Kabanata 46
Pagtubos sa Ating mga Patay sa Pamamagitan ng Serbisyo sa Templo
Sa pamamagitan ng serbisyo sa templo, tayo ay nagiging tagapagligtas sa bundok ng Sion para sa mga yumao.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
“Ang kaluluwa ko’y nahati sa dalawa. Nabagbag ang aking puso, at nag-aagaw buhay! Mahal kong anak, aking kaligayahan, aking pag-asa! … O Diyos, tulungan ninyo ako!” 1 panaghoy ni Pangulong Joseph F. Smith sa hindi inaasahang pagkamatay ng kanyang pinakamatandang anak na lalaki, na si Hyrum M. Smith, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Si Hyrum ay 45 taong gulang. Pagkaraan ng anim na buwan ay namuno si Pangulong Smith sa Libingan ng Lungsod ng Salt Lake sa pagtatayo ng isang monumento bilang parangal sa kanyang ama, na si Hyrum. Noon ay ika-27 ng Hunyo, 1918, anibersaryo ng pagkamartir ng kanyang ama at kanyang tiyong si Propetang Joseph Smith.
Malamang pinukaw ng Espiritu ng Panginoon ang kanyang kaluluwa habang pinag-iisipan niya ang pagkamatay ng kanyang mga mahal sa buhay. Makalipas ang ilang buwan, ilang linggo lamang bago siya mamatay, itinala ni Pangulong Smith: “Ako ay nakaupo sa aking silid, nagbubulay-bulay sa mga banal na kasulatan; At sa pagninilay-nilay tungkol sa dakilang pagbabayadsalang hain na ginawa ng Anak ng Diyos, para sa pagtubos ng sanlibutan. … Habang ako ay sa ganito kaabala, ang aking isipan ay nabaling sa mga sulat ni apostol Pedro [tingnan sa I ni Pedro 3:18–20; 4:6]. … Habang aking pinagbubulay-bulayan ang mga bagay na ito na nasusulat, ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan sa akin, at aking nakita ang mga hukbo ng mga patay, kapwa maliliit at dakila” (Doktrina at mga Tipan 138:1–2, 5, 11).
Pagkatapos ay tinanggap niya ang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138, na nagturo sa kanya ng mga bagong katotohanan at muling pinatotohanan ang mga doktrinang kanyang pinaniwalaan at itinuro na nang maraming dekada.
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Si Jesucristo ay inordenan na noon pang bago isinilang at hinirang upang iligtas ang mga buhay at ang mga patay.
Ipinadala [ang Tagapaglitas] hindi lamang upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga buhay, kundi inordenan din siya bago pa isilang at hinirang ng Diyos upang buksan ang mga pinto ng bilangguan ng mga taong nakakulong upang ipangaral sa kanila ang ebanghelyo.2
Noong ikatlo ng Oktubre, sa taong isanlibo at siyam na raan labingwalo, ako ay nakaupo sa aking silid, nagbubulay-bulay sa mga banal na kasulatan;
At sa pagninilay-nilay tungkol sa dakilang pagbabayad-salang hain na ginawa ng Anak ng Diyos, para sa katubusan ng sanglibutan;
At ang dakila at kahanga-hangang pag-ibig na ipinakita ng Ama at ng Anak sa pagparito ng Manunubos sa daigdig;
Na sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala, at sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ang sangkatauhan na maliligtas.…
Habang aking pinagbubulay-bulay ang mga bagay na ito na nasusulat [tingnan sa I ni Pedro 3:18–20; 4:6], ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan sa akin, at aking nakita ang mga hukbo ng mga patay, kapwa maliit at dakila.
At doon ay natipong sama-sama sa isang lugar ang hindi mabilang na pangkat ng mga espiritu ng mga matwid, na naging matatapat sa patotoo ni Jesus samantalang sila ay nabubuhay sa lupa. …
Habang ang napakakapal na pulutong na ito ay naghihintay at nag-uusap, nagsasaya sa oras ng kanilang kaligtasan mula sa mga tanikala ng kamatayan, ang Anak ng Diyos ay nagpakita, nagpapahayag ng kalayaan sa mga bihag na naging matapat;
At doon niya ipinangaral sa kanila ang walang hanggang ebanghelyo, ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli at ang pagkatubos ng sangkatauhan mula sa pagkahulog, at mula sa mga sariling kasalanan sa kung magsisisi. …
At habang ako ang nanggigilalas, ang aking mga mata ay nabuksan, at ang aking pang-unawa ay bumilis, at aking nahiwatigan na ang Panginoon ay hindi nagtungo sa masasama at mga suwail na tumanggi sa katotohanan, upang turuan sila;
Ngunit masdan, mula sa mabubuti, kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao; at sa gayon ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga patay.
At ang mga napiling sugo ay humayo upang ipahayag ang kalugud-lugod na araw ng Panginoon at ipahayag ang kalayaan sa mga bihag na nakagapos, maging sa lahat ng magsisisi ng kanilang mga kasalanan at tatanggap ng ebanghelyo.
Sa ganito ang ebanghelyo ay naipangaral sa yaong mga nangamatay sa kanilang mga kasalanan, na walang nalalaman sa katotohanan, o sa paglabag, na tumanggi sa mga propeta.3
Hindi tinapos ni Jesus ang kanyang gawain nang siya ay patayin, hindi rin niya tinapos ito pagkatapos niyang mabuhay na mag-uli mula sa mga patay; bagaman nagampanan niya ang layunin kung bakit siya pumarito sa mundo, hindi niya tinapos lahat ng kanyang gawain. At kailan niya tatapusin ito? Hanggat hindi niya natubos at naligtas ang lahat ng anak na lalaki at babae ng ating amang si Adan na ipinangak na at ipanganganak pa lamang sa mundong ito hanggang sa katapusan ng panahon, maliban na lamang sa mga anak na lalaki sa kapahamakan. Ito ang kanyang misyon.4
Magkasamang gagawa ang buhay at ang patay upang dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng anak ng Diyos.
Hindi natin matatapos ang ating gawain hangga’t hindi natin naliligtas ang ating sarili, at hangga’t hindi natin naliligtas ang lahat ng umaasa sa atin; dahil dapat tayong maging tagapagligtas sa Bundok ng Sion, katulad ni Cristo. Tinawag tayo sa misyon na ito. Hindi magiging ganap ang mga patay kung wala tayo, ni tayo kung wala sila [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18]. May misyon tayong dapat gawin para sa kanila; may tiyak tayong dapat gawin upang mapalaya ang mga yaon, dahil sa kanilang kamangmangan at hindi kaaya-ayang kalagayan na kinalagyan habang naririto sa lupa, ay hindi handa para sa buhay na walang hanggan; kailangan nating buksan ang pinto para sa kanila, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ordenansa na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili, ang kinakailangan para sa kanilang paglaya mula sa “bilangguan,” upang makalabas at mamuhay alinsunod sa Diyos sa espiritu, at mahatulan alinsunod sa mga tao sa laman [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:33–34].
Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ito ang isa sa pinakamahalagang tungkulin na napasalin sa mga Banal sa mga Huling Araw. At bakit? Dahil ito ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, na maghahatid sa paghahari ng milenyo, at kung kailan ang lahat ng bagay na namutawi sa mga bibig ng mga banal na propeta, mula pa noong mag-umpisa ang mundo, ay magaganap, at lahat ay magkakaisa, kapwa ang mga nasa langit at nasa mundo. Iyan ang gawaing nararapat nating gawin; o anuman ang makakaya nating gawin dito, iiwan ang malalabi sa ating mga anak, na kung kaninong puso ay dapat nating punuin ng kahalagahan ng gawaing ito, aarugain sila sa pagmamahal sa katotohanan at sa kaalaman sa mga alituntuning ito, nang sa gayon sa pagpanaw natin, matapos nating magawa ang lahat ng magagawa natin, kukunin nila ang gawaing maiiwan natin at ipagpapatuloy ito hanggang ito ay matapos.5
Ang alituntuning nauukol sa mga buhay ay nauukol din sa mga patay. … At kaya’t tayo ay binibinyagan para sa mga patay. Ang mga buhay ay hindi magiging ganap kung wala ang mga patay, ni ang mga patay ay hindi magagawang ganap kung wala ang mga buhay. Dapat magkaroon ng pagbubuklod at ng pagsasama-sama ng mga magulang at mga anak at mga anak at mga magulang hanggang ang buong pamilya ng Diyos ay nagkabuklod-buklod, at lahat sila ay magiging isang pamilya ng Diyos at ng Kanyang Cristo.6
Ang ebanghelyong ipinahayag kay Propetang Joseph ay ipinangangaral na sa mga espiritung nasa bilangguan, sa mga yumao na mula sa buhay na ito sa daigdig ng mga espiritu nang walang kaalaman sa ebanghelyo. Ipinangangaral ni Joseph Smith ang ebanghelyong ito sa kanila. Gayon din si Hyrum Smith. Gayon din si Brigham Young, at ng lahat ng matatapat na apostol na nabuhay sa dispensasyong ito sa ilalim ng pamamahala ng Propetang Joseph [tingnan sa Doktrina at mga tipan 138:36–37, 51–54]. Naroon sila, na taglay ng banal na Pagkasaserdote na tinanggap nila mula sa may awtoridad, at iginawad sa kanila habang nabubuhay pa; ipinangangaral nila ang ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan; dahil si Cristo, habang nakaratay sa libingan ang kanyang katawan, at nagpahayag ng kalayaan sa mga bihag at nagbukas ng pinto ng bilangguan sa mga yaong nakagapos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:27–30]. Hindi lamang ang mga ito ang abala sa gawain ito, bagkus pati na rin ang daan-daan at libu-libong pang iba; ang mga elder na namatay sa misyon nang hindi natapos ang kanilang misyon, ay ngayon ay nagpapatuloy sa paglilingkod sa daigdig ng mga espiritu [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:57]. Marahil kinailangan ng Panginoon na tama lamang ng tawagin sila doon tulad ng ginawa niya. Hindi ko na tatanugin kung bakit, anuman dito, ni tutulan ito. Iniiwan ko ito sa kamay ng Diyos, dahil naniniwala ako na ang lahat ng ito ay mapangingibabawan ng kabutihan, dahil hindi hahayaan ng Panginoon ang anumang bagay na mangyari sa kanyang mga tao sa daigddig na hindi niya pangingibabawan ng higit na ikabubuti nila.7
Noon pa man ay aking nang pinaniniwalaan, at hanggang ngayon ay pinaniniwalaan ng buo kong kaluluwa, na ang mga kalalakihang tulad nina Pedro at Santiago at ang labindalawang disipulo na pinili ng Tagapagligtas noong kanyang panahon, ay sa loob ng mga lumipas na siglo mula ng kanilang pagkamartir para sa patotoo kay Jesucristo, ay abala sa pagpapahayag ng kalayaan sa mga bihag sa daigdig ng mga espiritu at sa pagbubukas ng mga pinto ng kanilang bilangguan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:38–50]. Hindi ako naniniwala na may higit pang dakilang gawain na magagawa nila. Ang kanilang natatanging tungkulin at pagkakahirang mismo ng Panginoon ay ang iligtas ang daigdig, ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at ang pagbukas ng pinto ng mga yaong nakagapos ng mga tanikala sa kadiliman, pamahiin, at kamangmangan. …
… Ang mga bagay na nararasanan natin ay halimbawang uri ng mga bagay ng Diyos at ng buhay pagkatapos ng buhay natin sa mundo. May malaking pagkakatulad sa mga layunin ng ipinapakita ng Diyos dito at ang kanyang mga layunin na ginawa sa kanyang harapan at kaharian. Ang mga taong binigyan ng awtoridad na mangaral ng ebangelyo dito at hinirang dito na gawin ang gawaing ito ay hindi mawawalan ng gawain kapag yumao na sila, bagkus sila ay magpapatuloy na magkaroon ng mga karapatang tinanggap nila dito sa ilalim ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos upang mangasiwa para sa kaligtasan ng mga yaong namatay nang walang kaalaman ng katotohanan.8
Maaari tayong mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga patay sa ma templo.
Turuan ang inyong mga anak at turuan din ang inyong sarili na malaman ang katotohanan na kinakailangan ninyong maging tagapagligtas sa Bundok ng Sion para sa mga yaong namatay nang walang kaalaman ng ebanghelyo, at ang mga templo ng Diyos sa mga bundok na ito, at ang ma yaong ginagawa sa iba pang lupain, ay itinatayo at ginawa tanging para sa pasasagawa ng mga sagradong ordenansa na kailangan ng mga yaong namatay nang wala ng mga ito. Huwag kalimutan ang ma ito. Alalahanin ang mga ito dahil mahalaga ang mga ito para sa atin.9
Ang mahalagang gawaing ito para sa ating mga patay, ang pagiging isa ng mga buhay at patay, ang kapangyarihan ng pagbubuklod … at ang lahat ng ordenansa na ipinahayag sa mga sagradong gusali na tinawag na mga templo, na ipinag-utos ng Diyos na tuwinang gawin para sa Kanyang banal na pangalan, … ang lahat ng ito ay inihayag sa atin sa dispensasyong ito nang may higit na kaganapan at nang may higit na kapayakan sa kasaysayan ng daigdig sa abot ng aking makakaya.10
Inaasam natin na makikita natin ang araw kung kailan ay makapagtatayo tayo ng mga templo sa iba’t ibang bahagi ng lupain kung saan ay kinakailangan ito para sa kaginhawahan ng mga tao; dahil batid natin na ang isa sa pinakamahalagang pananagutan na naaatang sa mga tao ng Diyos sa kasalukuyan ay ang kanilang puso ay dapat na mabaling sa kanilang mga magulang [tingnan sa Malakias 4:5–6; Doktrina at mga Tipan 2], at kailangan nilang gawin ang kinakailangang gawin para sa kanila nang sa gayon sila ay magkasama-sama sa bigkis ng Bago at Walang Katapusang Tipan mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi. Dahil sinabi ng Panginoon, sa pamamagitan ng Propeta, na ito ang isa sa pinakamahalagang pananagutan na inilipat sa atin sa mga huling araw na ito.11
Kaugnay sa pagliligtas sa ma espiritu mula sa kanilang bilangguan, mangyari pa, naniniwala tayo na magagawa lamang ito pagkatapos maipangaral ang ebanghelyo sa kanila sa espiritu, at kanilang tinanggap ito, at ang gawain na kailangan para sa kanilang pagkatubos ay isinagawa ng mga buhay para sa kanila. Na ang gawaing ito ay maaaring mapabilis nang sa gayon ang lahat ng naniniwala, sa daigdig ng mga espiritu, ay makatanggap ng kapakinabangan ng kaligtasan, inihayag na ang dakilang gawain ng Milenyo ay ang gawain sa mga templo para sa pagkatubos ng mga patay; at pagkatapos ay inaasahan nating matamo ang kapakinabangan ng paghahayag … sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoon ng tungkol sa mga yaong kailangang isagawa pa ang mga gawain. … Kaya’t halos tiyak na, samantalang ang ebanghelyo ay ipangangaral sa lahat, sa mabuti at sa masama, o manapa’y sa mga magsisisi at sa mga hindi magsisisi sa daigdig ng mga espiritu, tulad din dito, ang pagkatubos na matatamo lamang ng mga magsisisi at susunod.12
Maraming gawain ang ipinakita … sa bahagi ng mga banal sa kanilang mga gawain sa templo. Ang diwa na gumawa para sa pagtubos ng mga patay ay nasa sa kanila, at ibayong interes pa ang ipinakita para sa gawaing ito ng makalangit na pagmamahal. Ang gawain ito, sinabi sa atin ni Propetang Joseph na, “kinakailangan para sa ating kaligtasan, gaya ng sinabi ni Pablo hinggil sa mga ama, ‘na sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap, ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap.’” [Doktrina at mga Tipan 128:15.] Ang utos ng Diyos para sa mga banal ay gumawa nang buong pagsisigasig para sa pagtubos ng kanilang mga patay. …
… Ang Espiritu na nag-uudyok sa mga banal na gumawa para sa pagtubos ng mga patay ay ang pagtatamin sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama. Ang espiritu ito ang siya ring mukhang nag-uudyok sa mga puso ng mga mararangal na tao sa lupa na nagbibigay ng kanilang oras at salapi sa pagtitipon ng mga ulat ng talaangkanan. … Nararapat samantalahin ng mga banal ang mga pagkakataong makalilikom sila ng mga tala hanggang sa kanilang kanunununuan hangga’t maaari, nang kanilang matamo ang kanilang pagkatubos sa pamamagitan ng mga ordenansa sa Bahay ng Diyos. Pinupuri namin ang mga banal sa kanilang sigasig sa pinakamahalaga at kinakailangang gawaing ito.13
Dinadala natin sa daigdig ang sanga ng olivo ng kapayapaan. Ipinakikita natin sa daigdig ang batas ng Diyos, and salita ng Panginoon, ang katotohanan, gaya ng pagkakahayag nito sa mga huling araw para sa pagkatubos ng mga patay at para sa kaligtasan ng mga buhay.14
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang “gawain” at ang “misyon” ng Tagapagligtas? Ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu upang matulungang matupad ang dakilang gawaing ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:11–12, 18–19, 29–30.)
-
Paano isinasagawa ang gawaing misyonero sa daigdig ng mga espiritu? Sino ang mga misyonero? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:29–34, 57–59.)
-
Ano ang magagawa natin upang mabuksan ang “pinto ng mga yaong nakagapos ng mga tanikala sa kadiliman, pamahiin, at kamang-mangan”? Ano ang nakatulong sa inyo sa inyong mga pagsusumigasig na makakuha ng mga impormasyon tungkol sa inyong mga ninuno at maisagawa ang mga ordenansa ng templo para sa kanila?
-
Paano tayo “magiging tagapagligtas sa Bundok ng Sion”? Bakit ang gawaing ito ay “isa sa pinakamahalagang pananagutan na iniatang sa mga tao ng Diyos ngayon”?
-
Ano ang ilang mga layunin ng templo? Anu-anong mga pagpapalang dumating sa inyo dahil nagsagawa kayo ng gawain para sa iba sa templo o nagsumite ng mga pangalan upang ang mga gawain sa mga ito ay maisagawa?
-
Ano ang magiging “pinakadakilang gawain sa Milenyo”? Paano tayo makakabahagi sa gawaing ito?
-
Paano nabiyayaan ang inyong buhay ng kaalaman tungkol sa plano ng Diyos sa pagtubos sa mga patay? Ano ang ipinahahayag ng planong ito tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak?