Institute
Lesson 56: Opisyal na Pahayag 2


“Lesson 56: Opisyal na Pahayag 2,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 56,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 56

Opisyal na Pahayag 2

Pambungad at Timeline

Sa paglaganap ng gawaing misyonero sa iba’t ibang dako ng mundo noong ika-20 siglo, ipinagdasal ng mga lider ng Simbahan na patnubayan sila tungkol sa mga restriksyon sa ordenasyon sa priesthood at sa mga ordenansa sa templo para sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing black African. Noong Hunyo 1, 1978, inihayag ng Panginoon kay Pangulong Spencer W. Kimball, sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat nang alisin ang mga restriksyong ito. Noong Hunyo 8, 1978, ibinalita ng Unang Panguluhan ang paghahayag na ito sa isang liham sa mga lider ng Simbahan. Ang liham na ito ay nakatala sa Opisyal na Pahayag 2.

Disyembre 30, 1973Si Spencer W. Kimball ay inorden bilang Pangulo ng Simbahan.

Hunyo 1, 1978Si Pangulong Kimball, kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nakatanggap ng paghahayag tungkol sa pagkakaloob ng priesthood at mga pagpapala ng templo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan.

Hunyo 8, 1978Ang Unang Panguluhan ay naglathala ng isang liham na nagsasaad ng paghahayag.

Setyembre 30, 1978Ang paghahayag na natanggap noong Hunyo 1 ay inilahad sa mga miyembro ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya at buong pagkakaisang sinang-ayunan bilang “salita at kalooban ng Panginoon” (Opisyal na Pahayag 2).

Nobyembre–Disyembre 1978Dumating ang mga missionary sa Ghana at Nigeria para itatag ang Simbahan sa Kanlurang Africa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Opisyal na Pahayag 2

Inihayag ng Panginoon na ang priesthood at mga pagpapala sa templo ay maaaring ipagkaloob sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang historikal na konteksto ng Opisyal na Pahayag 2, ipaliwanag na “mula noong kalagitnaan ng 1800s hanggang 1978[,] hindi inorden ng Simbahan ang mga lalaking may lahing black African sa priesthood o pinayagan ang mga lalaki o babaeng black African na makibahagi sa endowment o mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo” (“Race and the Priesthood,” Gospel Topics, topics.lds.org).

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang isasagot nila kung sabihin sa kanila na ipaliwanag nila kung bakit nagkaroon ng ganitong mga restriksyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Official Declaration 2 na nasa 2013 edition ng Doctrine and Covenants. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa “origins,” o pinagmulan ng mga restriksyong ito.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng pambungad sa Official Declaration 2 tungkol sa mga pinagmulan ng mga restriksyon sa mga priesthood at sa mga pagpapala ng templo?

Ipaliwanag na bagama’t may ilang iminungkahing dahilan para sa mga restriksyong ito sa priesthood at templo, ang mga paliwanag na ito ay personal na mga opinyon at maaaring hindi tumpak. Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Ang ilang paliwanag tungkol sa [restriksyon ng priesthood] ay ginawa nang walang tuwirang paghahayag at ang mga reperensya sa mga paliwanag na ito ay binabanggit kung minsan sa mga lathalain. Ang mga naunang personal na pahayag na ito ay hindi kumakatawan sa doktrina ng Simbahan” (“Race and the Church: All Are Alike Unto God,” Peb. 29, 2012, mormonnewsroom.org; tingnan din sa “Race and the Priesthood,” Gospel Topics, topics.lds.org).

Ipaliwanag na ang Opisyal na Pahayag 2 ay naglalaman ng isang liham na may petsang Hunyo 8, 1978, para sa mga lider ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng daigdig na nagpapabatid ng paghahayag na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata ng liham (simula sa mga salitang “Mga Minamahal na Kapatid”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng mga lider ng Simbahan na kanilang “nasasaksihan” sa iba’t ibang panig ng mundo.

  • Ano ang nasaksihan ng mga lider ng Simbahan?

Ipaliwanag na noong 1960s at mga unang taon ng 1970s, nalaman ng libu-libong tao na may lahing African ang katotohanan ng ebanghelyo at nagnais na magpabinyag. Ang mga indibidwal sa mga bansang tulad ng Nigeria at Ghana ay humiling na magpadala ang Simbahan ng mga missionary sa Africa. Matagal na panahong pinag-isipan nang may kasamang panalangin ng mga lider ng Simbahan ang kahilingang ito ngunit hindi nila nadama na iyon na ang tamang panahon. Kung walang priesthood, hindi makapamumuno ang mga lokal na miyembro sa mga kongregasyon o makapagsasagawa ng mahahalagang ordenansa. Sa Brazil, dumarami ang mga itim na miyembro na tapat na naglilingkod sa Simbahan. Marami rin ang bukas-palad na nag-ambag sa pagpapatayo ng São Paulo Brazil Temple kahit hindi sila pahihintulutang pumasok sa templo dahil sa restriksyon.

  • Ano ang nakapagbigay ng inspirasyon sa mga lider ng Simbahan nang masaksihan nila ang paglawak na ito ng gawain ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikalawang talata ng liham na itinala sa Opisyal na Pahayag 2 (mula sa “Batid ang mga pangakong”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano pa ang nagpaibayo sa hangarin ng mga lider ng Simbahan na ipagkaloob ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan.

  • Ano pa ang nagpaibayo sa hangaring ito?

  • Paano kumilos ang mga lider ng Simbahan ayon sa hangaring ito?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talatang ito tungkol sa ginagawa ng mga propeta habang ginagabayan nila ang Simbahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang mga propeta ay humihingi ng banal na patnubay para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa Simbahan.)

Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon na binanggit mo sa simula ng lesson.

  • Kapag tinatalakay ang mga desisyon at mga turo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, bakit makabubuting tandaan na ang mga propeta ay humihingi ng banal na patnubay para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa Simbahan?

Ipaliwanag na noong 1978, nag-alala si Pangulong Kimball lalo na tungkol sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo, at madalas niyang pagnilayan at ipagdasal sa templo ang tungkol sa bagay na ito. Madalas din siyang makipagsanggunian sa iba pang mga General Authority at inaanyayahan silang ipahayag ang kanilang damdamin tungkol sa bagay na ito. (Tingnan sa Bruce R. McConkie, “The New Revelation on Priesthood,” sa Priesthood [1981], 127).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang isinalaysay ni Pangulong Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Batid kong may isang bagay tayong kinakaharap na lubos na mahalaga para sa karamihan ng mga anak ng Diyos. Alam kong matatanggap lang natin ang paghahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat at pagiging handa sa mga ito at kahandaang tanggapin ang mga ito at ilagay sa wastong kalalagyan ang mga ito. Araw-araw akong pumupuntang mag-isa sa mga silid sa itaas ng [Salt Lake temple] nang may lubos na kataimtiman, at iniaalay ko roon ang aking kaluluwa at iniaalay ang aking mga pagpupunyagi na maisulong ito. Nais kong gawin ang nais Niya. Nakipag-usap ako sa kanya tungkol dito at nagsabing, ‘Panginoon, ang nais ko lamang ay ang tama. … Ang hangad lang po namin ay ang bagay na nais ninyo, at nais namin iyon kung nais po ninyo, at hindi kung kailan namin gusto’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 282–83).

  • Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa mga pagsisikap ni Pangulong Kimball na humingi ng patnubay ng Panginoon?

  • Paano tayo matutulungan ng halimbawa ni Pangulong Kimball kapag humingi tayo ng patnubay ng Panginoon?

Ipaliwanag na noong Hunyo 1, 1978, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpulong sa Salt Lake Temple. Pumunta sila sa templo nang nakapag-ayuno. Binanggit ni Pangulong Kimball ang kanilang mga nakaraang talakayan tungkol sa pagkakaloob ng priesthood at mga pagpapala sa templo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan. Hiniling niya sa bawat taong naroon na ibahagi ang kanyang pananaw hinggil sa bagay na ito. Pagkatapos ay iminungkahi ni Pangulong Kimball na sama-sama silang manalangin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangatlo at pang-apat na talata ng liham na nakatala sa Opisyal na Pahayag 2 (simula sa “Kanyang dininig ang aming mga panalangin”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano tinugon ng Panginoon ang mga pagsamo ng mga lider na ito ng Simbahan.

  • Ano ang pinagtibay ng Panginoon kay Pangulong Kimball at sa iba pang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag?

  • Anong doktrina ang matutukoy natin sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano dapat pamunuan at pamahalaan ang Simbahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta.)

Upang lalo pang mailarawan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang sumusunod na mga salaysay nina Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) at Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa naranasan nila nang matanggap ang paghahayag noong Hunyo 1, 1978:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Nagkaroon ng isang sagrado at pinabanal na kapaligiran sa silid. Para sa akin, parang isang lagusan ang nagbukas sa pagitan ng luklukan ng langit at ng nakaluhod at nagsusumamong propeta ng Diyos na sinamahan ng kanyang mga Kapatid. Naroon ang Espiritu ng Diyos. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay dumating ang katiyakan sa propetang iyon na tama ang bagay na ipinagdasal niya, na dumating na ang tamang panahon, at ngayon, ang kamangha-manghang mga pagpapala ng priesthood ay dapat igawad sa karapat-dapat na mga lalaki anuman ang kanilang lahi.

“Bawat lalaki sa bilog na iyon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay nalaman lahat ang bagay na iyon. …

“Walang tinig na naririnig ng aming pisikal na mga tainga ang narinig. Ngunit ang tinig ng Espiritu ay bumulong nang may katiyakan sa aming isipan at kaluluwa. …

“… Nilisan namin ang pulong nang panatag at mapitagan at masaya. Wala ni isa sa amin na naroon sa kaganapang iyon ang nanatili pa ring tulad ng dati pagkatapos niyon. Nabago rin ang Simbahan mula noon” (Gordon B. Hinckley, “Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 70).

“Sa pagkakataong ito, dahil sa taimtim na pagsamo at pananampalataya, at dahil dumating na ang oras at panahon, ang Panginoon sa kanyang kabutihan ay ibinuhos ang Espiritu Santo sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa sa mahimala at kagila-gilalas na paraan, higit kaysa anumang bagay na naranasan ng sinumang naroon. Dumating ang paghahayag sa Pangulo ng Simbahan; dumating din ito sa bawat indibiduwal na naroon. … Bunga nito, alam ni Pangulong Kimball, at alam ng bawat isa sa amin, hindi ng sinumang ibang tao, sa pamamagitan ng tuwiran at personal na paghahayag sa amin, na dumating na ang panahon para ipaabot ang ebanghelyo at ang lahat ng pagpapala nito at ang lahat ng obligasyon nito, pati na ang priesthood at ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon, sa lahat ng bansa, kultura, at lahi” (Bruce R. McConkie, “All Are Alike unto God” [Church Educational System Religious Educators’ Symposium, Ago. 18, 1978, 4, speeches.byu.edu).

  • Ayon sa isinalaysay ni Elder McConkie, bakit dumating ang paghahayag sa panahong iyon? (Maaari mong bigyang diin na dumating ang paghahayag dahil sa taimtim na pagsamo nang may pananampalataya at dahil dumating na ang oras at panahon.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang matanggap ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang parehong nagpapatibay na paghahayag mula sa Panginoon?

Tukuyin ang dalawang katotohanang nakasulat sa pisara: “Ang mga Propeta ay humihingi ng banal na patnubay para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa Simbahan” at “Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta.”

  • Paano makatutulong sa atin ang pagkaunawa sa mga katotohanang ito para magkaroon tayo ng pananampalatayang sundin ang payo na natatanggap ng mga propeta mula sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon sa kanilang buhay na nadama o nalaman nila na pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng iyong sariling karanasan.

Patotohanan na totoong inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga propeta, at hikayatin ang mga estudyante na sundin ang payo at pamumuno ng mga propeta ng Panginoon.

Ipaliwanag na ang liham na nagpapabatid sa paghahayag noong Hunyo 1, 1978 ay inilathala noong Hunyo 8, 1978. Makalipas ang ilang buwan, inilahad ni Pangulong N. Eldon Tanner ng Unang Panguluhan ang paghahayag sa mga miyembro ng Simbahan sa semiannual general conference para sa boto ng pagsang-ayon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikalawang talata ng Opisyal na Pahayag 2 (simula sa “Sa unang bahagi ng Hunyo ng taong ito”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iniutos ni Pangulong Kimball kay Pangulong Tanner na sabihin sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa paghahayag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa mga miyembro ng Simbahan na malaman na ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkakaisang inaprubahan ang paghahayag na ito?

Ipaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan na dumalo sa kumperensya ay buong pagkakaisang tinanggap ang paghahayag “bilang salita at kalooban ng Panginoon” (Opisyal na Pahayag 2). Dahil sa paghahayag na tumapos sa mga restriksyon sa priesthood at templo, ang mga missionary ay nangangaral na ng ebanghelyo sa halos lahat ng bansa sa Africa, may mga templo nang naitayo sa kontinenteng iyon, at daan-daang libong tao na may lahing African ang nakatanggap na ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at para sa yumao nilang mga ninuno.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na magpatotoo tungkol sa mga propeta ngayon at sa mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito.