Institute
Lesson 54: Doktrina at mga Tipan 134–36


“Lesson 54: Doktrina at mga Tipan 134–36,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 54,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 54

Doktrina at mga Tipan 134–36

Pambungad at Timeline

Noong Agosto 17, 1835, ang mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay nagdaos ng isang espesyal na pulong para aprubahan ang nalalapit na paglalathala ng Doktrina at mga Tipan. Habang nasa pulong ibinoto ng mga miyembro ng Simbahan na isama sa Doktrina at mga Tipan ang “isang pahayag ng paniniwala tungkol sa mga pamahalaan at batas” (D at T 134, section heading). Ang pahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 134.

Noong Hunyo 27, 1844, si Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum, na Assistant President at Patriarch din ng Simbahan, ay pinaslang sa Carthage, Illinois. Ang pagpapabatid na ito ng pagpaslang ay isinama sa 1844 edition ng Doktrina at mga Tipan at ito ay batay sa tala ng nasaksihan mismo nina Elder John Taylor at Elder Willard Richards, mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang pagpapabatid na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 135.

Noong Pebrero 1846, sinimulan na ng mga miyembro ng Simbahan ang pag-alis sa Nauvoo, Illinois, at ang paglalakbay pakanluran patawid ng Iowa Territory. Natanggap ni Pangulong Brigham Young ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136 sa Winter Quarters, Nebraska, noong Enero 1847. Nakasaad dito na pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na iorganisa ang kanilang mga sarili at maghanda sa paglalakbay pakanluran.

Agosto 17, 1835Ang Doktrina at mga Tipan 134 ay inaprubahang isama sa Doktrina at mga Tipan ng mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio.

Hunyo 27, 1844Sina Propetang Joseph Smith at Hyrum Smith ay pinaslang sa Carthage Jail sa Carthage, Illinois.

Hulyo–Agosto 1844Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 135.

Pebrero 4, 1846Umalis ang unang grupo ng mga Banal sa Nauvoo, Illinois, para sa kanilang paglalakbay pakanluran.

Hunyo 1846Ang grupo ng mga Banal na kasama ni Brigham Young ay dumating sa Ilog Missouri, kung saan itatatag ang Kanesville, Iowa, at Winter Quarters, Nebraska.

Enero 14, 1847Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 136.

Hulyo 24, 1847Ang grupo ng mga pioneer na kasama ni Brigham Young ay dumating sa Salt Lake Valley.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 134:1–12

Ang mga responsibilidad ng pamahalaan at ng kanilang mga mamamayan ay inilahad

Paalala: Maaari ninyong kantahin ang “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21) bilang bahagi ng debosyonal.

Idispley o isulat sa pisara ang sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito: Ano ang maaaring mangyari kung walang mga pamahalaan sa lupa?

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng doktrina at mga alituntunin habang pinag-aaralan nila ngayon ang Doktrina at mga Tipan 134 na makatutulong sa kanila na maunawaan ang nararapat na responsibilidad ng pamahalaan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 134, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod talata:

Matapos sapilitang paalisin ng mga mandurumog sa Jackson County, Missouri ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga tahanan noong huling bahagi ng 1833, humingi ang mga lider ng Simbahan ng proteksyon at tulong sa mga opisyal ng pamahalaan para mabawi ang kanilang mga nawalang ari-arian, ngunit walang nangyari sa mga pakiusap nila. Noong Agosto 1835, habang pinepetisyon pa rin ng mga miyembro ng Simbahan sa pamahalaan na ibalik ang kanilang ari-arian at bigyan sila ng katarungan, nagpakita ng dokumento sina Oliver Cowdery at Sidney Rigdon sa pangkalahatang pagtitipon ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, na nagsasaad ng mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling araw hinggil sa pamahalaan at mga batas. (Tingnan sa Spencer W. McBride, “Of Governments and Laws,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2012], 295, o sa history.lds.org.) Ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 134.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 134:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung sino ang nagtatag ng mga pamahalaan at bakit.

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin sa talata 1 tungkol sa layunin ng mga pamahalaan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng lahat ng tao.)

Ipaliwanag na ang mga pamahalaan sa talata 1 ay tumutukoy sa pamahalaan sa pangkalahatan, hindi sa isang partikular na uri ng pamahalaan.

  • Ayon sa talata 2, ano ang mga karapatan na dapat protektahan ng mga pamahalaan?

  • Ayon sa talata 3, bakit mahalaga para sa mga pamahalaan na magkaroon ng “mga pambayang pinunong sibil”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa kalayaan sa relihiyon.

  • Ano ang itinuturo ng talata 4 tungkol sa kalayaan sa relihiyon?

  • Paano naaapektuhan ng kalayaan sa relihiyon ang kakayahan nating sundin ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 134:5–12 na ipinaliliwanag na ipinahahayag ng deklarasyon na lahat ng mamamayan ay dapat “pagtibayin at itaguyod” ang mga makatarungang pamahalaan at igalang ang batas (talata 5). Ang mga pamahalaan ay dapat magtakda ng mga batas na pumuprotekta sa pinaniniwalaan ng mga relihiyon, ngunit wala sila dapat pinapaboran na anumang relihiyon. Bukod pa rito, madidisiplina ng mga grupo ng relihiyon ang kanilang mga miyembro kapag kinakailangan sa pamamagitan ng pagtitiwalag, ngunit hindi nila dapat samsamin ang mga ari-arian ng kanilang mga miyembro o saktan sila.

Doktrina at mga Tipan 135:1–7

Ipinaalam ng Simbahan ang martir na pagkamatay nina Propetang Joseph Smith at Hyrum Smith

Propetang Joseph Smith

Magdispley ng larawan ni Propetang Joseph Smith. Ipaliwanag na tulad ng mga nangyari noong panahong inuusig ang Simbahan, muling nabigong protektahan ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw nang paslangin si Propetang Joseph Smith at ang kapatid niyang si Hyrum sa Carthage Jail noong Hunyo 27, 1844. Pagkatapos nito, itinala ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang papuri sa Propeta sa kanilang mga journal, liham, at mga akdang pampubliko. Itinala ng mga miyembrong ito ang kanilang nadama nang malaman nila ang pagkamatay ng Propeta gayundin ang kanilang patotoo tungkol sa kanyang banal na tungkulin at misyon (tingnan sa Jeffrey Mahas, “Remembering the Martyrdom,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2012], 299–306, o sa history.lds.org). Isa sa mga papuring ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 135 at batay sa nasaksihan mismo nina Elder John Taylor at Elder Willard Richards, na kasama ng Propeta nang siya ay mamatay.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 135: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan sa Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang dahilan kung bakit pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 135:1–2, at alamin ang mga detalye tungkol sa pagpaslang.

  • Ano kaya ang madarama ninyo kung naninirahan kayo sa Nauvoo at nabalitaan ninyo ang pagkamatay ng Propeta?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 135:3–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang sinabi tungkol kay Propetang Joseph Smith. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang pinakanapansin nila.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa mga talatang ito?

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin sa talata 3 tungkol sa nagawa ni Joseph Smith “para sa kaligtasan ng [mga anak ng Diyos]”? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Si Propetang Joseph Smith, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na nabuhay rito.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Joseph F. Smith

“Ang gawaing ginampanan ni Joseph Smith ay hindi lamang para sa buhay na ito, kundi may kaugnayan rin ito sa darating na buhay, at sa buhay na nakaraan na. Sa madaling salita ito ay nauugnay sa mga taong nabuhay noon, sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyan at sa mga taong mabubuhay pa sa mundo sa paglisan natin sa mundong ito” (Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 481).

  • Paano makatutulong sa atin ang pahayag na ito na maunawaan ang kahalagahan ng misyon ni Propetang Joseph Smith?

Sabihin sa mga estudyante na isulat kung ano ang mga ginawa ni Propetang Joseph Smith para sa kanilang kaligtasan. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith, at anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi rin ng kanilang patotoo kung komportable silang gawin ito.

Doktrina at mga Tipan 136:1–33

Inorganisa at pinayuhan ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan bilang paghahanda para sa kanilang paglalakbay pakanluran

Ipaliwanag na dalawang linggo matapos mapaslang sina Joseph at Hyrum Smith sa Carthage, Illinois, isang pahayagan ang nagbalita ng tungkol sa pagkamatay ng Propeta at ng kanyang kapatid. “Ang artikulo … ay nagtapos sa konklusyon at prediksyon na may apat na salita: ‘Ganito nagwakas ang Mormonismo’” (Lawrence R. Flake, “Of Pioneers and Prophets” [Brigham Young University devotional, Hulyo 18, 1995], 3, speeches.byu.edu).

  • Ano ang hindi naunawaan ng awtor ng artikulong ito tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo?

Brigham Young

Magdispley ng larawan ni Pangulong Brigham Young, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Bago siya namatay, ipinagkaloob ni Propetang Joseph Smith ang mga susi ng priesthood sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pagkamatay niya, ang Korum ng Labindalawang Apostol, sa pamumuno ni Brigham Young, ay patuloy na pinamunuan ang Simbahan. Sa gitna ng tumitinding pag-uusig, nagsimulang umalis ang mga Banal sa Nauvoo, Illinois, noong Pebrero 1846 at nagtungo pakanluran papunta sa Rocky Mountains. Gayunman, mabagal ang kanilang paglalakbay dahil sa napakalakas na ulan at kakulangan ng suplay, at inabot sila nang halos apat na buwan para malakbay ang 300 milya patawid ng Iowa. Ipinasiya ng mga lider ng Simbahan na maghintay hanggang sa susunod na tagsibol bago ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay pakanluran, kaya nagtayo sila ng pansamantalang matitirahan sa mga pampang ng Ilog Missouri, na ang pinakamalaki ay ang Winter Quarters. Doon natanggap ni Brigham Young ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 edisyon [Church Educational System manual, 2003], 291–93, 306–14, 319330.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 136:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Pangulong Brigham Young. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano nakatulong sa mga miyembro ng Simbahan ang pagkaalam na patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa kanila?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 136:6–16 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon kay Pangulong Brigham Young kung paano “maghanda para sa mga yaong maiiwan,” o darating kalaunan (talata 6), at nagtawag ng mga tao na mamumuno sa iba’t ibang grupo ng mga Banal.

Isulat sa pisara ang sumusunod na reperensya: Doktrina at mga Tipan 136:1731. Mag-assign sa bawat estudyante ng isa o higit pang mga scripture verse (para ma-assign lahat ang scripture verse). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang naka-assign na mga scripture verse sa kanila, at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano kaya mapagpapala ng payo ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang paglalakbay pakanluran?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:30–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga ipinangako ng Panginoon sa mga Banal.

  • Anong mga alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga pangako ng Panginoon sa mga Banal? (Tulungan ang mga estudyante na makatukoy ng mga alituntunin na tulad ng sumusunod: Hindi natin kailangang katakutan ang ating mga kaaway dahil sila ay nasa mga kamay ng Panginoon. Maihahanda tayo ng mga pagsubok na nararanasan natin sa pagtanggap ng kaluwalhatian sa hinaharap. Kung magpapakumbaba tayo at mananawagan sa Panginoon, bibigyang-liwanag Niya ang ating isipan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)

  • Paano kaya nakatulong sa mga miyembro ng Simbahan ang mga alituntuning ito sa kanilang paglalakbay pakanluran?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano makatutulong ang mga alituntuning ito sa kanilang paglalakbay sa buhay. Magpatotoo kung paano ka napagpala ng pagsunod sa mga alituntuning ito.

Doktrina at mga Tipan 136:34–42

Ang Panginoon ay nagbigay muli ng katiyakan sa mga Banal at tinagubilinan silang pagsikapang sundin ang Kanyang mga kautusan

Patingnang muli ang larawan ni Propetang Joseph Smith na idinispley mo kanina. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 136:34–40 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon kay Brigham Young na bagama’t marami ang “namangha dahil sa [kamatayan ni Joseph Smith]” (talata 39), o nagtaka kung bakit siya namatay, matapat na natapos ni Joseph ang kanyang misyon (talata 38). Ipinaliwanag din ng Panginoon na pinaslang ang propeta upang kanyang “tatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo, upang siya ay maparangalan at ang masasama ay maparusahan” (talata 39).

Ipaliwanag na tinapos ng Panginoon ang paghahayag na ito sa mga salitang naghihikayat. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 136:37, 40–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon para mabigyang muli ng katiyakan ang mga Banal.

  • Paano nakapagbigay muli ng katiyakan sa mga Banal ang mga salita ng Panginoon?

  • Ayon sa talata 37, anong pagpapala ang matatanggap natin “kung [tayo] ay matapat sa pagtupad sa lahat ng [mga salita ng Panginoon,]” o mga kautusan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay tapat sa pagsunod sa lahat ng mga salita ng Panginoon, makikita natin balang araw ang Kanyang kaluwalhatian.)

Ipaliwanag na alam ng Panginoon na mahirap tuparin, o sundin, ang lahat ng Kanyang mga salita sa lahat ng oras, ngunit inaasahan Niyang gagawin natin ang lahat ng ating makakaya.

  • Paano makapaghihikayat sa inyo ang alituntuning ito na ipamuhay ang ebanghelyo?

Patotohanan ang katotohanan ng alituntuning ito. Sabihin sa mga estudyante na sikaping tuparin ang lahat ng salita ng Panginoon at matiyagang maghintay sa Kanyang mga pangako.