Institute
Lesson 14: Doktrina at mga Tipan 35–36; 39–40


Lesson 14

Doktrina at mga Tipan 35–36; 39–40

Pambungad at Timeline

Noong taglamig ng 1830, sina Sidney Rigdon at Edward Partridge ay naglakbay mula sa Ohio patungo sa New York upang makilala si Propetang Joseph Smith. Narinig ng dalawang lalaking ito ang ipinanumbalik na ebanghelyo na ipinangaral nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. sa Kirtland, Ohio. Nang dumating sina Sidney at Edward sa Fayette, nakatanggap agad si Joseph Smith ng mga paghahayag para sa bawat isa sa kanila. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 35, binigyan ng Panginoon si Sidney Rigdon ng mga partikular na responsibilidad sa kapanunumbalik na Simbahan. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 36, tinawag ng Panginoon si Edward Partridge na mangaral ng ebanghelyo.

Makalipas ang ilang linggo, si James Covel, na mga 40 taon nang Methodist minister, ay bumisita kay Propetang Joseph Smith at nakipagtipan sa Panginoon na susundin ang anumang kautusan na ibibigay sa kanya sa pamamagitan ng Propeta. Dahil dito, noong Enero 5, 1831, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 39. Dito ay iniutos ng Panginoon kay James Covel na magpabinyag at ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayunman, isang araw matapos matanggap ang paghahayag, umalis si James Covel sa Fayette, New York at “binalikan ang kanyang dating mga prinsipyo at mga tao” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 92, josephsmithpapers.org). Pagkatapos ay ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 40, ipinapaliwanag na si James Covel ay “takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita [ng Diyos]” (D at T 40:2).

Oktubre 29, 1830Ipinangaral nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. ang ebanghelyo sa hilagang-silangang Ohio sa loob ng ilang linggo.

Mga unang araw ng Disyembre 1830Naglakbay sina Sidney Rigdon at Edward Partridge mula sa Ohio papuntang New York upang makilala si Propetang Joseph Smith.

Disyembre 7, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 35.

Disyembre 9, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 36.

Disyembre 11, 1830Si Edward Partridge ay bininyagan ni Joseph Smith.

Enero 2, 1831Ginanap ang ikatlong kumperensya ng Simbahan, at ipinahayag ni Joseph Smith na magtitipon ang mga Banal sa Ohio.

Enero 1831Nakilala ni James Covel, isang Methodist minister, si Joseph Smith.

Enero 5, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 39.

Enero 6, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 40.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 35

Tinawag ng Panginoon si Sidney Rigdon para sa isang mas mahalagang gawain

Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang naranasan ninyo na nakatulong sa inyo na malaman na kilala kayo ng Panginoon at may plano Siya para sa buhay ninyo?

Kapag nagsimula na ang klase, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 35 ngayon, sabihin sa kanila na hanapin ang katotohanan na nagpapakita na kilala sila ng Panginoon at may plano Siya para sa buhay nila.

Ipaliwanag na noong taglagas ng 1830, sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. ay umalis mula sa New York patungo sa kanilang misyon sa kanlurang Missouri (tingnan sa D at T 32). Nahikayat ni Parley P. Pratt ang grupo na tumigil sa Kirtland, Ohio, noong maglakbay sila. Habang naroon, ibinahagi nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo kay Sidney Rigdon, isang kakilala ni Parley at isang Reformed Baptist minister, at sa mga miyembro ng kanyang kongregasyon. Sa maikling panahon, nabinyagan si Sidney Rigdon at ang mahigit 120 katao sa Kirtland, tinatayang nagpadoble sa dami ng mga miyembro ng Simbahan. Dahil gustong makilala si Propetang Joseph Smith, si Sidney Rigdon at ang kanyang kaibigan na si Edward Partridge ay naglakbay patungo sa Fayette, New York, at dumating roon sa mga unang araw ng Disyembre 1830. Nang makarating sila sa Fayette, nagpahayag ng pagnanais si Sidney na malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanya. Bilang tugon sa kanyang tanong, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 35.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 35:1–3, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Sidney Rigdon.

  • Anong mga salita o parirala ang nagpapakita na kilala ng Panginoon si Sidney?

  • Ano ang itinuturo ng talata 3 sa atin tungkol sa nalalaman at kalooban ng Panginoon sa atin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Kilala tayo ng Panginoon at tinutulungan tayo na makapaghanda para sa gawaing ipinagagawa Niya sa atin.)

Upang matulungan ang iyong mga estudyante na mas maunawaan at madama ang kahalagahan ng doktrinang ito, idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Henry B. Eyring

“Ang inyong buhay ay binabantayang mabuti, na katulad ng buhay ko. Parehong alam ng Panginoon ang kailangan Niyang ipagawa sa inyo at ang kailangan ninyong malaman. Siya ay mabait at alam Niya ang lahat. Kaya umasa at magtiwala kayo na naghanda Siya ng mga oportunidad para sa inyo upang matuto kayo bilang paghahanda sa paglilingkod na inyong ibibigay. Hindi ninyo lubos na matutukoy ang mga oportunidad na iyon, katulad ko. Ngunit kapag inuna ninyo ang mga espirituwal na bagay sa inyong buhay, ituturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong matutuhan, at mahihikayat kayo na lalo pang magsikap. Matatanto ninyo kalaunan na ang kakayahan ninyong maglingkod ay naragdagan, at magpapasalamat kayo” (Henry B. Eyring, “Education for Real Life,” Ensign, Okt. 2002, 18–19).

  • Ayon kay Pangulong Eyring, ano ang ilang paraan ng Panginoon para maihanda tayo sa gawaing ipagagawa Niya sa atin?

  • Ano ang maaari nating gawin para lalo pang magabayan ng Panginoon upang maging handa tayo na gawin ang Kanyang gawain?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang “mas mahalagang gawain” (D at T 35:3) na inihanda ng Panginoon para gawin ni Sidney Rigdon.

  • Ayon sa talata 4, paano nakatulad ni Sidney si Juan Bautista? (Ipaliwanag na tulad ni Juan, inihanda ni Sidney ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod upang marinig at tanggapin nila ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Karamihan, kung hindi man lahat, sa tinatayang 120 katao na unang nabinyagan sa Kirtland ay mga miyembro ng kongregasyon ng Reformed Baptist ni Sidney.)

  • Ayon sa talata 6, ano ang bahagi ng “mas mahalagang gawain” na iyon na ipagagawa ng Panginoon kay Sidney?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 35:7–12 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Sidney Rigdon ang tungkol sa dakilang gawain ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Itinuro ng Panginoon na gumagawa Siya ng “mga himala, tanda, at kababalaghan” alinsunod sa pananampalataya ng “yaong maniniwala sa [Kanyang] pangalan” (talata 8).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 35:13–14, at alamin ang mga katangian ng mga yaong tinatawag ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain at kung ano ang gagawin ng Panginoon para matulungan sila. Bago magbasa ang mga estudyante, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “himayin” ay ihiwalay ang butil mula sa tangkay at ipa nito. Ang analohiyang ito ay tumutukoy sa gawain ng Panginoon na tipunin ang mga taong handa nang tanggapin ang ebanghelyo at ihiwalay sila sa mga taong hindi pa handa. (Paalala: Sa 2013 English edition ng Doktrina at mga Tipan, ang salitang thrash sa talata 13 ay pinalitan ng thresh para ipakita ang mga salitang ginamit sa orihinal na paghahayag.)

  • Anong doktrina ang natukoy natin sa talata 13 tungkol sa mga tinawag ng Panginoon upang maisakatuparan ang Kanyang gawain? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit kailangang matukoy nila ang sumusunod na doktrina: Tinatawag ng Diyos ang mahihina upang isakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu.)

  • Sa inyong palagay, bakit maaaring ituring na mahihina ang mga tagapaglingkod ng Diyos?

  • Ayon sa talata 14, ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa mga yaong naglilingkod sa Kanya?

  • Sa inyong palagay, paano maaaring makatulong kay Sidney Rigdon ang mga katotohanang itinuro sa talata 13–14 sa bahaging ito ng kanyang buhay? Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang kahulugan para sa kanila ng mga katotohanang ito sa kasalukuyan nilang kalagayan.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 35:17–27 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Sidney Rigdon na Kanyang pinagpala si Joseph Smith sa kahinaan nito. Tinawag din ng Panginoon si Sidney Rigdon na bantayan ang Propeta, tulungan siya sa gawain ng pagsasalin ng Biblia, ipangaral ang ebanghelyo, at tuparin ang mga tipang kanyang ginawa.

Doktrina at mga Tipan 36

Pinatawad ng Panginoon si Edward Partridge at tinawag siya na mangaral ng ebanghelyo

Ipaliwanag na noong dumating ang mga missionary sa Ohio noong taglagas ng 1830, naniwala sa mensahe nila ang karamihan sa mga miyembro ng kongregasyon ni Sidney Rigdon, pati si Lydia Partridge, at nabinyagan kalaunan. Ang asawa ni Lydia na si Edward Partridge, ay nag-alangan pa at gustong makilala ang Propeta bago siya pumayag magpabinyag. Matapos magtungo sa New York at makausap ang Propeta, ninais ni Edward na magpabinyag. Dalawang araw bago siya binyagan, binigyan siya ng Panginoon ng paghahayag sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 36 na ipinapaliwanag na pinatawad ng Panginoon ang mga kasalanan ni Edward at tinawag siya na mangaral ng ebanghelyo. Sinabi niya kay Edward na ang Espiritu Santo ang magtuturo sa kanya ng “mga mapayapang bagay ng kaharian” (D at T 36:2).

Doktrina at mga Tipan 39

Iniutos ni Jesucristo kay James Covel na magpabinyag at gumawa sa Kanyang ubasan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Linda K. Burton, Relief Society General President:

Linda K. Burton

“Ang pagtupad ng mga tipan ay mahalaga para tunay na lumigaya” (Linda K. Burton, “Ang Kapangyarihan, Galak, at Pagmamahal sa Pagtupad ng Tipan,” Ensign o Liahona, Nov. 2013, 113).

  • Kung ang pagtupad sa ating mga tipan ay nagdudulot ng kaligayahan, bakit sa inyong palagay nilalabag o iniisip labagin ito kung minsan ng mga tao?

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 39–40, sabihin sa kanila na maghanap ng mga alituntunin na tutulong sa kanila na manatiling tapat sa kanilang mga tipan sa Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 39, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung para kanino ang paghahayag na ito at kung bakit ito ibinigay.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 39:1–6 na ipinapaliwanag na sinimulan ni Jesucristo ang paghahayag na ito sa pagtuturo na pagkakalooban Niya ng kapangyarihan ang mga yaong tumanggap sa Kanya na maging Kanyang mga anak na lalaki at babae sa espirituwal. Tinatanggap natin Siya kapag tinatanggap natin ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 39:7–12. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang ipinayo ng Panginoon na gawin ni James Covel. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na alamin ang ipinangako sa kanya ng Panginoon kung siya ay susunod. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “matwid ngayon sa harapan” ng Panginoon ang puso ni James Covel? (talata 8).

  • Bakit maaaring kailanganin ni James Covel ng malaking pananampalataya para masunod ang utos ng Tagapagligtas na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo at magpabinyag? (Dahil si James Covel ay isang Methodist minister, kung siya ay mabibinyagan tatalikuran niya ang kanyang posisyon, mga kasamahan, at suweldo na tinamasa niya sa nakalipas na mahigit 40 taon.)

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 39:13–24 tinawag ng Panginoon si James Covel na mangaral ng ebanghelyo sa Ohio. Itinuro rin sa kanya ng Panginoon kung ano ang ituturo at paano ito ituturo.

Doktrina at mga Tipan 40

Inihayag ng Panginoon kung bakit hindi tinanggap ni James Covel ang Kanyang mga salita

Sabihin sa mga estudyante na isang araw matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 40, umalis si James Covel sa Fayette nang hindi nabibinyagan. Ayon kay Joseph Smith, “hindi tinanggap” ni James “ang salita ng Panginoon, at binalikan ang kanyang dating mga prinsipyo at mga tao” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 92, josephsmithpapers.org).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 40:1–3 at alamin kung bakit hindi sinunod ni James Covel ang salita ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 40:1 sa Doktrina at mga Tipan 39:8. Ano ang nagbago?

  • Batay sa nalaman ninyo tungkol kay James Covel, ano ang maaaring mangyari kung magpapadala tayo sa takot at madaraig ng mga alalahanin ng sanlibutan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ay maaaring maging dahilan para hindi natin tanggapin ang salita ng Diyos at labagin ang ating mga tipan sa Kanya.)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa isang kapartner kung paano nila sasagutin ang sumusunod na tanong:

  • Sa paanong paraan nagiging dahilan ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan para hindi natin tanggapin ang mga turo ng Diyos at labagin ang ating mga tipan sa Kanya?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

  • Ano ang nakatulong sa inyo para mapaglabanan ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan upang manatiling tapat sa Diyos at sa inyong mga tipan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para hindi matulutan ang takot na mausig o ang mga alalahanin ng sanlibutan na makahadlang sa pamumuhay nila nang tapat ayon sa ebanghelyo. Hikayatin sila na gawin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.