Institute
Lesson 47: Doktrina at mga Tipan 121:11–46


“Lesson 47: Doktrina at mga Tipan 121:11–46,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 47,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 47

Doktrina at mga Tipan 121:11–46

Pambungad at Timeline

Noong Oktubre, 31, 1838, dinakip ng milisya ng estado ng Missouri si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa Far West, Missouri. Kalaunan ang kalalakihang ito ay ikinulong sa Liberty Jail sa Clay County, Missouri, at dumanas ng matinding hirap sa apat na buwan na pagkabilanggo. Habang nasa Liberty Jail, sumulat ang Propeta sa mga miyembro ng Simbahan noong Marso 20, 1839, at sumulat pang muli pagkaraan ng mga dalawang araw, kung saan inilarawan niya ang kahatulang daranasin ng masasama gayon din ang mga ipinangakong pagpapala sa lahat ng “magiting na nagtiis” (D at T 121:29). Itinuro din ni Propetang Joseph Smith ang mga alituntunin tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng priesthood. Ang ilang bahagi ng mga liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121:11–46.

Agosto–Oktubre 1838Ang mga hindi pagkakaunawaan at tensyon sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan at iba pang taga Missouri ay nauwi sa marahas na labanan.

Oktubre 27, 1838Si Gobernador Lilburn W. Boggs ay nagbigay ng awtorisasyon na lipulin o paalisin ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw mula sa estado ng Missouri.

Oktubre 30, 1838Sinalakay ng mga vigilante na anti-Mormon ang mga miyembro ng Simbahan sa pamayanan ng Hawn’s Mill, na nasa 12 milya pasilangan ng Far West, Missouri, na ikinamatay ng 17 kalalakihan at mga batang lalaki at ikinasugat ng 13 iba pa.

Oktubre 31, 1838Si Propetang Joseph Smith at iba pa ay dinakip at ikinulong ng milisya ng estado ng Missouri sa Far West, Missouri.

Disyembre 1, 1838Si Propetang Joseph Smith at kanyang mga kasama ay ikinulong sa Liberty Jail sa Clay County, Missouri.

Marso 20–22, 1839Sumulat ng mga liham si Propetang Joseph Smith mula sa Liberty Jail, at ilang bahagi ng mga nilalaman nito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121–23.

Abril 6, 1839Si Propetang Joseph Smith at kanyang mga kasama ay kinuha mula sa Liberty Jail at dinala sa Gallatin, Missouri, para dumalo sa pagdinig sa korte. Noong Abril 16, 1839, pinayagan silang tumakas, at nakasama nila ang mga Banal sa Illinois.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 121:11–25

Inilarawan ng Tagapagligtas ang paghuhukom na darating sa mga taong sumasalungat sa Kanyang gawain

Sabihin sa mga estudyante na umisip ng isang miyembro ng Simbahan na kilala nila na nakararanas ng mahihirap na pagsubok ngunit pinili pa ring manatiling tapat.

  • Sa inyong palagay, bakit pinili ng taong ito na manatiling tapat kahit sa panahon ng pagdurusa at paghihirap?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 121 na makatutulong sa kanila na manatiling tapat sa panahon ng kapighatian.

Ipaalala sa mga estudyante na tiniis ni Propetang Joseph Smith at ilang iba pang mga lider ng Simbahan ang matinding pagdurusa habang nakakulong sa Liberty Jail mula Disyembre 1, 1838, hanggang Abril 6, 1839. Noong panahong iyon, ang mga miyembro ng Simbahan sa Missouri ay nagdanas din ng matinding paghihirap. Pagkatapos iutos ni Gobernador Lilburn W. Boggs ang pagpapaalis ng lahat ng Mormon mula sa estado ng Missouri noong Oktubre 1838, napilitang iwan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang tahanan at naglakbay patawid ng Ilog Mississippi sa gitna ng matinding taglamig. Marami sa mga Banal ang napunta sa maliliit na komunidad sa Illinois, kung saan sila nahirapang maghanap ng sapat na pagkain at tirahan. Noong Marso 1839, habang nakakulong pa rin, sumulat ang Propeta ng dalawang liham sa mga miyembro ng Simbahan na nakalakip ang kanyang mga panalangin tungkol sa kanilang mga paghihirap at ang mga sagot na natanggap niya sa mga panalanging iyon, pati na ang payo niya sa “mga nagdurusang Banal” (D at T 121:6). Ang mga bahagi ng liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121:11–46.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga itinanong ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon.

  • Paano ninyo ibubuod ang itinanong ng Propeta sa Panginoon?

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121:7–25, nagbigay ang Panginoon ng kapanatagan at katiyakan bilang sagot sa mga tanong ng Propeta. Inilarawan din ng Tagapagligtas ang mangyayari sa mga taong umapi sa mga Banal. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:16–20, 23–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga umapi sa mga Banal.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga umapi sa mga Banal?

Doktrina at mga Tipan 121:26–33

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na maghahayag ang Panginoon ng mga walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu

Ipaliwanag na ilang bahagi lamang ng mga liham ni Propetang Joseph Smith noong Marso 1839 ang isinama sa Doktrina at mga Tipan 121–23. Sa isang bahagi ng kanyang isinulat noong Marso 20, 1839, na hindi nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121–23 ngunit kaagad na sinundan ng pangakong nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121:26, pinayuhan ng Propeta ang mga Banal na manatiling tapat sa gitna ng kapighatian at patuloy na manalangin nang taimtim (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 6: February 1838–August 1839, inedit ni Mark Ashurst-McGee at iba pa [2017], 369; ang pagbabaybay, pagbabantas, at pagpapalaki ng mga titik ay iniayon sa pamantayan). Sa pagsunod sa payo na ito, ang mga Banal ay magiging karapat-dapat sa ipinangakong pagpapala na nakatala sa talata 26.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:26–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako sa matatapat na miyembro ng Simbahan.

  • Ayon sa talata 26, ano ang ipinangako sa matatapat na miyembro ng Simbahan?

  • Batay sa ipinangako sa mga Banal, anong doktrina ang matutukoy natin tungkol sa kung paano maghahayag ang Panginoon ng katotohanan sa atin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang Panginoon ay naghahayag ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

  • Ayon sa mga talata 27–32, ano ang ihahayag sa “lahat ng magiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo” (talata 29)? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Lahat ng katotohanan ay ipahahayag sa mga magiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo.)

  • Paano makatutulong ang kaalaman sa alituntuning ito para manatiling tapat ang mga Banal kahit nagdaranas sila ng matinding paghihirap?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 121:33, at alamin ang analohiyang ginamit upang bigyang-diin na walang makapipigil sa Panginoon mula sa “pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa … mga Banal.”

  • Anong analohiya ang ginamit para bigyang-diin na walang sinumang makapipigil sa Panginoon sa “pagbubuhos ng kaalaman … sa mga Banal”?

Magpatotoo na ihahayag ng Panginoon ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at na kung magiting tayong magtitiis, ihahayag ng Panginoon ang lahat ng bagay sa atin.

Doktrina at mga Tipan 121:34–46

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga karapatan ng priesthood ay may kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Kamakailan, nasa isang miting kami ni Wendy kung saan nakapuwesto at handa na ang organista na tugtugin ang pambungad na himno. Nakatutok ang kanyang mga mata sa piyesa, at ang kanyang mga daliri ay nasa mga tiklado. Sinimulan niyang tipahin ang mga tiklado, ngunit walang lumabas na tunog. Ibinulong ko kay Wendy, ‘Walang dumaloy na kuryente.’ Inisip ko na may pumigil sa pagdaloy ng kuryente sa organong iyon.

“Mga kapatid, sa gayon ding paraan, nangangamba ako na napakaraming lalaking nabigyan ng awtoridad ng priesthood ngunit walang kapangyarihan ng priesthood” (Russell M. Nelson, “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 67).

  • Paano ninyo mailalarawan ang pagkakaiba ng awtoridad ng priesthood at kapangyarihan ng priesthood?

  • Ano ang maaaring maging sanhi ng “[pagkawala ng] kapangyarihan ng priesthood” ng mga maytaglay nito?

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46, itinuro ni Propetang Joseph Smith sa mga maytaglay ng priesthood kung paano maging marapat sa kapangyarihan ng priesthood. Dahil lahat ng miyembro ng Simbahan, lalaki at babae, ay tumatanggap ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood kapag matwid silang naglilingkod sa kaharian, ang mga talatang ito ay naglalaman ng mga alituntuning angkop sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Propeta tungkol sa kapangyarihan ng priesthood.

Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram na wala pang label. Sabihin sa mga estudyante na idrowing ang diagram na ito sa isang papel at lagyan ito ng label batay sa natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 121:34–36. Matapos ang sapat na oras, anyayahan ang isa o mahigit pang mga estudyante na gamitin ang isinulat nila sa kanilang papel para malagyan ng label ang diagram na nasa pisara at ipaliwanag kung bakit ganoon ang label na inilagay nila. (Maaring makaisip ang mga estudyante ng ilang paraan para ilarawan ang mga ideyang matatagpuan sa mga talatang ito.)

Larawan
walang label na diagram, mga kapangyarihan ng langit

Kung kinakailangan, maaari kang magdagdag sa diagram na nasa pisara para maipakita ang impormasyon na inilarawan sa sumusunod na nakumpletong diagram.

Larawan
nakumpletong diagram, mga kapangyarihan ng langit
  • Sa inyong palagay, ano ang kahulugan ng pariralang “marami ang tinawag, subalit iilan ang napili” sa talata 34?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na sa ganitong konteksto ang pagiging “tinawag” ay tumutukoy lalo na sa pagtanggap ng awtoridad ng priesthood at na upang “[m]apili,” ang isang maytaglay ng priesthood ay dapat maging karapat-dapat sa “mga kapangyarihan ng langit” [talata 36] upang matulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapala ng priesthood. Gayunman, ang pagiging “tinawag” at “napili” ay tumutukoy rin lalo na sa lahat ng miyembro ng Simbahan na “tinatawag sa gawain” (D at T 4:3)—hindi lamang para sa mga maytaglay ng priesthood. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 121:34–35 na nasa manwal ng estudyante.)

  • Anong mga pagpapasiya ang maaaring maging hadlang para “[m]apili” ang isang tao?

  • Bakit hindi karapat-dapat na mapili ang mga tao na ang “mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito” at “naghahangad ng mga parangal ng tao” (talata 35)?

  • Anong doktrina ang matutukoy natin sa talata 36? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang mga sumusunod na pahayag ng doktrina sa itaas ng drowing sa pisara: Ang mga karapatan ng priesthood ay may hindi mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit. Ang mga kapangyarihan ng langit ay mapamamahalaan lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.)

Ipaliwanag na ang pariralang “ang mga karapatan ng pagkasaserdote [priesthood]” (talata 36) ay tumutukoy sa mga pribilehiyo, mga kaloob, at mga pagpapala na dumarating sa pamamagitan ng mga susi at ordenansa ng priesthood, na maaaring makamit ng lahat ng karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan, lalaki at babae.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano sila magiging karapat-dapat na tumanggap ng “mga kapangyarihan ng langit” (talata 36), idrowing ang sumusunod na chart sa pisara, o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout.

Mga paraan kung bakit napagkakaitan tayo ng mga karapatan ng priesthood at ng mga kapangyarihan ng langit (D at T 121:37–40).

Mga paraan na nagiging karapat-dapat tayo sa mga karapatan ng priesthood at ng mga kapangyarihan ng langit (D at T 121:41–45).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 121:37–40, at alamin ang mga katangian at kilos na maaaring maging sanhi ng pagkawala sa atin ng mga kapangyarihan ng langit. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang mga sagot nila sa kaliwang column ng chart. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang kahulugan ng bawat pariralang inilista mo. (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang “pagtakpan ang ating mga kasalanan” [talata 37] ay pag-iwas na magsisi sa pamamagitan ng paninisi sa iba, binibigyang-katwiran ang ating sarili sa hindi pagganap sa mga responsibilidad, at pagkakaila na may ginawa tayong mali. Ang “bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain” [talata 37] ay ang paghahangad ng mataas na pagkilala ng mundo at pag-uuna ng ating kagustuhan sa halip na pag-uuna ng kalooban at hangarin ng Panginoon. “[Ang paggamit] ng lakas o kapangyarihan o pamimilit … sa alinmang antas ng kasamaan” [talata 37] ay paghahangad na makontrol o manipulahin ang iba sa pamamagitan ng pagpuna, pananakot, o pamumuwersa.)

Ipakita ang natitirang bahagi ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson, na ipinakita kanina, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na alamin ang mga karagdagang pagpili na naglilimita sa mga kapangyarihan ng langit.

“Nangangamba ako na napakaraming lalaking nabigyan ng awtoridad ng priesthood ngunit walang kapangyarihan ng priesthood dahil ang pagdaloy ng kapangyarihan ay nabarahan ng mga kasalanang tulad ng katamaran, pagsisinungaling, kapalaluan, imoralidad, o kaabalahan sa mga makamundong bagay.

“Nangangamba ako na napakaraming maytaglay ng priesthood na kakaunti o walang nagawa para mapaunlad ang kanilang kakayahang magamit ang mga kapangyarihan ng langit. Nag-aalala ako sa lahat ng taong marumi ang isipan, damdamin, o gawain o minamaliit ang kanilang asawa o mga anak, kaya nawawalan siya ng kapangyarihan ng priesthood” (Russell M. Nelson, “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 67).

  • Batay sa pahayag ni Pangulong Nelson, ano ang maidaragdag natin sa listahan sa pisara?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:41–45 nang magkasama, at alamin ang mga alituntunin ng kabutihan na magpapamarapat sa atin para sa mga karapatan ng priesthood at mga kapangyarihan ng langit. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang mga sagot nila sa kanang column ng chart. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang kahulugan ng bawat pariralang inilista mo. (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “hindi pakunwaring pag-ibig” [talata 41] ay magmahal sa mga tao nang tapat at tunay. Ang ibig sabihin ng pariralang “pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo” [talata 43] ay itama ang isang tao nang mabilis, agad-agad at malinaw kapag nabigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo na gawin ito.)

Sabihin sa mga estudyante na umisip ng isang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas kung saan ipinakita Niya ang isa o mahigit pa sa mga alituntuning ito ng kabutihan. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang halimbawang naisip nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:45–46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon sa mga taong nagpapamuhay ng mga alituntunin ng kabutihan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Alin sa mga pagpapalang ito ang magiging mahalaga sa inyo ngayon sa inyong buhay? Bakit?

  • Paano nauugnay ang mga pagpapalang ito sa pagtatamo ng kadakilaan?

Magpatotoo na kapag hinangad nating mamuhay ayon sa mga alituntunin ng kabutihan, matatamasa natin ang mga karapatan ng priesthood at maaanyayahan ang mga kapangyarihan ng langit sa ating buhay at sa buhay ng iba. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano kalubos ang kanilang pagiging karapat-dapat sa mga kapangyarihan ng langit. Hikayatin silang pumili ng isang item mula sa kaliwang bahagi ng chart na sisikapin nilang huwag nang gawin at isang item sa kanang bahagi ng chart na pagsisikapan nilang pagbutihin.

Print