“Lesson 52: Doktrina at mga Tipan 132:34–66; Opisyal na Pahayag 1,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)
“Lesson 52,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser
Lesson 52
Doktrina at mga Tipan 132:34–66; Opisyal na Pahayag 1
Pambungad at Timeline
Habang ginagawa ni Propetang Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia noong 1831, itinanong niya sa Panginoon kung bakit ilan sa mga sinaunang patriarch at hari ng Israel ay hindi lamang iisa ang asawa. Nang panahong iyon, nakatanggap ang Propeta ng paghahayag tungkol sa maramihang pagpapakasal o pag-aasawa nang higit sa isa. Sa mga sumunod na taon, iniutos ng Panginoon sa Propeta at sa ilang miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Noong Hulyo 12, 1843, sa Nauvoo, Illinois, ibinigay ng Propeta ang natanggap na paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 132, kung saan inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan tungkol sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” (D at T 131:2). Ang lesson na ito ay tumatalakay sa Doktrina at mga Tipan 132:34–66, na kinabibilangan ng mga turo ng Panginoon tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa at ang payo Niya kina Joseph at Emma Smith.
Matapos makalipat ang mga Banal sa Salt Lake Valley sa kanlurang Estados Unidos, sinimulan nilang gawin nang hayagan ang pag-aasawa nang higit sa isa. Mula 1860s hanggang 1880s, ang pamahalaan ng Estados Unidos ay nagpasa ng mga batas laban sa pag-aasawa nang higit isa. Matapos mapanalanging hingin ang patnubay ng Panginoon at makatanggap ng paghahayag, inihanda ni Pangulong Wilford Woodruff ang Manifesto [Pahayag] noong Setyembre 23–24, 1890, na tumapos kalaunan sa pag-aasawa nang higit sa isa ng mga miyembro ng Simbahan. Ang Manifesto, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan bilang Opisyal na Pahayag 1, ay inilathala sa publiko noong Setyembre 25, 1890.
-
Mayo–Hulyo 1843Pumayag si Emma Smith na magkaroon pa ng mga asawa si Joseph Smith bukod sa kanya ngunit nahirapan siyang tanggapin ang gawaing ito.
-
Hulyo 12, 1843Ibinigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132.
-
Hunyo 27, 1844Si Propetang Joseph Smith at kanyang kapatid na si Hyrum ay namatay na martir sa Carthage Jail sa Carthage, Illinois.
-
Hulyo 24, 1847Dumating si Pangulong Brigham Young at ang iba pang mga Banal sa Salt Lake Valley.
-
Agosto 29, 1852Sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Brigham Young, hayagang itinuro ni Elder Orson Pratt ang pag-aasawa nang higit sa isa.
-
1860s–1880sNagpasa ng mga batas ang pamahalaan ng Estados Unidos na nagbabawal sa pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Setyembre 25, 1890Naglabas si Pangulong Wilford Woodruff ng Manifesto, na nakapaloob ngayon sa Opisyal na Pahayag 1.
-
Oktubre 6, 1890Sa isang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang Manifesto bilang kautusan at may bisa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 132:34–50
Itinuro ng Panginoon ang tungkol sa kapangyarihang magbuklod na ibinigay kay Propetang Joseph Smith
Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga kautusan at payo na ibinigay ng Panginoon na maaaring mahirap para sa ilang young adult na sundin. Papiliin ang mga estudyante ng isa o dalawa sa mga halimbawang nakalista at sabihin sa kanila na maikling ipaliwanag kung bakit mahirap para sa mga young adult na sundin ang kautusang iyan.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang kautusan na maaaring mahirap para sa kanila na sundin. Sabihin sa kanila na maghanap ng doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 132:34–66 na makatutulong sa kanila na mapag-ibayo ang kanilang pananampalataya at katapatan sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Inihayag ni Propetang Joseph Smith na “isang anghel ang nagpakita sa kanya nang tatlong beses sa pagitan ng 1834 at 1842 at iniutos sa kanya na ituloy ang pag-aasawa nang higit sa isa” (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.lds.org). Nag-atubili ang Propeta na sundin ang alituntunin. Inilarawan niya sa isang kaibigan ang “paghihirap ng isip na naranasan niya para mapaglabanan ang pagkarimarim na nararamdaman niya” sa paggawa nito (Eliza R. Snow, Biography and Family Record of Lorenzo Snow [1884], 69). Nakasaad sa katibayan sa kasaysayan na nagtangka siyang sundin ang utos noong kalagitnaan ng 1830s. Gayunman, sa mga unang buwan ng 1840s lamang niya sinimulang masigasig na sundin ang utos at ipinaalam sa iba ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Bagama’t ibinigay ni Joseph Smith ang Doktrina at mga Tipan 132 noong tag-init ng 1843, ang ilang alituntunin sa paghahayag na ito ay natanggap na noon pang mga unang buwan ng 1831 kaugnay ng inspiradong pagsasalin ng Propeta ng Lumang Tipan. (Tingnan sa “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” topics.lds.org.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:1–2, na inaalam ang itinanong ni Joseph Smith sa Panginoon. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na ang salitang kalunya sa Lumang Tipan ay tumutukoy sa isang babaeng legal na kasal sa isang lalaki ngunit mas mababa ang katayuan sa lipunan kaysa sa asawa. Ang mga kalunya ay hindi bahagi ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ating dispensasyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit pinakasalan ni Abraham si Hagar.
-
Ayon sa mga talata 34–35, bakit pinakasalan ni Abraham si Hagar?
Ipaliwanag na “itinutulot ng batas na ang isang lalaki ay magkaroon lamang ng isang asawa, maliban kung iutos ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag (Jacob 2:27–30)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kasal, Pagpapakasal,” scriptures.lds.org).
-
Ayon sa talata 36, ano ang itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan? (Anumang iutos ng Panginoon ay tama, at kapag sumusunod tayo sa Kanya, ito ay “ipinalalagay sa [atin] sa kabutihan.”)
-
Sa nalalaman natin tungkol kay Abraham, bakit ang utos na ialay si Isaac ay napakahirap para kay Abraham?
-
Paano maikukumpara ang utos ng Panginoon kay Abaraham na isakripisyo si Isaac sa Kanyang utos sa mga naunang Banal na mag-asawa nang higit sa isa?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang natanggap nina Abraham, Isaac, at Jacob dahil sa pagsunod nila sa mga utos ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa kahandaan ni Abraham na sundin ang mga utos ng Diyos, kahit na mahirap itong gawin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung handa tayong sundin ang mga kautusan ng Diyos, kahit mahirap itong gawin, matatanggap natin ang Kanyang ipinangakong mga pagpapala.)
Patingnan ang listahan ng mga kautusan na isinulat ng mga estudyante sa pisara, at ipaliwanag na ang pinakamalaking pagpapalang matatanggap natin sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay ang kadakilaan. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga kautusan sa pisara, at ipalarawan sa kanila ang iba pang mga pagpapala na matatanggap natin sa pagsunod sa kautusang iyon.
-
Bukod pa sa alam nating pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang mga kautusan, ano pa ang makatutulong sa atin na sundin ang isang kautusan kahit mahirap gawin ito?
Ipakita ang sumusunod na kuwento ni Lucy Walker. Ipaliwanag na si Lucy ay isa sa mga asawa ni Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang kuwento. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang unang reaksyon ni Lucy Walker sa alituntunin na pag-aasawa nang higit sa isa at kung ano ang ginawa niya para magkaroon ng patotoo sa alituntuning iyon.
“Nang banggitin sa akin ni Propetang Joseph Smith ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa, nakaramdam ako ng galit at sinabi ko ito sa kanya, dahil salungat sa damdamin at pinag-aralan ko ang anumang bagay na may kinalaman [dito]. Ngunit tiniyak niya sa akin na inihayag sa kanya ng Panginoon ang doktrinang ito, at may karapatan akong makatanggap mismo ng patotoo tungkol sa banal na pinagmulan nito. Pinayuhan niya akong magdasal sa Panginoon” (Lucy Walker, affidavit, December 17, 1902, Church History Library, Salt Lake City).
“Talagang nagdasal ako nang taimtim. … Halos magbubukang-liwayway na iyon matapos ang isang gabing walang tulog. Habang nakaluhod at nananalangin, napuspos ng banal na impluwensya ang aking silid. Para sa akin maihahambing iyon sa maliwanag na sikat ng araw na biglang sumilay sa madilim na ulap.
“… Ang kaluluwa ko ay napuspos ng masayang kapayapaan na noon ko lang nadama. Matinding kaligayahan ang bumalot sa pagkatao ko at natanggap ko ang makapangyarihan at malakas na patotoo sa katotohanan ng [pag-aasawa nang higit sa isa]. Na tila naging angkla sa kaluluwa sa lahat ng tukso at pagsubok sa buhay” (Lucy Walker Kimball, “Brief Biographical Sketch,” Church History Library, Salt Lake City, 11).
-
Ano ang ginawa ni Lucy Walker para magkaroon ng patotoo tungkol sa mahirap na kautusang ito?
-
Sa palagay ninyo, paano makatutulong ang halimbawa ni Lucy Walker sa isang tao na nahihirapang tanggapin o sundin ang isang kautusan mula sa Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila nang personal o mula sa mga banal na kasulatan na sinunod ang mahirap na kautusan at pinagpala dahil sa kanyang pagiging masunurin. Sabihin sa kanila na pag-isipan din kung ano ang ginawa ng taong iyon na nakatulong sa kanya na maging masunurin. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga halimbawa sa klase. Maaari kang magbahagi ng sarili mong halimbawa.
Magpatotoo na makatatanggap tayo ng mga pagpapala sa Diyos kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, kahit mahirap itong gawin. Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya kung ano ang gagawin nila upang matulungan sila na masunod nang mas mabuti ang mga kautusan ng Diyos.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:38–40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iba pang nagsagawa ng alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Ayon sa talata 39, bakit mahalaga na ang nagsasagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa ay mga may mayhawak ng “mga susi ng kapangyarihang ito”—ibig sabihin ang mga susi ng pagbubuklod ng priesthood? (Ipinahihiwatig nito na sinang-ayunan ng Panginoon ang mga pagpapakasal.)
-
Ayon sa talata 40, ano ang sinabi ng Panginoon na Kanyang gagawin sa pamamagitan ni Joseph Smith? (Ipaliwanag na ang pag-aasawa nang higit sa isa ay bahagi ng “pagpapanumbalik ng lahat ng bagay” [D at T 27:6] mula sa mga naunang dispensasyon.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:41–48 na ipinaliliwanag na tinalakay ng Panginoon ang tungkol sa pakikiapid kaugnay ng pag-aasawa nang higit sa isa. Itinuro ng Panginoon na kapag nag-asawa nang higit sa isa ang sinuman na hindi Niya tinulutan, siya ay nagkasasala ng pakikiapid. Pinanatag ng Panginoon ang Propeta na lahat ng kasal, kabilang na ang maramihang pagpapakasal, na ginawa “sa pamamagitan ng [Kanyang] salita at alinsunod sa [Kanyang] batas” (talata 48) at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood na magbuklod (talata 46) ay “dadalawin kalakip ang mga pagpapala … at hindi magkakaroon ng kaparusahan sa lupa at sa langit” (talata 48).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:49–50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith.
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith?
-
Ayon sa talata 50, bakit ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith ang mga pagpapala ring iyon na ibinigay Niya kay Abraham?
Doktrina at mga Tipan 132:51–66
Pinayuhan ng Panginoon si Emma Smith at nagbigay ng mga tagubilin hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit ang utos na magpakasal nang higit sa isa ay mahirap hindi lamang kay Propetang Joseph Smith kundi lalo na sa kanyang asawang si Emma. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Ang pagsunod ng Propeta sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa ay isang matinding pagsubok sa kanya at sa kanyang pinakamamahal na asawang si Emma. Kahit ibinigay ni Emma ang kanyang pahintulot noong 1843 na magkaroon si Joseph ng karagdagang mga asawa, hirap pa rin si Emma na tanggapin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. “Pabagu-bago ang pananaw niya sa pag-aasawa nang higit sa isa, may pagkakataong sinasang-ayunan niya ito at may pagkakataong binabatikos niya ito” (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.lds.org). Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132:51–57, partikular na tinukoy ng Panginoon ang Kanyang “katulong na babae,” o tagapaglingkod, na si Emma, at pinayuhan siya at tinagubilinan hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:52–54, 56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga kautusan at mga pangako ng Panginoon kay Emma Smith.
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Emma?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang wawasakin ayon sa paggamit sa mga talatang ito ay mahihiwalay o mawawalay sa Diyos (tingnan sa Mga Gawa 3:22–23; 1 Nephi 22:20; D at T 25:15). Tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang gayunding mahigpit na babala na siya ay wawasakin, o ihihiwalay, kung hindi siya mag-aasawa nang higit sa isa at kung hindi niya ito ipapaalam sa iba (tingnan sa Biography and Family Record of Lorenzo Snow [1884], 69–70).
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Emma Smith kung susunod siya sa Kanyang mga kautusan?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:57–62 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon kay Emma na Siya ay “kasama [ng kanyang asawang si Joseph], gaya ng [Siya] ay kasama ni Abraham” (talata 57). Inulit ng Panginoon na ang mga nag-aasawa nang higit sa isa alinsunod sa Kanyang batas at awtoridad ay “nabigyang-katwiran,” o katanggap-tanggap sa Panginoon (talata 61).
Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 132:63, simula sa pariralang “sapagkat sila ay ibinigay sa kanya.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit iniutos ang pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “magpakarami at kalatan ang lupa”?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 2:30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano nakatutulong sa atin ang talatang ito na mas maunawaan ang mga turo ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132:63.
-
Ano ang ibig sabihin ng “magbangon ng mga binhi sa [Panginoon]” (Jacob 2:30)?
-
Batay sa Jacob 2:30 at Doktrina at mga Tipan 132:63, ano ang isang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: May mga pagkakataon na iniutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa upang bigyan ng mga karagdagang oportunidad ang Kanyang mga tao na magpalaki ng mga matwid na anak para sa Kanya.)
Ipaliwanag na ang mga pagsisikap ng mga naunang Banal na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa “ay talaga ngang naging dahilan para maisilang ang malaking bilang ng mga anak na lumaki sa matatapat na pamilyang Banal sa mga Huling Araw” (“Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Topics, topics.lds.org; tingnan din ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 132:63 na nasa manwal ng estudyante).
Paalala: Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ni Joseph Smith, patingnan ang Gospel Topics essay na “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo” (topics.lds.org) para makatulong na masagot ang kanilang mga tanong.
Opisyal na Pahayag 1
Naglabas si Pangulong Wilford Woodruff ng Manifesto, na nagpatapos sa pag-aasawa nang higit sa isa sa Simbahan
Ibuod ang Opisyal na Pahayag 1 na ipinaliliwanag na matapos lumipat ang mga Banal sa Salt Lake Valley, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay ginawa na nang hayagan. Bagama’t ang maramihang pag-aasawa ay naging mas laganap sa mga Banal, hindi ito ginawa ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan na nasa hustong gulang. Mula 1860s hanggang 1880s, nagpasa ang pamahalaan ng Estados Unidos ng mga batas na nagpapatigil sa gawaing ito. Noong Setyembre 25, 1890, matapos taimtim na humingi ng patnubay sa Panginoon at tumanggap ng paghahayag, naglabas si Pangulong Wilford Woodruff ng Manifesto, na nagpapayo sa mga miyembro ng Simbahan na “tumigil mula sa pakikipagkasundo sa anumang kasal na ipinagbabawal ng batas ng lupa” (Opisyal na Pahayag 1). Kahit may iilan pa ring naganap na pag-aasawa nang higit sa isa matapos ilathala ito, tumigil nang lubusan ang pag-aasawa nang higit sa isa ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa Manifesto.
Magtapos sa pagpapatotoo na tinanggap at sinunod nang tapat ni Propetang Joseph Smith at ng mga sumunod na propeta ang mga kautusan ng Diyos.