Institute
Lesson 21: Doktrina at mga Tipan 57–58


Lesson 21

Doktrina at mga Tipan 57–58

Pambungad at Timeline

Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na magtipon sa isang kumperensya ng Simbahan sa Missouri (tingnan sa D at T 52:2–5), naglakbay sina Propetang Joseph Smith at ang iba pa nang mahigit-kumulang 900 milya mula Ohio patungong Missouri. Noong Hulyo 20, 1831, ilang araw matapos dumating sa Jackson County, Missouri, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 57. Sa paghahayag na ito sinabi ng Panginoon na ang Independence, Missouri, ang dapat maging tampok na lugar ng lunsod ng Sion at ng templo nito, at tinagubilinan Niya ang ilang tao tungkol sa kanilang gagampanan sa pagtatayo ng Sion.

Noong Agosto 1, 1831, wala pang dalawang linggo matapos matanggap ni Joseph ang paghahayag na nagtatalaga sa Independence bilang tampok na lugar ng Sion, ilang mga miyembro ng Simbahan ang kumausap sa Propeta na nagnanais na malaman kung ano ang kalooban ng Panginoon sa kanilang magiging bahagi sa pagtatayo ng Sion. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58. Sa paghahayag na ito tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga alituntuning pagbabatayan sa pagtatatag ng lunsod ng Sion, kabilang na ang pagsunod sa mga kautusan, katapatan sa gitna ng kapighatian, paggamit ng kalayaan upang magsagawa ng kabutihan, at pagsisisi at kapatawaran.

Hulyo 14, 1831Dumating si Joseph Smith at ang mga kasama niyang naglakbay sa Jackson County, Missouri.

Hulyo 20, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 57.

Mga huling araw ng Hulyo 1831Dumating ang mga Banal na taga Colesville at ilang elder sa Jackson County.

Agosto 1, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 58.

Agosto 2–3, 1831Inilaan ang lupain sa Jackson County, Missouri, para sa pagtatatag ng Sion, at isang lugar para sa templo ang inilaan sa Independence, Missouri.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 57:1–16

Inihayag ng Panginoon ang lugar ng Sion at tinagubilinan ang mga tao tungkol sa kanilang gagampanan sa pagtatayo nito

Isulat sa pisara ang mga salitang Mga Inaasahan at Aktwal na Kinalabasan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nalungkot sila dahil iba sa kanilang inaasahan o ninanais ang kinalabasan ng isang pangyayari. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 57–58 na makatutulong sa kanila na mas maunawaan kung paano manatiling tapat sa Panginoon kapag hindi nangyari ang inaasahan o inaasam nila.

Ipaalala sa mga estudyante na nauna nang ipinahayag ng Panginoon na itatatag Niya ang lunsod ng Sion “sa mga hangganan ng mga Lamanita” (D at T 28:9). Alam ng mga Banal na ang lugar na ito ay ang kanlurang gilid ng Missouri, kaya nang iutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith at sa ilang elder na magdaos ng isang kumperensya ng Simbahan sa Missouri (tingnan sa D at T 52:2), gustung-gusto nilang malaman ang eksaktong lokasyon ng Sion. Inaasam ng mga Banal na itatag ang Sion dahil alam nila na sa pagiging bahagi ng Sion matatanggap nila ang pagtubos, proteksyon, at kapayapaan mula sa Panginoon (tingnan sa Isaias 51:11; 52:7–8; 3 Nephi 21:22–29; D at T 45:66–75; Moises 7:61–64). Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, nilisan ni Joseph Smith at ng ilang elder ang Kirtland, Ohio, noong Hunyo 1831 at naglakbay nang humigit-kumulang 900 milya patungo sa Missouri, at dumating isang buwan kalaunan noong Hulyo 14, 1831 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 5–6).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 57. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga itinanong ng Propeta sa Panginoon nang dumating siya sa Jackson County, Missouri.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 57:1–3. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano sinagot ng Panginoon ang mga tanong ng Propeta.

  • Saan itatayo ang lunsod ng Sion?

  • Ayon sa talata 3, saan itatayo ang templo kung ibabatay sa lunsod ng Sion?

  • Sa inyong palagay, ano ang mahalaga tungkol sa sinabi ng Panginoon na itatayo ang templo sa sentro ng lunsod ng Sion?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 57:4–16 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na bumili ng lupa o ari-arian sa loob at palibot ng Independence, Missouri. Tinagubilinan din ng Panginoon ang ilang tao na gamitin ang kanilang lakas para makatulong sa pagtatayo ng Sion.

Doktrina at mga Tipan 58:1–13

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na maging matapat sa kabila ng kapighatian

Sabihin sa mga estudyante na ang mga missionary at miyembro ng Colesville Branch na inutusang pumunta sa Missouri ay dumating ilang araw pagkaraan ng pagdating ng Propeta at ng kanyang mga kasama sa paglalakbay. Ilan sa mga bagong dating ang umasang papaunlad na komunidad ng mga bagong miyembro ang kanilang daratnan, ngunit bigo sila sa kanilang inasahan dahil kakaunti lamang ang mga miyembrong naroon. Ikinalungkot din ng ilan na halos hindi pa nalilinang ang lupain sa Jackson County. Bukod pa riyan, hindi nagkasundo sina Propetang Joseph Smith at Bishop Edward Partridge tungkol sa bibilhing lupain para sa mga Banal. Sa mga ganitong kalagayan natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 12–13.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 58:1–5, at alamin ang nais ng Panginoon na maunawaan agad ng mga elder pagdating nila sa Missouri.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa sinabi ng Panginoon sa mga elder sa talata 2? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang ating walang hanggang gantimpala ay mas magiging dakila kung mananatili tayong matapat sa kabila ng kapighatian.)

  • Paano nakatulong ang alituntuning ito sa mga Banal nang ang mga kalagayan sa kanilang bagong tirahan ay taliwas sa inaasahan nila?

Itanong sa klase kung may sinuman sa kanila ang maikling makapaglalarawan ng ilan sa mga pang-uusig at pagsubok na naranasan ng mga Banal sa mga sumunod na taon sa Missouri. (Kung kinakailangan, maikling ipaalam sa mga estudyante na dumanas ang mga Banal ng panliligalig at karahasan mula sa kanilang mga kapitbahay sa Missouri, at pinatay pa ang ilang miyembro ng Simbahan. Dahil sa pang-uusig napilitang umalis ang mga Banal sa Jackson County noong Nobyembre at Disyembre ng 1833, at tuluyan nang pinalayas sa Missouri noong taglamig ng 1838–39 nang magpalabas ang gobernador ng estado ng isang extermination order laban sa kanila.)

  • Paano kaya mapapalakas ang mga Banal ng alituntunin sa pisara at ng mga pangako ng Panginoon sa mga talata 2–4 sa mga paghihirap na dadanasin nila sa Missouri?

  • Ayon sa talata 3, ano ang madalas na hindi natin nakikita o nauunawaan kapag dumaranas tayo ng kapighatian?

  • Paano nakatutulong sa atin ang mga turo sa talatang ito kapag nakararanas tayo ng kabiguan at kapighatian?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:6–13 na ipinapaliwanag na inihayag ng Panginoon ang ilan sa mga dahilan kaya ipinadala Niya ang mga Banal sa Sion, at isa rito ay upang mailatag ng mga elder ang pundasyon ng Sion at masimulan nang ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ayon sa mga sa talatang ito, tinukoy ng Panginoon ang isang talinghaga sa Bagong Tipan (tingnan sa Mateo 22:1–14; Lucas 14:12–24) na nagtuturo na lahat ng tao sa lahat ng bansa ay aanyayahang tumanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 58:14–33

Inisa-isa ng Panginoon ang mga tungkulin ng bishop, iniutos sa mga Banal na sundin ang mga batas ng lupain, at pinayuhan silang gamitin ang kanilang kalayaan na gumawa ng mabuti

Ipaalala sa mga estudyante na si Bishop Edward Partridge, na tinawag na mamalagi sa Missouri para pamahalaan ang mga ari-arian ng Simbahan at bumili ng lupain sa loob at palibot ng Independence, at ang Propeta ay di-nagkasundo sa mga bibilhing lote. Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58:15, nagbabala ang Panginoon kay Bishop Patridge na kung hindi siya magsisisi sa kanyang “hindi paniniwala at kabulagan ng puso,” siya ay babagsak. Pinakinggan ni Bishop Partridge ang babala at pangaral ng Panginoon nang mapagkumbaba (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 12–13). Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:16–20 na ipinapaliwanag na iniisa-isa rin ng Panginoon ang ilan sa mga tungkulin at responsibilidad ni Edward Partridge bilang bishop sa Missouri. Pagkatapos ay ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:21–23 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na sundin ang mga batas ng lupain at ang mga batas ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:24–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na gawin ni Bishop Partridge at ng kanyang mga tagapayo.

  • Ayon sa talata 25, ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ni Bishop Partridge at ng kanyang mga tagapayo?

  • Paano nakatulong sa kanila ang paghingi ng payo sa isa’t isa at sa Panginoon para mapamahalaan ang mga gawain sa Simbahan sa Missouri at magtayo ng Sion?

  • Batay sa itinuro ng Panginoon sa mga lalaking ito sa mga talata 26–28, anong doktrina at mga alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa inaasahan ng Panginoon na gawin natin? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang mga sumusunod na katotohanan: Kung hihintayin nating sabihin sa atin ng Panginoon ang lahat ng dapat nating gawin, wala tayong matatanggap na gantimpala. May kakayahan tayong kumilos para sa ating sarili. Kung gagamitin natin ang ating kalayaan para makagawa ng kabutihan, tayo ay gagantimpalaan. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Bakit mahalagang maunawaan ng mga taong tinawag na itayo ang Sion ang mga alituntuning ito?

  • Bakit mahalagang maunawaan natin ang mga katotohanang ito sa ating panahon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:29–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga taong hindi ginagamit ang kanilang kalayaan sa paggawa ng mabuti o pinag-aalinlanganan ang Kanyang mga kautusan.

  • Ano ang mangyayari sa mga taong hindi ginagamit ang kanilang kalayaan sa paggawa ng mabuti o pinag-aalinlanganan ang mga kautusan ng Panginoon?

  • Ayon sa mga talata 32–33, ano ang reaksyon ng ilang tao kapag hindi nila natatanggap ang mga pagpapalang sa palagay nila ay dapat lang nilang matanggap, gayong tamad naman sila o suwail?

  • Anong babala ang ibinibigay ng Panginoon sa gayong mga tao?

Magpatotoo na bagama’t inihayag ng Panginoon ang lokasyon ng lunsod ng Sion, iniutos pa rin Niya sa mga Banal na gamitin ang kanilang kalayaan na gumawa ng mabuti at tumulong na maitatag ang Sion. Totoo rin ito sa atin sa panahong ito. Kahit binibigyan tayo ng Panginoon ng paghahayag para maging gabay, inaasahan Niyang gagamitin natin ang ating kalayaan na gumawa ng mabuti at “isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27) upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para makagawa ng maraming kabutihan. Hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.

Doktrina at mga Tipan 58:34–65

Ang Panginoon ay nagbigay ng mga karagdagang tagubilin patungkol sa Sion, nagturo ng mga alituntunin ng pagsisisi at kapatawaran, at iniuutos sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 58:34–37, nagbigay ang Panginoon ng mga karagdagang tagubilin hinggil sa lupain ng Sion. Iniutos Niya kay Martin Harris na ilaan ang pera nito sa Panginoon, upang tularan ng mga Banal na nakatira sa Sion ang halimbawang ito at ipamuhay ang batas ng paglalaan, at bumili ng lupain para sa kamalig (storehouse) at palimbagan.

Sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 58:38–43, 60. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinayo ng Panginoon kina Martin Harris, William W. Phelps, at Ziba Peterson habang naghahanda sila sa pagtira sa Sion.

  • Paano naging hadlang ang mga kasalanan ng mga lalaking ito sa pagtulong nila sa pagtatayo ng Sion?

  • Paano nalilimitahan ng ating mga kasalanan ang kakayahan nating paglingkuran ang Panginoon?

  • Anong katotohanan ang itinuro ng Panginoon sa mga lalaking ito tungkol sa pagsisisi sa talata 42? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kung magsisisi tayo ng ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Panginoon at hindi na maaalaala pa ang ating mga kasalanan.)

  • Paano makapagdadala ng pag-asa sa atin ang katotohanang ito?

  • Anong katotohanan ang itinuro ng Panginoon sa mga lalaking ito tungkol sa pagsisisi sa talata 43? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Para makapagsisi, dapat nating ipagtapat at talikuran ang ating mga kasalanan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng ipagtapat at talikuran ang kasalanan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

“Ang pagtalikod sa mga kasalanan ay nagpapahiwatig na huwag na itong balikan pa. Nangangailangan ng panahon ang pagtalikod. Para matulungan tayo, paminsan-minsan ay itinitira ng Panginoon ang ilang pagkakamali natin sa ating alaala. Mahalagang bahagi ito ng ating pagkatuto sa buhay na ito.

“Kapag taos nating ipinagtapat ang ating mga kasalanan, ibinalik ang kaya nating ibalik sa taong nasaktan, at tinalikuran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, nasa proseso tayo ng pagtanggap ng kapatawaran. Sa paglipas ng panahon, madarama nating nababawasan ang hapis ng ating kalumbayan, napapawi ‘ang pagkakasala sa ating mga puso’ [Alma 24:10] at nagkakaroon tayo ng ‘katahimikan ng budhi’ [Mosias 4:3]” (Neil L. Andersen, “Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 42).

Magpatoto na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapapatawad tayo nang lubos sa ating mga kasalanan. Hikayatin ang mga estudyante na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatapat at pagtalikod sa mga ito.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:44–65 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder na maiiwan sa Missouri na bumili ng lupain at maghanda para sa pagtitipon ng mga Banal sa Sion, na kinapapalooban ng pangangaral ng ebanghelyo sa buong mundo.