Institute
Lesson 24: Doktrina at mga Tipan 64–65


Lesson 24

Doktrina at mga Tipan 64–65

Pambungad at Timeline

Noong Agosto 27, 1831, si Propetang Joseph Smith at ang ilang elder ay bumalik sa Ohio mula sa kanilang paglalakbay sa Sion, o sa Independence, Missouri. Habang naglalakbay papunta at pabalik mula sa Missouri, nagkaroon ng pagtatalo ang ilan sa mga elder, pero nagkasundo rin naman halos lahat sa bandang huli. Noong Setyembre 11, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na patawarin ang isa’t isa at itinuro sa kanila ang mga sakripisyong hihingin Niya sa mga Banal sa mga huling araw.

Noong Setyembre 1831, lumipat si Joseph Smith at ang kanyang pamilya mula sa Kirtland patungong Hiram, Ohio, mga 30 milya sa timog-silangan ng Kirtland. Noong Oktubre 30, 1831, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 65. Sa paghahayag na ito itinuro ng Panginoon na dadalhin ang ebanghelyo sa lahat ng bansa bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at na dapat ipanalangin ng mga Banal ang pag-unlad ng kaharian ng Diyos.

Setyembre 1, 1831Bumalik sina Ezra Booth at Isaac Morley sa Ohio mula sa kanilang misyon sa Missouri.

Setyembre–Disyembre, 1831Si Ezra Booth ay sumulat ng sunud-sunod na mga liham na bumabatikos kay Joseph Smith at sa Simbahan at inilathala ang mga ito sa pahayagan na Ohio Star.

Setyembrer 11, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 64.

Setyembre 12, 1831Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Hiram, Ohio.

Oktubre 30, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 65.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 64:1–19

Tiniyak ng Panginoon sa atin ang Kanyang kahandaang magpatawad at iniutos sa atin na patawarin ang isa’t isa

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na nagkaroon sila ng malaking problema at nakagawa ng mga bagay na ikinalungkot nila, tulad ng pamimintas sa iba o pakikipagtalo.

  • Ano ang inyong naisip nang mapagnilayan ninyo ang nasabi o nagawa ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang tao na namintas o nakipagtalo sa kanila.

  • Bakit mahirap na patawarin ang taong ganyan ang pagtrato sa inyo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 64 na makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano mapatawad at kung bakit mahalaga na patawarin ang mga nakasakit sa kanila.

Ipaalala sa mga estudyante na si Propetang Joseph Smith at ang isang grupo ng mga elder ay nagbalik sa Kirtland, Ohio, noong Agosto 27, 1831, mula sa kanilang misyon sa Missouri. Habang nasa misyong ito, nagkaroon ng di-pagkakaunawaan at pagtatalo sa isa’t isa ang ilan sa mga elder. Halimbawa, nagalit si Ezra Booth dahil pinaglakad lang sila ng kanyang kompanyon sa misyon na si Isaac Morley samantalang ang iba ay naglakbay na sakay ng bagon o bangka; nakipagtalo si Edward Partridge sa Propeta tungkol sa kalidad ng lupaing plano nilang bilhin sa Missouri; at ilan sa mga elder ang nakipagtalo dahil sa naranasang pagod, mainit na panahon, at mapanganib na kondisyon sa Ilog Missouri. Mga dalawang linggo mula nang bumalik ang mga elder sa Ohio, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder.

  • Anong doktrina ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon? (Ang Panginoon ay mahabagin, mapagpatawad, at maawain. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Kung isa kayo sa mga elder na nagreklamo o nakipagtalo, ano kaya ang mararamdaman ninyo matapos malaman na nahabag sa inyo ang Panginoon at pinatawad kayo?

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maipaliwanag at mapatotohanan ang doktrinang ito, ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa at ibahagi ang kanilang sagot sa kanilang kapartner:

Paano ninyo ituturo ang doktrinang ito sa isang taong gustong magsisi pero nangangambang hindi siya patatawarin ng Panginoon?

Paano ninyo malalaman na totoo ang doktrinang ito?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:5–7, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Propetang Joseph Smith. Bago magbasa ang mga estudyante, ipaliwanag na ang pariralang “naghangad ng masama laban sa kanya nang walang kadahilanan” sa talata 6 ay nangangahulugan na may ilang elder na namimintas sa Propeta nang walang mabuting dahilan.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith?

Ipaliwanag na tulad ng lahat ng tao, si Joseph Smith ay may mga kahinaan at kailangang humingi sa Panginoon ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan.

  • Ano ang matututuhan natin sa talata 7 tungkol sa dapat nating gawin para magtamo ng kapatawaran?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:8–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga elder tungkol sa pagpapatawad.

  • Ayon sa talata 8, ano ang ginawa ng mga disipulo ng Tagapagligtas noon na ginawa rin ng mga elder sa isa’t isa at sa Propeta habang nasa kanilang misyon?

  • Anong mga alituntunin tungkol sa kapatawaran ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Kapag hindi natin pinatawad ang iba, pinapahirapan natin ang ating sarili. Kung hindi natin patatawarin ang iba, nahatulan na tayo sa harapan ng Panginoon. Iniutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang lahat ng tao. Mapagkakatiwalaan natin ang Panginoon na hahatulan ang mga ginagawa ng iba at gagantimpalaan sila nang makatarungan.)

  • Paano kaya nakatulong sa mga elder na nasaktan sa mga ginawa o sinabi ng iba ang mga alituntuning itinuro ng Panginoon sa mga talata 8–11?

Ipaliwanag na maaaring mahirap para sa ilang tao—lalo na sa mga labis na nasaktan ng isang tao at maaaring kailangan pa ng panahon para makapagpatawad—na maunawaan kung bakit nahatulan na tayo sa harapan ng Panginoon kung hindi natin patatawarin ang iba. Ipaliwanag na ang mahatulan sa harapan ng Panginoon ay ang “mahatulang may-sala ng Diyos”—ibig sabihin ay hindi natin natamo ang Kanyang kapatawaran (Gabay sa mga Banal na kasulatan, “Kaparusahan, Parurusahan,” scriptures.lds.org).

Upang mas maipaunawa sa mga estudyante ang kaugnayan ng pagpapatawad sa iba at pagtanggap ng kapatawaran ng Panginoon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985). Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga dahilan kung bakit nahatulan na tayo kung hindi natin patatawarin ang iba.

Pangulong Spencer W. Kimball

“Dahil ang pagpapatawad ay lubos na kinakailangan sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan, likas na maiisip ng tao: Paano ko pinakamainam na makakamit ang kapatawarang iyan? Isa sa maraming mahahalagang bagay ang kaagad na dapat gawin: Dapat magpatawad upang mapatawad. …

“Siya na hindi nagpapatawad sa iba ay sinisira ang tulay na kanya ring dadaanan. Ito ay isang katotohanang itinuro ng Panginoon sa talinghaga tungkol sa walang-awang alipin na nagpumilit na mapatawad ngunit walang awa sa taong humingi ng tawad sa kanya. (Mat. 18:23–35.)” (Spencer W. Kimball, The Miracle of Forgiveness [1969], 261–69).

  • Anong mga kabatiran ang makukuha ninyo sa pahayag ni Pangulong Kimball tungkol sa dahilan kung bakit dapat nating patawarin ang iba?

Ipaliwanag na ang pagpapatawad sa iba ay hindi nangangahulugan na tinutulutan natin silang saktan tayo o hindi natin sila pinapanagot sa kanilang mga ginawa. Sa halip, ang pagpapatawad sa iba ay paglimot sa galit at sama ng loob at pagtitiwala sa katarungan ng Panginoon, na nagtutulot sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may sinumang tao na kailangan nilang patawarin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008). Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang maaari nilang gawin kung nahihirapan silang magpatawad ng iba.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Isinasamo ko sa inyo na humingi sa Panginoon ng lakas para makapagpatawad. … Maaaring hindi ito maging madali, at maaaring hindi ito agad mangyari. Ngunit kung hihingin ninyo ito nang taos-puso at lilinangin ito, ito ay darating” (Gordon B. Hinckley, “Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 5).

Magpatotoo na kahit maaaring napakahirap at kailangan ng mahabang panahon para mapatawad ang mga nanakit o nagkasala sa atin, sa tulong ng Panginoon, ay magagawa natin ito. Hikayatin ang mga estudyante na ipagdasal na mabigyan ng lakas na mapatawad ang mga nagkasala sa kanila.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 64:12–14, inihayag ng Panginoon kung sino ang dapat tumanggap ng pagdidisiplina ng Simbahan. Ipinaliwanag ng Panginoon na ang pagdidisiplina ng Simbahan ay hindi nangangahulugan na hindi na natin personal na patatawarin ang iba. Ang layunin ng pagdisiplina ng Simbahan ay tulungan ang mga nagkasala na magsisi, matiyak na iginalang ang mga batas ng Diyos, at napangalagaan ang Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:15–17. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa tatlong taong nakadagdag sa pagtatalu-talo sa misyon sa Missouri at sa pagbalik sa Ohio.

  • Batay sa mga talata 15–16, ano ang masasabi ninyo tungkol kina Ezra Booth at Isaac Morley?

Ipaliwanag na magkaiba ang naging tugon nina Ezra Booth at Isaac Morley sa pagwawastong ito. Si Ezra ay hindi nagsisi at patuloy na naghinanakit sa Simbahan at sa Propeta hanggang sa tuluyan nang nag-apostasiya. Si Isaac ay nagsisi sa kanyang mga nagawa at napatawad. Nanatili siyang tapat sa buong buhay niya at kalaunan ay naglingkod bilang bishop at patriarch.

  • Anong pangako ang ibinigay ng Panginoon kay Edward Partridge sa talata 17 na angkop din sa atin?

Ipaalam sa mga estudyante na si Edward Partridge ay nagpasiyang magsisi at naglingkod nang tapat bilang bishop hanggang sa kanyang kamatayan noong 1840.

Doktrina at mga Tipan 64:20–43

Ibinigay ng Panginoon ang mga kailangang gawin para sa pagtatatag ng Sion

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na nagsakripisyo sila para masunod ang Panginoon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 64:20–43, inilarawan ng Panginoon ang ilang sakripisyong kailangan Niya sa bawat isa sa atin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:20–21. Sabihin sa klase na alamin ang sakripisyong ipinagawa ng Panginoon kina Isaac Morley at Frederick G. Williams. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.

Ipaliwanag na si Isaac Morley ay may-ari ng malaking sakahan na may sukat na halos 80 acre sa labas ng Kirtland, Ohio. Matapos matanggap ang paghahayag na ito, kusang ipinagbili ni Isaac ang kanyang sakahan at nanirahan sa Independence, Missouri. Bagama’t hindi iniutos kay Frederick G. Williams na ipagbili ang kanyang sakahan, ipinakita pa rin niya na handa siyang magsakripisyo. Ginamit niya ang kanyang sakahan para sa tirahan at pagkain ng mga Banal at kalaunan ay inilaan ang kanyang buong sakahan sa Simbahan nang hindi tumatanggap ng anumang bayad.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:22, at alamin ang hinihingi ng Panginoon sa atin.

  • Ayon sa talata 22, ano ang hinihingi ng Panginoon sa atin? (Hinihingi ng Panginoon ang ating mga puso. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, sabihin sa kanila na ipaliwanag sa kanilang sariling mga salita ang sa palagay nila ay kahulugan nito.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 64:23–32 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magsakripisyo sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu. Sa pagkakataong ito ang salitang ikapu ay tumutukoy sa lahat ng kontribusyon ng mga Banal sa Simbahan, sa halip na porsiyento ng kita. Sinabi rin ng Panginoon kina Newel K. Whitney at Sidney Gilbert na huwag ipagbili ang kanilang tindahan sa Ohio upang makatulong sila sa pagtustos sa mga Banal “upang sila ay makakamit ng mana sa … Sion” (D at T 64:30). Natutuhan din ng mga lalaking ito na kapag sila ay nasa paglilingkod ng Panginoon, ginagawa nila ang gawain ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:33–34. Sabihin sa klase na alamin ang itinuro pa ng Panginoon sa mga elder.

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng mensahe ng Panginoon sa talata 33?

  • Bukod sa paghingi sa ating mga puso, ano pa ang hinihingi ng Panginoon sa atin? (Idagdag ang mga sumusunod na salita para ang katotohanan na nakasulat sa pisara ay mababasa nang ganito: Hinihingi ng Panginoon ang ating mga puso at may pagkukusang isipan.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan?

Ipaliwanag na sa mga talata 34–36 itinuro ng Panginoon na kung hindi natin Siya susundin nang buong puso at isipan, hindi natin matatamasa ang mga pagpapala ng Sion. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 64:37–43 na ipinapaliwanag na pinatotohanan ng Panginoon ang maluwalhating hinaharap ng Sion.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano katapat ang kanilang mga puso sa Panginoon. Hikayatin sila na mapanalanging pag-isipan kung paano nila mailalaan ang kanilang mga puso at isipan nang mas lubusan sa Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 65

Inihayag ng Panginoon na mapupuno ng ebanghelyo ang buong mundo

Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila kukumpletuhin ito: Isa sa mahahalagang resposibilidad ko bilang miyembro ng Simbahan ay …

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng katotohanan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 65 na makatutulong sa kanila na makumpleto ang pahayag na ito.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 65:1–6. Sabihin sa klase na humanap ng inuulit na salita o parirala na makatutulong sa atin na maunawaan ang mahalagang responsibilidad natin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ihanda ninyo ang daan ng Panginoon” at “ihanda ninyo ang hapunan ng Kordero” sa talata 3? (Parehong tumutukoy ang mga pariralang ito sa paghahanada para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.)

  • Ayon sa talata 5, ano ang sinabi ng Panginoon na gawin natin para makapaghanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

  • Batay sa mga talatang ito, paano natin kukumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Responsibilidad nating ihanda ang ating sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)

  • Sa paanong mga paraan natin maihahanda ang ating sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa kahalagahan ng paghahanda sa ating sarilii at sa iba para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Magpatotoo na ang mga susi ng kaharian ay nasa mundo at hawak ng mga buhay na propeta (tingnan sa D at T 65:2) at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay lalaganap sa mga dulo ng mundo para ihanda ang sanlibutan para sa Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na ihanda ang kanilang mga sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.