Institute
Lesson 50: Doktrina at mga Tipan 129–30


“Lesson 50: Doktrina at mga Tipan 129–30,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 50,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 50

Doktrina at mga Tipan 129–30

Pambungad at Timeline

Noong Pebrero 9, 1843, nagbigay si Propetang Joseph Smith ng mga tagubilin kay Parley P. Pratt at sa iba pa tungkol sa kung paano matutukoy ang mga sugo ng langit at masasamang espiritu. Ang mga tagubiling ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipas 129. Noong Abril 2, 1843, pinulong ng Propeta ang mga miyembro ng Simbahan sa Ramus, Illinois, at itinuro ang doktrina tungkol sa iba’t ibang paksa sa ebanghelyo, kabilang na ang Panguluhang Diyos, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at kung paano natin matatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Ang mga turong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 130.

Pebrero 7, 1843Si Elder Parley P. Pratt ay dumating sa Nauvoo, Illinois, mula sa kanyang misyon sa England.

Pebrero 9, 1843Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang mga tagubilin na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 129.

Abril 1, 1843Si Propetang Joseph Smith at iba pa ay nagpunta sa Ramus, Illinois.

Abril 2, 1843Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang mga tagubilin na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 130.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 129

Nagbigay si Propetang Joseph Smith ng mga tagubilin kung paano natin malalaman ang pagkakaiba ng mga naglilingkod na mga anghel at ng masasamang espiritu

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano ko malalaman kung ang isang bagay ay sa Diyos o sa ilang iba pang pinagmumulan?

Kapag nagsimula na ang klase, itanong sa mga estudyante kung paano nila sasagutin ang tanong na ito. Sabihin sa mga estudyante na hanapin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 129 ngayon ang huwaran na ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa pagtukoy ng mga mapanlinlang na espiritu.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 129.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pinagmulang kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 129, ipaliwanag na noong makausap ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol noong Hunyo 27, 1839, itinuro ni Propetang Joseph Smith ang tungkol sa “tatlong dakilang susi kung paano ang tunay na pagkatao ng mga naglilingkod na anghel at espiritu ay maaaring makilala ang pagkakaiba” (D at T 129, section heading). Gayunman, hindi nakadalo si Elder Parley P. Pratt sa pulong na iyon. Noong Pebrero 9, 1843, si Elder Pratt, na kauuwi lang mula sa pagmimisyon sa England, at ilang iba pa ay nakipagpulong kay Propetang Joseph Smith, at inulit ng Propeta ang mga tagubilin na dati na niyang ibinigay.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 129:1–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang “tatlong dakilang susi” (talata 9) na makatutulong sa atin na matukoy ang pagkakaiba ng mga sugo ng langit at ng masasamang espiritu.

  • Batay sa mga turo ni Propetang Joseph Smith, paano natin makikita ang pagkakaiba ng mga sugo ng langit at ng masasamang espiritu?

  • Bukod sa mga tagubiling ito, ano ang iba pang ibinigay sa atin ng Diyos upang matulungan tayong makita ang mga panlilinlang ni Satanas?

Doktrina at mga Tipan 130

Si Propetang Joseph Smith ay nagpaliwanag at nagturo ng doktrina

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 130, ipakita ang sumusunod na buod ng kasaysayan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Noong Abril 1, 1843, si Propetang Joseph Smith, kasama sina William Clayton, Orson Hyde, at J. B. Backenstos, ay nagpunta sa Ramus, Illinois, para bisitahin ang pamilya at mga kaibigan. Kinaumagahan, nagdaos ang Propeta ng isang pulong sa mga Banal sa Ramus. Sa pulong na iyon, nangaral si Elder Orson Hyde na kinapapalooban ng kanyang mga interpretasyon ng I Ni Juan 3:2, Apocalipsis 19:11, at Juan 14:23.

Pagkatapos ng pulong, nagpunta ang Propeta at kanyang mga kasama sa tahanan ng kapatid ni Joseph Smith na si Sophronia Smith McCleary para mananghalian. Pagsapit ng tanghalian, sinabi ng Propeta kay Elder Hyde na “may ilang pagwawasto lamang siyang ibibigay” sa kanya. Mapagpakumbabang sumagot si Elder Hyde, “Tatanggapin ko ang mga ito nang may pasasalamat.” Pagkatapos ay itinama ng Propeta ang maling pagkaunawa ni Elder Hyde sa mga banal na kasulatan at nagturo ng doktrina tungkol sa iba’t iba pang paksa. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Journals, Volume 2: December 1841–April 1843, inedit ni Andrew H. Hedges at iba pa [2011], 321–25.)

Hatiin sa tatlong grupo ang klase. Ipabasa nang tahimik sa isang grupo ang I Ni Juan 3:2, na inaalam ang itinuro ni Apostol Juan na mangyayari sa matatapat sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipabasa nang tahimik sa isa pang grupo ang Apocalipsis 19:11, na inaalam ang itinuro ni Juan tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa panahon ng Kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa pangatlong grupo na basahin nang tahimik ang Juan 14:23, na hinahanap ang isinulat ni Juan tungkol sa mga pagpapala na matatanggap ng mabubuti. Matapos ang sapat na oras, ipabahagi sa isang estudyante mula sa bawat grupo ang nalaman ng kanyang grupo.

Ipaliwanag na sa kanyang sermon sa Ramus, mali ang pagkaunawa ni Elder Hyde sa mga talatang ito ng banal na kasulatan. Ginamit niya ang I Ni Juan 3:3 at Apocalipsis 19:11 para ituro na “kapag nagpakita [si Jesucristo] tayo ay magiging katulad niya [at] siya ay magpapakita na sakay ng kabayong maputi—tulad ng isang mandirigma, [at] marahil tataglayin din natin nang bahagya ang gayunding diwa—ang ating Diyos ay isang mandirigma.” Pagkatapos ay binanggit ni Orson Hyde ang Juan 14:23 at itinuro na “pribilehiyo nating manahan sa ating mga puso ang Ama [at] Anak.” (Sa The Joseph Smith Papers, Journals, Volume 2: December 1841–April 1843, 323; ang pagbabaybay, pagbabantas, at pagpapalaki ng mga titik ay iniayon sa pamantayan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith nang itama niya ang mga itinuro ni Elder Hyde.

  • Ayon sa talata 1, paano magpapakita ang Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito?

  • Ano ang ibig sabihin ng pariralang “yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon” sa talata 2? (Kung kailangan, ipaliwanag na ang salitang lipunan ay tumutukoy sa paraan ng pakikipag-ugnayan at pagsasamahan ng mga tao sa isa’t isa. Ang ugnayan at samahan natin sa piling ng Panginoon ay magiging tulad ng mga tinatamasa natin ngayon, ngunit kabibilangan nito ang “walang hanggang kaluwalhatian.”)

  • Anong kabulaanan ang itinama ng Propeta sa talata 3?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 130:4–13 na ipinaliliwanag na sa mga talatang ito itinuro ng Propeta na ang oras na iyon ay “[bini]bilang” o[kina]kalkula “alinsunod sa planeta kung saan … naninirahan [ang isang tao]” (talata 4). Ipinaliwanag din niya na ang “mga anghel na naglilingkod sa [atin sa] mundong ito [ay] yaong nabibilang o nabilang dito” (talata 5). Pagkatapos ay ipinaliwanag ng Propeta na ang mundo ay magiging kahariang selestiyal at yaong mga magmamana ng kahariang selestiyal ay tatanggap ng isang “puting bato,” na isang Urim at Tummim, na naghahayag ng mga bagay na makalangit (mga talata 10–11). Pinagtibay din ni Propetang Joseph Smith ang kanyang propesiya na makararanas ng digmaan ang Estados Unidos na magsisimula sa estado ng South Carolina (tingnan sa mga talata 12–13; tingnan din sa D at T 87).

Ang Ikalawang Pagparito

Idispley ang isang larawan ni Jesucristo sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Bakit gusto ng isang tao na malaman ang eksaktong petsa ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

Ipaliwanag na noong panahon ni Joseph Smith, isang kilalang mangangaral na nagngangalang William Miller ang nagsabi na magaganap ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pagitan ng tagsibol ng 1843 at tagsibol ng 1844, at marami sa mga tagasunod ni William Miller ang naniwala na Abril 3, 1843, ang eksaktong petsa na mangyayari ito (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Journals, Volume 2: December 1841–April 1843, 326, tala 717). Isang araw bago sumapit ang hinulaang petsa na ito, itinama ni Propetang Joseph Smith ang maling propesiyang ito nang turuan niya ang mga Banal sa Ramus sa pamamagitan ng pagkukuwento sa naging karanasan niya nang manalangin siya para malaman ang araw ng Ikalawang Pagparito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:14–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nalaman ni Joseph Smith tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi inihayag ng Panginoon ang eksaktong petsa ng Kanyang Ikalawang Pagparito kay Joseph Smith. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 24:36.)

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na dapat gawin ni Joseph Smith sa talata 15?

Ipaliwanag na noong Abril 2, 1843, pagkatapos mananghalian sa bahay ng kanyang kapatid na babae, nagdaos ng isa pang pulong si Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa Ramus. Maliban sa iba pang mga paksa, inulit ng Propeta sa mga Banal ang halos lahat ng itinuro niya kay Orson Hyde at sa iba noong nagtatanghalian sila. Nang gabing iyon, isa pang pulong ang idinaos ng Propeta sa mga Banal kung saan nilinaw niya ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Journals, Volume 2:December 1841–April 1843, 325–26). Ang mga turong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 130:18–23.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang alituntuning itinuro ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal.

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa mga talatang ito tungkol sa kaalaman at katalinuhang matatamo natin sa buhay na ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang kaalaman at katalinuhan na matatamo natin sa buhay na ito ay kasama nating babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng mga salitang kaalaman at katalinuhan, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Elder Neal A. Maxwell

“Ang salitang katalinuhan kapag nabasa natin ito sa bahagi 130 … ay hindi batay sa karaniwang pagsukat ng ‘IQ.’ Ang ganitong ‘katalinuhan’ ay humihiwatig, nag-aaral, at nagpapamuhay ng angkop at tamang mga alituntunin; ito ay kakikitaan ng pinagsamang kaalaman at matalinong ugali. Pinagsasama nito ang kognisyon [pangangatwiran] at pagsasabuhay. Ito ay nagpapakita ng pinakamataas na uri ng katalinuhan, at ang resulta ng pagsasama ay kasama nating babangon sa Pagkabuhay na mag-uli” (Neal A. Maxwell, That Ye May Believe [1992], 37).

  • Ayon kay Elder Maxwell, ano ang ibig sabihin ng salitang katalinuhan sa Doktrina at mga Tipan 130:18–19?

  • Ayon sa talata 19, paano tayo makapagtatamo ng mas maraming kaalaman at katalinuhan?

  • Sa inyong palagay bakit tayo natutulungan ng “pagsisikap at pagiging masunurin” (talata 19) sa Diyos na magkaroon ng kaalaman at katalinuhan? (Tingnan sa D at T 93:27–28, 36–40.)

  • Kailan kayo nagtamo ng kaalaman o katalinuhan dahil sa inyong pagsisikap at pagsunod?

Magpatotoo na kapag tayo ay masigasig at masunurin sa mga kautusan ng Diyos, magkakaroon tayo ng mas maraming kaalaman at katalinuhan na magbibigay sa atin ng pagpapala sa buong kawalang-hanggan. Hikayatin ang mga estudyante na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng kaalaman at katalinuhan sa pamamagitan ng kanilang mga pagsisikap at pagiging masunurin sa Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang isang karagdagang alituntunin na itinuro ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa Ramus. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “hindi mababagong utos” ay permanente at hindi nagbabago at ang ibig sabihin ng “nakasalalay” ay nakabatay [talata 20].)

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 21 tungkol sa pagtanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay nagtamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay.)

Ilista sa pisara ang mga sumusunod na banal na kasulatan: Malakias 3:10–12; Mateo 11:28–30; 2 Nephi 32:3; D at T 58:42–43. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talatang ito, at alamin ang batas o kautusan na itinuturo at ang mga pagpapalang matatanggap natin kung susundin natin ang batas o kautusang iyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na bagama’t ang ilang pagpapalang natatanggap natin sa pagiging masunurin sa mga batas ng Diyos ay kaagad natatanggap, ang ibang mga pagpapala ay hindi dumarating kaagad, ngunit nangangailangan ng patuloy na pagsunod sa loob ng mahabang panahon.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na maaaring hindi agad dumating sa atin ang ilan sa ipinangakong pagpapala ng Diyos dahil sa ating pagsunod?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pagpapalang natanggap ninyo dahil sinunod ninyo ang mga batas ng Diyos? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng isa o higit pang mga pagpapala na gusto nilang matanggap gayundin ang mga partikular na kautusang susundin nila para matanggap ang mga pagpapalang iyon. Maaari mo ring ipaalala sa mga estudyante na ang pinakamahalagang dahilan ng pagsunod sa mga kautusan ay ang ating pagmamahal sa Panginoon (tingnan sa Juan 14:15).

Ipaliwanag na bilang bahagi ng pangwakas na mensahe ng Propeta sa mga Banal sa Ramus, muli niyang itinama ang mga itinuro ni Orson Hyde tungkol sa Panguluhang Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang doktrinang itinuro ng Propeta tungkol sa Panguluhang Diyos.

  • Anong doktrina ang itinuro sa mga talatang ito hinggil sa Panguluhang Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na doktrina: Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay hiwalay na mga indibiduwal na may pisikal na katawang may laman at buto. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa atin na maunawaan ang doktrinang ito?

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa doktrina at mga alituntuning natukoy sa lesson sa araw na ito. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang ito upang matamo nila ang mga ipinangakong pagpapala.