Kabanata 37
Mga Anak ng Amang Walang Hanggan
Tayo’y mga anak ng Diyos, inanyo alinsunod sa Kanyang wangis at may kakayahang maging tulad Niya.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Noong Nobyembre 1909, si Pangulong Joseph F. Smith at ang kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan na sina John R. Windor at Anthon H. Lund, ay nagbigay ng isang pahayag na pinamagatang “Ang Pinagmulan ng Tao” upang sagutin ang paminsan-minsang katanungan “tungkol sa palagay ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … sa pinagmulan ng tao. Pinaniniwalaan na ang pagbibigay ng pahayag sa katayuan ng Simbahan tungkol sa mahalagang paksang ito ay napapanahon at magbubunga nang mabuti. Nilalaman ng pahayag na ito ang mga sumusunod na salita:
“ ‘At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.’ [Genesis 1:27.] Sa malinaw at tuwirang pananalitang ito ay ipinaalam ng inspiradong may-akda ang aklat ng Genesis ang katotohanan tungkol sa pinagmulan ng sangkatauhan.” 1 Naglalaman ang kabanatang ito ng mga hango sa “Ang Pinagmulan ng Tao.”
Madalas patunayan ni Pangulong Smith ang literal na katotohanan ng pagiging ama ng Diyos: “Tulad ng pagkakaalam ko, at may dahilan ako upang maniwala, na narito ako at nabubuhay, kaya naniniwala ako at may dahilan akong maniwala na ang Diyos, ang aking Ama, ay buhay.” 2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Tayo’y mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit.
Nais nating malaman kung saan tayo nanggaling, at saan tayo pupunta. Saan tayo nanggaling? Mula sa Diyos. Buhay na ang ating mga espiritu bago pa man sila bumaba dito sa lupa. Naroroon sila sa ginawang pagpupulong sa kalangitan bago pa inilatag ang mga saligan ng mundo. Naroroon tayo. Sabay-sabay tayong nagsiawit dahil sa galak kasama ng mga nilalang sa langit nang ilatag ang mga saligan ng mundo at maisaayos ang plano ng ating buhay sa mundo at plano ng pagtubos. Naroroon tayo; naging interesado tayo, at nakiisa tayo sa dakilang paghahanda niyon. Hindi maitatangging naroroon tayo sa pagpupulong na iyon … noong ialok ni Satanas ang kanyang sarili bilang tagapagligtas ng sanlibutan kung ibibigay sa kanya bilang kabayaran ang karangalan at kaluwalhatian ng Ama sa gagawin niya. Ngunit ang sabi ni Jesus, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kapangyarihan ay mapasainyo magpasawalang hanggan.” Kaya nga, dahil nagrebelde si Satanas sa Diyos, at hinangad na wasakin ang karapatan ng tao na pumili, siya ay itinakwil ng Ama at pinalayas, samantalang si Jesus ay tinanggap.
Walang alinlangang naroroon tayo, at kasama sa lahat ng tagpong iyon. Malaki ang kinalaman natin sa pagsasagawa ng mga dakilang plano at layunin. Naintindihan natin ito. Para sa kapakanan natin kaya itinakda ang mga ito at kailangang magkaroon ng kaganapan. Dumarating ang mga espiritu dito sa mundo upang magkaroon ng katawang-lupa, nang sa gayon sila ay maging katulad ni Jesucristo, na “inanyo sa kanyang wangis at larawan,” magmula pa noong umaga ng araw ng paglikha hanggang ngayon, at magpapatuloy ito hanggang sa mga huling araw, hanggang sa makarating sa mundong ito ang mga espiritung itinakdang pumarito at maisakatuparan ang kanilang misyon sa laman.3
Nakikita natin na ang … tao, ang pinakatampok na gawa ng Diyos sa mundong ito, sa ibang salita, ang obra maestra, na sa pamamagitan ng inspirasyon ay itinuro sa atin, ay mga anak ng yaong walang hanggang nilalang na siyang Tagapaglikha ng lahat ng bagay, siya na pinakaperpekto sa kanyang kabuuan na nagtataglay ng higit na katangian, kakayahang mag-isip, at may higit na talino kaysa sa lahat ng iba pang nilikha, mga katangian ng nagluluklok sa kanya bilang “panginoon ng paglikha,” at pinaka-kamukha ng Tagapaglikha. Pinag-aaralan natin ang mga bagay na ito at wala tayong magagawa kundi ang ipalagay na ito ay hindi pagkakataon lamang, sa halip, ito ay resulta ng matagal na at buong dunong na pagpaplano at layunin, na ang tao ay anak ng Diyos, nagtataglay ng mga katangian at kawangis ng Kanyang Ama, at sa pasimula ay nakahihigit sa talino, kung kaya nga’t siya ang naging kasama-sama at kasalamuha ng Diyos at nanahanan kapiling niya, at hindi nakakikilala ng kasalanan. Ipinagkaloob ng Panginoon ang mundo sa kanya bilang isang pag-aari at pamana, at mga batas para sa kanyang pamahalaan, upang magampanan niya ang hangganan ng pagkakalikha sa kanya at magkaroon ng kagalakan.4
Nakikita sa mga nasusulat na pamantayang banal na kasulatan na lahat ng tao na pumarito sa mundo at ipinanganak, ay mga nabuhay na noon pa, na mga espiritung nilalang, bilang mga anak ng Amang Walang Hanggan.… Si Jesucristo ang siyang panganay. Ang isang espiritung isinilang sa Diyos ay isang imortal na nilalang. Kapag namatay ang katawan, ang espiritu ay hindi namamatay. Sa kalagayang pagkabuhay na mag-uli, ang katawan ay magiging imortal, pati na rin ang espiritu.5
Tayo ay nilikha alinsunod sa larawan ng Diyos.
Ano ba ang tunay na anyo ng tao, sa espiritu at katawan? Sa pangkalahatan, ang kasagutan ay ibinigay sa pananalitang ito … Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan.” Mas malinaw ang nasasaad sa Aklat ni Mormon. “Ang lahat ng tao ay nilikha noong simula alinsunod sa aking sariling wangis” (Eter 3:15). Ang Ama ang siyang nagsasalita. Kung magkagayon, kung matitiyak natin ang anyo ng “Ama ng mga espiritu, “Ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman,” ay matutuklasan natin ang tunay na anyo ng tao.
Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay “tunay na larawan” ng Kanyang Ama (Hebreo 1:3). Lumakad Siya sa mundo bilang isang tao, isang perpektong tao at nagsabi, bilang tugon sa itinanong sa Kanya: ”Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” (Juan 14:9). Dapat sana’y sapat na ang mga salitang ito upang masagot ang problema sa ikasisiya ng bawat mapag-isip at mapitagang isipan. Hindi maiiwasang magbigay ng huling palagay na kung ang Anak ng Diyos ay tunay na larawan (na kawangis) ng Kanyang Ama, kung gayon, ang Ama ay kaanyo ng tao; sapagkat iyon ang anyo ng Anak ng Diyos, hindi lamang noong nabubuhay pa Siya dito sa lupa kundi kahit noon pa mang bago Siya isilang, at maging pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Sa anyong ito nagpakita kay Joseph Smith ang Ama at ang Anak, bilang dalawang katauhan, noong ito’y bata pa sa gulang na labing-apat, nang matanggap niya ang kanyang unang pangitain.
Samakatuwid, kung nilikha ng Diyos ang tao—ang unang tao—alinsunod sa Kanyang larawan at wangis, tiyak na nilikha niya ito na kawangis ni Cristo, at samakatuwid ay kawangis din ng mga tao noong panahon ni Cristo at hanggang sa kasalukuyang panahon. Na ang tao ay nilikhang kawangis ni Cristo ay positibong sinabi sa Aklat ni Moises:”At ako ang Diyos ay nagsabi sa aking Bugtong na Anak, na kasama ko mula pa sa simula, likhain natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at nagkagayon nga.… At ako, ang Diyos, ay lumalang ng tao ayon sa aking sariling larawan, ayon sa kaanyuan ng aking Bugtong na Anak ay nilalang ko siya; lalaki at babae ay nilalang ko sila” [Moises 2:26–27].
Ang Ama ni Jesus ay Ama rin natin. Si Jesus mismo ang nagturo ng katotohanang ito noong turuan Niya ang Kanyang mga disipulo kung paano magdasal:” Ama naming nasa langit,” at iba pa. Magkagayon man, si Jesus ang panganay sa lahat ng anak ng Diyos—ang unang ipinanganak sa espiritu, at ang bugtong na anak sa laman. Siya ang nakatatanda nating kapatid, at tayo, tulad Niya, ay kawangis ng Diyos.…
“Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang Sariling larawan.” Ito rin ay totoo sa espiritu gaya ng sa katawan, ang katawan ay damit lamang ng espiritu na bumibihis dito; ang dalawang ito ang bumubuo ng tinatawag na kaluluwa [tignan sa Doktrina at mga Tipan 88:15]. Ang espiritu ng tao ay nasa anyo ng tao, at ang espiritu ng lahat ng kinapal ay alinsunod sa larawan ng kanilang mga katawan. Ito ay malinaw na itinuro ni Propetang Joseph Smith (Doktrina at mga Tipan, 77:2).
Noong magkatawang may laman at dugo ang dakilang Nilalang na ang katawang espiritu ay nakita ng kapatid ni Jared [tingnan sa Eter 3:6–16], nagpakita Siya bilang tao, na may “katawan, mga bahagi at damdamin,” gaya ng ibang tao bagaman nakahihigit sa lahat ng iba pa sapagkat Siya ay Diyos, maging ang Anak ng Diyos, ang Salita na nagkatawang-tao: sa kanya “nanahan ang buong kapuspusan ng pagka Diyos sa kahayagan ayon sa laman.” [Mga Taga-Colosas 2:9.] At bakit hindi Siya magpapakita bilang isang tao? Iyon ang anyo ng Kanyang espiritu, at kailangan nito ng isang angkop na bihis, isang angkop na katawan. Dumating Siya sa mundo gaya nang ipinangako Niya (3 Nephi 1:13), naging sanggol, at unti-unti siyang lumaki hanggang sa sumapit sa ganap na taas ng Kanyang espiritu. Dumating Siya sa mundo sa paraang tulad ng pagparito ng tao na noon pa ma’y siya nang paraan at hanggang sa ngayon. Gayunman, si Jesus ang tanging Bugtong na Anak ng Diyos sa laman gaya ng naipaliwanag na.
Gaya ni Cristo, ang ating dakilang ninunong si Adan na siyang “unang tao”, ay nabuhay na noon pa bilang isang espiritu, at gaya ni Cristo ay nagkatawang–tao at naging isang “buhay na kaluluwa.” Ang Doktrina ng pag-iral ng buhay bago pa man ang buhay na ito–na malinaw na inihayag lalung-lalo na sa mga huling araw, ay nagbigay ng napakagandang dagdag na paliwanag hinggil sa isa sanang misteryosong suliranin ng pinagmulan ng tao. Ipinakikita nito na ang tao, bilang espiritu, ay isinilang sa mga magulang na nasa langit, at inaruga hanggang sa sumapit sa sapat na gulang sa mga walang hanggang mansiyon ng Ama bago pumarito sa mundo sa isang katawang-lupa upang magkaroon ng mga karanasan sa mortalidad. Itinuturo nito na ang lahat ng tao ay nabuhay na noon pa bilang mga espiritu bago pumarito at mabuhay sa laman, at lahat ng nanirahan dito sa mundo magmula kay Adan ay nagkatawang lupa at naging mga buhay na kaluluwa.
Sa paniwala ng iba hindi si Adan ang unang taong nanirahan sa mundo, at na ang tao ay nagmula sa higit na mababang uri ng mga nilikhang hayop at umunlad lamang mula roon. Gayunman, ang mga ito ay mga teoriya ng tao. Ang pahayag ng salita ng Panginoon ay si Adan ang “unang lalaki sa lahat ng kalalakihan” (Moises 1:34), at tayo, kung gayon, ay may tungkulin na ituring siyang unang magulang ng ating lahi. Ipinakita sa kapatid ni Jared na nilikha ang lahat ng tao sa simula alinsunod sa larawan ng Diyos; ipalagay man nating ito ay sa espiritu o sa katawan, darating pa rin tayo sa parehong konklusiyon: Nagsimulang mabuhay ang tao bilang isang tao, alinsunod sa larawan ng Ama sa Langit.
Totoo na ang katawan ng tao ay nagsisimula sa isang maliit na binhi, na nagiging isang sanggol at sa itinakdang oras ay binubuhay ng espiritu na siyang mamamahay dito, at matapos isilang, ang bata ay lalaking isang tao. Walang anumang ipinahihiwatig sa mga bagay na ito na mga naunang tao, ang ating mga naunang lahi, ay may buhay na higit na mababa sa pagiging tao, o higit na mababa sa binhi ng sangkatauhan na lumalaki bilang tao.6
Tayo’y nagiging katulad ng ating Diyos Ama sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Ang Diyos ang nagpasimula at nagplano sa lahat ng bagay, at ang lahat ay anak niya. Isinilang tayo dito sa mundo bilang mga anak niya; pinagkalooban ng mga katangiang gaya ng sa kanya. Tanggapin man o hindi ng sanlibutan, ang mga anak ng tao ay mula sa Pinakamakapangyarihan sa Lahat. Siya ang Ama ng ating mga espiritu. Siya ang lumikha ng ating mga katawang-lupa. Nabubuhay tayo, kumikilos, at natamo ang ating katauhan sa Diyos na ating Ama sa Langit. Sapagkat mula tayo sa kanya at taglay ang ating mga talento, kakayahan, karunungan, nararapat sanang kilalanin natin siya sa lahat ng kasaganaang natatamasa natin sa buhay, at purihin siya at luwalhatiin sa lahat ng ating tagumpay sa ating katawang-lupa.…
… [Ang tao] ay nilikha sa wangis mismo ng Diyos upang magawa niyang makapangatwiran, mag-isip, magdasal, manampalataya; magagamit niya ang kanyang lakas para maisagawa ang mga naisin ng kanyang puso, at habang ang mga pagsisikap niya ay nasa tamang landas, sa gayon may karapatan siyang matanggap ang karagdagang gabay ng Espiritu ng Pinakamakapangyarihang Diyos upang pasiglahin siya at magkaroon ng higit na talino, kasaganaan at kaligayahan sa mundo; ngunit sa puntong ginagamit niya ang kanyang lakas para sa masama, ang inspirasyon ng Pinakamakapangyarihan ay lilisan sa kanya hanggang sa mapuno siya ng dilim at maging mangmang kung tungkol din lamang sa kaalaman sa Diyos ang pag-uusapan, siya ay kasingmangmang ng isang piping hayop.
… Dapat tayong maging katulad ng [Diyos]; kung maaari, upang maupo sa mga trono, upang magkaroon ng pamamahalaan, kapangyarihan, at walang hanggang pag-unlad. Plano na ito ng Diyos mula pa sa simula.… Ito ang layon ng buhay natin dito sa mundo; at natatamo lamang natin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tiyak na alituntunin, sa paglakad sa mga tiyak na landas, sa pagkakaroon ng tiyak na kaalaman, talino mula sa Diyos na kung wala iyon ay walang taong makagagawa ng kanyang gawain o makapagsasakatuparan ng kanyang misyon sa mundo. Ang mga alituntuning ito ay mga alituntunin ng ebanghelyo ng katotohanang walang hanggan, ang mga alituntunin ng pananampalataya, pagsisisi, at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang alituntunin ng pagsunod sa Diyos ang walang hanggang Ama; sapagkat ang pagsunod ay isa sa mga pangunahing alituntunin o batas ng langit.7
Ang tao ay anak ng Diyos, inanyong kawangis ng dakilang lumikha at pinagkalooban ng mga dakilang katangian, at kahit na mga sanggol na anak ng tagalupang ama at ina, ay may kakayahan pa rin sa takdang panahon na ganap na magsilaki, kaya nga, ang mga hindi pa umuunlad na anak ng mga selestiyal na magulang ay may kakayahan, sa pamamagitan ng mga karanasan sa paglipas ng panahon, na maging Diyos.8
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang nadarama ninyo na malamang kayo ay mga literal na anak ng Diyos? Paano makaiimpluwensiya ang kaalamang ito sa inyong pagpili at pagkilos sa araw-araw?
-
Saan natin unang narinig ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa ating walang hanggang pag-unlad? Ano ang layunin ng pagparito natin sa mundo?
-
Anu-anong katangian ang mayroon tayo bilang mga anak ng Diyos? Anu-ano ang ibubunga ng maling paggamit sa mga katangian at kakayahang bigay ng Diyos sa atin?
-
Anu-anong patotoo mula sa mga banal na kasulatan ang mayroon tayo na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay may katawang kawangis ng tao? Gaano kahalaga ang mga patotoong ito sa inyo?
-
Paano nakapagdulot ang doktrina tungkol sa pagkakaroon ng buhay bago pa ang buhay sa mundo ng “napakagandang dagdag na paliwanag” sa mga tanong tungkol sa ating pinagmulan?
-
Paano naiba ang inihayag na katotohanan tungkol sa pinagmulan ng sangkatauhan mula sa mga teoriya ng tao hinggil sa paksang ito?
-
Bakit mahalagang ibigay natin sa ating Ama sa Langit ang “papuri at kaluwalhatiaan sa lahat ng tagumpay natin sa laman”?
-
Anu-anong alituntunin ang dapat nating sundin upang maging katulad ng ating Ama sa Langit?