Lesson 13
Doktrina at mga Tipan 30–34
Pambungad at Timeline
Pagkatapos ng ikalawang kumperensya ng Simbahan na ginanap noong Setyembre 1830, sa Fayette, New York, agad na nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng mga paghahayag para kina David Whitmer, Peter Whitmer Jr., at John Whitmer. Ang mga paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 30. Noong panahon ding iyon, tinawag din ng Panginoon si Thomas B. Marsh para mangaral ng ebanghelyo at tumulong sa pagtatatag ng Simbahan. Kasama rin sa pagtawag na ito na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 31, ang mga pangako at payo na gagabay sa kanya bilang missionary at sa kanyang personal na buhay.
Noong Oktubre 1830, natanggap ng propeta ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 32, kung saan tinawag ng Panginoon sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson na sumama kina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. sa isang misyon sa mga Lamanita sa kanlurang Missouri. Sa isa pang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33, tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet para ipangaral ang ebanghelyo.
Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 34 ay ibinigay noong Nobyembre 1830. Dito ay pinuri ng Panginoon si Orson Pratt dahil sa kanyang pananampalataya at iniutos sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Tag-init 1830Binasa ni Parley P. Pratt ang Aklat ni Mormon at nabinyagan.
-
Setyembre 1830Lumipat si Thomas B. Marsh at ang kanyang pamilya sa Palmyra, New York mula sa Boston, Massachusetts, at siya ay nabinyagan.
-
Setyembre 19, 1830Biniyagan si Orson Pratt ng kanyang nakatatandang kapatid na si Parley.
-
Setyembre 26–28, 1830Idinaos ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York.
-
Mga Huling Araw ng Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 30–31.
-
Oktubre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 32–33.
-
Oktubre 1830Si Oliver Cowdery at ang kanyang mga kasama ay umalis para magmisyon sa mga Lamanita.
-
Nobyembre 4, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 34.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 30
Itinuro ng Panginoon kina David, Peter Jr., at John Whitmer ang tungkol sa kanilang paglilingkod bilang missionary
Sabihin sa mga estudyante na umisip ng isang isyu na ang popular na opinyon tungkol dito ay salungat sa mga turo ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung sinikap ba nila o ng isang taong kilala nila, na alamin o gawin ang tama hinggil sa isyung ito.
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 30 ngayon, hikayatin sila na maghanap ng mga alituntunin na maaaring gumabay sa kanila sa mga sitwasyong ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung para kanino ito ibinigay ng Panginoon at kailan ito ibinigay.
Ipaliwanag na bagama’t isa si David Whitmer sa Tatlong Saksi at naging tapat sa maraming paraan, siya ay nalinlang ng huwad na pahayag ng kanyang bayaw na si Hiram Page na nakatatanggap ito ng pagpapahayag sa pamamagitan ng isang bato at sa maikling panahon ay sinuportahan niya si Hiram sa bagay na ito. Ang usapin tungkol sa mga huwad na paghahayag ni Hiram Page ay nasagot na ng Panginoon (tingnan sa D at T 28) at tinalakay sa katatapos na kumperenya noon. Si Hiram Page at ang mga sumuporta sa kanya, kabilang si David Whitmer, ay mapagkumbabang kinilala ang kanilang mga pagkakamali at iwinaksi ang nasabing bato at ang mga huwad na paghahayag.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon kay David Whitmer pagkatapos ng kumperensya.
-
Ayon sa mga talata 1–2, bakit pinagsabihan ng Panginoon si David Whitmer?
Sabihin sa mga estudyante na muling basahin nang tahimik ang talata 3, at alamin ang ibinunga ng ginawa ni David dahil sa kanyang pagkakamali.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “iniwan” si David “upang magtanong para sa [kanyang] sarili”?
-
Paano ninyo ibubuod ang pagwiwika ng Panginoon kay David Whitmer sa mga talata 1–3 bilang isang alituntunin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung pinahahalagahan natin ang opinyon ng iba at ang mga bagay ng mundo nang higit sa patnubay ng Espiritu at ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, tayo ay maiiwan upang magtanong para sa ating sarili. Gamit ang mga salitang isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga paraan na maaaring umasa tayo sa mga taong hindi pinili ng Diyos sa halip na pakinggan ang mga tagapaglingkod ng Panginoon at ang patnubay ng Espiritu? (Maaaring kasama sa halimbawa ang pagtitiwala sa opinyon ng nakararami, hindi mapagkakatiwalaang impormasyon sa internet, mga pananaw ng pamilya at kaibigan, o sa ating sariling kaalaman at katalinuhan.)
-
Paano tayo nito mabilis na malilinlang, gaya ng ginawa nito kay David Whitmer?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng kapatid ni David na si Peter Whitmer Jr. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 8, ano ang ipinangako ng Panginoon kay Peter Whiter Jr. kung hindi siya matatakot, tatalima sa payo ni Oliver Cowdery, at masigasig na susundin ang mga kautusan?
-
Batay sa mga talatang ito, ano ang ibibigay na pagpapala sa atin ng Panginoon kung tatalima tayo sa Kanyang mga salita sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod at masigasig na susundin ang mga kautusan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag tumalima tayo sa mga salita ng Panginoon na ibinigay sa Kanyang mga tagapaglingkod at masigasig na sinunod ang Kanyang mga kautusan, tayo ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan.)
-
Paano nauugnay ang alituntuning ito sa katotohanang natukoy natin sa mga talata 1–3?
-
Sa inyong palagay, sa paanong paraan nakatutulong sa atin ang pagtalima sa mga salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapagligkod para matamo natin ang buhay na walang hanggan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano sila tumatalima sa mga salita ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para mas makatalima sila sa kanilang mga salita.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon kay John Whitmer. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Doktrina at mga Tipan 31–32
Tinawag ng Panginoon sina Thomas B. Marsh, Parley P. Pratt, at Ziba Peterson upang ipangaral ang ebanghelyo
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na gumawa sila o ang isang taong kilala nila ng mga sakripisyo para mapaglingkuran ang Panginoon, marahil bilang missionary o iba pang tungkulin sa Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan na maaaring maging pagpapala ang paglilingkod na ito sa kanilang pamilya. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 31, sabihin sa kanila na maghanap ng isang alituntunin na tutulong sa kanila na maunawaan kung paano mapagpapala ang mga miyembro ng ating pamilya kapag naglingkod tayo sa Panginoon.
Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 31 ay ibinigay sa isang bagong binyag na nagngangalang Thomas B. Marsh pagkatapos ng kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Setyembre 1830. Nalaman ni Thomas B. Marsh ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo at sa Aklat ni Mormon noong 1829 nang maglakbay siya sa Palmyra, New York. Matapos maorganisa ang Simbahan, inlipat niya ang kanyang asawa at maliliit na anak sa Palmyra, mula sa Boston, Massachusetts, kung saan siya bininyagan at inordenan bilang elder ni Oliver Cowdery noong Setyembre 1830.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 31:1–6, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa bagong miyembrong ito.
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Thomas B. Marsh?
-
Bakit ang pagkakaroon ng maliliit na anak sa pamilya ay maaaring maging dahilan para mahirapan ang isang tao gaya ni Thomas na sundin ang tawag ng Panginoon na magmisyon?
-
Ayon sa talata 2, anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon kay Thomas hinggil sa kanyang pamilya?
-
Batay sa ipinangako ng Panginoon kay Thomas B. Marsh, ano ang maaasahan natin na gagawin ng Panginoon para sa ating pamilya kapag tapat tayong naglingkod sa Kanya? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng ilang alituntunin, ngunit tiyakin na matukoy nila na kapag tapat tayong naglilingkod sa Panginoon, mapagpapala ang mga miyembro ng ating pamilya.)
Ipaalala sa mga estudyante na pinagpapala ng Panginoon sa magkakaibang paraan ang mga pamilya ng Kanyang mga tagapaglingkod. Sa ilang pagkakataon, ang paglilingkod at halimbawa ng isang tapat na Banal sa mga Huling Araw ay makatutulong sa mga miyembro ng pamilya na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo, gaya ng ipinangakong pagpapala para sa pamilya ni Thomas B. Marsh. Gayunman, dahil iginagalang ng Panginoon ang kalayaan ng Kanyang mga anak, hindi Niya pipilitin ang sinuman na maniwala sa Kanyang ebanghelyo. Gayunpaman, pagkakalooban Niya ang mga miyembro ng pamilya ng mga yaong naglilingkod sa Kanya ng lahat ng pagkakataon para mabuksan ang puso nila sa ebanghelyo.
-
Paano kayo napagpala at ang inyong pamilya dahil tapat na naglingkod sa Panginoon ang isang miyembro ng inyong pamilya?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 31:7–13 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito, ipinangako ng Panginoon na sasamahan Niya si Brother Marsh kapag nangaral ito ng ebanghelyo. Pinayuhan din siya ng Panginoon na maging mapagtiis sa mga pagdurusa, na humayo kung saanman siya isugo ng Mang-aaliw, at laging manalangin.
Ipaalam sa mga estudyante na isang buwan matapos matanggap ang paghahayag na ito, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 32. Sa paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson na sumama kina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. sa misyon sa mga Lamanita sa kanlurang Missouri. Nangako rin ang Panginoon na sasamahan Niya ang kalalakihang ito sa kanilang gawain bilang missionary.
Doktrina at mga Tipan 33–34
Tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre, Northrop Sweet, at Orson Pratt upang ipahayag ang ebanghelyo
Ipaliwanag na noong Oktubre 1830, natanggap din ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33, kung saan tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet upang ipahayag ang ebanghelyo. Sa paghahayag na ito, itinuro ng Panginoon sa mga lalaking ito kung bakit sila tinawag na mangaral ng ebanghelyo at kung paano nila ito gagawin.
Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 33:1–6, at alamin ang mga dahilan kung bakit nais ng Panginoon na ibahagi nina Ezra Thayre at Northrop Sweet ang ebanghelyo. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 33:7–12, at alamin kung paano ituturo nina Ezra Thayre at Northrop Sweet ang ebanghelyo.
-
Bakit iniutos kina Ezra Thayre at Northrop Sweet na ipangaral ang ebanghelyo?
-
Ano ang mga itinagubilin ng Panginoon sa mga lalaking ito tungkol sa paraan kung paano ipangangaral ang ebanghelyo?
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang inulit na payo at pangako ng Panginoon kina Ezra at Northrop na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33:8–10 bilang isang alituntunin. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang alituntunin katulad ng sumusunod: Kapag ibinuka o binukas natin ang ating bibig sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman ang sasabihin natin.)
-
Bakit mahalaga sa atin na maniwala sa pangakong ito kapag ninais nating ibahagi sa iba ang ebanghelyo?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na tinulungan sila ng Panginoon na malaman ang sasabihin nila nang ibuka nila ang kanilang bibig upang magbahagi ng ebanghelyo. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan.
-
Paano napagpala ang inyong buhay dahil sa isang tao na nagkalakas ng loob na ibuka ang kanyang bibig at ibahagi sa inyo ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 33:12–18 na ipinapaliwanag na sinabihan ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet na dapat nilang tandaan na tuparin ang kanilang mga tipan at ang mga banal na kasulatan ay ibinigay sa kanila para sa kanilang ikatututo. Pinayuhan din sila ng Panginoon na maging tapat at maging handa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 34, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino ang napagpapala kapag ibinuka ng isang tao ang kanyang bibig para magbahagi ng ebanghelyo.
Ipaliwanag na dahil sa maralitang kalagayan ng pamilya ni Orson Pratt, pinagtrabaho siya ng kanyang mga magulang sa edad na 11 sa sakahan ng ibang mga magsasaka para may matirhan. Sa loob ng halos siyam na taon, nagtrabaho si Orson bilang upahang manggagawa sa iba’t ibang magsasaka. Noong taglagas ng 1829, nagsimulang manalangin nang taimtim si Orson na patnubayan siya ng Diyos. Kapag tulog na ang iba, pupunta siya sa sakahan o kakahuyan at mananalangin nang maraming oras para malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanya. Nagpatuloy siya sa kanyang mga panalangin hanggang noong Setyembre 1830, nang ang kanyang kapatid na si Parley, na kabibinyag pa lamang, ay naglakbay patungo sa silangan upang ibahagi ang kanyang bagong relihiyon sa kanyang pamilya. Kaagad na naniwala si Orson sa mensahe ng Panunumbalik at nabinyagan. Sa loob ng ilang linggo, naglakbay siya nang 200 milya patungo sa Fayette, New York, sa pagnanais na malaman ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 34:1–4, at alamin kung paano tinawag ng Panginoon si Orson Pratt.
-
Sa inyong palagay, bakit tinawag ng Panginoon si Orson Pratt sa gayong magiliw na paraan?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 34:5–11 na ipinapaliwanag na tinawag ng Panginoon si Orson Pratt na ipangaral ang ebanghelyo upang maihanda ang daan para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.