“Lesson 51: Doktrina at mga Tipan 131; 132:1–33,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 51,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 51
Doktrina at mga Tipan 131; 132:1–33
Pambungad at Timeline
Noong Mayo 16–17, 1843, si Propetang Joseph Smith ay namalagi kina Benjamin at Melissa Johnson sa Ramus, Illinois. Habang naroon, itinuro ng Propeta sa mga Johnson ang batas ng Panginoon tungkol sa kasal at ibinuklod sila para sa kawalang-hanggan. Kinaumagahan ipinangaral ng Propeta ang mensahe mula sa II Ni Pedro 1 sa Ramus at ipinaliwanag ang ibig sabihin ng pariralang “lalong panatag na salita ng [propesiya]” (II Ni Pedro 1:19). Kalaunan nang araw na iyon, matapos magbigay ng sermon ang isang ministrong Protestante sa mga Banal sa Ramus, itinuro ng Propeta na “lahat ng espiritu ay bagay” (D at T 131:7). Ang ilang bahagi ng mga turo ni Propetang Joseph Smith sa mga kaganapang ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131.
Noong Hulyo 12, 1843, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132, kung saan itinuro ng Panginoon ang tungkol sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” (D at T 131:2). Ang katibayan sa kasaysayan ay nagpapahiwatig na natanggap ng Propeta ang ilan sa mga alituntuning matatagpuan sa paghahayag na ito noon pang 1831. Tatalakayin sa lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 132:1–33, kung saan nagturo ang Panginoon ng mga alituntunin tungkol sa walang hanggang kasal at ang kahalagahan ng pagsunod sa Kanyang batas. Tatalakayin sa lesson 52 ang Doktrina at mga Tipan 132:34–66, na kinapapalooban ng mga turo ng Panginoon tungkol sa maramihang pag-aasawa o pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Mga unang buwan ng 1840Itinuro ni Joseph Smith kay Parley P. Pratt ang tungkol sa walang hanggang kasal.
-
1840Sinimulan ni Joseph Smith ang pribadong pagtuturo ng tungkol sa doktrina ng pag-aasawa nang higit sa isa sa Nauvoo, Illinois.
-
Mayo 16–17, 1843Ibinigay ang mga turong nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131.
-
Mayo 28, 1843Sina Joseph at Emma Smith ay nabuklod para sa kawalang-hanggan.
-
Mayo–Hulyo 1843Pumayag si Emma Smith na magkaroon pa ng mga asawa si Joseph Smith bukod sa kanya ngunit nahirapan siyang tanggapin ang gawaing ito.
-
Hulyo 12, 1843Ibinigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 131
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa walang hanggang tipan ng kasal at nilinaw ang iba pang mga katotohanan
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Isipin ang inyong hinaharap sa buhay, hindi lamang ang mangyayari ngayon o bukas. Huwag ipagpalit ang pinakagusto ninyo sa buhay para sa isang bagay na inaakala ninyong gusto ninyo ngayon” (Richard G. Scott, “Jesus Christ, Our Redeemer,” Ensign, Mayo 1997, 54).
-
Ano ang ilang paraan na makatutulong ang payo ni Elder Scott para makagawa ng mahahalagang desisyon ang isang tao?
-
Bakit maaaring makatulong ang payo na ito lalo na kapag gumagawa ng desisyon tungkol sa pakikipagdeyt, panliligaw, at pag-aasawa?
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 131; 132:1–33 ang doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng kasal na walang hanggan.
Ipaliwanag na noong Mayo 16, 1843, sina Propetang Joseph Smith at William Clayton ay nagpunta sa Ramus, Illinois, at namalagi sa bahay nina Benjamin at Melissa Johnson. Habang naroon, itinuro ng Propeta sa mga Johnson ang kahalagahan ng doktrina tungkol sa walang hanggang kasal at ibinuklod sila para sa kawalang-hanggan. Itinala ni William Clayton ang mga itinuro ng Propeta sa pagkakataong iyon (tingnan sa Matthew McBride, “Our Hearts Rejoiced to Hear Him Speak,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 279–80, o history.lds.org). Ilan sa mga turong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Propeta tungkol sa walang hanggang kasal.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa mga talata 1–2 tungkol sa dapat nating gawin para matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, kailangan tayong pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal.)
Ipaliwanag na sa kontekstong ito ang salitang bago ay nangangahulugan na ang tipan ay bagong ipinanumbalik sa ating dispensasyon; ang walang hanggan ay nangangahulugan na ang tipan, kabilang ang mga pagpapala nito, ay umiiral na sa simula pa lamang at magpakailanman at hindi nagbabago.
-
Ayon sa mga talata 3–4, ano ang mangyayari kung hindi tayo papasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal? (Maaari mong ipaliwanag na ang kahulugan ng pariralang “hindi siya magkakaroon ng pag-unlad” ay hindi maaaring magkaroon ng mga anak pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ang mga taong hindi pumapasok at tumutupad sa bago at walang hanggang tipan.)
-
Batay sa mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito, paano ninyo ipaliliwanag kung bakit mahalaga ang selestiyal na kasal sa plano ng Diyos para sa ating kadakilaan?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 131:5–8 na ipinaliliwanag na sa mga talatang ito ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang kahulugan ng pariralang “lalong panatag na salita ng [propesiya]” na binanggit sa II Ni Pedro 1:19, at itinuro niya na “lahat ng espiritu ay bagay” (talata 7).
Doktrina at mga Tipan 132:1–20
Ipinaliwanag ng Panginoon ang mga batayan at pagpapala ng bago at walang hanggang tipan
Ipaliwanag na noong Hulyo 12, 1843, pinag-usapan ni Joseph Smith at ng kanyang kapatid na si Hyrum ang doktrina ng pag-aasawa nang higit sa isa, na nahirapang tanggapin ng asawa ni Joseph na si Emma. Sa kanilang pag-uusap, hinikayat ni Hyrum si Joseph na itala ang paghahayag na natanggap niya tungkol sa selestiyal na kasal, na kasama rin ang mga tagubilin ng Panginoon hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa. Pagkatapos ay ibinigay ng Propeta ang natanggap na paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132. “Bagaman ang paghahayag ay naitala noong 1843, maliwanag mula sa mga makasaysayang talaan na ang mga doktrina at alituntuning napapaloob sa paghahayag na ito ay ipinaalam sa Propeta mula pa noong 1831” (Doktrina at mga Tipan 132, section heading).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinanong ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ituro ang pariralang “Tutugunin kita hinggil sa bagay na ito” sa talata 2, at ipaalam sa mga estudyante na bago sinagot ng Panginoon ang tanong na ito ng Propeta tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, nagturo Siya ng mahahalagang alituntunin tungkol sa tipan ng walang hanggang kasal at pagsunod sa Kanyang batas. Ang sagot ng Panginoon sa tanong ng Propeta tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132:34–65, na tatalakayin sa susunod na lesson.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Propeta tungkol sa walang hanggang kasal at sa pagsunod sa Kanyang batas. Bago magbasa ang estudyante, ipaalala sa mga estudyante na ang pariralang “isang bago at isang walang hanggang tipan” sa talata 4 ay tumutukoy sa tipan ng walang hanggang kasal (tingnan sa D at T 131:2).
-
Ayon sa mga talata 4–5, ano ang mangyayari kapag hindi “tumupad,” o sumunod, ang isang tao sa tipan ng walang hanggang kasal?
-
Ano ang mangyayari sa mga taong tumutupad sa batas na ito?
Ipaliwanag na ang pariralang “ang bago at walang hanggang tipan” sa talata 6 ay tumutukoy sa kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng lahat ng ordenansa at tipang kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa D at T 66:2). Ang walang hanggang kasal ay mahalagang bahagi ng bago at walang hanggang tipan.
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 132:6, bakit itinatag ng Panginoon ang bago at walang hanggang tipan? (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “sa kaganapan ng aking kaluwalhatian” ay tumutukoy sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos [tingnan sa Moises 1:39].)
Ipaalala sa mga estudyante na ang tipan ay “isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao, subalit sila ay hindi pantay sa pagkilos sa kasunduan. Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng mga batayan para sa tipan, at ang mga tao ang sumasang-ayong isagawa ang hinihingi Niya sa kanila [na] gawin. Sa gayon pinangangakuan ng Diyos ang mga tao ng ilang mga pagpapala dahil sa kanilang pagiging masunurin” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” scriptures.lds.org).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga batayang ibinigay ng Panginoon hinggil sa bago at walang hanggang tipan.
-
Anong mga batayan ang ibinigay ng Panginoon hinggil sa bago at walang hanggang tipan? (Dapat itong “ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako” at ginawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako” (talata 7), ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
“Ang Espiritu Santo ang Banal na Espiritu ng Pangako (Mga Gawa 2:33). Pinagtitibay Niya na [katanggap-tanggap] sa Diyos ang mabubuting gawa, mga ordenansa, at tipan ng mga tao. Sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,”scriptures.lds.org).
-
Ano ang ibig sabihin ng “ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako” (D at T 132:7)?
-
Anong doktrina ang maaari nating matukoy mula sa Doktrina at mga Tipan 132:7 hinggil sa kung ano ang kailangan para maging walang hanggan ang isang tipan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Kapag ginawa ang tipan sa pamamagitan ng tamang awtoridad ng priesthood at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, ito ay mananatili magpakailanman.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:8–14 na ipinaliliwanag na patuloy na itinakda ng Panginoon ang mga batayan ng Kanyang mga batas at mga ordenansa. Sinabi Niya na lahat ng ginawa “sa pamamagitan [Niya] o ng [Kanyang] salita” (talata 13) ay mananatili magpakailanman ngunit ang lahat ng iba pa ay pupuksain.
Ipaliwanag na pagkatapos ituro ng Panginoon ang mga batayan ng bago at walang hanggang tipan, ginamit Niya ang tipan ng kasal upang ilarawan ang kahalagahan ng pagtugon sa mga batayang ito.
Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iba’t ibang uri ng kasal na inilarawan sa mga talatang ito.
-
Anong uri ng kasal ang inilarawan sa talata 15? Sa talata 18?
-
Ayon sa mga talata 16–18, ano ang mangyayari sa mga taong hindi sumusunod sa batas ng Diyos hinggil sa kasal na walang hanggan?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag ng alituntunin:
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 132:19–20 sa kanilang kapartner, at alamin ang mga pagpapalang dulot ng pagtugon sa mga batayan ng Panginoon para sa walang hanggang kasal. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang nalaman nila. Sabihin sa magkakapartner na sumulat ng isang pangungusap na kukumpleto sa ipinahayag na alituntunin sa pisara. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Maaaring kasama sa mga sagot ang sumusunod:
… magmamana sila ng mga trono, kaharian, pamunuan, kapangyarihan at nasasakupan.
… ang kanilang kasal ay ganap na may bisa kahit pumanaw na sila.
… sila ay tatanggap ng kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay.
… sila ay magiging mga diyos.
… maaaring magpatuloy ang kanilang pamilya at kanilang angkan sa buong kawalang-hanggan.
-
Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin ng mag-asawa para makatupad sa tipan ng kasal?
-
Paano maaapektuhan ng kaalaman tungkol sa mga pagpapala ng walang hanggang kasal ang pag-iisip ng isang tao tungkol sa kasal at paghahanda para rito?
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa batas ng Panginoon sa kasal na walang hanggan at ang mga pagpapalang matatanggap natin dahil sa pagsunod sa batas na iyon. Tiyakin sa mga estudyante na kahit hindi magkakaroon ang lahat ng tao ng pagkakataon na maikasal sa buhay na ito, nangako ang Panginoon na wala Siyang ipagkakait na pagpapala sa matatapat.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila para paghandaan ito o, kung nagawa na nila ang tipang ito, manatiling tapat sa pagtupad sa tipan ng walang hanggang kasal. Hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na matatanggap nila.
Doktrina at mga Tipan 132:21–33
Ipinaliwanag ng Panginoon kung paano makikilala ang Ama at ang Anak
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:21–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang imahe na ginamit ng Panginoon para ilarawan ang kahalagahan ng pagsunod sa Kanyang batas hinggil sa walang hanggang kasal.
-
Sa anong mga paraan maaaring sumagisag ang imahe na “makipot [na] pintuan, at makitid [na] daan” (talata 22) sa batas ng Panginoon hinggil sa walang hanggang kasal?
-
Sa anong mga paraan maaaring sumagisag ang imahe na “malapad [na] pintuan, at maluwang [na] daan (talata 25) sa mga opinyon ngayon ng lipunan tungkol sa kasal?
-
Ayon sa mga talata 22 at 25, bakit marami ang hindi nakakapasok sa makitid na daan na patungo sa kadakilaan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talata 23–25 tungkol sa dapat nating gawin para matamo ang buhay na walang hanggan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tatanggapin natin ang Panginoon at ang Kanyang batas, makikilala natin ang Ama at ang Anak at kalaunan ay tatanggap ng kadakilaan at buhay na walang hanggan.)
Ipaliwanag na ang pariralang “mga buhay na walang hanggan” (mga talata 22, 24) ay tumutukoy sa kakayahan ng mga taong nakatanggap ng kadakilaan na lumikha ng sarili nilang pamilya na walang-hanggan sa pamamagitan ng pagkakaroon at pagpapalaki ng mga espiritung anak (tingnan sa D at T 131:4; 132:19, 22, 24, 30).
Ibuod ang D at T 132:26–33 na ipinaliliwanag na nagbabala ang Panginoon sa mangyayari sa mga taong nagkasala matapos matanggap ang bago at walang hanggang tipan ng kasal (tingnan sa mga talata 26–27). Itinuro din Niya na dahil kusang tinanggap at sinunod ni Abraham ang lahat ng batas ng Diyos, pati na ang batas ng walang hanggang kasal, natamo niya ang kadakilaan—pati na ang pangako na ang kanyang pamilya at mga inapo ay magpapatuloy magpakailanman (tingnan sa mga talata 29–30).
Magpatotoo na kapag ginawa natin “ang mga gawain ni Abraham” (D at T 132:32) sa pamamagitan ng pagpasok sa bago at walang hanggang tipan at pagtupad dito, tayo man ay tatanggap din ng mga pagpapala ng kadakilaan at walang hanggang pamilya. Sabihin sa mga estudyante na hangarin nang may panalangin na kumilos ayon sa mga katotohanang natukoy sa lesson sa araw na ito.