“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Panginoon ay Naghahayag ng Karagdagang Banal na Kasulatan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Panginoon ay Naghahayag ng Karagdagang Banal na Kasulatan
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa pamamagitan [ni Propetang Joseph Smith], nakatanggap tayo ng mas maraming pahina ng mga banal na kasulatan kaysa sa natanggap natin sa iba pang mga propeta” (“Makibahagi sa Kasiglahan ng Gawain,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 47). Ang mga banal na kasulatan na inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith ay nagbibigay ng isang nakahihikayat na patotoo tungkol sa kanyang banal na tungkulin bilang propeta. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano napalalim ng karagdagang banal na kasulatan ang iyong pagkaunawa at patotoo tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang ebanghelyo.
Bahagi 1
Ano ang paniniwala natin tungkol sa patuloy na paghahayag at karagdagang banal na kasulatan?
Sa isang patnugot ng pahayagan sa Chicago na nagtanong tungkol sa mga paniniwala ng Simbahan ni Jesucristo, ipinahayag ni Joseph Smith: “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
Ang paniniwalang ito sa patuloy na paghahayag sa pamamagitan ng mga buhay na propeta ay isang natatanging doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bukod pa sa Banal na Biblia, natututo rin tayo ng mahahalagang katotohanan mula sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas, na itinuturing natin bilang mga banal na kasulatan.
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay hindi lamang nagbibigay-linaw sa maraming talata ng Biblia, nagpapanumbalik din ito ng maraming malilinaw at mahahalagang katotohanang nawala sa loob ng mahabang panahon.
Bahagi 2
Paano mapagpapala ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan ang aking buhay?
Isinulat ni Propetang Joseph Smith, “Sa mga araw na ito na ang Simbahan ay nagsisimula pa lamang, may malaking pananabik na matanggap ang salita ng Panginoon sa bawat paksa na sa anumang pamamaraan ay may kinalaman sa ating kaligtasan” (History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume A-1, 146, josephsmithpapers.org). Magiliw at paulit-ulit na tumugon ang Panginoon sa mga pananabik na ito sa pamamagitan ng paghahayag.
Mahigit 18 buwan pa lamang magmula noong maorganisa ang Simbahan nang imungkahi ng Propeta sa isang grupo ng mga elder sa isang kumperensya sa Hiram, Ohio na tipunin at ilathala nila ang mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon. Sa paggawa nito, makikita ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang mga paghahayag at mapapaunlad ang gawaing misyonero. Inihayag ng mga miyembro ng Simbahan sa kumperensyang ito na ang mga paghahayag ay “singhalaga … ng mga yaman ng buong mundo” (Minute Book 2, 18, josephsmithpapers.org). Hindi nagtagal pagkaraan niyon, ang mga paghahayag ay inilathala sa isang aklat na tinawag na Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan]. Kalaunan, ang mga ito at ang mga karagdagang paghahayag ay inilathala bilang Doktrina at mga Tipan.
Ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit napakahalaga ng tinipon na mga paghahayag: “Ang mga mensahe, babala, at pangaral ay para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan, at naglalaman ng isang paanyaya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo, na nangungusap para sa kanilang temporal na kabutihan at kanilang walang hanggang kaligtasan” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:34–36).
Sa kumperensya ng mga elder, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 1. Ito ang mismong paunang salita ng Panginoon sa mga paghahayag.
Bahagi 3
Ano ang naidagdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith at ng Mahalagang Perlas sa aking pagkaunawa tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?
Nagpakita si Propetang Joseph Smith ng matinding pagmamahal para sa Biblia sa buong buhay niya. Gayunman, alam niya na may mga problema sa teksto nito. Sabi niya:
Naniniwala ako sa nakasaad sa Biblia kapag nagbuhat ito sa panulat ng mga orihinal na may-akda. Ang mga walang muwang na tagasalin, walang ingat na tagasulat, o mapanlinlang at tiwaling saserdote ay marami nang nagawang mali. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 239, 241)
Simula noong tag-init ng 1830, inumpisahan ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Hindi niya isinalin ang Biblia mula sa ibang wika, wala rin siyang pinagbatayan na orihinal na manuskrito ng Biblia. Sa halip, binasa at pinag-aralan ni Joseph ang mga talata mula sa King James Version ng Biblia at pagkatapos ay gumawa siya ng mga pagwawasto at pagdaragdag ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo.
Matatagpuan ang mga bahagi ng mga inspiradong rebisyon ng Propeta sa mga footnote at apendiks ng ilang edisyon ng Biblia at sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Ang Mahalagang Perlas ay koleksyon ng mga inspiradong teksto na nagbibigay-linaw at nagdaragdag sa ating pagkaunawa sa ebanghelyo. Ang Aklat ni Moises ay binubuo ng mga sipi mula sa pagsasalin ni Joseph Smith ng unang anim na kabanata ng Genesis sa Biblia. Ang Joseph Smith—Mateo ay bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 23 at 24 na matatagpuan sa Bagong Tipan. Ang Joseph Smith—Kasaysayan at ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay mga bahagi ng patotoo at pahayag ni Joseph tungkol sa kanyang mga paniniwala.
Ang Mahalagang Perlas ay naglalaman din ng ilan sa mga isinulat ng patriyarkang si Abraham. Noong tag-init ng 1835, isang lalaking nagngangalang Michael Chandler ang dumating sa Kirtland, Ohio, dala ang apat na mummy at maraming balumbon ng sinaunang papyrus na natuklasan sa Thebes, Egypt. Sinuri ni Propetang Joseph Smith ang mga balumbon ng papyrus at pagkatapos niyang isalin ang “ilan sa mga titik o hiroglipiko,” sinabi niya na “ang isa sa mga balumbon ay naglalaman ng mga isinulat ni Abraham at ang isa naman ay mga isinulat ni Jose ng Egipto” (History, 1838–1856, volume B-1 [1 September 1834–2 November 1838], 596). Sa tulong ng mga miyembro ng Simbahan, nabili ng Propeta ang mga mummy, dalawang balumbon ng papyrus, at ilang bahagi ng papyrus. Isinalin niya ang isang bahagi ng mga isinulat ni Abraham sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos at kalaunan ay inilathala niya muna ang mga ito sa pahayagan ng Simbahan, ang Times and Seasons, bilang ang aklat ni Abraham.
Bahagi 4
Ano ang aklat ni Abraham?
Ang aklat ni Abraham ay isang aklat ng banal na kasulatan na nagsasalaysay ng mga bahagi ng kabataan ng propetang ito sa kanyang sariling salita. Nagsasalaysay ito tungkol sa kanyang hangarin na “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2) at tungkol sa pagtitiwala niya sa Panginoon, na mahimalang nagligtas sa kanya matapos siyang ibigay ng kanyang “mga ama” para ialay ng saserdote ni Faraon (tingnan sa Abraham 1:5–7, 30). Nagtuturo rin ang aklat na ito ng malalalim na katotohanan na may kaugnayan sa tipang Abraham, premortal na buhay, walang hanggang katangian ng mga espiritu, pag-oorden noon pa man, Kapulungan sa Langit at layunin ng buhay, at pagpaplano at paglikha ng daigdig. Higit sa lahat, nagpapatotoo ito tungkol kay Jesucristo—sa Kanyang kadakilaan sa premortal na buhay, sa Kanyang pagkahabag at Kanyang kapangyarihan na iligtas ang mga anak ng Diyos, at sa Kanyang mahalagang papel sa plano ng Ama sa Langit.
Tinatalakay sa mga sumusunod na paksa kung ano ang alam natin at hindi natin alam tungkol sa paglabas ng aklat ni Abraham.
Ang Aklat ni Abraham at ang Sinaunang Daigdig
Ang aklat ni Abraham ay tugmang-tugma sa mga nalaman ng mga iskolar tungkol sa sinaunang daigdig. Ilan sa kaalamang ito ay hindi pa natuklasan o hindi pa gaanong laganap noong panahon ni Joseph Smith. Halimbawa, minsang inakala noon na hindi nagsagawa ng pag-aalay ng mga tao ang mga taga-Egipto tulad ng inilarawan sa Aklat ni Abraham (tingnan sa Abraham 1:8–15; “Isang Paksimile mula sa Aklat ni Abraham,” Blg. 1). Pinatutunayan ngayon ng mga natuklasan sa kasaysayan kamakailan na nag-alay nga sila ng mga tao at isinagawa ito laban sa mga taong humamon sa mga gawaing panrelihiyon ng mga taga-Egipto, tulad ng ginawa ng mga anak na babae ni Onitah na tinukoy sa Abraham 1:11.
Natuklasan din ng mga iskolar na hindi lamang sa Egipto nangyari ang mga pag-aalay kundi pati sa mga lugar na nasa ilalim ng impluwensya ng mga taga-Egipto (tingnan sa Abraham 1:1, 5–11). Tinukoy sa aklat ni Abraham ang “kapatagan ng Olishem” na malapit sa lupain ng Ur at Haran (tingnan sa Abraham 1:10). Hindi kilala ng sinuman sa panahon ni Joseph Smith ang pangalan at lugar na ito. Gayunman, binanggit sa mga sinaunang teksto na natuklsan simula noon ang isang lugar na nagngangalang Ulishem malapit sa Haran na maaaring tugma sa lungsod na binanggit sa Aklat ni Abraham. Binanggit din sa ilang mga sinaunang teksto na nagturo si Abraham sa mga taga-Egipto gamit ang astronomiya (tingnan sa Abraham 3:1–15; “Paksimile,” Blg. 3). Isinasalaysay ng iba pang mga sinaunang dokumento ang pangitain ni Abraham tungkol sa Paglikha at inilalarawan ng mga ito ang kapulungan sa langit kung saan tinalakay at ipinlano ang paglikha sa mga tao (tingnan sa Abraham 3:23–25; 4:26–27). Ang mga pagkakatugmang ito ay patunay sa katotohanan ng aklat ni Abraham.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan din sa “Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org; Daniel C. Peterson, “News from Antiquity,” Ensign, Ene. 1994, 16–21; at Kerry Muhlestein, “Egyptian Papyri and the Book of Abraham: A Faithful, Egyptological Point of View,” sa Robert L. Millet, pat., No Weapon Shall Prosper: New Light on Sensitive Issues (2011), rsc.byu.edu.
Ang mga Papyrus ng mga Taga-Egipto
Pagkamatay ni Joseph Smith, ipinagbili kalaunan ng kanyang pamilya ang mga mummy at mga papyrus. Ipinapalagay na karamihan sa mga papyrus ay natupok sa Great Chicago Fire noong 1871. Gayunman, noong 1967, ipinagkaloob sa Simbahan ng Metropolitan Museum of Art sa New York ang mga bahagi ng papyrus na pagmamay-ari noon ni Propetang Joseph Smith. Ang mga nabawing bahagi na ito ay tinatayang isinulat ilang siglo bago isinilang si Cristo, matagal nang panahon pagkatapos pumanaw ni Abraham.
Tinangka ng mga kritiko na gamitin ang tinatayang panahon kung kailan isinulat ang mga bahagi ng papyrus para pagdudahin ang mga tao sa katotohanan ng aklat ni Abraham. Gayunman, hindi kailangang sa panahon ni Abraham isinulat ang mga bahagi ng papyrus para masabing totoo ang aklat ni Abraham. Ang mga sinaunang talaan ay madalas ipasa-pasa bilang mga kopya o bilang mga kopya ng mga kopya. Halimbawa, ang mga pinakalumang natitirang manuskrito ng mga aklat ng Biblia ay isinulat ilang siglo pagkatapos unang maisulat ang mga ito (tingnan sa John Gee, A Guide to the Joseph Smith Papyri [2000], 23–25, scholarsarchive.byu.edu; Kerry Muhlestein, “Egyptian Papyri and the Book of Abraham: Some Questions and Answers,” Religious Educator, tomo 11, blg. 1 [2010], 91–108).
Binatikos din ng ilang indibiduwal ang aklat ni Abraham dahil ang mga makabagong pagsasalin ng mga bahagi ng papyrus, na naglalaman ng mga teksto na may kaugnayan sa mga ritwal sa paglilibing ng mga taga-Egipto, ay hindi tugma sa teksto ng aklat ni Abraham. Maaaring may ilang posibleng dahilan para rito.
Kasama sa isa sa mga bahagi ng papyrus ang isang bahagi ng larawan na ngayon ay Paksimile 1 sa Aklat ni Abraham. Inakala ng ilan na ang teksto na katabi ng larawang ito ang siyang pinagkuhanan ni Joseph Smith para maisalin ang aklat ni Abraham. Gayunman, karaniwan nang makahanap ng mga larawan sa mga papyrus ng mga taga-Egipto na medyo malayo sa tekstong naglalarawan sa mga ito. Inilarawan ng mga saksi “ang maraming talaan, na nakasulat sa papyrus,” kabilang ang “isang mahabang balumbon” o maraming “rolyo” ng papyrus (tingnan sa John Gee, An Introduction to the Book of Abraham [2017], 5). Habang nagsasalin, maaaring ginamit din si Propetang Joseph Smith ang mga bahagi ng mga payrus na nasira kalaunan. Dahil dito, hindi natin alam kung aling mga bahagi ng mga payrus ang ginamit ni Joseph sa pagsasalin.
Sinabi naman ng iba na marahil ay hindi nagmula sa literal na pagsasalin ng mga payrus ang Aklat ni Abraham, o ang mga bahagi nito. Ayon sa pananaw na ito, maaaring ang pag-aaral ni Joseph ng mga hiroglipiko ng mga taga-Egipto ay humantong sa isang paghahayag tungkol sa mahahalagang pangyayari at turo sa buhay ni Abraham, sa parehong paraan na natanggap ng Propeta ang aklat ni Moises habang pinag-aaralan niya ang Biblia. Hindi ipinaliwanag ng Panginoon o ni Joseph Smith ang proseso kung paano isinalin ang aklat ni Abraham.
Isang Patotoo mula sa Diyos
Ang aklat ni Abraham ay isang kaloob mula sa Diyos. Tulad ng lahat ng iba pang mga banal na kasulatan, ang paniniwala sa katotohanan ng mga nilalaman ng aklat ni Abraham ay nakabatay, una sa lahat, sa pananampalataya. Ang banal na patotoo tungkol sa mga turo nito na matatanggap sa pamamagitan ng pag-aaral nang may panalangin at paghahayag mula sa Espiritu Santo ang pinakamatinding katibayan na totoo ito. Nagpatotoo si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, habang naglilingkod noon sa Unang Panguluhan: “May isang pinagmumulan ng lubos, wasto, at hindi nawawasak na katotohanan. Ang pinagmumulang iyan ay ang ating napakatalinong Ama sa Langit na nakaaalam sa lahat ng bagay” (“Ano ang Katotohanan?” [CES devotional, Ene. 2013]ChurchofJesusChrist.org).