Institute
Lesson 45: Doktrina at mga Tipan 115–20


“Lesson 45: Doktrina at mga Tipan 115–20,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 45,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 45

Doktrina at mga Tipan 115–20

Pambungad at Timeline

Noong Abril 26, 1838, matapos lumipat sa Far West, Missouri, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 115. Inihayag ng Panginoon dito ang pangalan ng Simbahan, pinayuhan ang mga miyembro na “bumangon at magliwanag” (D at T 115:5), at inatasan ang mga Banal na magtayo ng templo sa Far West.

Noong Mayo 19, 1838, habang ginagalugad ang lupain pahilaga ng Far West, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 116. Tinukoy dito ng Panginoon ang Spring Hill, Missouri, bilang Adan-ondi-Ahman.

Noong Hulyo 8, 1838, sa Far West, natanggap ng propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 117–20. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 117, iniutos ng Panginoon kay Newel K. Whitney at William Marks na “ayusin nila nang mabilis ang kanilang negosyo” sa Kirtland, Ohio, at lumipat sa Far West (D at T 117:1). Tinawag din si Oliver Granger para ayusin ang pananalapi ng Unang Panguluhan sa Kirtland. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 118, tinagubilinan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na punan ang mga bakanteng katungkulan sa Korum ng Labindalawang Apostol at iniutos sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na magmisyon sa ibang bansa. Sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 119–20, tinalakay ng Panginoon ang malaking problema sa pinansyal ng Simbahan sa pagbibigay ng mga tagubilin hinggil sa batas ng ikapu at sa pamamahagi ng pondo ng ikapu.

Tag-init 1836Bumili ng lupain ang mga miyembro ng Simbahan at nagsimulang manirahan sa isang lugar sa hilagang Missouri na tinawag nila na Far West.

Disyembre 1836Nilikha ng Missouri state legislature ang Caldwell County upang panirahanan lamang ng mga miyembro ng Simbahan.

Marso 14, 1838Si Joseph Smith at ang kanyang pamilya ay dumating sa Far West, Missouri.

Abril 26, 1838Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 115.

Kalagitnaan ng Mayo 1838Si Joseph Smith ay nagpasimula ng isang ekspedisyon patungo sa mga lugar na nasa hilaga ng Far West, Missouri, upang maghanap ng karagdagang matitirahan ng mga Banal.

Mayo 19, 1838Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 116.

Hulyo 8, 1838Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 117–20.

Abril 26, 1839Isinakatuparan ng pitong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang katuparan ng propesiya sa pamamagitan ng paglalatag ng pangulong bato sa panulok ng Far West Temple.

Taglagas 1839Ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay umalis para magmisyon sa Great Britain.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 115–16

Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na magtayo ng templo sa Far West, Missouri, at inihayag ang kinaroroonan ng Adan-ondi-Ahman

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataong inabutan sila ng malakas na bagyo. Anyayahan ang ilang estudyante na maikling ibahagi ang kanilang mga karanasan.

  • Paano maihahalintulad sa malakas na bagyo ang mga pagsubok at mga tukso?

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 115 na makatutulong sa kanila na makahanap ng kanlungan mula sa maraming unos sa buhay na ito.

mapa, kanlurang Missouri

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 115, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. (Maaari mo ring ipakita ang kalakip na mapa na nagpapakita ng Jackson, Clay, at Caldwell County.)

Matapos sapilitang paalisin ang mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County, Missouri, noong 1833, maraming nanirahan sa Clay County, Missouri, habang sinisikap na mabawi ang kanilang mga lupain. Nang mabigo ang mga pagsisikap nilang ito at pinaalis ng mga residente ng Clay County sa bayan nila ang mga Banal noong 1836, sinimulan ng mga lider ng Simbahan na ilipat ng tirahan ang mga Banal sa isang rehiyon sa hilagang Missouri na walang nakatira, kung saan nila itinatag ang pamayanan na pinangalanang Far West. Nang bisitahin ni Propetang Joseph Smith ang Far West noong Nobyembre 1837, ipinasiya ng mga lider ng Simbahan na palawakin ang Far West at magtayo ng templo, kung makatatanggap sila ng mga karagdagang tagubilin mula sa Panginoon. Lumipat ang Propeta sa Far West noong Marso 1838, at noong Abril 26, 1838, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 115. (Tingnan sa Alexander L. Baugh, “From High Hopes to Despair: The Missouri Period, 1831–39,” Ensign, July 2001, 48; The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 6: February 1838–August 1839, inedit ni Mark Ashurst-McGee at iba pa [2017], 112–13.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 115:1–3 na ipinaliliwanag na ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito para sa mga lider at miyembro ng Simbahan.

Ipaliwanag na bago ang pahayag na ito, ang Simbahan ay tinawag sa iba’t ibang pangalan, gaya ng Simbahan ni Cristo o Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangalan ng Panginoon sa Kanyang Simbahan.

  • Ano ang ipinangalan ng Panginoon sa Kanyang Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga miyembro ng Simbahan.

  • Ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “bumangon at magliwanag”?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 5 tungkol sa maaaring mangyari kung gagawin natin na “bumangon at magliwanag”? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tayo ay babangon at magliliwanag, ang ating liwanag ay magiging isang sagisag sa mga bansa.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maging isang sagisag sa mga bansa” (talata 5)? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ating halimbawa bilang mga miyembro ng Simbahan na gumagawa at tumutupad ng mga tipan ay inspirasyon sa iba at makatutulong na ilapit sila sa Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila na nakapagbigay ng inspirasyon sa iba at nakatulong na mas ilapit sila sa Panginoon dahil sa kanilang halimbawa. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ipaliwanag kung paano naging liwanag sa iba ang taong kilala nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga ipinangakong pagpapala sa mga magtitipon sa mga istaka o stake ng Sion.

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtitipon sa mga istaka o stake ng Sion? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag tayo ay nagtipon sa mga stake ng Sion, magkakaroon tayo ng isang tanggulan at isang kanlungan mula sa unos.)

  • Ano ang ilang “unos” na nararanasan ng mga kabataan ngayon?

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagtitipon kasama ng mga Banal sa paghahanap ng mga kanlungan mula sa mga unos na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 115:7–19, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Far West “alinsunod sa huwarang” ipakikita ng Panginoon sa Unang Panguluhan (mga talata 14–16). Iniutos din sa kanila ng Panginoon na “kaagad itayo” ang pamayanan sa Far West at hanapin ang “ibang mga lugar … sa paligid” kung saan makapagtatatag ang mga Banal ng mga stake ng Sion (mga talata 17–18). Bilang pagsunod sa tagubiling ito, ginalugad ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang mga lugar na nakapalibot sa Far West, at sa isa sa mga ekspedisyong ito natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 116.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading para sa Doktrina at mga Tipan 116 at ang Doktrina at mga Tipan 116:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang pangalan ng lugar na ginalugad ni Propetang Joseph Smith.

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa Spring Hill, Missouri?

Ipaliwanag na tatlong taon bago siya pumanaw, tinipon ni Adan ang kanyang mabubuting angkan sa Adan-ondi-Ahman at sila’y binasbasan, “at ang Panginoon ay nagpakita sa kanila” (tingnan sa D at T 107:53–56). Bago magsimula ang Milenyo, mangyayari ang isa pang mahalagang pulong sa Adan-ondi-Ahman, kung saan magtitipon ang Tagapagligtas at si Adan at ang iba pang mga propeta kasama ang mabubuting miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 27: 5–14; Daniel 7:13–14, 22).

Doktrina at mga Tipan 117

Iniutos ng Panginoon kina William Marks at Newel K. Whitney na lisanin ang Kirtland, Ohio, at inatasan Niya si Oliver Granger na ayusin ang mga gawaing pangnegosyo ng Unang Panguluhan

Ipaliwanag na matapos lisanin ni Propetang Joseph Smith ang Kirtland, Ohio, noong Enero 1838, si William Marks ay itinalaga na pangasiwaan ang Simbahan sa Kirtland at bayaran ang mga pagkakautang nina Joseph Smith at Sidney Rigdon doon. Si Bishop Newel K. Whitney ang namamahala sa mga negosyo at ari-arian ng Simbahan sa Kirtland. Kailangang isaayos ng dalawang lalaking ito ang mga gawain ng Simbahan sa Kirtland, at pagkatapos ay kaagad lumipat sa Missouri kasama ang iba pang mga Banal. Gayunman, noong Hulyo 1838, nanatili ang dalawang lalaking ito sa Kirtland. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 6: February 1838–August 1839, 191.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 117:1–3, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon kina William Marks at Newel K. Whitney.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa dalawang lalaking ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 117:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit nanatili ang mga lalaking ito sa Kirtland.

  • Ayon sa mga talata 4–5, bakit nanatili ang mga lalaking ito sa Kirtland? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na labis nilang inalala ang tungkol sa mga ari-arian nila sa Kirtland.)

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa kanila tungkol sa “ari-arian” sa mga talata 5–8? (Ipaliwanag na ang pariralang “mga kapatagan ng Olaha Shinehah” ay tumutukoy sa lupain sa paligid ng Adan-ondi-Ahman.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “magnasa ng … patak … at pabayaan ang mas mabibigat na bagay” sa talata 8?

  • Batay sa sinabi ng Panginoon sa mga lalaking ito, ano ang magagawa natin dahil sa “kasakiman” (talata 4)? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang ating kasakiman ay maaaring maging sanhi para mapabayaan natin ang mas mabibigat o importanteng bagay.)

  • Ano ang ilang halimbawa ng “kasakiman” (talata 4) na maaaring maging sanhi para ating “[ma]pabayaan ang mas mabibigat na bagay” (talata 8)?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 117:10–11 na ipinaliliwanag na pinayuhan ng Panginoon si William Marks na “maging matapat sa maliliit na bagay” upang siya ay gawing “isang tagapamahala sa marami” (talata 10). Sinabi rin ng Panginoon kay Brother Marks na patuloy siyang maglilingkod bilang lider ng Simbahan pagdating niya sa Far West. Pagkatapos ay pinagalitan ng Panginoon si Newel K. Whitney dahil sa “kanyang kaliitan ng kaluluwa,” at tinagubilinan siya na “maging isang obispo … hindi sa pangalan kundi sa gawa” sa Adan-ondi-Ahman (talata 11).

Sabihin sa mga estudyante na si Oliver Granger ay inatasang bumalik sa Kirtland bilang financial agent para sa Unang Panguluhan (mga talata 12–14) upang sina Brother Marks at Bishop Whitney ay magawang “ayusin … nang mabilis ang kanilang negosyo” (talata 1).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 117:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Oliver Granger. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa kanyang yaman” sa talata 13?

Doktrina at mga Tipan 118

Tumawag ang Panginoon ng apat na bagong Apostol at tumawag ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na maglilingkod sa misyon sa ibang bansa

Ipaliwanag na noong tag-init ng 1838, habang inihahanda ni Propetang Joseph Smith ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na magmisyon sa ibang bansa at sinisikap na mapunan ang mga nabakanteng katungkulan sa Korum, ipinagdasal niya na ihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa Labindalawang Apostol. Bilang sagot sa kanyang panalangin, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 118, kung saan tumawag ang Panginoon ng apat na bagong Apostol at tinagubilinan ang mga miyembro ng korum tungkol sa kanilang pagmimisyon sa ibang bansa.

Doktrina at mga Tipan 119–120

Inihayag ng Panginoon ang batas ng ikapu at bumuo ng isang council na mamamahala sa mga pondo ng ikapu

Ipaliwanag na noong Hulyo 1838, malaki pa rin ang pagkakautang ng Simbahan, subalit inatasan ang mga miyembro ng Simbahan na itatag ang Far West at magtayo ng isa pang templo nang hindi na mangungutang (tingnan sa D at T 115:8–13). Nakipagkita ang Propeta sa mga lider ng Simbahan noong Hulyo 8, 1838, upang talakayin ang dapat nilang gawin.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 119, at alamin ang ginawa ng Propeta na humantong sa paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 119:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sagot ng Panginoon sa panalangin ng Propeta.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan ayon sa nakatala sa mga talata 1–2?

  • Ano ang iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan matapos nilang ibigay ang kanilang “labis na ari-arian” (talata 1) sa bishop?

  • Ipaliwanag ang pariralang “ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailaman” sa talata 4.

  • Ano ang ibig sabihin ng “mananatiling batas … magpakailanman”?

  • Anong “mananatiling batas” ang ibinigay sa atin ng Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Iniuutos sa atin ng Panginoon na magbayad ng ikasampung bahagi ng ating tinubo o kinita bilang ikapu.)

Ipaliwanag na nilinaw ng Panginoon ang ating pang-unawa tungkol sa “mananatiling batas” ng ikapu sa ating panahon. Noong 1970, itinuro ng Unang Panguluhan na ang pariralang “lahat ng kanilang tinubo taun-taon” (talata 4) ay tumutukoy sa ating kinikita (tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Mar. 19, 1970). Ang mga miyembro ay hindi na kailangang ibigay ang “lahat nilang labis na ari-arian” bilang ikasampung bahagi ng kanilang kita.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 119:5–6, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung hindi ipamumuhay ng mga Banal ang batas na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano tayo pinababanal ng pagbabayad ng ikapu?

  • Paano kayo napagpala ng Panginoon dahil sa matapat na pagbabayad ng ikapu?

Sabihin sa mga estudyante na mangako na tapat na magbayad ng kanilang ikapu para matanggap din nila ang mga pagpapala ng Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na sa Doktrina at mga Tipan 120, bumuo ang Panginoon ng isang council na mamamahala sa pondo ng ikapu.

Maaari mong rebyuhin at patotohanan ang doktrina at mga alituntuning tinukoy sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.