“Lesson 53: Doktrina at mga Tipan 133,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 53,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 53
Doktrina at mga Tipan 133
Pambungad at Timeline
Noong Nobyembre 3, 1831, matapos ang dalawang araw na pagpupulong tungkol sa paglalathala ng Book of Commandments o Aklat ng mga Kautusan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 133. Ang paghahayag na ito ay dumating bilang sagot sa tanong ng ilang elder “kaugnay ng pangangaral ng Ebanghelyo sa mga naninirahan sa mundo, at hinggil sa pagtitipon [ng Israel]” (D at T 133, section heading). Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na manawagan sa mga tao ng mundo na magtipon sa Sion at maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Inihayag din Niya ang ilan sa mga magaganap sa Kanyang Ikalawang Pagparito at paghahari sa Milenyo.
-
Nobyembre 1–2, 1831Sa isang kumperensya ng Simbahan na ginanap sa Hiram, Ohio, nagpasiya si Joseph Smith at isang grupo ng mga elder na ilathala ang mga paghahayag na natanggap hanggang sa oras na iyon sa isang aklat na tatawaging Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments].
-
Nobyembre 1, 1831Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1, na tinukoy ng Panginoon na “paunang salita” sa Aklat ng mga Kautusan.
-
Nobyembre 2, 1831Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 67, kung saan pinatotohanan ng Panginoon ang katotohanan ng Aklat ng mga Kautusan.
-
Nobyembre 3, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 133.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 133:1–16
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na maghanda para sa Ikalawang Pagparito
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na pinaghandaan nilang mabuti ang isang mahalagang kaganapan (tulad ng job interview o pagsusulit sa paaralan). Sabihin sa kanila na isipin din ang isang pagkakataon na hindi nila sapat na napaghandaan ang isang mahalagang kaganapan.
-
Ano ang nadama ninyo noong napaghandaan ninyong mabuti ang mahalagang kaganapan?
-
Ano ang nadama ninyo noong hindi kayo nakapaghanda?
-
Ano ang ilang kaganapan sa hinaharap na kinakailangan nating paghandaan bilang mga miyembro ng Simbahan? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Kung hindi nila binanggit ito, isulat sa pisara ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
Sabihin sa mga estudyante na humanap ng doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ngayon ang Doktrina at mga Tipan 133 na makatutulong sa kanila na malaman kung paano nila maihahanda ang kanilang sarili at ang iba sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at kung bakit dapat nilang paghandaan ang kaganapang ito.
Ipaliwanag na sa dalawang araw na pagpupulong na ginanap noong Nobyembre 1–2, 1831, sa Hiram, Ohio, tinalakay ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap ng Propeta sa isang aklat na pamamagatang Book of Commandments o Aklat ng mga Kautusan. Sa pulong na ito, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1. Tinawag ng Panginoon ang paghahayag na ito na Kanyang “paunang salita” sa Aklat ng mga Kautusan (tingnan sa D at T 1:6). Noong Nobyembre 3, 1831, matapos ang pagpupulong ng Simbahan, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 133, na tinukoy kalaunan bilang “apendiks” sa Aklat ng mga Kautusan. Ang paghahayag na ito, na naglalaman ng mga turo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ay sagot sa mga tanong ng mga elder hinggil sa gawaing misyonero at sa pagtitipon ng Israel (tingnan sa D at T 133, section heading).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang inihayag ng Panginoon tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Ayon sa talata 2, ano ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa “lahat ng bansa na nakalimot sa Diyos” at sa “lahat ng makasalanan sa [mga Banal]”?
-
Ayon sa talata 3, ano ang gagawin ng Panginoon sa oras ng Kanyang Ikalawang Pagparito?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin na ang Panginoon “ay huhubdan ang kaniyang banal na bisig sa paningin ng lahat ng bansa”? (Ito ay maaaring tumukoy sa kapangyarihan at kaluwalhatian na ipakikita sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Maaari din itong tumukoy sa gawain ng Panginoon sa huling araw na pagtitipon sa Israel bilang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito [tingnan sa 1 Nephi 22:11–12].)
-
Ayon sa mga turo ng Panginoon sa talata 4, anong alituntunin ang matutukoy natin tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pagpapabanal sa ating sarili at pagtitipong kasama ng mga Banal ay tutulong na ihanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
-
Ano ang ibig sabihin ng pabanalin ang ating sarili? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pabanalin ay ihiwalay sa makamundong bagay, gawing banal, o ilaan.)
-
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:5–7 nang magkakapartner, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal na gawin upang sila ay mapabanal. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “lumabas kayo sa Babilonia” (talata 5)? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, madalas gawing simbolo ng kamunduhan at kasamaan ang Babilonia.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 133:8–15 na ipinaliliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na ipadala ang mga elder sa lahat ng bansa, upang manawagan sa mga naninirahan doon na magtipon sa Sion, ihanda ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, at iwanan ang “espirituwal na Babilonia” at “huwag [nang lumingon muli]” (mga talata 14–15).
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:16, na inaalam ang mensahe ng Panginoon sa lahat ng tao. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.
-
Ano ang kaugnayan ng utos ng Panginoon na magsisi sa paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring kailanganin nilang pagsisihan upang “[makalabas] sa Babilonia” (D at T 133:7), pabanalin ang kanilang sarili, at maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Hikayatin sila na sundin ang anumang mga pahiwatig na natatanggap nila.
Doktrina at mga Tipan 133:17–35
Inilarawan ng Tagapagligtas ang ilang magaganap sa Kanyang Ikalawang Pagparito at paghahari sa milenyo
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 133:17–35 na ipinaliliwanag na inilarawan ng Panginoon ang ilan sa mga pangyayaring may kaugnayan sa Kanyang Ikalawang Pagparito at paghahari sa milenyo, kabilang na ang Kanyang pagpapakita sa Bundok ng mga Olibo sa Jerusalem, mga pagbabago sa mundo, at ang pagtitipon ng mga nawawalang lipi ni Israel.
Doktrina at mga Tipan 133:36–56
Inihayag ng Panginoon na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay ipangangaral sa buong mundo at inilarawan ang Kanyang Ikalawang Pagparito
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ng Panginoon upang “maipaalam” ang mga magaganap sa Kanyang Ikalawang Pagparito sa “mga naninirahan sa mundo.”
-
Ano ang ginawa ng Panginoon para maipaalam sa mga naninirahan sa mundo ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang “aking anghel” sa talatang ito ay maaaring tumukoy sa anghel na si Moroni gayundin sa iba pang mga anghel na tumulong na pasimulan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 133:37–43 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay ipangangaral sa lahat ng bansa at ang Kanyang mga tagapaglingkod ay magsasabi sa mga tao sa mundo na “matakot sa Diyos … at sambahin siya” (mga talata 38–39). Bilang sagot sa mga panalangin ng Kanyang mga tagapaglingkod, ang Panginoon ay darating muli bilang “pantunaw na apoy na nagliliyab” (talata 41) upang linisin ang daigdig mula sa kasamaan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:44–45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang mangyayari sa mabubuti kapag dumating ang Panginoon.
-
Ayon sa talata 44, sino ang sasalubungin ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa pangako ng Panginoon sa talata 45? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Naghanda ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala para sa mga maghihintay sa Kanya.)
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maghintay sa Panginoon? (Manatiling tapat at umasa, at magtiwala sa Kanyang mga pangako.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang dalawang sumunod na tanong. Hatiin ang klase sa maliliit na grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong miyembro, at sabihin sa mga estudyante na basahin ang pahayag sa kanilang mga grupo at talakayin ang mga tanong na kasunod ng pahayag. (Maaari mong ipamahagi ang pahayag at mga tanong bilang handout.)
“Dapat nating bantayan ang mga palatandaan [ng Ikalawang Pagparito ng Panginoon] at basahin ang kahulugan ng panahon, dapat tayong mamuhay nang buong katapatan hangga’t maaari, at dapat nating ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao upang ang mga pagpapala at proteksyon ay mapasaating lahat. Ngunit hindi tayo dapat tumigil sa pagkilos dahil lamang sa paparating na ang pangyayaring iyon at ang mga kaganapang kaakibat nito. Hindi tayo dapat tumigil sa pamumuhay. Sa katunayan, dapat nating lalo pang pagbutihin ang ating pamumuhay kaysa noon. Dahil sa kabila ng lahat, ito ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. …
“Inaasahan sa inyo ng Diyos na magkakaroon kayo ng sapat na pananampalataya at sapat na tiwala sa Kanya upang patuloy na kumilos, mamuhay, at magalak. Sa katunayan, inaasahan Niya sa inyo na hindi lamang ninyo haharapin ang hinaharap (na tila kahila-hilakbot at walang malasakit); inaasahan Niya na tatanggapin at huhubugin ninyo ang hinaharap—mamahalin ito at magagalak sa inyong mga oportunidad.
“Ang Diyos ay sabik na naghihintay ng pagkakataong sagutin ang inyong mga panalangin at tuparin ang inyong mga pangarap, noon pa man. Ngunit hindi Niya magagawa ito kung hindi kayo mananalangin at mangangarap. Sa madaling salita, hindi Niya ito magagawa kung hindi kayo maniniwala” (Jeffrey R. Holland, “Terror, Triumph, and a Wedding Feast” [Brigham Young University fireside, Set. 12, 2004], 2–3, speeches.byu.edu).
-
Ano ang itinuro ni Elder Holland na makatutulong sa inyo na maghintay para sa Panginoon nang may pananampalataya at pag-asa?
-
Paano natin “tatanggapin at huhubugin ang hinaharap”?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 133:46–51. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang kasuotan ng Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Ano ang kakaiba sa kaanyuan ng Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito?
-
Ano ang sinasagisag ng kulay na pula sa “kasuotan” (mga talata 46, 48), o damit ng Panginoon? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na sinasagisag nito ang dugo ng masasama, na lilipulin sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon [tingnan sa mga talata 50–51]. Maaaring isinasagisag din nito “ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, nang ang Kanyang nagbabayad-salang dugo ay piniga mula sa Kanyang katawan tulad ng katas ng ubas na piniga mula sa pisaan ng ubas” [New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 563].)
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang dadanasin ng masasama sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 133:52–53, at alamin ang mararanasan ng mabubuti sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
-
Ano ang pagkakaiba ng mararanasan ng mabubuti at mararanasan ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon?
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa awa ng Panginoon?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 133:54–56 na ipinaliliwanag na ang mabubuti na namatay bago nabuhay na mag-uli ang Tagapagligtas ay makakasama Niya sa Kanyang muling pagparito. Bukod pa rito, ang mabubuti na namatay matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay mabubuhay muli sa Kanyang Ikalawang Pagparito at ibabalik sa Kanyang kinaroroonan.
Doktrina at mga Tipan 133:57–74
Ang ebanghelyo ay ipangangaral upang ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:57–62 nang magkakapartner. Sabihin sa kanila na alamin ang mga dahilan kung bakit “ipinadala ng Panginoon ang kabuuan ng kanyang ebanghelyo” (talata 57). Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang pariralang “hihimayin … ang mga bansa” sa talata 59 ay tumutukoy sa paghihiwalay ng mabubuti mula sa masasama.
Patingnan sa mga estudyante ang alituntuning ito na natukoy sa simula ng lesson: Ang pagpapabanal sa ating sarili at pagtitipong kasama ng mga Banal ay tutulong na ihanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Ayon sa talata 62, anong karagdagang alituntunin ang matutukoy natin hinggil sa mangyayari kung pababanalin natin ang ating sarili? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang mga nagsisisi at pinababanal ang kanilang sarili ay bibigyan ng buhay na walang hanggan.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “bibigyan ng buhay na walang hanggan”? (“Ang manirahan magpakailanman bilang mga mag-anak sa kinaroroonan ng Diyos” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Buhay na Walang Hanggan,” scriptures.lds.org].)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 133:63–74 na ipinaliliwanag na inilarawan ng Panginoon kung ano ang mangyayari sa mga taong hindi tumanggap sa Kanya at sa Kanyang mga tagapaglingkod at tumanggi na magsisi at maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Kasama sa mga magiging resulta nito ang “[maihiwalay] mula sa mga tao [ng Panginoon]” (talata 63) at ang “[maipaubaya] sa kadiliman” (talata 72).
Patotohanan ang doktrina at mga alituntuning natukoy sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang gagawin nila upang mas maihanda nila ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.