Lesson 25
Doktrina at mga Tipan 66–70
Pambungad at Timeline
Noong Oktubre 29, 1831, si William E. McLellin, isang bagong binyag sa Simbahan, ay nagtanong sa Panginoon ng limang tanong at ipinagdasal na makatanggap ng mga sagot sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Pagkatapos ay hiniling ni William sa Propeta na magtanong sa Panginoon para sa kanya. Si Joseph, na hindi alam ang ipinagdasal o ang limang tanong ni William, ay nanalangin sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 66. Idinetalye sa paghahayag na ito ang mga pagpapala at payo hinggil sa espirituwal na katayuan ni William at sa kanyang tungkuling ipangaral ang ebanghelyo.
Noong Nobyembre 1831, nagtipon ang mga maytaglay ng priesthood para sa sunud-sunod na mga pagpupulong o kumperensya sa Hiram, Ohio, upang talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith mula sa Panginoon hanggang sa panahong iyon. Sa kumperensya, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1, na itinalaga Niya bilang Kanyang paunang salita sa aklat ng mga paghahayag na ilalathala. Ibinigay rin ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 67, kung saan tinugon Niya ang mga namumuna sa wika ng mga paghahayag na natanggap ng Propeta.
Habang nasa kumperensya, apat na kalalakihan ang humiling kay Joseph Smith na magtanong sa Panginoon tungkol sa Kanyang kalooban para sa kanila. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 68. Kabilang sa paghahayag ang payo sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo, mga karagdagang tagubilin tungkol sa nilalaman ng banal na kasulatan, mga tagubilin tungkol sa tungkulin ng mga bishop, at kautusan sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin at mga ordenansa ng ebanghelyo.
Sa mga kumperensyang ito, iniutos kay Oliver Cowdery na dalhin sa Missouri ang mga tinipong manuskrito ni Joseph Smith mula sa Ohio para maipalimbag. Noong Nobyembre 11, 1831, idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 69, at tinagubilinan si John Whitmer na samahan si Oliver sa Missouri at patuloy na magtipon ng mga materyal na pangkasaysayan bilang mananalaysay at manunulat ng Simbahan. Nang sumunod na araw sa isang kumperensya sa Hiram, Ohio, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 70. Sa paghahayag na iyon, nagtalaga ang Panginoon ng anim na kalalakihan na mangangasiwa sa paglalathala ng mga paghahayag.
-
Oktubre 29, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 66.
-
Nobyembre 1–2, 1831Tinalakay ng mga elder sa isang kumperensya ng Simbahan na ginanap sa Hiram, Ohio, ang paglalathala ng mga paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith (ang Aklat ng mga Kautusan). Sa kumperensya, natanggap ng Propeta ang Doktrina at mga Tipan 67–68.
-
Nobyembre 11, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 69.
-
Nobyembre 12, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 70.
-
Nobyembre 20, 1831Sina Oliver Cowdery at John Whitmer ay lumisan ng Ohio papuntang Missouri para ipalimbag ang mga paghahayag sa Aklat ng mga Kautusan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 66
Pinayuhan ng Panginoon si William E. McLellin at iniutos dito na ipangaral ang ebanghelyo at talikdan ang kasamaan
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na gusto nilang bumuti o umunlad sa espirituwal.
-
Paano ninyo malalaman na espirituwal na umuunlad kayo?
-
Paano ninyo malalaman kung ano ang pagtutuunan upang esprituwal na umunlad?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 66 na gagabay sa pagsisikap nila na espirituwal na umunlad.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kontekstong pangkasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 66, ipaliwanag na ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 66 ay para kay William E. McLellin, na nabinyagan noong Agosto 1831. Hindi nagtagal pagkatapos mabinyagan, inordenan siya bilang elder at sinamahan niya si Hyrum Smith nang ilang linggo bilang missionary. Noong Oktubre, naglakbay siya sa Ohio para dumalo sa isang kumperensya ng simbahan at nakipag-usap kay Propetang Joseph Smith. Noong Oktubre 29, lihim na nanalangin si William, at hiniling sa Panginoon na ihayag sa kanya ang mga sagot sa limang tanong sa pamamagitan ni Joseph Smith. (Walang natuklasang dokumento na nakapagtala sa mga tanong na iyon.) Nang hindi sinasabi sa Propeta ang tungkol sa kanyang panalangin o mga tanong, humiling si Willliam ng paghahayag. Habang idinidikta ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 66, nalaman ni William na sinagot nga ng Panginoon ang bawat isa sa kanyang mga tanong. Bilang bahagi ng paghahayag na ito, binigyan ng Panginoon si William ng mga tagubilin at babala na nakatulong sa kanya na malaman ang katayuan niya sa harapan ng Panginoon at ang kailangan niyang gawin para espirituwal na umunlad.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa espirituwal na pag-unlad ni William McLellin.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa espirituwal na pag-unlad ni William?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 66:3 at alamin ang sinabi ng Panginoon na kailangan pang gawin ni William. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon na espirituwal na umunlad? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Maipapakita sa atin ng Panginoon ang kailangan nating pagsisihan.)
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita sa atin ng Panginoon ang mga bagay na kailangan nating pagsisihan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na maaanyayahan natin ang Panginoon na ipakita sa atin ang kailangan nating pagsisihan:
“Isa sa mga tanong na dapat nating itanong sa ating Ama sa Langit sa ating personal na panalangin ay ito: ‘Ano po ang nagawa ko ngayon, o hindi nagawa, na hindi kalugud-lugod sa Inyo? Kung malalaman ko lamang po, ako po ay kaagad na magsisisi nang buong puso.’ Ang mapagpakumbabang panalanging iyan ay sasagutin” (Henry B. Eyring, “Do Not Delay,” Ensign, Nob. 1999, 34).
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 66:4–9 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay William McLellin na sasama siya kay Samuel H. Smith para magmisyon sa mga lupain sa silangan at ipahayag ang ebanghelyo. Sinabi rin ng Panginoon sa kanya na siya ay hindi pa tinawag upang magtungo sa lupain ng Sion ngunit kung kakayanin niya, ay magpadala siya ng pera para matulungan ang mga nagtatatag ng Sion.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang payo at babala ng Panginoon kay William. Maaaring kinakailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang manligalig ay mamroblema o masiphayo.
-
Anong tukso ang sinabi ng Panginoon na mahirap para kay William?
-
Anong doktrina ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa kaalaman ng Panginoon? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, kailangang matukoy nila ang sumusunod na doktrina Alam ng Panginoon ang ating mga kahinaan at mga nakatutukso sa atin.)
-
Bakit mahalagang maunawaan na nalalaman ng Panginoon ang ating mga kahinaan at mga nakatutukso sa atin?
-
Paano nauugnay ang katotohanang ito sa doktrinang natukoy natin sa talata 3?
Ipaliwanag na bukod pa sa nalalaman ng Panginoon ang ating mga kahinaan at mga nakatutukso sa atin, alam ng Panginoon ang ating mga kalakasan at kakayahan. Dahil kilala Niya ang bawat isa sa atin, magagabayan Niya tayo na espirituwal na umunlad at binabalaan tayo sa mga panganib na maaaring humadlang sa ating espirituwal na pag-unlad. Kung babaling tayo sa Kanya, alam ng Panginoon kung paano tayo tutulungan kapag natutukso tayo at sasaklolohan tayo (tingnan sa D at T 62:1).
Sabihihin sa mga estudyante na pag-isipan nang may panalangin kung ano ang kailangan nilang pagsisihan at ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin nila upang mas mapalapit sa Kanya. Magpatoto na darating ang mga pagpapala sa kanilang buhay kapag sinunod nila ang payo ng Panginoon at magsisi sa kanilang mga kasalanan.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 66:11–13 na ipinapaliwanag na ipinangako ng Panginoon kay William na kung susundin niya ang payo sa paghahayag na ito at gagampanan ang kanyang tungkulin, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.
Doktrina at mga Tipan 67
Pinagsabihan ng Panginoon ang mga taong namuna sa wika ng mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 67. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang kontekstong pangkasaysayan ng paghahayag na ito.
-
Ano ang pinatotohanan ng maraming elder sa kumperensya?
Ipaliwanag na bagama’t maraming elder ang nakatanggap ng espirituwal na pagpapatibay sa katotohanan ng mga paghahayag habang nasa kumperensya, may ilang elder na hindi nakatanggap nito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 67:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder sa kumperensyang ito.
-
Ayon sa talata 3, bakit hindi nakatanggap ang ilan sa mga elder ng espirituwal na patunay ng katotohanan ng mga paghahayag?
Ituro ang parirala sa section heading na “ilang hindi magandang usap-usapan hinggil sa wikang ginamit sa mga paghahayag,” at ipaliwanag na sa kumperensyang ito, pinuna ng ilang elder ang mga pagkakamali sa mga salita sa mga paghahayag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 67:5–9, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga pumupuna sa wika ng mga paghahayag.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith sa talata 5?
Magpatotoo na kahit hindi perpekto ang wika ni Joseph Smith, ang Panginoon ay naghahayag ng katotohanan sa Propeta at tinutulutan siyang ipahayag ito gamit ang kanyang sariling kakayahan at sigasig.
-
Anong hamon ang ibinigay ng Panginoon sa mga taong nag-akala na makapagpapahayag sila nang mas mahusay kaysa sa wika ng mga paghahayag?
Ipaliwanag na si William McLellin, dating titser sa paaralan, ay tinanggap ang hamong iyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento:
Si William McLellin ay nagboluntaryo na sumulat ng paghahayag na katulad ng ibinigay ng Panginoon noon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, subalit siya ay nabigo. Ipinahayag ni Joseph Smith na ang mga nakasaksi ng nabigong pagtatangkang ito na lumikha ng paghahayag ay “pinanibago ang kanilang pananampalataya sa kabuuan ng ebanghelyo at sa katotohanan ng mga kautusan na ibinigay ng Panginoon sa simbahan sa pamamagitan ko; at ang mga elder ay nagpakita ng kahandaang maging saksi sa katotohanan nito sa buong mundo” (Joseph Smith, sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 162, josephsmithpapers.org).
-
Ano ang matututuhan natin mula sa karanasang ito at sa mga salita ng Panginoon sa mga talata 5–9 tungkol sa mga inihahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat na matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Naghahayag ang Diyos ng katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta sa kabila ng kanilang mga kahinaan o kakulangan.)
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo sa doktrinang ito. Magpatotoo sa katotohanan ng mga paghahayag na ibinibigay ng Panginoon sa Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 67:10–14 sa pagsasabi sa mga estudyante na ipinangako ng Panginoon sa mga elder na kung aalisin nila ang inggit at takot at magpapakumbaba, makikita nila ang Tagapagligtas. Ipinaliwanag ng Panginoon na hindi sila makatatagal sa Kanyang harapan ngayon, ngunit hinikayat Niya sila na patuloy na magtiyaga hanggang sa sila ay maging ganap.
Doktrina at mga Tipan 68
Ipinaliwanag ng Panginoon ang ibig sabihin ng banal na kasulatan, pinayuhan ang mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo, inihayag ang mga katotohanan tungkol sa tungkulin ng bishop, at tinagubilinan ang mga Banal sa Sion
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 68. Sabihin sa klase na alamin kung bakit ibinigay ang paghahayag na ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:1. Sabihin sa klase na alamin ang iniutos ng Panginoon kay Orson Hyde.
-
Paano ipapahayag ni Orson ang ebanghelyo? (Sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos.)
Ipaliwanag na sa talata 2, sinabi ng Panginoon na ang utos na ibinigay niya kay Orson Hyde ay isang halimbawa para sa ibang tinawag na mangaral ng ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:3–5. Sabihin sa klase na alamin kung bakit mahalaga para sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo na gawin ito sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa talata 4 tungkol sa mangyayari kapag nagsalita ang mga tagapaglingkod ng Panginoon nang pinakikilos ng Espiritu Santo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay pinakikilos ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay magiging salita ng Panginoon at magdadala sa mga tao sa kaligtasan)
Ipaliwanag na ang mga yaong inordenan na mangaral ng ebanghelyo, kapag pinakikilos ng Espiritu, ay magpapahayag ng salita ng Panginoon sa mga taong kanilang tinuturuan at matutulungan ang mga ito na magkaroon ng patotoo sa katotohanan. Bukod pa riyan, ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag na ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay itinuturing na banal na kasulatan (tingnan sa D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 35). Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) ng Unang Panguluhan na ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay “may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan … , sapagkat siya ay Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag para sa buong Simbahan” (“When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 9–10).
-
Sa anong mga paraan natulungan kayo ng mga salita ng mga tagapalingkod ng Panginoon na maakay tungo sa kaligtasan?
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 68:6–35, tumawag ang Panginoon ng matatapat na elder na mangangaral ng ebanghelyo at magbibinyag ng mga naniniwala. Naghayag din Siya ng mga tagubilin para sa pagtawag ng mga bishop at para sa mga naninirahan sa Sion.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:25–27. Sabihin sa klase na alamin ang tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa mga magulang sa Sion.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon sa mga magulang sa talata 25? (Iniutos ng Panginoon sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo, pagbibinyag, at kaloob na Espiritu Santo.)
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga magulang na hindi itinuro ang mga alituntunin at ordenansang ito sa kanilang mga anak?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 68:28–35 na ipinapaliwanag na bukod sa payo sa mga magulang na “turuan ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28), ang mga Banal ay tinagubilinang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, alalahanin ang kanilang mga gawain, at iwasan ang katamaran. Ipinahayag din ng Panginoon na hindi Siya nalulugod sa kasamaan at kasakiman ng ilan sa mga naninirahan sa Sion.
Doktrina at mga Tipan 69–70
Iniutos ng Panginoon kay John Whitmer na magpatuloy sa kanyang tungkulin bilang manunulat ng Simbahan at magtalaga ng anim na katiwala sa Kanyang mga paghahayag
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 69 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon kay John Whitmer na pumalit kay Oliver bilang mananalaysay ng Simbahan at maglingkod bilang tagasulat ng Propeta. Sinabi ng Panginoon kay John Whitmer na ang kanyang mga tungkulin bilang manunulat ng Simbahan ay “para sa ikabubuti ng simbahan, at para sa bumabangong salinlahi” (D at T 69:8).
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 70 na ipinapaliwanag na nagtalaga ang Panginoon ng anim na kalalakihan, kabilang na si Propetang Joseph Smith, bilang mga katiwala sa mga paghahayag na may responsibilidad na ilathala ang mga ito sa mundo.
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na magbahagi ng alituntunin o doktrina na itinuro sa mga paghahayag na ito na mahalaga sa kanila at ipaliwanag kung bakit ito mahalaga sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pagsunod sa anumang inspirasyong natanggap nila.