Mga Turo ng mga Pangulo
Ang Ministeryo ni Joseph F. Smith


Ang Ministeryo ni Joseph F. Smith

Si Joseph F. Smith ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan at ang huling Pangulo na personal na nakakikilala sa Propetang Joseph Smith. “Ang aking kamusmusan at kabataan ay nagugol sa pagala-gala na kasama ang mga tao ng Diyos, sa kahirapan at kagalakan ay kasama nila ako. Ang buong buhay ko ay kilala sa pakikisama sa mga taong ito,” wika niya.1 Mataimtim niyang hinangad na makilala ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, at mapaglingkuran sila nang buong katapatan ng kanyang kaluluwa. Nabiyayaan ng malalim na pagkakaunawa sa ebanghelyo, nagawa niyang gabayan ang kanyang mga tao sa mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan at patatagin ang Simbahan laban sa mga panunuligsa mula sa mga kalaban noong unang mga taon ng ika-20 siglo. Naghangad siyang maging “tagapamayapa, isang mangangaral ng katwiran,”2 at itinuro niya nang may kasiglahan ang pagsunod, na nagbigay patotoo mula sa sarili niyang karanasan na ang “lahat ng magiging masunurin sa mga panghihikayat ng Espiritu. … ay makatatamo ng mas malinaw, mas malawak, at mas tuwiran at tiyak na kaalaman ng mga katotohanan ng Diyos kaysa sa iba pang bagay na matatamo ninuman.”3

Isang Pagkabataang Inalagaan ng Pananampalataya.

Ang panganay na anak nina Mary Fielding at Hyrum Smith, isinilang si Joseph F. Smith noong ika-13 ng Nobyembre 1838 sa Far West, Bayan ng Caldwell, Missouri, sa kapanahunan ng paguusig at pagdarahop. Dalawang linggo bago ang kanyang pagsilang, ang kanyang ama ay dinukot ng mga mandurumog at walang katwirang ikinulong. Sa loob ng apat na mahahabang buwan, si Hyrum Smith, ang kanyang kapatid na si Propetang Joseph Smith, at iba pa ay dumanas ng pagdurusa sa Piitan ng Liberty. Nadama ni Mary na ang kanyang kabiyak ay walang awang kinuha mula sa kanya “sa panahong kinakailangan ko … ang pinakamagiliw na pangangalaga at pagtingin ng ganoong kaibigan, at sa halip nito, biglaan at hindi inaasahang naiatang sa akin ang pag-aaruga sa isang malaking pamilya.” Isang nabinyagan sa Simbahan galing sa Canada, ikinasal siya kay Hyrum Smith makaraang mamatay ang una nitong asawa, si Jerusha, at inaalagaan niya ang limang batang Smith ng panahong iyon nang “ang mahal kong si Joseph F. ay maidagdag sa mga ito.”4

Nang itaboy ang mga Banal mula sa Missouri noong taglamig ng 1838–39, si Joseph F. Smith ay sanggol pa lamang. Nasa piitan pa rin ang kanyang ama, at ang kanyang ina ay malubha ang sakit at “kailangang dalhin nang higit sa dalawang daang milya habang nakahiga sa [kanyang] kama.”5 Ang kapatid ni Mary, si Mercy Fielding Thompson, ang nagpasuso at nangalaga kay Joseph F. kasabay ng sarili nitong sanggol na babae. Nakatagpo ng kanlungan ang mga Banal sa Illinois, at ang batang si Joseph F. ay pinalipas ang karamihan sa unang walong taon niya sa Nauvoo, ang lungsod na itinayo ng mga Banal sa mga pampang ng Ilog Missouri. Doon, sa piling ng magkakamag-anak na mga Smith at ng mga kasamang Banal, napangalagaan siya sa kaalaman ng ebanghelyo ni Jesucristo. “Tinuruan akong maniwala sa kabanalan ng misyon ni Jesucristo,” naaalaala niya kinalaunan. “Tinuruan ako nito mula sa aking ama, mula sa Propetang Joseph Smith, hanggang sa aking ina … at sa lahat ng araw ng aking kabataan at sa lahat ng taong inilagi ko sa mundo ay yumakap ako sa paniwalang iyon.”6

Tumulong ang ama ni Joseph F., na si Hyrum, sa Propetang Joseph Smith na isulong ang gawain ng Pagpapanumbalik mula sa pagkakatatag ng Simbahan, at kahit na noong una pa mang isinasalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon. Ang Propeta ay umasang lubha sa kanyang nakatatandang kapatid na si Hyrum, lalo na nang tinawag si Hyrum sa pamamagitan ng paghahayag na maging Patriyarka at Katulong na Pangulo. Si Hyrum, wika ng Propeta, ay may “kabaitan ng tupa, integridad ni Job, at sa madaling sabi ay may kaamuan at pagpapakumbaba ni Cristo.”7

Katulad ng kanyang ama, si Joseph F. ay nagkaroon ng malaking pagmamahal at katapatan sa Propetang Si Joseph Smith. Sa sumunod na mga taon, madalas siyang magbahagi ng mga pinagyamang alaala noong bata pa siya tungkol sa kanyang tiyuhin at madalas na magpatotoo sa pagkakatawag nito bilang Propeta ng Pagpapanumbalik: “O, punung-puno siya ng kagalakan; punungpuno siya ng kasayahan; punung-puno siya ng pag-ibig. … At bagama’t nakikipaglaro siya sa mga bata at inaaliw ang sarili sa mga simple at inosenteng laro ng kalalakihan, nakikipagtalastasan din siya sa Ama at sa Anak at nakikipag-usap sa mga anghel, at dinalaw nila siya, at ginawaran siya ng mga pagpapala at mga kaloob at mga susi ng kapangyarihan.”8

Wala pang anim na taong gulang si Joseph F. nang ialay ng kanyang tiyuhing si Joseph at ng kanyang amang si Hyrum ang kanilang buhay para sa kaharian ng Diyos. Pinaslang sila noong ika-27 ng Hunyo 1844 ng mararahas na mandurumog. Palaging naghahatid ang Nauvoo sa kanya ng “sagradong alaala ng nakaraan, na lalong sumisidhi at minamahal din naman at nakapanghihilakbot, dahil sa Sagradong libingan ng Katawan ng aking Ama, at ng mga Kakila-kilabot na Pangyayari noon (na kasing Linaw ng araw sa aking alaala) na nagdulot ng kapanglawan at pagkatakot sa matapat na daigdig at pumuspos sa sampung libong Puso ng kapighatian at kalungkutan!”9

Nang mamatay si Hyrum, si Mary at ang kanyang kapatid, si Mercy, na isa ring biyuda, ay magkatulong na gumawa upang pangalagaan ang isang malaking pamilya at maghanda upang sumama sa mga banal sa paglikas patungo sa Kanluran. Naaalaala ni Joseph F. Smith na ang kanilang mga paghahanda ay naudlot noong taglagas ng 1846 nang pilitin sila ng mga nananakot na mandurumog na sumakay “sa isang barkong walang bubong patawid sa Ilog Mississippi patungo sa Iowa, kung saan nagkampo kami sa lilim ng mga puno at pinakinggan ang panganganyon sa lungsod. Iniwan namin ang maginhawa naming tahanan kasama ang lahat ng natirang kasangkapan, pati ang lahat ng aming mga ariarian, nang hindi umaasa o nag-iisip na muli naming makikita ang mga ito.”10 Paulit-ulit na tiniyak ng kanyang ina sa mga anak nito, “Gagawa ng paraan ang Panginoon,”11 at ang katatagan ng kanyang paniniwala ang nagpatibay sa sarili nilang pananampalataya. “Hindi pa kami nakalalayo nang marinig namin ang mga pagpapaputok ng kanyon sa kabilang pampang ng ilog,” naaalaala ni Pangulong Smith, “ngunit nakadama ako ng katiyakan sa aking isipan noon—kagaya ng katiyakang nadarama ng isang bata—na maayos ang lahat, at naroon ang kamay ng Panginoon, katulad ng nadarama ko ngayon.”12

Habang naglalakbay si Joseph F. Smith patungong Kanluran kasama ang kanyang pamilya, napuna niyang naharap ang kanyang ina sa magkakasunod na hamon. Nang walang pakundangang iginiit ng kapitan ng pulutong na ang biyuda ay isang pabigat sa buong pulutong, maliwanag na sinabi niya sa kapitan na gagawin niya ang kanyang bahagi, at pangangalagaan ang kanyang sarili, at mauuna pang darating sa lambak kaysa sa kapitan. At sa wakas ay nagawa niya ito! Bilang tagapag-alaga ng mga baka ng kanyang pamilya, batid na batid ni Joseph ang kahalagahan ng mga baka ng pamilya, kung kaya’t hindi niya makalimutan na minsan, sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, natagpuan ng kanyang ina ang nawawala nilang isang paris na baka. Naaalaala niyang kinalaunan, idinadalangin ng kanyang ina ang mga baka na “nalugmok sa ilalim ng pamatok na tila nalason” na nawa’y magsitayo ang mga ito at magsilakad, at sa “pagkamangha ng lahat ng nakakita,” ang mga ito “ay tumayo at patuloy kaming naglakbay.”13

Si Joseph F. ang nagpatakbo sa isa sa mga paris ng baka ng kanyang pamilya papasok sa Lambak ng Salt Lake noong ika-23 ng Setyembre 1848. Siyam na taong gulang siya. Nanirahan ang mga Smith sa isang lupain sa timog ng Lungsod ng Salt Lake, sa Millcreek, at doon, ang batang si Joseph F. ay nagtrabaho, naaalaala niya, “bilang tagapagpatakbo ng mga paris ng baka, tagapastol, tagaararo, tagapagpatubig, tagagapas na gamit ang lingkaw o panlatag, tagahakot ng kahoy, tagagiik, tagatahip … [at] naging manggagawa ng kahit na ano.”14 Namuhay nang simple ang pamilya sa isang maliit na bahay na yari sa troso, ngunit sinabi ni Pangulong Smith kinalaunan, “Hindi kami kasing hikahos ng libu-libo pang iba, at hindi kasing hirap ng marami.”15 Natuto siyang magtrabaho nang husto at gumanap sa kanyang mga tungkulin, mamuhay nang walang mga layaw, pumuri sa Diyos, at magbayad ng ikapu sa lahat ng kinikita ng pamilya.

Habambuhay na pinagyaman ni Joseph F. Smith ang paggawa at pagsakripisyo ng kanyang ina, ang walang kapantay na pagmamahal at pananampalataya nito. Ganap siyang nasaktan nang mamatay ito sa gulang na 51 taon makaraan ang dalawang buwang pagkakasakit. “Nang mamatay ang aking ina, ang sumunod na 18 buwan—mula ika-21 ng Setyembre 1852 hanggang Abril 1854 ng mapanganib na panahon para sa akin,” isinulat niya kinalaunan sa isang kababatang kaibigan. “Halos tila isa akong kometa o nagliliyab na bulalakaw, na walang lakas na magpapatatag o gagabay sa akin sa loob ng naaangkop na saklaw.” “Walang ama at ina” sa gulang na 13 taon, naaalala niya, siya naman ay “hindi nawalan ng kaibigan.”16 Ang kanyang “laging minamahal at naaalaalang Tiya Mercy R. Thompson”17 ay patuloy na nangalaga sa kanya at hindi niya kailanman nakalimutan ang pagmamalasakit nina Brigham Young, Heber C. Kimball, at George A. Smith, ang pinsan ng kanyang ama. Ito ang kalalakihan, pahayag ni Joseph F., “na natutuhan kong mahalin katulad ng pagmamahal ko sa aking ama, dahil sa kanilang integridad at pag-ibig sa Katotohanan.”18

Tinawag upang maglingkod sa Hawaii.

Nang ipahayag ng Unang Panguluhan noong pangkalahatang kumperensiya ng Abril 1854 na si Joseph F. Smith ay tinawag upang sumama sa isang pangkat ng mga misyonero na paalis na, ginamit niya ang kanyang pananampalatayang nabuo sa kanyang pagkabata at “masayang tumugon” sa panawagan. Kinalaunan ay mapagpasalamat niyang naaalaala, “Ang apat na taon ng aking misyon sa Sandwich Islands ang nagpanumbalik ng aking katatagan, at nagtakda sa mga batas at hangganan na siyang sumaklaw sa aking buhay mula noon.”19

Dumating si Elder Joseph F. Smith sa Honolulu sa Sandwich Islands (Hawaii) noong ika-27 ng Setyembre 1854, mga anim na linggo bago ang kanyang ika-16 na kaarawan. Natalaga sa pulo ng Maui, hindi naglaon iniwan siyang mag-isa sa Kula upang manirahan kasama ng mga tao at matuto ng kanilang salita at kultura. Ang batang elder ay “masidhing naghangad sa kaloob na mga wika,” naaalaala niya, “at dahil sa kaloob na ito at sa pag-aaral, sa loob ng isang daang araw mula nang dumating ako sa mga pulong iyon, nakapagsasalita na ako sa mga tao sa kanilang wika kagaya ng pagsasalita ko sa inyo ngayon sa sarili kong wika.”20 Ang pambihirang kahusayan sa wika ang nagbigay-daan sa kanya upang personal na mapaglingkuran ang mga tao sa Hawaii.

Bagama’t bata pa siya, naitalaga si Elder Smith upang mamuno sa pulo ng Maui, pagkatapos ay sa Hilo sa pulo ng Hawaii, at di-naglaon sa pulo ng Molokai. Sa Molokai, nang dapuan siya ng lagnat at malubhang nagkasakit sa loob ng tatlong buwan, isang minamahal na kapatid, si Ma Mahuhii, ang mapagmahal na nangalaga sa kanya na tila ba sarili siya nitong anak. Hindi niya kailanman nakalimutan si Elder Smith, at ganoon din ito, at nagbabatian sila nang may pagmamahal kapag nagkikita sila sa mga sumunod na taon. “Ang kabaitan na ipinakita sa akin ng marami sa mabubuting tao ng Hawaii”21 ay isang alaalang biyaya para sa kanya.

Lumisan si Elder Joseph F. Smith sa Hawaii noong Oktubre 1857 at tinanggap ang dumaraming pananagutan na iniatang sa kanya ni Pangulong Brigham Young. Naglingkod siya ng misyon sa Inglatera (1860–63) at ikalawang misyon sa Hawaii (1864). Makaraang bumalik siya sa Lungsod ng Salt Lake noong katapusan ng 1864, namasukan siya sa Tanggapan ng Mananalaysay ng Simbahan, at nagtrabaho sa ilalim ng pangangasiwa ni Elder George A. Smith ng Korum ng Labindalawa.

Paglilingkod sa Korum ng Labindalawa at sa Unang Panguluhan.

At noong 1866, sa pangangasiwa ni Pangulong Young, ang 28 taong gulang na si Joseph F. Smith ay inordenan bilang Apostol at tinawag na Tagapayo sa Unang Panguluhan. Iginalang niya si Pangulong Young bilang lalaki na “itinaas at sinang-ayunan ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos upang ipagpatuloy ang misyon ni [Propeta] Joseph at upang tuparin ang gawain na pinasimulan noong nabubuhay siya.”22 Hinangad ni Joseph F. Smith nang buo niyang kaluluwa na makatulong sa pagsusulong ng yaong “dakila at maluwalhating gawain.”23 Itinuro niya, “Tinanggap ninyo ang ebanghelyo para sa inyong sarili, samakatuwid ay humayo at gampanan ang buo ninyong tungkulin, hindi pahati-hati, o baha-bahagi, ngunit ang buo ninyong tungkulin.”24 Ito ang paraan upang isulong ang “mga interes ng Sion at ang pagtatatag ng kanyang layunin sa lupa.”25 Bilang karagdagan sa kanyang mga tungkulin bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, naglingkod siya ng dalawang panahon ng panunungkulan bilang Pangulo ng Misyon sa Europa (1874–75; 1877).

Bagama’t kakaunting panahon lamang ang ipinasok sa paaralan ni Joseph F. Smith, nagkaroon siya ng malawak na bokabularyo at natutong magsalita nang may kapangyarihan at panghihikayat. Noong ika-24 ng Hunyo 1866, nagsalita siya sa Tabernakulo ng Salt Lake at, ayon sa pagkakatala ni Elder Wilford Woodruff ng Korum ng Labindalawa ay “nagsalita sa hapon sa loob ng isang oras at labinlimang minuto at napasakanya ang kapangyarihan ng Diyos at ipinahayag niya ang gayon ding espiritu na nasa kanyang tiyo na si Joseph Smith, ang Propeta, at sa kanyang ama na si Hyrum Smith noon.”26 Ganap na nakilala si Elder Joseph Smith dahil sa lawak at lakas ng kanyang mga sermon; naghangad siyang magturo nang ayon sa Espiritu Santo “upang maunawaan ng mga yaong makaririnig nito.”27 Hindi ang “walang maling pangungusap kundi ang espiritung sumasapi sa nagsasalita ang gumigising sa buhay at liwanag sa kaluluwa,” pagtuturo niya.28 “Palagi kong tinatangka na madama ng aking mga tagapakinig na ako at ang aking mga kasama ay mga tagapayapa, at umiibig sa kapayapaan at kabutihan ng kalooban, na ang aming misyon ay magligtas, at hindi mangwasak, magtayo at hindi manggiba,” minsan ay isinulat niya sa isa niyang anak na lalaking misyonero.29

Mula sa pagkamatay ni Pangulong Brigham Young noong 1877 hanggang sa panahong si Joseph F. Smith ay sang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan noong 1901, nagpatuloy siyang gumawa upang gisingin ang buhay at liwanag sa kaluluwa ng mga Banal at bumuo ng kapayapaan at kabutihan ng kalooban. Sa loob ng 24 taong ito, sina John Taylor, Wilford Woodruff, at Lorenzo Snow ay natawag lahat bilang Pangulo ng Simbahan, at si Joseph F. Smith ay natawag na Tagapayo sa lahat ng magkakasunod na Unang Panguluhan. Ito ang kapanahunang hindi nauunawaan ang paniniwala at gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw, at noong dekada ng 1880, nagsampa ang mga kaaway ng mga pakikipaglabang legal sa Simbahan at sa mga miyembro nito. “Hindi nila nais na tayo, sa relihiyon o sa anupaman, ay maging mga taong hiwalay mula sa mundo. Nais nilang ihalo tayo at makilala bilang kasama ng mundo, na maging gaya nila, nang sa gayon ay madaig ang mga layunin ng Diyos,” ang paliwanag ni Pangulong Smith.30

Gayunpaman, nagsumamo si Pangulong Smith sa mga miyembro ng Simbahan na mahalin at patawarin ang kanilang mga kaaway. “Kapag nalilingat tayo sa layunin ng ating tungkulin at lumilihis sa landas ng katungkulan upang gumanti ng kamao sa kamao, kasamaan sa kasamaan, upang mang-usig dahil inuusig tayo, nakalilimutan natin ang mga pag-aatas ng Panginoon at ang mga tipan na ating ginawa sa Diyos na tutuparin ang Kanyang mga kautusan,” ang pagtuturo niya.31 Pinaalalahanan niya ang mga Banal na pinanghihinaan ng loob tungkol sa paniniyak ng Diyos na ang patutunguhan ng Simbahan ay “pasulong at pataas hanggang sa ang mga layunin ng Diyos hinggil sa dakilang gawaing ito sa mga huling araw ay maisakatuparan.”32

Naging lubos na malapit si Joseph F. Smith sa mga yaong pinaglilingkuran niya. “Kapag nararanasan ko ang mga pagpapahayag ng pagtitiwala at pag-ibig mula sa mga minamahal kong kapatid na lalaki at babae, madali itong tumitimo sa aking puso,” ang sabi niya.33 Sa lahat ng kanyang mga pinakikisamahan, higit niyang pinahalagahan ang kanyang kaugnayan sa minamahal niyang pamilya. Ang pagiging asawa at ama, para sa kanya, ang pinakadakilang tungkulin. Inibig niya ang mamalagi sa bahay, turuan ang kanyang mga anak, kuwentuhan sila, at umawit at maglaro at tumawa kasama nila. Kapag malayo siya dahil sa kanyang tungkulin, palagi niyang pinanabikan ang kanyang mga mahal sa buhay. Sa Hawaii, noong ika-1 ng Abril 1885, sumulat siya sa kanyang talaarawan: “May isang hanging galing sa silangan ang umiihip, na, sa isang lugar na maginaw, ay magiging lubos na malamig at malupit. Ito ba ay umiihip nang mahinay o malakas sa aking mga mahal sa buhay? Sila ba ay nakadarama ng init o lamig?. … Nagugutom ba sila o busog? Kapiling ba nila ang mga kaibigan o kaaway, nababalisa ba o payapa? Ang kapayapaan ay sumakanila!”34 Naalaala ng kanyang anak, na si Joseph Fielding Smith, ang mahahalagang panahon na kanyang ginugol sa piling ng kanyang ama sa “pagtatalakay ng mga alituntunin ng ebanghelyo at pagtanggap ng mga tagubilin sa paraang siya lamang ang makagagawa. Sa ganitong paraan, ang saligan ng sarili kong kaalaman ay nailatag sa katotohanan, kung kaya’t masasabi ko ring batid ko na ang aking Manunubos ay buhay, at na si Joseph Smith ngayon, noon, at kailanman ay palaging magiging propeta ng buhay na Diyos.”35

Palagi niyang pinangangalagaan ang mga pangangailangang temporal at espirituwal ng kanyang pamilya at ipinadadama ang kanyang pagtingin maging siya ay nasa bahay o nasa malayo man. Sa kanyang mga kalatas, liham, o tula, ipinahahayag niya ang kanyang malalim na pagpapahalaga sa kanyang mga mahal sa buhay. “Mahal kong Kabiyak,” ang isinulat niya sa kanyang asawa noong ika-39 na kaarawan nito, “higit kitang iniisip, higit kitang pinahahalagahan, higit kang malapit sa akin at higit kitang mahal ngayon kaysa noon … dalawampung taon na ang nakalilipas. Ang bawat oras, araw, buwan at taon ay nagpapalakas sa buklod ng ating pagsasama at ang bawat supling ay nagdaragdag dito ng isang walang hanggang pagpapatibay.”36

Si Pangulong Smith ay may malaking pag-ibig sa templo at sa mga ordenansa nito na nagbibigay daan sa walang hanggang pagsasama ng mga pamilya. “Sino pa maliban sa mga Banal sa mga Huling Araw ang nag-iisip na ipagpapatuloy natin ang mga samahang pampamilya nang lagpas sa libingan?”37 Noong ika-6 ng Abril 1853, sa gulang na 14, nasaksihan niya ang paglalatag ng mga saligang bato para sa Templo ng Salt Lake, at noong ika-6 ng Abril 1892, sa gulang na 53, siya ang nag-alay ng panalangin para sa paglalatag ng pang-ibabaw na bato ng templo.38 Nang sumunod na taon, noong ika-6 ng Abril 1893, itinalaga ni Pangulong Wilford Woodruff ang napakagandang gusali, ang ika-apat na templo sa Utah. Sa kanyang pagsasalita sa serbisyo ng pagtatalaga, ipinahayag ni Pangulong Smith: “Ito ang ikaanim na templo [kabilang ang mga Templo ng Kirtland at Nauvoo], ngunit hindi ito ang huli.”39 Bilang Pangulo ng Simbahan, kanyang itinalaga ang mga pook para sa templo sa Cardston, Canada (ika-27 ng Hulyo 1913) at templo sa Hawaii (ika-1 ng Hunyo 1915).

Ministeryo bilang Pangulo ng Simbahan.

Noong ika-17 ng Oktubre 1901, isang linggo makaraang pumanaw si Pangulong Lorenzo Snow, inordenan at itinalaga ng Korum ng Labindalawang Apostol si Joseph F. Smith bilang ikaanim na Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naglingkod siya bilang Pangulo sa loob ng 17 taon, mula 1901 hanggang 1918. Sa kanyang unang talumpati sa mga Banal bilang Pangulo ng Simbahan, kanyang ipinahayag: “Isa nating pribilehiyo na mabuhay malapit sa Panginoon, kung nanaisin natin, kaysa sa anumang bagay na nagawa natin noon, upang matamo natin ang higit pang pagpupuspos ng Kanyang Espiritu kaysa sa natamasa na natin, at upang mabilis tayong sumulong, higit na mabilis na umunlad sa kaalaman ng katotohanan, at higit na maging matatag sa pananampalataya. Ang lahat ng ito, gayunman, ay nakasalalay sa tumitibay na katapatan ng mga tao.”40 Ang kanyang personal na pagdalaw sa mga Banal, ang kanyang mga pagsusumigasig upang mapalakas ang samahan at pagtuturo sa mga lokal na purok, ang kanyang walang kapagurang pangangaral ng “mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan” ay mga paraan lahat para sa pagpapadakila ng “katwiran, kadalisayan at kabanalan sa puso ng mga tao.”41 Batid niya na tanging ang matwid, dalisay at banal na mga tao ang makatutulong sa Panginoon upang maisakatuparan “ang pagpapabanal sa mundo at pagliligtas sa sangkatauhan.”42

Ang dami ng mga miyembro ng Simbahan ay halos nadoble sa panahon ng pamamahala ni Pangulong Smith, mula sa 278,645 noong 1901 hanggang sa 495,962 noong 1918. Bagamat ang karamihan sa mga miyembro ay naninirahan pa rin sa kanlurang Estados Unidos, nagkaroon si Pangulong Smith ng matibay na pakikipag-ugnayan sa mga miyembro sa maraming bansa. Dumalaw siya sa Europa noong 1906, ang pinakaunang Pangulo ng Simbahan na gumawa nito habang nanunungkulan, bumalik doon noong 1910, at dumalaw sa mga Banal sa Canada at sa mga Pulo ng Hawaii. Pinayuhan niya at ng kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan ang mga miyembro na “maging totoo at tunay sa kanilang katapatan sa kanilang mga pamahalaan, at maging mabubuting mamamayan,”43 at “manatili sa kanilang mga lupang tinubuan at magtatag ng permanenteng mga kongregasyon.”44 Hindi na hinihikayat pang lumipat ang mga miyembro ng Simbahan sa Utah upang makipagtipon sa mga Banal.

Ang unang salinlahi ng mga Banal ay natipon sa Sion sa pamamagitan ng paglipat mula sa kanilang mga bansa upang makabuo ng pagkakaisa at kalakasang espirituwal. Binigyang-diin ni Pangulong Smith sa mga sumunod na salinlahi ang kahalagahan ng pamumuhay nang payapa sa mundo habang pinananatili ang pamana ng pagkakaisa at kalakasang espirituwal na binibigyangdaan sa pamamagitan ng orden at mga ordenansa ng pagkasaserdote.

Nagsasalita at sumusulat nang madalas si Pangulong Smith tungkol sa di-mapantayang kapangyarihan ng pagkasaserdote at nagsusumikap na matulungan ang mga miyembro na maunawaan ang kahalagahan nito. Sa panahon ng pagsang-ayon kay Joseph F. Smith bilang Pangulo ng Simbahan, ang mga oras ng pagpupulong, aralin, at kahusayan ng mga korum ng pagkasaserdote ay magkakaiba sa iba’t ibang purok. Ngunit inaasam ni Pangulong Smith ang araw kung saan “mauunawaan ng bawat kapulungan ng Pagkasaserdote sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang tungkulin; paninindigan ang sarili nilang pananagutan, at gagampanang mabuti ang kanilang pagkakatawag, at pupunan ang kanilang lugar sa Simbahan”45 Sa pangkalahatang pagpupulong noong Abril 1908, ipinahayag ni Pangulong Smith na may mga ginagawang mga hakbang “para sa kapakinabangan at ikauunlad ng mga yaong may kinalaman sa iba’t ibang korum ng Pagkasaserdote.”46

Partikular na inaalala niya ang mga korum ng Pagkasaserdoteng Aaron. “Dapat nating pangalagaan ang kabataang lalaki na inordenan bilang mga Diyakono, Guro, at Saserdote sa Simbahan,” ang payo niya.47 Sa loob ng sumunod na ilang taon, binigyan ng mga obispo ang mga kabataang nagtataglay ng pagkasaserdote ng mahahalagang tungkulin, na ang karamihan ay karaniwang ginagawa ngayon. Pinalakas ang mga korum sa Pagkasaserdoteng Aaron at Melquisedec habang ang lingguhang mga pulong sa pagkasaserdote sa loob ng buong taon ay matatag na binubuo at ang sentrong komite ng Simbahan ay nagbibigay ng mga magkakatulad na kurso sa pagaaral para sa mga korum.

Binigyang-diin ni Pangulong Smith ang pagtuturo sa tahanan. “Wala akong alam na anupamang tungkulin na higit na banal, o higit na kinakailangan, kung ginagawa ito nang wasto, maliban sa mga tungkulin ng mga guro na dumadalaw sa mga tahanan ng mga tao, na nananalangin na kasama nila, na nangangaral sa kanila na magpakabuti at maging marangal, na magkaisa, at magmahalan, at magkaroon ng pananampalataya at katapatan sa layunin ng Sion,” ang sabi niya.48 Upang lalong mapalakas ang mga pamilya sa Simbahan, naglabas siya at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa Simbahan noong 1915 ng isang lingguhang programa ng gabing pantahanan, na hinihikayat ang mga magulang na gugulin ang oras na ito upang turuan ang kanilang mga anak ng salita ng Diyos.

Panahon din ito ng mahahalagang pagsulong sa mga samahang pantulong. Ang mga pangkalahatang lupon ng Panlinggong Paaralan, ang mga samahan para sa kabataang lalaki at kabataang babae, at ang Primarya ay nagsimulang maglathala ng magkakatulad na kurso ng pag-aaral. Ang mga aralin, sa pagmamasid ni Pangulong Smith, ay ginagabayan ang mga batang miyembro “tungo sa higit na malalaking karanasan at mas mabuting pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.”49 Upang matugunan ang hamon ng lumalaking panahon ng pagliliwaliw para sa kabataan, ang programa ng mga Lalaking Iskawt ay ipinatupad para sa kabataang lalaki at isang bagong programang Beehive ang inilunsad para sa kabataang babae. Ang Samahang Damayan, na mula pa noong 1902 ay humihikayat sa mga istaka na maghanda ng mga aralin para sa mga kapatid na babae, ay nagsimulang maglathala ng magkakatulad na aralin noong 1914 at mga espesyal na mensahe para sa mga dumadalaw na tagapagturo noong 1916. Ang mga pagbabagong ito ay naging bahagi ng bagong Relief Society Magazine at lalong nakatulong sa mga miyembro ng Samahang Damayan na makapaghanda “para sa pangangalaga ng kapakanan sa espirituwal, pag-iisip at moral ng mga ina at mga anak na babae sa Sion.”50 Para kay Pangulong Smith, mahalagang gumagawa ang mga samahang pantulong na kaakibat ng mga awtoridad sa pagkasaserdote upang ituro ang ebanghelyo at palakasin ang pagsasama-sama ng mga miyembro. “Sa gayon magkakasama tayong gumagawa sa isang matibay at pamalagiang paraan para pagtatatag ng Simbahan.”51

Ang isa sa mga pinakamalaking hamon na kinaharap ni Pangulong Smith ay ang pakikitungo sa maling pagkaunawa at mga pag-uusig patungkol sa Simbahan. Gayunman, ipinahayag niya na ang mga ginagawa ng mga kaaway ang siyang naging daan, hindi man tahasan, upang maisulong ang gawain sa daigdig. Tinawag ng mga ito ang pansin ng sanlibutan tungo sa atin, at iyan ang talagang nais natin. … Nais nating makilala tayo ng daigdig. Nais nating matutuhan nila ang ating doktrina, maunawaan ang ating pananampalataya, ang ating mga layunin, at ang kabuuan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”52

Nagsimulang matupad unti-unti ang mga inaasam ni Pangulong Smith at ang Simbahan ay tumanggap ng lalong malaking paggalang sa Estados Unidos at sa ibayong dagat. Upang mabigyan ang mga turista sa Lungsod ng Salt Lake ng tumpak na impormasyon tungkol sa mga pinaniniwalaan at kasaysayan ng Simbahan, itinatag ng Simbahan ang unang sentro para sa mga bisita sa Temple Square noong 1902. Sa unang taon ng pagpapatakbo nito, ang 25 boluntaryong manggagawa sa Bureau of Information and Church Literature (Kawanihan ng Impormasyon at Panitikan ng Simbahan) ay dinagsa ng mahigit sa 150,000 bisita. Pagsapit ng 1904, ang pangasiwaan ay nangailangan ng higit na maraming manggagawa at higit na malaking gusali. Noong 1911, ang Koro ng Tabernakulo ay nagpalabas ng isang lubos na hinangaang konsiyerto sa 25 lungsod sa silangan at gitnang-kanlurang Estados Unidos, kabilang ang isang natatanging konsiyerto sa White House para sa Pangulo ng Estados Unidos at sa mga bisita.

“Gagawin tayo ng Panginoon na lalong dakila at malakas sa paningin ng sanlibutan at ilalagay tayo sa tunay nating katayuan sa daigdig,” ang pangako ni Pangulong Smith, alinsunod sa “pinagiibayong katapatan” ng mga miyembro at sa kanilang kahandaang maging “higit na matatag sa pananampalataya.”53 Dahil dito ay patuloy niyang hinikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na maging lalong marunong sa kanilang kasaysayan at doktrina. Pinasimulan ni Pangulong Smith ang muling paglathala ng History of the Church ni Joseph Smith at sinuportahan ang pagtitipon ng mga talaarawan at manuskrito ng mga tagabunsod para sa Pangkasaysayang Artsibo ng Simbahan. Pinahintulutan niya ang mga opisyal ng Simbahan na bilhin ang mga makasaysayang pook na sagrado para sa mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang ang Piitan ng Carthage sa Illinois, kung saan ang Propetang Joseph Smith at ang kapatid na si Hyrum ay pinaslang noong 1844 (1903); ang bahagi ng lupang tinayuan ng templo sa Independence, Missouri (1904); ang sakahan sa Vermont kung saan isinilang si Joseph Smith noong 1805 (1905); at ang sakahan ni Joseph Smith Sr. sa Manchester, New York, ang kinalalagyan ng kakahuyan kung saan unang nakita ng Propeta ang Ama at ang Anak (1907). Nagpatotoo siya, “May kung anong banal sa mga lugar na ito, para sa akin at sa lahat, palagay ko, na tumanggap sa banal na misyon ni Joseph Smith, ang Propeta.”54

Tinuruan ni Pangulong Smith ang mga Banal sa mga Huling Araw na igalang ang Propeta dahil sa kanyang “pag-angat sa tabing ng kawalang-hanggan, na maaaring sabihing, mula sa ating mga mata.”55 Gayundin, sinikap ni Pangulong Smith sa kanyang sarili na maunawaan at maituro ang malalawak na katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kanyang mga liham sa mga kamag-anak at kaibigan, ang mga editoryal at tugon sa mga tanong sa mga magasin ng Simbahan, at ang kanyang mga sermon ay mahahalagang pagkakataon upang makapagpaliwanag ng doktrina. Kapag nadarama niya at ng kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan na maaaring hindi maunawaan ang mga pangunahing doktrina ng mga miyembro ng Simbahan o ng ibang tao, sumusulat at naglalathala sila ng mga pagpapaliwanag. “Ang Pinagmulan ng Tao” (Nobyembre 1909)56 at “Ang Ama at ang Anak: Isang Doktrinal na Pagpapaliwanag ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa” (Hunyo 1916)57 ay naging mahahalagang kasangkapan para sa pagtuturo sa mga Banal sa mga Huling Araw ng tunay na kalikasan ng ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

“Pinagsikapan ko mula sa aking kabataan … na maging tagapamayapa, isang mangangaral ng katwiran, at hindi lamang upang mangaral ng katwiran sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan ng halimbawa,”58 ang sabi ni Pangulong Smith. Mula sa gulang na 15 hanggang sa kanyang kamatayan sa gulang na 80, nakagawa siya ng daan-daang pagsasalita at talumpati hinggil sa ebanghelyo upang matulungan ang mga Banal na maunawaan at maipamuhay ang mga turo ni Jesucristo. Tungkol sa kanyang kakayahang magturo, ipinahayag ni Charles W. Nibley, “Bilang isang mangangaral ng katwiran, sino ang maihahambing sa kanya? Siya ang pinakamahusay na aking narinig—malakas, makapangyarihan, malinaw, nakalulugod. Kamangha-mangha kung paanong ang mga salita ng buhay na katotohanan at malakas na patotoo ay dumadaloy mula sa kanya.”59

Nagagalak si Joseph F. Smith kapag pinakikinggan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanyang mga babala at panghihikayat bilang isang propeta ng Diyos. Ang kagustuhan ng mga Banal na sumulong sa “katwiran, kadalisayan at kabanalan” ay may napakalaking kahalagahan sa kanya.60 Nanguna siya sa daan sa pamamagitan ng kanyang kaaamuan at kahandaang turuan. “Isa lamang akong bata, natututo pa lamang ako,” ang sabi niya noong 1916. “Tapat akong umaasam na habang natututo ako nang taludod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti dito at kaunti roon, sa bawat araw, sa bawat buwan, sa bawat taon, darating ang panahon na matututuhan kong lubos ang katotohanan at mababatid ito katulad ng pagkakabatid dito ng Diyos at maliligtas at dadakilain sa Kanyang kinaroroonan.”61 Palaging iginagalang dahil sa kanyang katapangan at katatagan, siya ay ipinagpipitagan lalo na sa kanyang pagiging mahabagin, Si Gng. Koleka, isa sa mga minamahal niyang nakasama sa Hawaii, ay pinuri siya bilang “tagapaglingkod ng Kataastaasang Diyos, ang taong may bukas na puso na punong-puno ng pag-ibig.”62 Natutuhan niyang “mangaral ng katwiran hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan ng halimbawa,” sa pamamagitan ng masikap na paghahangad na “maging katulad ng larawan at wangis ni Jesucristo.”64

Sa mga huling buwan ng kanyang buhay, nakadama si Pangulong Smith ng natatanging pagkakalapit sa Espiritu. “Maaaring mayroon akong mga karamdamang pisikal, ngunit para sa akin, ang aking katayuang espirituwal ay hindi lamang nananatiling matibay katulad noong mga unang panahon, bagkos ay lumalakas, tumatatag,”65 ang sabi niya noong Abril 1918. Pagkalipas ng anim na buwan, noong ika-3 ng Oktubre 1918, habang siya ay nakaupo sa kanyang silid at nagbubulay-bulay ng mga banal na kasulatan at “pinagmumuni-muni ang dakilang pagbabayad-salang sakripisyo na ginawa ng Anak ng Diyos, para sa pagtubos sa mundo,”66 tumanggap siya ng kagila-gilalas na pagpapahayag tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga patay habang ang Kanyang katawan ay nasa libingan. Ang pahayag, na kinalaunan ay tinawag na Pangitain ng Pagtubos ng mga Patay at pinagtibay bilang Doktrina at mga Tipan 138, ay isang naaangkop na pinakadakilang natamo sa buhay ng isang propeta na walang tigil na nangaral sa kahalagahan ng pagdadala ng plano ng buhay at kaligtasan sa lahat ng anak ng Diyos.

Ang kaluwalhatian ng Diyos, ang banal na pinagmulan ng tao at ang kanyang pag-asa sa Diyos, ang kahalagahan ng pagsunod sa mga banal na ordenansa, mapagmahal na pasasalamat, at matapat na paniniwala—ang mga paksang ito ang paulit-ulit na hinabi ni Pangulong Smith. Madalang na tumatalakay siya ng isang alituntunin ng ebanghelyo na inihihiwalay sa kabuuan ng plano ng buhay at kaligtasan. Maaari niyang ipangaral ang ebanghelyo sa kabuuan nito sa isang sermon, kung minsan ay sa loob ng iisang pangungusap, na palaging nakatuon sa kahalagahan ng pagkilala sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo. “Ito ay sa pamamagitan ng pag-ibig na mayroon tayo para sa Kanila, at sa pamamagitan ng ating pagnanais na mamuhay nang naaayon sa Kanilang mga hinihingi at maging katulad Nila, na maaari nating ibigin ang bawat isa, at na maaari nating matamo ang higit na kasiyahan sa paggawa ng mabuti kaysa anumang matatamo natin sa paggawa ng masama.”67

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-25 ng Abr. 1882, 1.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1339), 406.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1902, 85–86.

  4. Millennial Star, Hunyo 1840, 40.

  5. Millennial Star, Hunyo 1840, 40–41.

  6. Gospel Doctrine, 494.

  7. History of the Church, 2:338.

  8. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostoles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 5:29.

  9. Talaarawan ni Joseph F. Smith, Leeds, ika-13 ng Abr. 1861. Sulat kamay, 5. Historical Department, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  10. Sa Deseret News: Semi-Weekly, ika-25 ng Abr. 1882, 1; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  11. Sa Collected Discourses, 2:348.

  12. Sa Deseret News: Semi-Weekly, ika-10 ng Hulyo 1883. 1.

  13. Talaarawan ni Joseph Smith, 18; ginawang makabago ang pagbabaybay; Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  14. “Editor’s Table—In Memoriam, Joseph Fielding Smith (1838–1918), Improvement Era, Enero 1919, 266.

  15. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 159.

  16. Joseph F. Smith kay Samuel L. Adams, ika-11 ng Mayo 1888, Truth and Courage: Joseph F. Smith Letters, pinamatnugutan ni Joseph Fielding McConkie, 2.

  17. “Editor’s Table—In Memoriam,” 266.

  18. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesuc Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 tomo (1965–1975), 5:92.

  19. Joseph F. Smith kay Samuel L. Adams, 2.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1900, 41.

  21. Sa Messages of the First Presidency, 4:18.

  22. Gospel Doctrine, 171.

  23. Gospel Doctrine, 82.

  24. Sa Collected Discourses, 2:280.

  25. Gospel Doctrine, 90.

  26. Talaarawan ni Wilford Woodruff, ika-24 ng Hunyo 1866, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  27. Gospel Doctrine, 201.

  28. Gospel Doctrine, 359.

  29. Joseph F. Smith kay Hyrum M. Smith, ika-18 ng Mayo 1896, Truth and Courage, 37.

  30. Deseret News: Semi-Weekly, ika-2 ng Okt. 1883, 1.

  31. Deseret News: Semi-Weekly, ika-7 ng Nob. 1882, 1.

  32. Deseret News: Semi-Weekly, ika-25 ng Abr. 1882, 1.

  33. Life of Joseph F. Smith, 365.

  34. Life of Joseph F. Smith, 283.

  35. Sinipi mula sa Bryant S. Hinckley, “Greatness in Men: Joseph Fielding Smith,” Improvement Era, Hunyo 1932, 459.

  36. Life of Joseph F. Smith, 453.

  37. “General Conference of the Relief Society,” Relief Society Magazine, Hunyo 1917, 316.

  38. H. W. Naisbitt, “Temple Building,” Contributor, Abril 1892, 257.

  39. Sa Collected Discourses, 3:279.

  40. Sa Conference Report, Okt. 1901, 69–70.

  41. Sa Conference Report, Okt. 1901, 70.

  42. Sa Messages of the First Presidency, 4:155.

  43. Sa Messages of the First Presidency, 4:165.

  44. Sa Messages of the First Presidency, 4:222.

  45. Gospel Doctrine, 159.

  46. Sa Conference Report, Abr. 1908, 5.

  47. Sa Conference Report, Abr. 1908, 6.

  48. Gospel Doctrine, 189.

  49. Gospel Doctrine, 393.

  50. Gospel Doctrine, 386.

  51. Deseret Weekly, ika-9 ng Ene. 1892, 70.

  52. Sa Conference Report, Okt. 1908, 3.

  53. Sa Conference Report, Okt. 1901, 70.

  54. Sa Conference Report, Okt. 1906, 5.

  55. Deseret News: Semi-Weekly, ika-27 ng Peb. 1883, 1.

  56. “Ang Pinagmulan ng Tao, ng Unang Panguluhan ng Simbahan,” Improvement Era, Nob.1909, 75–81.

  57. “Ang Ama at ang Anak: Isang Doktrinal na Paghahayag ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa,” Improvement Era, Ago. 1916, 934–42.

  58. Gospel Doctrine, 406.

  59. Gospel Doctrine, 522.

  60. Sa Conference Report, Okt. 1901, 70.

  61. Sa Conference Report, Abr. 1916, 4.

  62. Life of Joseph F. Smith, 306.

  63. Gospel Doctrine, 406.

  64. Gospel Doctrine, 6.

  65. Sa Conference Report, Abr. 1918, 2.

  66. Doktrina at mga Tipan 138:2.

  67. Sa Collected Discourses, 3:218.

  68. Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dibuho ni A. Salzbrenner.

Joseph F. Smith

Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan ni Jerucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dibuho ni A. Salzbrenner.