Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 25: Ang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan


Kabanata 25

Ang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan

Dapat nating sang-ayunan at pakinggan ang pangulo ng Simbahan, na nagtataglay ng mga susi ng banal na pagkasaserdote at namumuno sa Simbahan ng Diyos sa lupa.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Si Pangulong Joseph F. Smith ay sinang-ayunan bilang panganim na Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang natatanging komperensiya noong ika-10 ng Nobyember 1901. Ang bagong tungkuling ito ay nagbigay katuparan sa propesiya ni Pangulong Lorenzo Snow na si Joseph F. Smith ay magiging Pangulo ng Simbahan.1

Tinawag bilang Apostol ni Pangulong Brigham Young noong 1866 at nakapaglingkod bilang Tagapayo sa apat na pangulo ng Simbahan—Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at Lorenzo Snow—Si Pangulong Smith ay madalas na magpatotoo “sa banal na awtoridad … sa integridad, sa dignidad, sa malinis na pamumuhay, sa katalinuhan, at sa banal na misyon at tungkulin” ng mga tagapaglingkod na ito ng Diyos.2

Sa loob ng 17 taon siya ay magiting na naglingkod bilang Pangulo ng Simbahan, nang may lubos na kababaang-loob at pagmamalasakit. Sinabi niya sa mga Banal, “Ako’y isang hamak lamang sa gawaing ito, at wala akong maipagmamalaki maliban sa munting pagsisikap na gawin ang aking tungkulin ayon na rin sa kakayahan na ipinagkakaloob sa akin ng Panginoon upang magawa ito.”3

Nagpatotoo siya na pinapatnubayan ang Simbahan mula sa itaas: “Nais kong sabihin sa inyo na kailanman ay hindi nangyari magmula nang maitatag ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ang Simbahan ay pamunuan ng tao, hindi ito nangyari kahit minsan. Hindi ito nangyari sa panahon ni Joseph; hindi ito nangyari sa panahon ni Brigham Young; hindi ito nangyari kahit noong una pa man; at hindi ito mangyayari kailanman. Ang pamumuno sa gawaing ito para sa mga tao sa daigdig ay hindi kailanman ipauubaya sa tao. Ito ay gawain ng Diyos.”4

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang Diyos Mismo ang Namumuno sa Kanyang Gawain at sa Kanyang mga Tao.

Itinatag ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaayusan nito. Ang bahay ng Diyos ay isang bahay ng kaayusan, at hindi isang bahay ng kaguluhan. Sa bahay na ito ang Diyos mismo ang Kataas-taasang Pinuno, at siya ay kinakailangang sundin. Si Cristo ay tunay na larawan at kawangis ng kanyang katauhan, ang Kanyang Bugtong na Anak, at siya ay tumatayo bilang ating Tagapagligtas at ating Diyos. … Sumusunod sa Diyos at kay Cristo, inilagay sa lupa ang isang tao na pinagkalooban ng mga susi ng kapangyarihan at karapatan ng banal na Pagkasaserdote, at siya ay pinagkalooban ng karapatan ng panguluhan. Siya ang tagapagsalita ng Diyos sa kanyang mga tao, sa lahat ng bagay na nauukol sa pagtatayo ng Sion at sa espirituwal at temporal na kaligtasan ng mga tao.5

Walang tao na mamumuno sa mga tao ng Diyos ni sa kanyang gawain. Maaaring pumili ang Diyos ng kalalakihan at gawin silang mga kasangkapan sa kanyang mga kamay upang maisakatuparan ang kanyang mga layunin, subalit ang kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan ay mananatili sa Ama, na nagtataglay ng karunungan at kakayahan upang pamunuan ang kanyang mga tao at pangalagaan ang kanyang Sion. Hindi ako ang namumuno sa Simbahan ni Jesucristo, ni sa mga Banal sa mga Huling Araw, at nais kong malinaw ninyo itong maunawaan. Walang sinumang tao. … Tandaan na ang Diyos ang namumuno sa gawain. Ito ay kanyang gawain. Hindi ito gawain ng tao. Kung ito ay naging gawain ni Joseph Smith, o ni Brigham Young, o ni John Taylor, Wilford Woodruff, o Lorenzo Snow, hindi nito matatagalan ang mga pagsubok na pinagdaanan nito.6

Karangalan at papuri sa [Pangulo ng Simbahan,] mga yaong naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagtatatag ng kaayusan sa gitna ng walang-katiyakan, at ng tiyak na mga tuntunin na nagtuturo sa atin kung saan tayo dapat magtungo.7

Tatlong namumunong mataas na mga saserdote ang tumatayong pinuno ng Simbahan sa mundo.

Ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ang bumubuo sa Panguluhang Diyos at sa walang-kapantay na namamahalang korum sa lahat ng mga nilikha ng Ama. Tatlong kalalakihan ang tumatayong pinuno ng Simbahan sa lupa … mga kalalakihan na ang tanging kaisipan ay gumawa ng mabuti sa lahat ng sangkatauhan, na ang pinakapangunahing mithiin ay ang kapakanan ng mga tao ng Panginoon, at walang-humpay na nagsisikap upang sila ay pagkaisahin at himukin silang gumawa, bawat isa sa kanyang gawain at tungkulin, upang tumulong sa pagtatatag ng Sion.8

Inihayag ng Panginoon sa pagsisimula ng gawaing ito na dapat magkaroon ng tatlong mataas na mga saserdote na mamumuno sa Mataas na Pagkasaserdote ng kanyang Simbahan at sa buong Simbahan. (Doktrina at mga Tipan 107:22, 64, 65, 66, 67, 91 at 92.) Iginagawad Niya sa kanila ang lahat ng karapatan na kinakailangan upang pamunuan ang lahat ng gawain ng Simbahan. Taglay nila ang mga susi ng bahay ng Diyos at ng mga ordenansa ng ebanghelyo, at lahat ng pagpapala na ipinanumbalik sa lupa sa dispensasyong ito. Ipinagkaloob ang karapatang ito sa panguluhan na binubuo ng tatlong mataas na mga saserdote. Sila ay tatlong pangulo. Ito ang tawag ng Panginoon mismo sa kanila. (Doktrina at mga Tipan bahagi 107:29.) Subalit may isang namumunong pangulo, at ang kanyang mga tagapayo ay mga pangulo rin.9

Ang namumuno sa buong Simbahan ay isang kapulungan na tinatawag na unang panguluhan, binubuo ng pangulo at dalawang tagapayo, sumusunod sa kanila ang labindalawang apostol, pantay sa karapatan sa Unang Panguluhan, bagamat pumapasailalim at gumaganap sa ilalim ng kanilang tagubilin.10

Ang namumunong opisyal ng Simbahan ay maaari at dapat na tukuyin at tawagin bilang “Pangulo;” ito rin ay ginagamit sa mga tagapayo sa Unang Panguluhan, sapagkat ang bawat isa sa kanila ay pangulo tulad ng sinabi ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 107:22, 24, 29); subalit hindi angkop na karaniwang pag-usapan ang Pangulo ng Simbahan, at [sadyang] hindi tama na tawagin siya, bilang “Propeta,” “Tagakita,” o “Tagapaghayag,” bagamat ang mga dakilang titulong ito ay taglay niya mismo, at taglay din ng bawat isa sa kanyang mga tagapayo, ng bawat isa sa Labindalawa. … Ang mga ito ay mga titulo na may kaakibat na espirituwal na kapangyarihan at katungkulan at isang bagay na napakasagrado upang gamitin bilang karaniwang katawagan.11

Palaging may namumuno sa Simbahan, at kung ang Panguluhan ng Simbahan ay nawala sanhi ng kamatayan o iba pang dahilan, dahil dito ang susunod na mamumuno sa Simbahan ay ang Labindalawang Apostol, hanggang sa muling maibalangkas ang panguluhan na binubuo ng tatlong namumunong mga mataas na saserdote na may karapatan upang humawak ng katungkulan ng Unang Panguluhan sa Simbahan; … at tungkulin ng Labindalawang Apostol na kumilos agad, sa paraang dapat itong isagawa, upang matiyak na ang Unang Panguluhan ay muling maibalangkas, nang sa gayon ay hindi magkaroon ng kakulangan sa pagganap at kaayusan ng Pagkasaserdote sa Simbahan.12

Ang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ay nagtataglay ng mga susi ng banal na pagkasaserdote.

Ang Pagkasaserdote sa pangkalahatan ay karapatan na ipinagkakaloob sa isang tao upang kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang bawat lalaki na naordenan sa anumang antas ng Pagkasaserdote ay pinagkakalooban ng ganitong karapatan.

Subalit kinakailangan na ang bawat gawain na isinasagawa sa ilalim ng karapatang ito ay dapat magawa sa tamang panahon at lugar, sa tamang paraan, at ayon sa tamang pagkakasunod-sunod. Ang kapangyarihan na ginagamit sa pamamahala ng mga gawaing ito ang bumubuo sa mga susi ng Pagkasaserdote.13

Ang lahat ng susi at karapatan at kapangyarihan na may kinalaman sa pamahalaan ng Simbahan at sa Pagkasaserdoteng Melquisedec at Aaron ay nakasentro sa namumunong opisyal ng Simbahan. Walang gawain ni katungkulan, sa loob ng Simbahan, na hindi maaaring gampanan at gawin ng Pangulo ng Simbahan, kung ito ay kinakailangan, o kung ito ay hinihingi na gawin niya [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:9]. Taglay niya ang katungkulan ng patriyarka; taglay niya ang katungkulan ng mataas na saserdote at ng apostol, ng pitumpu, ng elder, ng obispo, at ng saserdote, guro at diyakono sa Simbahan; ang lahat ng ito ay taglay ng Panguluhan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at maaari silang mamuno sa alinman at sa lahat ng mga tungkuling ito kapag hinihingi ng pagkakataon.14

Walang sinuman kailanman maliban sa isang tao na itinalaga sa isang takdang panahon ang maaaring humawak ng mga susi ng kaharian ng Diyos na nauukol sa lupa. Habang si Cristo ay nasa lupa pa noon taglay niya ang mga ito; subalit nang siya ay lumisan, ipinagkatiwala niya ang mga ito kay Pedro, siya na tumatayong pangulo o puno ng mga apostol; at karapatan niya na pamunuan at tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan, at magbigay ng payo sa lahat ng mga kapatid. Matapos manaig si Satanas at ang masasamang tao laban sa Simbahan, ipinako ang Tagapagligtas at pinatay ang mga Apostol, ang mga susi ng kaharian ay kinuha sa mundo. … Mula sa panahon na kinuha sa mundo ang mga susi ng Pagkasaserdote hanggang sa matanggap ang mga ito ni Joseph Smith, walang tao kailanman ang nagtaglay ng Pagkasaserdoteng iyon, ni ng mga susi nito, kabilang ang karapatan upang maitatag ang Sion ng Diyos, at ihanda ang Simbahan o mga tao para sa ikalawang pagparito ni Cristo.15

Malinaw na nakasaad sa Doktrina at mga Tipan na bagama’t ang bawat pinuno sa Simbahan ay may karapatan na manungkulan sa kanyang sariling tungkulin, “Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ang may hawak ng karapatan ng panguluhan, at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa Simbahan sa lahat ng kapanahunan ng daigdig, upang mangasiwa sa mga espirituwal na bagay.” (Doktrina at mga Tipan, bahagi 107:8.)

Dagdag pa rito, sa paghahayag ding ito ng mga talata 65 at 66, sinasabi sa atin:

“Dahil dito, talagang kinakailangan na may isang itatalaga sa Mataas na Pagkasaserdote upang mamuno sa pagkasaserdote, at siya ay tatawaging Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan:

“O, sa madaling salita, ang Namumunong Mataas na Saserdote sa Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan.”16

Ang napakahalagang bagay na dapat tandaan ay ang pagiging nakahihigit ng Pagkasaserdote kaysa alinman sa mga katungkulan nito; at sinumang lalaki na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay maaaring, sa pamamagitan ng taglay nitong kapangyarihan, magsagawa ng anumang ordenansa na nauukol dito o may kaugnayan dito, kapag nahilingan siya ng isang nagtataglay ng tamang awtoridad, kung saan ang tamang awtoridad na ito ay ipinagkakaloob sa Pangulo ng Simbahan, o sa sinuman na kanyang hihirangin. Bawat pinuno sa Simbahan ay nasa ilalim ng kanyang pamamahala, at siya ay pinamumunuan ng Diyos. Siya rin ay pinipili ng Panginoon upang maging pinuno ng Simbahan, at ganap na magiging pinuno, kapag siya ay tinanggap at sinang-ayunan ng Pagkasaserdote ng Simbahan (na kinabibilangan ng mga pinuno at mga miyembro nito). (Doktrina at mga Tipan, bahagi 107:22.)17

Ang Pangulo ay itinatalaga upang tumanggap ng mga pahayag para sa buong Simbahan.

Itinatalaga rin ng Panginoon sa isang takdang panahon ang isang lalaki sa mundo na humawak ng mga susi ng paghahayag para sa buong lupon ng Simbahan sa lahat ng mga organisasyon, awtoridad, ordenansa, at doktrina nito. Ang espiritu ng paghahayag ay ipinagkakaloob sa lahat ng mga miyembro nito para sa kapakanan at ikauunawa ng bawat indibiduwal na tumatanggap ng inspirasyon nito, at ayon sa gawain na sakop ng kanyang tungkulin. Subalit para sa buong Simbahan, siya na tumatayong pinuno ang tanging itinalaga upang tumanggap ng mga pahayag sa pamamagitan ng kautusan at upang mawakasan ang anumang pagtatalo. Samantalang tinutulungan ng kanyang mga tagapayo, siya ay namumuno sa buong Simbahan sa lahat ng panig ng daigdig; samakatwid ay taglay ng Unang Panguluhan ang karapatan na magbigay ng kaukulang direksiyon sa lahat ng bagay na nauukol sa pagtatatag at pamamahala at pamamalakad ng buong lupon.18

Pinaninindigan ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang alituntunin ng kanilang pananampalataya, na … ang Pangulo ng Simbahan ay kinikilala bilang nag-iisang tao na tumatanggap ng banal na paghahayag at pinararating sa lupong pangrelihiyon bilang isang batas at doktrina; na ang gayong paghahayag ay maaaring dumating anumang oras, tungkol sa anumang paksa, espirituwal o temporal, ayon sa kagustuhan ng Diyos; at, sa dakong huli, sa isipan ng bawat matapat na Banal sa mga Huling Araw, ang gayong paghahayag, anuman ang ipinapayo, ipinangangaral, o hinihingi, ay lubhang mahalaga.19

Sa sandaling ang indibiduwal ay maghari-harian at magdikta, o maghatol sa kanyang mga kapatid sa Simbahan, lalo na sa mga namumuno, dapat siyang agad na pigilin, o maaaring mauwi ito sa hindi pagkakasundo, pagtatalu-talo, at kaguluhan. Bawat lalaki at babae sa Simbahang ito ay dapat na mas maging maalam sa halip na bigyang-daan ang ganitong diwa; sa sandaling dumating ang ganitong damdamin sa kanila ay dapat nila itong sawayin, sapagkat ito ay hayagang pagsalungat sa orden ng Pagkasaserdote, at sa diwa at kaloob ng gawaing ito. Wala tayong maaaring tanggapin na opisyal na utos maliban sa mga yaong tuwirang dumarating sa itinalagang daan, ang mga itinatag na organisasyon ng pagkasaserdote, na siyang itinalaga ng Diyos na dapat pagmulan ng kanyang kaisipan at kalooban sa daigdig.20

Sadyang magiging ganap na di-naaayon, di-makatwiran at di-makatotohanan na akalain na matapos tumawag ang Diyos ng isang lalaki at italaga siya sa gawaing ito, na siya ay Kanyang balewalain at lalapit sa kahit na sino na lamang upang isakatuparan ang layunin ding ito. Walang makatwirang tao ang tatanggap ng ganitong panukala kahit sa loob lamang ng isang sandali. Ang mag-isip ng anumang ganitong ideya ay pagpaparatang sa Pinakamakapangyarihan na siya ay pabagu-bago, at may-akda ng kalituhan, di-pagkakasundo at pagkakahati-hati. Ang Kaharian ng Diyos ay hindi kailanman naitatag sa lupa sa ganitong uri ng pamamaraan.21

Kung [ang Pangulo ng Simbahan] ay magiging hindi karapatdapat, aalisin siya ng Diyos sa kanyang kinalalagyan. Ako ay nagpapatotoo sa pangalan ng Diyos ni Israel na hindi Niya pahihintulutan ang pinuno ng Simbahan, siya na Kanyang pinili upang mamuno, na labagin ang Kanyang mga Batas at tumalikod sa katotohanan; sa sandaling lumakad siya sa landas na sa dakong huli ay aakay sa kanya dito, siya ay aalisin ng Diyos. Bakit? Sapagkat ang pahintulutan ang masamang tao na manungkulan sa posisyong iyon, ay para na ring pagpapahintulot, gaya nga ng sinasabi, sa bukal na naging marumi, na isang bagay na hindi Niya kailanman mapahihintulutan.22

Ikararangal at ipagkakapuri ng Diyos ang Kanyang mga tagapaglingkod.

[Ito] ay hindi gawain ng tao kundi gawain ng Diyos na Pinakamakapangyarihan; at gawain Niya na tiyakin na ang kalalakihan na nanunungkulan sa posisyong ito ay kalalakihan na umaayon sa Kanya, kalalakihan na tatanggap ng mga tagubilin mula sa Kanya, at magsasagawa ng mga ito ayon sa mga payo ng Kanyang kalooban.23

Ang pagkasaserdote ng [Diyos] ay kabibilangan magpakailanman ng nararapat na kalalakihan para sa posisiyong ito, kalalakihan na handang bumalikat sa mga pasanin, kalalakihan na maaari niyang makatuwang at maaaring mamahala sa gawain ng kanyang Simbahan ayon sa mga payo ng Kanyang kalooban. At sa sandaling humanap ang mga indibiduwal ng iba pang masasandigan, sa sandaling iyon ay inilalagay nila ang kanilang sarili sa mga mapanuksong pang-iimpluwensiya ni Satanas, at isinusuko ang kanilang sarili na maging mga tagapaglingkod ng diyablo; kinalilimutan nila ang tamang pamamaraan kung paano matatamasa ang mga biyaya ng Pagkasaserdote; lumilihis sila sa landas patungo sa kaharian ng Diyos, at sila’y nalalagay sa mapanganib na katayuan.24

Ikararangal at ipagkakapuri ng Diyos ang kanyang mga tagapaglingkod sa paningin ng mga tao. Itataguyod Niya sila sa kabutihan. Iaangat Niya sila sa itaas, dadakilain sila sa kanyang kinaroroonan, at tatanggapin nila ang kanyang kaluwalhatian magpakailanman.25

Ibinabahagi ko ang aking patotoo hinggil sa banal na awtoridad ng mga humalili kay Propetang Joseph Smith sa panguluhan ng Simbahang ito. Sila ay mga tao ng Diyos. … Makapagbabahagi ako ng patotoo sa integridad, sa dignidad, sa malinis na pamumuhay, sa katalinuhan, at sa banal na misyon at tungkulin nina Brigham [Young], John [Taylor], Wilford [Woodruff], at Lorenzo [Snow]. Sila ay binigyang inspirasyon ng Diyos upang gampanan ang misyon kung saan sila ay tinawag, at nalalaman ko ito. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa patotoong iyon at sa Espiritu na nag-uudyok sa akin at nagtutulak sa akin na lumapit sa mga kalalakihang ito, sa kanilang misyon, sa mga taong ito, sa aking Diyos at sa aking Manunubos.26

Aking mga kapatid, ang aking gawain, ang aking tungkulin, ay ipangaral ang Ebanghelyo ni Jesucristo at Siya na ipinako at nabuhay mula sa mga patay at naluluklok sa kapangyarihan, kaluwalhatian at kamahalan sa kanang kamay ng kanyang Ama, ang ating Diyos. … Kailangang gawin ko ang aking magagawa, sa paraaang pinakamainam na alam ko, para sa mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa akin. Kailangan ko ring gawin ang aking tungkulin sa mga tao ng Diyos kung kanino ninanais Niya na nararapat akong maging mapagpakumbaba bilang ministro at guro ng Ebanghelyo.27

Ito ay gawain ng Panginoon, at nakikiusap akong huwag ninyo itong kalilimutan. Nagsusumamo ako sa inyo na huwag itong hindi paniwalaan; sapagkat ito ay totoo. Ang lahat ng sinabi ng Panginoon hinggil sa gawaing ito sa mga huling araw ay magaganap. Hindi ito mapipigilan ng daigdig. … Ang Diyos ang nasa unahan at pamumunuan niya ang kanyang mga tao tungo sa tagumpay. 28

Kahit kailan, kung magkaganito man, ako ay bumabanggit ng salita na katanggap-tanggap sa Diyos, kahit kailan ako magsasalita tungkol sa Kanyang katotohanan, ito ay sa pamamagitan ng pananatili at impluwensiya ng kanyang Espiritu, at ito ay ginagawa ko para sa Kanyang karangalan at sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi ako kailanman naghangad na mapasaakin ang karangalan. Hindi ko nais magkaroon ng karangalan; hindi ko nais na magkaroon ng kahit anong karangalan maliban sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo, ang karangalan ng pagkakaroon ng posisiyon na walang-batik, walang bahid-dungis, di-matitinag, at di-magagalaw, sa kaharian ng aking Diyos at ng Kanyang Cristo.29

Para sa akin dalawang bagay lamang, ang kaharian ng Diyos o wala nang iba pa. Ako’y isang hamak lamang sa gawaing ito, at wala akong maipagmamalaki maliban sa munting pagsisikap na gawin ang aking tungkulin ayon na rin sa kakayahan na ipinagkakaloob sa akin ng Panginoon upang magawa ito. Subalit ito ay kaharian ng Diyos. Ang ibig kong sabihin ng kaharian ng Diyos ay ang organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sa kahariang ito si Jesucristo ang hari at ang pinuno.30

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Sino ang namumuno sa Simbahan? Bakit mahalaga na maunawaan natin na “walang tao na mamumuno sa mga tao ng Diyos ni sa Kanyang gawain”?

  • Anong mga biyaya ang ipinangako sa mga miyembro ng Simbahan kapag matapat nilang sinusunod ang Pangulo ng Simbahan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 21:4–6.) Sa papaanong paraan nabiyayaan kayo sa pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta?

  • Paano ninyo masasang-ayunan ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol sa kanilang gawain?

  • Ano ang ibig sabihin ng “mga dakilang titulo” na propeta, tagakita, at tagapaghayag? Kanino ginagamit ang mga titulong ito?

  • Ano ang mga susi ng pagkasaserdote? Ano ang ibig sabihin ng sang-ayunan ang Pangulo ng Simbahan bilang tanging tao sa ibabaw ng lupa na nagtataglay at binigyang-karapatan upang gamitin ang lahat ng mga susi ng pagkasaserdote?

  • Bakit mahalaga na malaman na tanging ang Pangulo ng Simbahan ang itinalaga na tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan? Paano tayo makapag-iingat laban sa paniniwala sa mga bulaang propeta at mga maling paghahayag?

  • Bakit tayo makatitiyak na lagi tayong pamumunuan ng Pangulo ng Simbahan sang-ayon sa kalooban ng Diyos?

Mga Tala

  1. Tingnan sa Conference Report, Okt. 1901, 71.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 169.

  3. Gospel Doctrine, 154.

  4. Gospel Doctrine, 76.

  5. Gospel Doctrine, 210.

  6. Gospel Doctrine, 138–39.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1902, 87.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1898, 69.

  9. Gospel Doctrine, 176.

  10. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 4:248.

  11. Messages of the First Presidency, 4:307.

  12. Gospel Doctrine, 177–78.

  13. Gospel Doctrine, 136.

  14. Gospel Doctrine, 176.

  15. Gospel Doctrine, 43–44.

  16. Gospel Doctrine, 175–76.

  17. Gospel Doctrine, 174.

  18. Messages of the First Presidency, 4:270.

  19. Messages of the First Presidency, 4:154.

  20. Gospel Doctrine, 41–42.

  21. Deseret News: Semi-Weekly, ika-26 ng Hunyo 1883, 1.

  22. Deseret News: Semi-Weekly, ika-26 ng Hunyo 1883, 1.

  23. Deseret News: Semi-Weekly, ika-26 ng Hunyo 1883, 1.

  24. Gospel Doctrine, 42.

  25. Gospel Doctrine, 502.

  26. Gospel Doctrine, 169.

  27. Sa Conference Report, Okt. 1915, 6–7.

  28. Gospel Doctrine, 502.

  29. Sa Conference Report, Abr. 1912, 137–138.

  30. Gospel Doctrine, 154.

First Presidency

Ang Unang Panguluhan, Abril 1910 hanggang Oktubre 1911 (kaliwa papuntang kanan): Anthon H. Lund, Joseph F. Smith, John Henry Smith.