ano ang ginawa ni Jesucristo habang Siya ay nasa daigdig ng mga espiritu (D at T 138:29–32)?

Ano ang itinuro ng awtorisadong mga sugo ng Panginoon sa daigdig ng mga espiritu (D at T 138:33–35)?

Hatiin sa tatlong grupo ang klase, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga tanong na nasa pisara. Sabihin sa mga miyembro ng bawat grupo na alamin ang sagot sa naka-assign na tanong sa kanila sa pamamagitan ng pag-aaral ng kalakip na scripture reference. Pagkatapos ng sapat na oras, tawagin ang isa o higit pang estudyante mula sa bawat grupo para ibahagi ang nalaman nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 138:38–52 na ipinaliliwanag na naglista si Pangulong Smith ng mga pangalan ng maraming “mga dakila at makapangyarihan” na espiritu na nakita niyang “nangagtipon sa malawak na kongregasyon na ito ng mabubuti” na naghihintay sa pagpapakita ng Tagapagligtas matapos ang Kanyang Pagkakapako sa Krus (talata 38). Kabilang sa mga ito si “Inang Eva, kasama ang marami sa kanyang matatapat na anak na babae” (talata 39). Bukod dito, nakita ni Pangulong Smith ang maraming propeta sa Lumang Tipan, pati na rin ang mga propeta sa Aklat ni Mormon.

Ipaliwanag na nakita rin ni Pangulong Smith sa daigdig ng mga espiritu ang “mga piling espiritu na inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon” (talata 53). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:53–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano nakatulong ang mga indibiduwal na ito noong nabubuhay pa sila sa mundo sa kaligtasan ng mga yaong nasa bilangguan ng mga espiritu.

  • Paano tinulungan ng mga lider ng Simbahan sa mga huling araw ang mga espiritung iyon na nasa bilangguan?

  • Kailan nagsimulang maghanda ang mga lider na ito para sa kanilang gawain sa lupa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:57. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang nalaman ni Pangulong Smith tungkol sa “matatapat na elder ng dispensasyong ito.”

  • Ano ang patuloy na gagawin ng matatapat na elder hanggang sa kabilang buhay?

Ipaliwanag na bagama’t partikular na binanggit sa talata 57 ang mga elder, itinuro rin ni Pangulong Joseph F. Smith na ang matatapat na kababaihan na mga Banal sa mga Huling Araw na namatay “ay ganap na bibigyan ng awtoridad na mangaral ng ebanghelyo at maglingkod sa kababaihan” sa daigdig ng mga espiritu (Gospel Doctrine, ika–5 edisyon [1939], 461).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:58–60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano matutubos ang mga espiritung iyon na “nasa kadiliman at nasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan” (talata 57).

  • Anong doktrina ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat gawin ng masasama para matubos? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang mga espiritung nagsisi, sinunod ang mga ordenansa sa templo, at nalinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ay matutubos at matatanggap ang kanilang gantimpala.)

  • Paano inilalarawan ng pangangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu at ng pagtubos sa mga patay ang awa ng Ama sa Langit at ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak?

Ipaalala sa mga estudyante na maaari tayong makatulong sa pagtubos ng mga nasa bilangguan ng mga espiritu sa pamamagitan ng pagtukoy ng kanilang mga pangalan sa family history at sa pamamagitan ng indexing at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo.

  • Paano kayo napagpala sa paggawa ng family history at paglilingkod sa templo?

Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, na naipakita sa Kanyang plano ng kaligtasan. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang gagawin nila para matulungan ang mga nasa bilangguan ng mga espiritu—lalo na ang sarili nilang mga ninuno—na matanggap ang mga nakapagliligtas na mga ordenansa upang sila ay matubos.