“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal at Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal at Pamilya
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang layunin ng buhay sa lupa at ang misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kanilang walang hanggang tadhana—ang maging katulad ng ating mga magulang sa langit” (“Same-Gender Attraction,” Ensign, Okt. 1995, 7). Sa pag-aaral mo ng doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya, tukuyin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano tayo inihahanda ng kasal at pamilya na maging higit na katulad ng ating mga Magulang sa Langit.
Bahagi 1
Ano ang mga layunin ng kasal sa walang hanggang plano ng Diyos?
Noong 1831, binisita si Propetang Joseph Smith ng isang bagong binyag na miyembro ng Simbahan na nagngangalang Leman Copley. Si Leman ay dating miyembro ng Shakers, isang sekta ng relihiyon na tutol sa kasal at naniniwala na celibacy o buhay na walang asawa (hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon) ang pinakamataas na uri ng debosyon ng mga Kristiyano. Pagkatapos ng pagbisita ni Leman, nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon tungkol sa mga turo ng Shakers at natanggap ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 49. (Maaaring makatulong sa iyo na basahin ang pambungad para bahaging iyon.) Maaari mong markahan ang mga salita at parirala sa sumusunod na scripture passage na nagtuturo ng doktrina ng kasal na ibinigay ng Panginoon.
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit inorden ng Diyos ang kasal. Maaari mong markahan kung ano ang tila pinakamahalaga para sa iyo mula sa kanyang pahayag.
May dalawang nakahihikayat na dahilan ng doktrina na nakatutulong sa atin na maunawaan kung bakit ang walang hanggang kasal ay mahalaga sa plano ng Ama.
Unang dahilan: Ginagawang kumpleto at perpekto ng likas na pagkatao ng mga espiritu ng lalaki at babae ang isa’t isa, kaya nga ang kalalakihan at kababaihan ay nilayong umunlad nang magkasama tungo sa kadakilaan. …
… Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at mga babae ay kinailangan para maisakatuparan ang plano ng kaligayahan. Kung nag-iisa, hindi maisasakatuparan ng lalaki ni ng babae ang mga layunin ng pagkakalikha sa kanya. …
Pangalawang dahilan: Sa plano ng Diyos, kailangan kapwa ang lalaki at babae upang iluwal ang mga anak sa mundo at mailaan ang pinakamabuting lugar para sa pagpapalaki at pangangalaga sa mga anak.
Ang utos na ibinigay noong araw kina Adan at Eva na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa ngayon. … Kaya nga, ang kasal ng isang lalaki at isang babae ang tamang pamamaraan kung saan papasok sa mortalidad ang mga premortal na espiritu. …
Ang tahanang may mapagmahal at tapat na mag-asawa ang pinakamainam na lugar kung saan mapapalaki ang mga anak sa pagmamahal at kabutihan at kung saan matutugunan ang espirituwal at pisikal na pangangailangan ng mga bata. Tulad ng mga magkakaibang katangian ng mga lalaki at babae na nakatutulong sa pagiging kumpleto ng pagsasama ng mag-asawa, ang mga katangian ding iyon ay mahalaga sa pagpapalaki, pangangalaga, at pagtuturo ng mga anak. (David A. Bednar, “Ang Kasal ay Mahalaga sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 50–55)
Bahagi 2
Ano ang ilang pagpapala ng walang hanggang kasal?
Sa Nauvoo, nagsimulang ituro ni Joseph Smith sa mas maraming tao ang doktrina ng walang hanggang kasal. Ito ay isang bago at kamangha-manghang doktrina sa mga Banal. Naniwala ang karamihan sa kanila na ang kasal ay nagwawakas sa kamatayan.
Inilarawan ni Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nadama niya nang ituro sa kanya ng Propeta ang tungkol sa posibilidad ng walang hanggang kasal.
Natutuhan ko [kay Joseph Smith] na maaari kong makasama ang mahal kong asawa sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan. … Sa kanya ko natutuhan na mapag-iibayo natin ang pagmamahal na ito, at mapalalakas at mapatitibay ito sa buong kawalang-hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang hanggang ugnayan ay mga binhi na kasing dami ng bituin sa langit, o ng mga buhangin sa baybayin ng dagat. …
Nagmahal ako noon, subalit hindi ko alam kung bakit. Subalit ngayon nagmahal ako—nang may kadalisayan—isang maganda at dakilang damdamin. (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [2007], 260)
Noong 1843, idinikta ng Propeta ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 132, na kinabibilangan ng doktrina ng walang hanggang kasal.
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Upang maging marapat sa buhay na walang hanggan, kailangan tayong gumawa ng walang hanggang tipan sa ating Ama sa Langit [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19]. Ibig sabihin ang kasal sa templo ay hindi lamang sa pagitan ng mag-asawa; ito ay pakikipagtuwang sa Diyos [tingnan sa Mateo 19:6]. …
… Kapag nabuklod ang isang pamilya sa templo, ang pamilyang iyon ay nagiging walang hanggan tulad mismo ng kaharian ng Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20]. (Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 92–93)
Ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal ay hindi lamang para sa kabilang-buhay. Matatamasa rin ng mga taong nagsisikap na tumupad sa kanilang mga tipan ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal sa buhay na ito. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
Kung matalino ang inyong pagpili at desididong magtagumpay sa inyong pagsasama, wala nang ibang higit na magpapaligaya sa inyo sa buhay na ito. (“Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 67)
Ang ilang miyembro ng Simbahan ay may mga tanong tungkol sa mga kalagayan na nagiging dahilan para hindi maranasan ng mga indibiduwal ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal at pamilya sa buhay na ito. Tinalakay ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang bagay na ito:
Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong walang pagkakataong makamtan ito. Ang ilan sa inyo ay hindi pinagpalang makapag-asawa sa ilang kadahilanan tulad ng kawalan ng mapupusuan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga kapansanan sa katawan o pag-iisip, o dahil lang sa takot na mabigo na mas nananaig, kahit sa sandaling ito man lang, kaysa sa pananalig. O maaaring nakapag-asawa kayo, ngunit nagwakas ang pagsasama, at naiwan kayong mag-isa sa responsibilidad na halos di-kakayanin kahit ng dalawang tao pa. Ang ilan sa inyo na may-asawa ay hindi magkaanak sa kabila ng napakatinding hangarin at nagsusumamong mga panalangin.
… Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita na ang lahat ng ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak. (D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 52)
Bahagi 3
Bakit dapat kong ipagtanggol ang doktrina ng Panginoon sa kasal at pamilya?
Habang patuloy na nangyayari ang Panunumbalik, binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga propeta na bigyang-diin ang doktrina ng kasal at pamilya. Sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong Setyembre 1995, binasa ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Itinuro sa huling bahagi ng pagpapahayag kung bakit dapat tayong manindigan para sa doktrina ng Panginoon sa kasal at pamilya.
At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.
Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan. (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org)
Ipinaliwanag ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society General President, ang pangangailangang pag-aralan ang doktrina tungkol sa pamilya na matatagpuan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa mundo.”
Hihilingan ang henerasyong ito na ipagtanggol ang doktrina tungkol sa pamilya nang higit kaysa rati. Kung hindi nila alam ito, hindi nila ito maipagtatanggol. …
Sabi ni Pangulong [Spencer W.] Kimball:
“Marami sa mga paghihigpit ng lipunan na nakatulong noong araw sa pagpapatibay at pagpapatatag sa pamilya ang naglalaho at nawawala. Darating ang panahon na yaong mga tao lamang na matindi at matibay ang paniniwala sa pamilya ang makakayang pag-ingatan ang kanilang pamilya sa gitna ng nagtitipong kasamaan sa ating paligid” [Spencer W. Kimball, “Families Can Be Eternal,” Ensign, Nob. 1980, 4]. (Julie B. Beck, “Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 17)
Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:
Kailangang buong tapang nating ipagtanggol ang inihayag na mga doktrina ng Panginoon na nagpapaliwanag sa kasal, pamilya, banal na tungkulin ng mga lalaki at babae, at kahalagahan ng tahanan bilang sagradong lugar—kahit isinisigaw ng mundo sa ating mga tainga na ang mga alituntuning ito ay makaluma, mahigpit, at di na mahalaga. Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya. Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat iyon din ang plano natin! …
… Maging mga tagapagtanggol tayo ng kasal tulad ng inorden ng Panginoon habang patuloy tayong nagpapakita ng pagmamahal at habag sa mga taong iba ang pananaw. (Bonnie L. Oscarson, “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag ukol sa Mag-anak,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 15)