Institute
Lesson 7: Doktrina at mga Tipan 4; 11–12; 14–16


Lesson 7

Doktrina at mga Tipan 4; 11–12; 14–16

Pambungad at Timeline

Noong mga unang buwan ng 1829, binisita ni Joseph Smith Sr. ang kanyang anak na si Joseph sa Harmony, Pennsylvania. Habang naroon, ninais ni Joseph Smith Sr. na malaman kung ano ang maitutulong niya sa gawain ng Panginoon. Nagtanong ang propeta sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 4. Sa paghahayag na ito, inilahad ng Panginoon ang mga katangiang dapat taglayin ng isang tao upang maging karapat-dapat na tumulong sa Kanyang gawain.

Noong Mayo 1829, naglakbay ang nakatatandang kapatid ng Propeta na si Hyrum sa Harmony, Pennsylvania, para bisitahin si Joseph. Sa kahilingan ni Hyrum, hiniling ng Propeta sa Panginoon na ihayag ang Kanyang kalooban hinggil sa kanyang kapatid. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11, sinabi ng Panginoon kay Hyrum ang dapat niyang gawin para itatag ang Sion.

Binisita rin ni Joseph Knight Sr. si Propetang Joseph Smith noong Mayo 1829 at sinabing nais niyang tumulong sa gawain ng Diyos. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 12 ang ipinayo ng Panginoon sa kanya.

Matapos lumipat sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, at ipagpatuloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, tinanggap ng Propeta ang paghahayag para sa tatlo sa mga anak na lalaki ni Peter Whitmer Sr: David, John, at Peter Whitmer Jr. (tingnan sa D at T 14–16). Sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 14–16, binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng pangangaral ng pagsisisi upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya.

Enero 1829Binisita ni Joseph Smith Sr. sina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania.

Pebrero 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 4.

Mayo 1829Binisita sina Joseph at Emma Smith nina Hyrum Smith at Joseph Knight Sr.

Mayo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 11–12.

Mga Hunyo 1, 1829Lumipat sina Joseph at Oliver sa Fayette, New York, para ituloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Hunyo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 14–16.

Mga huling araw ng Hunyo 1829Nakita ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi ang mga laminang ginto.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 4

Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith Sr. kung ano ang mga katangiang kailangan sa isang tao para makatulong sa Kanyang gawain

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong bago magklase:

Paano ninyo malalaman ang nais ipagawa sa inyo ng Panginoon para matulungan Siya sa Kanyang gawain?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tanong na ito sa buong lesson at alamin ang mga doktrina at alituntunin na tutulong sa kanila na malaman kung paano sila makatutulong sa gawain ng Panginoon.

Ipaliwanag na noong Enero 1829, naglakbay si Joseph Smith Sr. mula sa Palmyra New York, papuntang Harmony, Pennsylvania, para bisitahin si Joseph Smith at ang asawa nito na si Emma. Habang naroon, ninais ni Joseph Smith Sr. na malaman kung ano ang maitutulong niya sa gawain ng Panginoon. Bilang tugon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 4.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 4:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang salitang ginamit ng Panginoon para ilarawan ang Panunumbalik ng ebanghelyo.

  • Anong mga aspeto ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang kagila-gilalas sa inyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talata 2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangang gawin para makatulong sa Kanyang gawain.

  • Ano ang kailangan ninyong gawin upang makatulong sa gawain ng Panginoon?

  • Ayon sa talata 2, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong pinaglilingkuran Siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung paglilingkuran natin ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, tayo ay makatatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa talata 2.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maglingkod sa Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas? (Ibigay sa Panginoon ang ating lubos na katapatan at gawing sentro ng ating buhay ang ebanghelyo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos” (talata 2)?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talata 5–7, at alamin ang mga katangiang dapat taglay ng isang tao para maging karapat-dapat na makatulong sa gawain ng Panginoon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, ilista sa pisara ang mga katangian.

  • Paano makatutulong sa atin ang pagkakaroon ng mga katangiang ito para makatulong sa gawain ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pangako ng Panginoon sa mga taong humihingi at kumakatok.

  • Ano ang mga ipinangako ng Panginoon sa mga nagtatanong at kumakatok?

  • Paano naaangkop ang mga pangakong ito sa atin na nagsisikap taglayin ang mga katangiang inilarawan sa paghahayag na ito?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung aling mga katangian ang mas mapagbubuti pa nila. Sabihin sa kanila na hilingin sa Ama sa Langit na tulungan silang paunlarin at palakasin ang mga katangiang ito.

Doktrina at mga Tipan 11

Inihayag ng Panginoon kay Hyrum Smith kung ano ang kailangan niyang gawin para makatulong sa gawain

Ipaliwanag na noong Mayo 1829, naglakbay din ang nakatatandang kapatid ng Propeta na si Hyrum patungo sa Harmony, Pennsylvania, para bisitahin si Joseph. Nang panahong iyon, ginagawa na nina Joseph at Oliver Cowdery ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Sa kahilingan ni Hyrum, hiniling ng Propeta sa Panginoon na ihayag ang Kanyang kalooban hinggil sa kanyang kapatid. Pagkatapos ay tinanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11.

Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at i-assign sa bawat grupo ang isa sa mga sumusunod na scripture reference: Doktrina at mga Tipan 11:6–9; 11:10–14; at 11:15–19. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong (mag-iwan ng espasyo sa ilalim ng bawat tanong para pagsulatan ng mga sagot ng mga estudyante):

Ano ang ipinayo ng Panginoon na gawin ni Hyrum na makatutulong para makapaghanda siya sa paglilingkod?

Ano ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Hyrum kung susundin nito ang Kanyang payo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang naka-assign na mga talata sa kanila, at alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng bawat tanong.

  • Anong paulit-ulit na payo ang napansin ninyo sa mga salita ng Panginoon kay Hyrum?

Ipabasa sa isang estudyante ang D at T 11:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinayong muli ng Panginoon na gawin ni Hyrum.

  • Ayon sa payo ng Panginoon kay Hyrum sa mga talata 20–22, ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang Espiritu at ang kakayahan na matulungan ang iba na magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung sinusunod natin ang mga kautusan at tinatamo ang Espiritu ng Diyos, matatanggap natin ang Espiritu at ang kakayahan na matulungan ang iba na magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng Ebanghelyo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan nang itinuturo Niya kay Hyrum kung paano tumulong sa Kanyang gawain?

  • Ano ang ilang paraan na matatamo natin ang salita ng Diyos?

  • Ano ang pagkakaugnay ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagtanggap ng Espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang panahon na natamo nila ang salita ng Diyos at biniyayaan ng Espiritu at ng kakayahang tulungan ang isang tao na magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa klase. Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin na inilalahad ang mga gagawin nila upang lalo nilang matamo ang salita ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 12

Itinuro kay Joseph Knight Sr. kung ano ang kailangan para makatulong sa gawain ng Panginoon

Ipaliwanag na habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, kung minsan ay walang pera o suplay si Joseph Smith na kailangan para ipagpatuloy ang gawain. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 12, at alamin kung sino ang tumulong sa Propeta sa oras na ito ng kanyang pangangailangan. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.

Ipaliwanag na pagkatapos bisitahin ni Hyrum si Joseph Smith noong Mayo 1829, binisita ni Joseph Knight Sr ang Propeta at sabik na inalam kung ano pa ang magagawa niya para makatulong sa gawain.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 12:1–5 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Joseph Knight na isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap. Sinabi din sa kanya ng Panginoon na ang mga taong masigasig na naglilingkod sa Panginoon ay tatanggap ng kaligtasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 12:6–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga katangian na kailangan nating taglayin upang makatulong sa gawain ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang mahinahon sa talata 8 ay mapagtimpi o mapagpigil ng galit.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangang taglayin ang mga katangiang nakalista sa talata 8 sa pagtulong sa gawain ng Panginoon?

Patingnan sa mga estudyante ang tanong na isinulat mo sa pisara bago magsimula ang klase, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang magagawa nila para mas mahusay na makatulong sa gawain ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang anumang inspirasyong matanggap nila.

Doktrina at mga Tipan 14–16

Inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban kina David Whitmer, John Whitmer, at Peter Whitmer Jr.

Sabihin sa mga estudyante na maglista sa isang papel kung ano sa palagay nila ang pinakamakabuluhang bagay na magagawa natin sa buhay na ito.

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 14–16, hikayatin silang alamin ang mga katotohanan na tutulong sa kanila na malaman kung ano ang iniisip ng Diyos na pinakamakabuluhan nating gawin.

Sabihin sa mga estudyante na tingnan sa Mga Mapa ng Kasaysayan ng Simbahan, blg. 3, “Ang mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika.” Ipahanap sa kanila ang Fayette, New York. Ipaliwanag na dahil sa tumitinding pag-uusig sa Harmony, Pennsylvania, sumulat ng isang liham si Oliver Cowdery sa kaibigan niyang si David Whitmer sa Fayette, New York, at itinanong kung maaari ba silang makituloy ni Joseph sa pamilya Whitmer para tapusin ang pagsasalin ng Aklat Mormon. Noong mga unang araw ng Hunyo 1829, lumipat sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa tahanan ni Peter Whitmer Sr.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit ibinigay ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 14–16.

  • Ano ang ikinabahala ng tatlong magkakapatid na Whitmer?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 14:1–6 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay David Whitmer na isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap at ang mga masigasig na naglilingkod sa Panginoon ay tatanggap ng kaligtasan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 14:7–11, at alamin kung ano ang ipinagawa ng Panginoon kay David Whitmer at ang mga pagpapalang ipinangako Niya bilang ganti.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay David? Ano ang mga pagpapalang ipinangako Niya bilang ganti?

  • Ayon sa talata 7, bakit napakalahaga ng pagsunod sa mga kautusan at pagtitiis hanggang wakas? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang mga kautusan ng Diyos at magtitiis hanggang wakas, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 7 na nagtuturo ng alituntuning ito.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas?

  • Paano ninyo ilalarawan ang buhay na walang hanggan? (Ang buhay na walang hanggan ay hindi lamang kawalang-kamatayan, na ibig sabihin ay mabuhay nang walang katapusan. Ang buhay na walang hanggan ay pagiging dakila at pagiging tulad ng Diyos.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang buhay na walang hanggan “ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos”?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung aling kautusan ang mas masusunod nila na makatutulong sa kanila na sumulong sa buhay na walang hanggan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 15–16, at alamin ang mga pagkakatulad ng mga paghahayag na ito. Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag ang napansin niya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 15:1–5 (o 16:1–5). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon kay John Whitmer (at kay Peter Whitmer Jr.).

  • Ano ang nalaman ninyo sa mga talatang ito tungkol sa Panginoon? Ano ang nalaman ninyo tungkol kay John (at kay Peter Whitmer Jr.)?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 15:6.(o 16:6). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon na magiging pinakamahalaga sa kanila.

  • Batay sa sinabi ng Panginoon kina John at Peter Whitmer Jr., ano ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning katulad ng sumusunod: Ang tumulong sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo ay isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo?

  • Ano ang ilang paraan na matutulungan natin ang ating sarili at ang iba na mas mapalapit kay Jesucristo? Bakit isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin ang pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy sa lesson na ito.