Institute
Lesson 17: Doktrina at mga Tipan 43–45


Lesson 17

Doktrina at mga Tipan 43–45

Pambungad at Timeline

Nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong Pebrero 1831, nadatnan niya na ilan sa mga miyembro ang nalinlang ng maling paniniwala sa relihiyon at huwad na paghahayag. May mga nagsasabi na nakatanggap sila ng paghahayag, kabilang na ang isang babae na nagngangalang Mrs. Hubble, na tinawag ang kanyang sarili na babaeng propeta. Dahil nilinlang niya ang ilan sa mga Banal, ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith ang bagay na ito at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 43. Sa bahaging ito, ibinigay ng Panginoon ang mga katotohanan na nagpapaalala sa mga Banal ng huwaran ng Diyos sa pagbibigay ng paghahayag sa Simbahan.

Bago iyon tumawag ang Panginoon ng mga elder ng Simbahan na magpapahayag ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 42:4–8). Di-nagtagal matapos ibigay ang utos na iyan, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 44, na nag-uutos sa mga elder na maghanda para sa isang kumperensya o pagpupulong. Ipinangako ng Panginoon sa kanila na kung mananampalataya sila sa Kanya, matatanggap nila ang Kanyang Espiritu at madadaig ang kanilang mga kaaway.

Sa paglago ng Simbahan sa Kirtland, nadagdagan ang pagkapoot sa Simbahan. Binatikos ng mga kritiko ang Simbahan sa mga pahayagan at gumawa ng iba pang bagay para kalabanin ang mga Banal. Noong Marso 1831, sa panahong ito ng pagsalungat, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45. Sa paghahayag na ito, inilarawan ng Panginoon ang mga huling araw, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at ang Bagong Jerusalem, o ang lunsod ng Sion.

Nobyembre 1830–Pebrero 1831Sinabi ng ilan sa mga bagong miyembro sa Kirtland, Ohio, na nakatanggap sila ng mga liham o kasulatan mula sa langit.

Mga unang buwan ng 1831Ang mga maling ulat tungkol sa mga Banal at kanilang mga paniniwala ay lumabas sa mga pahayagan sa Ohio gaya ng Painesville Telegraph.

Pebrero 1831Sinabi ni Mrs. Hubble, isang bagong miyembro sa Ohio, na siya ay babaeng propeta ng Panginoon.

Pebrero 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 43.

Pebrero 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 44.

Marso 7, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 45.

Mga unang araw ng Hunyo 1831Isang kumperensya ng Simbahan ang idinaos sa Kirtland, Ohio.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 43–44

Ipinahayag ng Panginoon kung sino ang maaaring tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan at iniutos sa Kanyang mga tagapaglingkod na magkakasamang magtipon

Basahin sa klase ang sumusunod na sitwasyon:

Narinig ninyo ang tungkol sa isang tao na naniniwala na si Joseph Smith ay isang propeta at totoo ang Aklat ni Mormon pero sinasabi rin niya na hindi tumatanggap ng paghahayag ang kasalukuyang propeta. Sinasabi rin ng taong ito na nakatatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan.

  • Ano ang magiging reaksyon ninyo sa mga sinasabi ng taong ito?

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 43 na makatutulong sa kanila na malaman kung ano ang itutugon sa mga sinasabi ng taong ito.

Ipaliwanag na nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong Pebrero 1831, nalaman niya na maraming miyembro ang nalinlang ng mga huwad na pagpapakita at paghahayag. Nang buwang ding iyon na dumating ang Propeta sa Kirtland, isang babae na nangngangalang Mrs. Hubble ang dumating sa Kirtland, na sinasabing isa siyang babaeng propeta. Sinabi niyang naniniwala siya sa Aklat ni Mormon at nakatatanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan. Dahil nalinlang ni Mrs. Hubble at iba pang mga huwad na paghahayag ang ilan sa mga Banal, ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith ang bagay na ito at natanggap ang paghahayag mula sa Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 43.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 43:1–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sagot ng Panginoon sa tanong ng Propeta. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong doktrina ang itinuturo ng mga talata 2–4 tungkol sa paraan ng Panginoon ng paghahayag ng katotohanan para sa buong Simbahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang propeta lamang ang tanging makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.)

Ipaalala sa mga estudyante na mga limang buwan bago iyon, itinuro ng Panginoon ang doktrinang ito sa mga Banal sa New York nang sinabi ni Hiram Page na nakatatanggap siya ng mga paghahayag para sa Simbahan (tingnan sa D at T 28:2). Gayunman, marami sa mga Banal sa Kirtland ang hindi pa nakakaaalam sa doktrinang ito dahil iilang Banal lamang mula sa New York ang dumating sa Kirtland sa panahong ito, at ang mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith tungkol sa paksang ito ay hindi pa nailathala. Bukod pa rito, karamihan sa mga Banal sa Kirtland ay mga bagong miyembro na mula sa iba’t ibang relihiyon at may magkakaibang ideya kung sino ang maaaring tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan.

  • Bakit mahalaga para sa mga Banal sa Kirtland na maunawaan ang doktrina na tanging ang propeta lamang ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan?

  • Bakit mahalagang maunawaan natin ang doktrinang ito ngayon?

  • Ayon sa talata 7, anong huwaran ang ibinigay ng Panginoon para tulungan tayong hindi malinlang ng mga taong walang awtoridad na magturo sa Simbahan?

Ipaliwanag na matapos iyon iniutos ng Panginoon sa mga Banal kung paano sila matututo mula sa mga paghahayag na itinuro sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal kapag magkakasamang silang nagtitipon?

  • Ano ang ibig sabihin ng patibayin ang isa’t isa? (Ang ibig sabihin ng patibayin ay espirituwal na palakasin o patatagin.)

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na matututuhan natin kapag nagtipun-tipon tayo para turuan at patibayin ang isa’t isa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinuruan at pinatibay natin ang isa’t isa sa mga miting natin sa Simbahan, malalaman natin kung paano sumunod sa mga kautusan ng Diyos.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:9 at alamin ang dapat nating gawin matapos nating malaman kung paano kumilos.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal matapos nilang malaman ang Kanyang batas at mga kautusan at kung paano ipamuhay ang mga ito?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ipangako ang inyong sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan ng Panginoon? (Ang mangako o makipagtipang ipamuhay ang natutuhan natin.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila napagpala nang malaman at sundin nila ang mga kautusan ng Panginoon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Hikayatin ang mga estudyante na mas pagsikapan pang turuan at patibayin ang isa’t isa sa mga miting nila sa Simbahan, at anyayahan silang mangakong ipamumuhay ang natutuhan nila bunga nito.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 43:11–35 at bahagi 44 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalaman ng mga utos ng Panginoon na tulungan ang mga Banal na matutuhan ang ebanghelyo, magsisi, at ihanda ang kanilang sarili at iba pa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 45:1–14

Binigyang-diin ni Jesucristo ang Kanyang mga tungkulin bilang Tagapaglikha, Tagapamagitan, at ang Ilaw at ang Buhay ng Sanlibutan

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay gusto nilang marinig ang opinyon ng iba tungkol sa isang bagay na mahalaga.

  • Anong mga katangian ng isang tao ang nakakahikayat sa inyo na gustuhin o pakinggan ang kanyang opinyon?

Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45 ay dumating sa panahong ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nakaririnig at nakakabasa ng magkakasalungat na mensahe tungkol sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 45. Sabihin sa klase na alamin ang mga kalagayang dinaranas ng mga Banal.

Ipahanap sa mga estudyante ang unang salita sa paghahayag na ito.

  • Ano ang ibig sabihin ng makinig? (Makinig mabuti at sumunod.)

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 45:1–14, paulit-ulit na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na makinig sa Kanya at ipinaalala sa kanila ang Kanyang kapangyarihan, awa, at karunungan. Sa pagbibigay-diin sa Kanyang mga katangian, natulungan ng Panginoon ang mga Banal na maunawaan kung bakit dapat silang makinig sa Kanya. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 45:1–5, at alamin ang mga katangiang ito.

  • Anong mga katangian ng Panginoon sa mga talatang ito ang tila pinakamahalaga sa inyo? Bakit?

  • Paano nailalarawan ng mga katangiang ito ang dahilan kung bakit dapat tayong magtiwala at makinig sa Panginoon?

  • Anong doktrina ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang Sarili sa mga talata 3–5? (Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama sa Langit.)

Ipaliwanag na ang isang tagapamagitan ay “isang taong nagsusumamo para sa kapakanan ng iba” (Bible Dictionary, “Advocate”).

  • Bakit kailangan natin ng tagapamagitan sa Ama sa Langit? (Kung kailangan, ipaliwanag na lahat tayo ay may kasalanan. Ayon sa katarungan ng Diyos, walang maruming bagay ang makatatahan sa Kanyang kinaroroonan. Samakatwid, kailangan natin ng tagapamagitan upang magsumamo sa harapan ng Ama para sa ating kapakanan at matulungan tayong makipagkasundo sa Kanya.)

  • Ayon sa mga talata 4–5, bakit naging karapat-dapat si Jesucristo na magsumamo para sa mga naniniwala sa Kanya? (Kung kailangan, ipaliwanag na maisasamo ng Tagapagligtas na maligtas tayo sa mga ibubunga ng ating mga kasalanan sa kawalang-hanggan, hindi dahil sa wala tayong kasalanan, kundi dahil Siya ay nagdusa para bayaran ang kaparusahang dulot ng ating mga kasalanan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:6–14 at alamin ang mga karagdagang dahilan kung bakit dapat makinig ang mga Banal sa Tagapagligtas. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 45:15–59

Inihayag ng Tagapagligtas ang mga palatandaan at kababalaghan na magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:15. Sabihin sa klase na hanapin ang iba pang dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit dapat makinig sa Kanya ang mga Banal.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 45:16–59, inulit ng Panginoon ang ilan sa mga itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo sa Bundok ng mga Olivo nang tanungin nila Siya tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem at sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Mateo 24:3–46; tingnan din sa Joseph Smith—Mateo 1:4–55). Sa mga talata 16–24 ipinropesiya ng Panginoon ang kaagad na mangyayari matapos ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, pati na ang pagkawasak ng Jerusalem at ang pagkalat ng mga Judio sa lahat ng bansa. Sa mga talata 25–46, ipinropesiya ng Panginoon ang mga pangyayaring magaganap sa dispensasyon bago sumapit ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala at kalakip na mga scripture reference: Mga palatandaan na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito: D at T 45:25–27; D at T 45:28–31, 33; D at T 45:40–43. Sabihin sa mga estudyante na magbasa ng kahit isa sa mga scripture reference na nakalista sa pisara, at alamin ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:34, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang reaksyon ng mga disipulo sa itinuro sa kanila ng Panginoon tungkol sa mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Sa anong mga paraan kayo nakakaugnay sa reaksyon ng mga disipulo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:35–38. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang sinabi ng Panginoon para panatagin ang Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Anong kapanatagan ang ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:32, 39, at alamin ang maaaring gawin ng mga tagasunod ni Jesucristo para makapaghanda sa Kanyang pagparito.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para maging handa sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay tatayo sa mga banal na lugar at magbabantay sa mga palatandaan, magiging handa tayo sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.)

  • Paano tayo “tatayo sa mga banal na lugar?

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala at kalakip na mga scripture reference: Ang mga palatandaan at kababalaghan na magiging kalakip ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas: D at T 45:47–59. Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 45:47–59, inihayag ng Panginoon ang mga palatandaan at kababalaghan na kalakip ng Kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 45:47–55. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mangyayari sa muling pagparito ng Tagapagligtas. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

  • Sa inyong palagay, bakit magdadalamhati ang mga bansa ng mundo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa D at T 45:49–50)?

  • Sino sa palagay ninyo ang tinutukoy ng pariralang “sila na nagsihalakhak” (D at T 45:49)?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:56–59. Sabihin sa klase na alamin ang talinghaga na sinabi ng Tagapagligtas na matutupad kapag Siya ay pumaritong muli.

  • Anong talinghaga ang sinabi ng Panginoon na matutupad kapag pumarito Siya sa kaluwalhatian?

Ipabuod sa isang estudyante ang talinghaga ng sampung dalaga (tingnan sa Mateo 25:1–13). Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang talinghagang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating ito” (Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8).

  • Ayon sa talata 57, ano ang dapat nating gawin upang maging katulad ng matatalinong dalaga at maging handa sa pagparito ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kung tatanggapin natin ang katotohanan at gagawing patnubay ang Banal na Espiritu, magiging handa tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.)

  • Sa papaanong mga paraan tayo nakatatanggap ng katotohanan?

  • Ano ang ibig sabihin ng gawin nating patnubay ang Banal na Espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang ginawa nila para mapasakanila ang Espiritu Santo at masunod ang Kanyang patnubay.

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga alituntunin na nakasulat sa pisara para makapagtakda ng mithiin na tutulong sa kanila na maging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

  • Ayon sa mga talata 58–59, ano ang mangyayari sa mga naghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng katotohanan at pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu?

Doktrina at mga Tipan 45:60–75

Inilarawan ng Panginoon ang Sion, o ang Bagong Jerusalem

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 45:60–75 na ipinapaliwanag na inatasan ng Panginoon si Joseph Smith na simulan ang pagsasalin ng Bagong Tipan, sinabihan ang mga Banal na magtipon sa mga bansa sa kanluran, at inilarawan ang Sion, o ang Bagong Jerusalem.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:66–71. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang Sion.

  • Batay sa paglalarawan ng Panginoon sa Sion, bakit gugustuhin ninyong maging bahagi ng lunsod na ito?

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi kung anong mga katotohanan sa lesson na ito ang pinakamakabuluhan sa kanila at bakit. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.

Print