Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 132


Bahagi 132

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Nauvoo, Illinois, itinala noong ika-12 ng Hulyo 1843, nauukol sa bago at walang hanggang tipan, kabilang ang kawalang-hanggan ng tipan ng kasal, at gayon din ang pagkakaroon ng maraming asawang babae (History of the Church, 5:501–507). Bagaman ang paghahayag ay naitala noong 1843, maliwanag mula sa mga makasaysayang talaan na ang mga doktrina at alituntuning napapaloob sa paghahayag na ito ay ipinaalam sa Propeta mula pa noong 1831.

1–6, Ang kadakilaan ay matatamo sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan; 7–14, Ang mga hinihingi at batayan ng tipang iyon ay ibinigay; 15–20, Ang selestiyal na pagpapakasal at ang pagpapatuloy ng mag-anak ay makapangyayaring maging mga diyos ang mga tao; 21–25, Ang makipot at makitid na landas ay patungo sa mga buhay na walang hanggan; 26–27, Ang batas ay ibinigay tungkol sa kalapastanganan laban sa Espiritu Santo; 28–39, Ang mga pangako ng walang hanggang pag-unlad at kadakilaan ay ginawa para sa mga propeta at Banal sa lahat ng panahon; 40–47, Si Joseph Smith ay binigyan ng kapangyarihang magtali at magbuklod sa lupa at sa langit; 48–50, Ibinuklod ng Panginoon sa kanya ang kanyang kadakilaan; 51–57, Si Emma Smith ay pinagpayuhan na maging matapat at totoo; 58–66, Mga batas na sumasaklaw sa pagkakaroon ng maraming asawang babae ay ibinigay.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo na aking tagapaglingkod na si Joseph, na yayamang ikaw ay nagtanong sa aking kamay upang malaman at maunawaan kung saan ako, ang Panginoon, ay binigyang-katwiran ang aking mga tagapaglingkod na sina Abraham, Isaac at Jacob, gayon din sina Moises, David at Solomon, na aking mga tagapaglingkod, hinggil sa alituntunin at doktrina ng kanilang pagkakaroon ng maraming asawa at kalunya—

2 Masdan, at narito, ako ang Panginoong mong Diyos, at tutugunin kita hinggil sa bagay na ito.

3 Samakatwid, ihanda ang iyong puso upang tanggapin at sundin ang mga tagubiling aking ibibigay sa iyo; sapagkat ang lahat ng yaong mayroon ng batas na ito na ipinahayag sa kanila ay kailangang sundin ang gayon din.

4 Sapagkat masdan, ipinahahayag ko sa iyo ang isang bago at isang walang hanggang tipan; at kung ikaw ay hindi tutupad sa tipang yaon, kung gayon ikaw ay mapapahamak; sapagkat walang sinuman ang makatatanggi sa tipang ito at mapahihintulutang pumasok sa aking kaluwalhatian.

5 Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.

6 At tungkol sa bago at walang hanggang tipan, ito ay pinasimulan para sa kaganapan ng aking kaluwalhatian; at siya na tumatanggap ng kaganapan nito ay kailangan at dapat na sumunod sa batas, o siya ay mapapahamak, wika ng Panginoong Diyos.

7 At katotohanang aking sinasabi sa iyo, na ang mga batayan ng batas na ito ay mga ito: Lahat ng tipan, kasunduan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpaan, panata, gawain, kaugnayan, samahan, o inaasahan, na hindi ginawa at pinasok sa at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, sa kanya na hinirang, kapwa maging sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan, at yaong ding pinakabanal, sa pamamagitan ng paghahayag at kautusan sa pamamagitan ng pamamaraan ng aking hinirang, na aking itinalaga sa mundo upang hawakan ang kapangyarihang ito (at aking itinalaga sa aking tagapaglingkod na si Joseph na hawakan ang kapangyarihang ito sa mga huling araw, at wala kailanman maliban sa isa sa mundo sa panahon kung kanino ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito ay iginawad), ay wala ni kapangyarihan, bisa, o lakas sa at pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa patay; sapagkat lahat ng kasunduan na hindi ginawa sa layuning ito ay may katapusan kapag ang mga tao ay patay na.

8 Masdan, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos, at hindi isang bahay ng kaguluhan.

9 Ako ba ay tatanggap ng isang hain, wika ng Panginoon, na hindi ginawa sa aking pangalan?

10 O akin bang tatanggapin sa inyong mga kamay yaong hindi ko itinakda?

11 At aking bang itatakda sa inyo, wika ng Panginoon, maliban sa ito ay sa pamamagitan ng batas, maging kagaya ko at ng aking Ama na inordenan sa inyo, bago pa ang daigdig?

12 Ako ang Panginoon mong Diyos; at aking ibinibigay sa iyo ang kautusang ito—na walang sinuman ang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko o ng aking salita, na siyang aking batas, wika ng Panginoon.

13 At lahat ng bagay na nasa daigdig, maging ito man ay inordenan ng tao, ng trono, o mga pamunuan, o kapangyarihan, o bagay na may pangalan, anuman ang mga ito, na hindi sa pamamagitan ko o ng aking salita, wika ng Panginoon, ay ibabagsak, at hindi mananatili pagkaraang ang mga tao ay patay na, ni sa o pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, wika ng Panginoon mong Diyos.

14 Sapagkat anumang mga bagay ang manatili ay sa pamamagitan ko; at anumang mga bagay ang hindi sa pamamagitan ko ay panginginigin at wawasakin.

15 Samakatwid, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa daigdig, at pinakasalan niya siya hindi sa pamamagitan ko ni sa aking salita, at siya ay nakipagtipan sa kanya habang siya ay nasa daigdig at siya sa kanya, ang kanilang tipan at kasal ay walang bisa kapag sila ay patay na, at kapag sila ay wala na sa daigdig; samakatwid, sila ay hindi nakatali sa anumang batas kapag sila ay wala na sa daigdig.

16 Samakatwid, kapag sila ay wala na sa daigdig sila ay hindi ikinasal ni ipinakasal, kundi mga itinalagang anghel sa langit, yaong mga anghel na mga tagapaglingkod, na maglilingkod sa yaong mga karapat-dapat ng isang mas higit, at labis, at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.

17 Dahil ang mga anghel na ito ay hindi sumunod sa aking batas; samakatwid, hindi sila maaaring dumami, kundi mananatiling hiwa-hiwalay at nag-iisa, walang kadakilaan, sa kanilang ligtas na kalagayan, sa lahat ng kawalang-hanggan; at mula ngayon ay hindi mga diyos, kundi mga anghel ng Diyos magpakailanman at walang katapusan.

18 At muli, katotohanang sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae, at gumawa ng tipan sa kanya sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan, kung ang tipang iyon ay hindi sa pamamagitan ko o sa aking salita, na siyang aking batas, at hindi ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na aking hinirang at itinakda sa kapangyarihang ito, kung gayon hindi ito tunay ni may bisa kapag sila ay wala na sa daigdig, sapagkat sila ay hindi ko pinag-isa, wika ng Panginoon, ni ng aking salita; kapag sila ay wala na sa daigdig hindi ito tatanggapin doon, sapagkat ang mga anghel at ang mga diyos ang itinalaga doon, kung kanino sila ay hindi makararaan; hindi nila, samakatwid, mamanahin ang aking kaluwalhatian; sapagkat ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos.

19 At muli, katotohanang sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kung kanino ko itinakda ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito; at sasabihin sa kanila—Kayo ay magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli; at kung ito ay pagkaraan ng unang pagkabuhay na mag-uli, sa susunod na pagkabuhay na mag-uli; at magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, lahat ng taas at lalim—sa gayon ito ay masusulat sa Aklat ng Buhay ng Kordero, na siya ay hindi gagawa ng pagpaslang upang makapagpadanak ng dugo ng walang malay, at kung siya ay susunod sa aking tipan, at hindi gagawa ng pagpaslang upang makapagpadanak ng dugo ng walang malay, ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig; at sila ay makararaan sa mga anghel, at sa mga diyos, na inilagay roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, na ibinuklod sa kanilang mga ulo, kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.

20 Pagkatapos sila ay magiging mga diyos, sapagkat sila ay walang katapusan; samakatwid sila ay magiging mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, sapagkat sila ay magpapatuloy; sa gayon sila ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila. Sa gayon sila ay magiging mga diyos, sapagkat taglay nila ang lahat ng kapangyarihan, at ang mga anghel ay saklaw nila.

21 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maliban sa kayo ay sumunod sa aking batas hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito.

22 Sapagkat makipot ang pintuan, at makitid ang daan na patungo sa kadakilaan at pagpapatuloy ng mga buhay, at kakaunti ang makasusumpong noon, sapagkat hindi ninyo ako tinanggap sa daigdig ni hindi ninyo ako nakilala.

23 Subalit kung inyo akong tinanggap sa daigdig, sa gayon makikilala ninyo ako, at matatanggap ang inyong kadakilaan; na kung nasaan ako kayo ay makaparoroon din.

24 Ito ang mga buhay na walang hanggan—na makilala ang nag-iisang marunong at tunay na Diyos, at si Jesucristo, na kanyang isinugo. Ako siya. Tanggapin ninyo, samakatwid, ang aking batas.

25 Malapad ang pintuan, at maluwang ang daan na patungo sa mga kamatayan; at marami roon na nagsisipasok, sapagkat hindi nila ako tinanggap, ni sumunod sila sa aking batas.

26 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae alinsunod sa aking salita, at sila ay ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, alinsunod sa aking pagkakatalaga, at ang lalaki o ang babae ay makagawa ng anumang kasalanan o paglabag sa bago at walang hanggang tipan, at lahat ng uri ng kalapastanganan, at kung sila ay hindi nakagawa ng pagpaslang kung saan sila ay nagpadanak ng dugo ng walang malay, gayon pa man sila ay babangon sa unang pagkabuhay na mag-uli, at papasok sa kanilang kadakilaan; subalit sila ay wawasakin sa laman, at ibibigay sa mga pagpapahirap ni Satanas hanggang sa araw ng pagtubos, wika ng Panginoong Diyos.

27 Ang kalapastanganan laban sa Espiritu Santo, na hindi patatawarin sa daigdig ni sa labas ng daigdig, ay yaon na kayo ay makagawa ng pagpaslang kung saan kayo ay nagpadanak ng dugo ng walang malay, at sumasang-ayon sa aking kamatayan, pagkatapos ninyong matanggap ang aking bago at walang hanggang tipan, wika ng Panginoong Diyos; at siya na hindi sumusunod sa batas na ito ay hindi maaaring makapasok sa aking kaluwalhatian, kundi mapapahamak, wika ng Panginoon.

28 Ako ang Panginoon mong Diyos, at ibibigay sa iyo ang batas ng aking Banal na Pagkasaserdote, tulad ng pag-orden ko at ng aking Ama bago pa ang daigdig.

29 Tinanggap ni Abraham ang lahat ng bagay, anuman ang kanyang tinanggap, sa pamamagitan ng paghahayag at kautusan, sa pamamagitan ng aking salita, wika ng Panginoon, at pumasok sa kanyang kadakilaan at umupo sa kanyang trono.

30 Si Abraham ay tumanggap ng mga pangako hinggil sa kanyang mga binhi, at ng bunga ng kanyang mga balakang—kung kaninong balakang kayo ay nagmula, alalaong baga’y, ang aking tagapaglingkod na si Joseph—na magsisipagpatuloy habang sila ay nasa daigdig; at hinggil kay Abraham at sa kanyang mga binhi, sa labas ng daigdig sila ay dapat magpatuloy; kapwa sa daigdig at sa labas ng daigdig dapat silang magpatuloy katulad ng mga hindi mabilang na bituin; o, kung kayo ay magbibilang ng buhangin sa dalampasigan hindi ninyo mabibilang ang mga ito.

31 Ang pangakong ito ay inyo rin, sapagkat kayo ay mula kay Abraham, at ang pangako ay ginawa kay Abraham; at sa pamamagitan ng batas na ito ang pagpapatuloy ng mga gawain ng aking Ama, kung saan luluwalhatiin niya ang kanyang sarili.

32 Humayo kayo, samakatwid, at gawin ang mga gawain ni Abraham; pumasok kayo sa aking batas at kayo ay maliligtas.

33 Subalit kung kayo ay hindi papasok sa aking batas hindi kayo makatatanggap ng pangako ng aking Ama, na kanyang ginawa kay Abraham.

34 Inutusan ng Diyos si Abraham, at ibinigay ni Sara si Hagar kay Abraham upang maging asawa. At bakit niya ito ginawa? Sapagkat ito ang batas; at mula kay Hagar nagmula ang maraming tao. Ito, samakatwid, ay nagsasakatuparan, bukod sa ibang mga bagay, sa mga pangako.

35 Si Abraham ba, samakatwid, ay nasa ilalim ng kahatulan? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat ako, ang Panginoon, ang nag-utos nito.

36 Si Abraham ay inutusan na ialay ang kanyang anak na si Isaac; gayon pa man, ito ay nasusulat: Huwag kang papatay. Si Abraham, gayon man, ay hindi tumanggi, at ito ay ipinalalagay sa kanya sa kabutihan.

37 Si Abraham ay tumanggap ng mga kalunya, at sila ay nagsilang sa kanya ng mga anak; at ito ay ipinalagay sa kanya sa kabutihan, sapagkat sila ay ibinigay sa kanya, at siya ay sumunod sa aking batas; gaya rin ni Isaac at ni Jacob ay walang ginawang ibang bagay maliban sa yaong iniutos sa kanila; at sapagkat hindi sila gumawa ng anumang bagay maliban sa yaong iniutos sa kanila, sila ay pumasok sa kanilang kadakilaan, alinsunod sa mga pangako, at umupo sa mga trono, at hindi mga anghel kundi mga diyos.

38 Si David din ay tumanggap ng maraming asawa at kalunya, at pati rin sina Solomon at Moises na aking mga tagapaglingkod, gaya rin ng marami sa iba ko pang mga tagapaglingkod, mula sa simula ng paglikha hanggang sa panahong ito; at sa walang bagay sila ay nagkasala maliban sa yaong mga bagay na hindi nila tinanggap sa akin.

39 Ang mga asawa at kalunya ni David ay ibinigay ko sa kanya, sa pamamagitan ng kamay ni Nathan, ang aking tagapaglingkod, at ang iba pa sa mga propeta na may mga susi ng kapangyarihang ito; at wala sa mga bagay na ito siya nagkasala laban sa akin maliban sa kaso ni Uria at ng kanyang asawa; at samakatwid siya ay bumagsak mula sa kanyang kadakilaan, at tinanggap ang kanyang bahagi; at hindi niya mamamana ang mga ito sa labas ng daigdig, sapagkat ibinigay ko ang mga ito sa iba, wika ng Panginoon.

40 Ako ang Panginoon mong Diyos, at aking ibinibigay sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, ang isang pagtatalaga, at panumbalikin ang lahat ng bagay. Hilingin kung ano ang nais mo, at ito ay ibibigay sa iyo alinsunod sa aking salita.

41 At yayamang ikaw ay nagtanong hinggil sa pakikiapid, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay tumanggap ng asawa sa bago at walang hanggang tipan, at kung siya ay pumisan sa ibang lalaki, at hindi ko itinalaga sa kanya sa pamamagitan ng banal na paghirang, siya ay nagkasala ng pakikiapid at wawasakin.

42 At kung siya ay wala sa bago at walang hanggang tipan, at siya ay pumisan sa ibang lalaki, siya ay nagkasala ng pakikiapid.

43 At kung ang kanyang asawa ay pumisan sa ibang babae, at siya ay nasa ilalim ng isang panata, kanyang sinira ang kanyang panata at nagkasala ng pakikiapid.

44 At kung siya ay hindi nagkasala ng pakikiapid, kundi walang malay at hindi sinira ang kanyang panata, at kanya itong alam, at ipinahahayag ko ito sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, sa gayon magkakaroon ka ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Banal na Pagkasaserdote, na kunin siya at ibigay siya sa kanya na hindi nagkasala ng pakikiapid kundi naging matapat; sapagkat siya ay gagawing tagapamahala sa marami.

45 Sapagkat aking iginawad sa iyo ang mga susi at kapangyarihan ng pagkasaserdote, kung saan aking pinanumbalik ang lahat ng bagay, at ipinaalam sa iyo ang lahat ng bagay sa takdang panahon.

46 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na anumang bagay na iyong ibuklod sa lupa ay bubuklurin sa langit; at anumang bagay na iyong itali sa lupa, sa aking pangalan at sa pamamagitan ng aking salita, wika ng Panginoon, ito ay nakataling walang hanggan sa mga kalangitan; at kanino mang mga kasalanan ang iyong patawarin sa lupa ay patatawarin ng walang hanggan sa mga kalangitan; at kanino mang kasalanan ang hindi mo patawarin sa lupa ay hindi patatawarin sa langit.

47 At muli, katotohanang sinasabi ko, sinuman ang iyong pagpalain ay aking pagpapalain, at sinuman ang iyong isumpa ay aking isusumpa, wika ng Panginoon; sapagkat ako, ang Panginoon, ay iyong Diyos.

48 At muli, katotohanang sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, na anuman ang iyong ibigay sa lupa, at kung kanino mo man ibigay ang anuman sa lupa, sa pamamagitan ng aking salita at alinsunod sa aking batas, ito ay dadalawin kalakip ang mga pagpapala at hindi mga sumpa, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, wika ng Panginoon, at hindi magkakaroon ng kaparusahan sa lupa at sa langit.

49 Sapagkat ako, ang Panginoon mong Diyos, at lalaging kasama mo maging sa katapusan ng daigdig, at sa lahat ng kawalang-hanggan; sapagkat katotohanang aking ibinuklod sa iyo ang iyong kadakilaan, at naghanda ng isang trono para sa iyo sa kaharian ng aking Ama, kasama ni Abraham na iyong ama.

50 Masdan, nakita ko ang iyong mga sakripisyo, at patatawarin ang lahat ng iyong mga kasalanan; nakita ko ang iyong mga sakripisyo sa pagsunod sa yaong aking sinabi sa iyo. Humayo, samakatwid, at ako ang gagawa ng paraan para sa iyong pagtakas, gaya ng pagtanggap ko sa pag-aalay ni Abraham ng kanyang anak na si Isaac.

51 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo: Isang kautusan ang aking ibinibigay sa aking katulong na babae, si Emma Smith, ang iyong asawa, na aking ibinigay sa iyo, na kanyang pigilan ang kanyang sarili at huwag makibahagi sa yaong aking iniutos sa iyo na ialay sa kanya; sapagkat ginawa ko ito, wika ng Panginoon, upang subukin kayong lahat, gaya ng aking ginawa kay Abraham, at upang aking hingin ang isang pag-aalay sa iyong kamay, sa pamamagitan ng tipan at sakripisyo.

52 At tanggapin ng aking katulong na babae, si Emma Smith, ang lahat ng yaong ibinigay sa aking tagapaglingkod na si Joseph, na mga katangi-tangi at dalisay sa harapan ko; at yaong mga hindi dalisay, at nagsabi na sila ay dalisay, ay wawasakin, wika ng Panginoong Diyos.

53 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at iyong susundin ang aking tinig; at aking ibinibigay sa aking tagapaglingkod na si Joseph na siya ay gagawing tagapamahala sa maraming bagay; sapagkat siya ay naging matapat sa ilang bagay, at magmula ngayon akin siyang palalakasin.

54 At aking inuutusan ang aking katulong na babae, si Emma Smith, na sumunod at pumisan sa aking tagapaglingkod na si Joseph, at sa wala nang iba. Subalit kung hindi siya susunod sa kautusang ito siya ay wawasakin, wika ng Panginoon; sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at wawasakin siya kung hindi siya susunod sa aking batas.

55 Subalit kung hindi siya susunod sa kautusang ito, kung gayon ang aking tagapaglingkod na si Joseph ang gagawa ng lahat ng bagay para sa kanya, maging gaya ng kanyang sinabi; at akin siyang pagpapalain at pararamihin siya at ibibigay sa kanya ang makasandaan ng daigdig na ito, ng mga ama at ina, mga kapatid na lalaki at babae, mga bahay at lupain, mga asawa at anak, at mga putong ng buhay na walang hanggan sa mga walang hanggang daigdig.

56 At muli, katotohanang sinasabi ko, patawarin ng aking katulong na babae ang aking tagapaglingkod na si Joseph sa kanyang mga kasalanan; at sa gayon siya ay patatawarin sa kanyang mga kasalanan, kung saan siya ay nagkasala sa akin; at ako, ang Panginoon mong Diyos, ay pagpapalain siya, at pararamihin siya, at pagagalakin ang kanyang puso.

57 At muli, sinasabi ko, huwag hayaan ng aking tagapaglingkod na si Joseph na alisin ang kanyang ari-arian sa kanyang mga kamay, at baka ang kaaway ay dumating at wasakin siya; sapagkat si Satanas ay naghahangad na mangwasak; sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at siya ay aking tagapaglingkod; at masdan, at narito, ako ay kasama niya, gaya ng ako ay kasama ni Abraham, ang iyong ama, maging hanggang sa kanyang kadakilaan at kaluwalhatian.

58 Ngayon, hinggil sa batas ng pagkasaserdote, maraming bagay ang nauukol dito.

59 Katotohanan, kung ang isang lalaki ay tinawag ng aking Ama, gaya ni Aaron, sa pamamagitan ng sarili kong tinig, at sa pamamagitan ng tinig niya na nagsugo sa akin, at ipinagkaloob ko sa kanya ang mga susi ng kapangyarihan ng pagkasaserdoteng ito, kung siya ay gumagawa ng anumang bagay sa aking pangalan, at alinsunod sa aking batas at sa pamamagitan ng aking salita, siya ay hindi makagagawa ng kasalanan, at siya ay aking bibigyang-katwiran.

60 Huwag hayaan ang sinuman, samakatwid, na batikusin ang aking tagapaglingkod na si Joseph; sapagkat akin siyang bibigyang-katwiran; sapagkat kanyang gagawin ang sakripisyo na aking hinihingi sa kanyang mga kamay dahil sa kanyang mga paglabag, wika ng Panginoon mong Diyos.

61 At muli, hinggil sa batas ng pagkasaserdote—kung ang isang lalaki ay ikinasal sa isang dalaga, at naghahangad na magpakasal sa iba, at ang una ay ibinigay ang kanyang pagsang-ayon, at kung kanyang pinakasalan ang pangalawa, at sila ay mga dalaga, at hindi nanumpa sa kanino mang lalaki, sa gayon siya ay nabigyang-katwiran; siya ay hindi magkakasala ng pakikiapid sapagkat sila ay ibinigay sa kanya; sapagkat hindi siya magkakasala ng pakikiapid sa yaong pag-aari niya at hindi sa kanino man.

62 At kung siya ay may sampung dalaga na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ng batas na ito, hindi siya magkakasala ng pakikiapid, sapagkat sila ay pag-aari niya, at sila ay ibinigay sa kanya; samakatwid siya ay nabigyang-katwiran.

63 Subalit kung ang isa o alinman sa sampung dalaga, pagkatapos na siya ay maikasal, ay pumisan sa ibang lalaki, siya ay nagkasala ng pakikiapid, at wawasakin; sapagkat sila ay ibinigay sa kanya upang magpakarami at kalatan ang lupa, alinsunod sa aking kautusan, at upang tuparin ang pangakong ibinigay ng aking Ama bago pa ang pagkakatatag ng daigdig at para sa kanilang kadakilaan sa walang hanggang mga daigdig, upang sila ay magsilang ng mga kaluluwa ng tao; sapagkat dito ang gawain ng aking Ama ay nagpatuloy, upang siya ay luwalhatiin.

64 At muli, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay may asawa, na humahawak ng mga susi ng kapangyarihang ito, at kanyang itinuturo sa kanya ang batas ng aking pagkasaserdote, na nauukol sa mga bagay na ito, sa gayon siya ay maniniwala at dumalo sa kanya, o siya ay mawawasak, wika ng Panginoon mong Diyos; sapagkat akin siyang wawasakin; sapagkat aking palalakihin ang aking pangalan sa lahat ng yaong tumatanggap at sumusunod sa aking batas.

65 Samakatwid, ito ay makatarungan sa akin, kung hindi niya tinanggap ang batas na ito, na kanyang tanggapin ang lahat ng bagay kung anuman ang aking, ang Panginoon niyang Diyos, ay ibibigay sa kanya, sapagkat siya ay hindi naniwala at dumalo sa kanya alinsunod sa aking salita; at siya kung gayon ay naging tagalabag; at siya ay di-saklaw ng batas ni Sara, na dumalo kay Abraham alinsunod sa batas nang aking utusan si Abraham na kunin si Hagar upang maging asawa.

66 At ngayon, hinggil sa batas na ito, katotohanan, aking sinasabi sa iyo, ako ay magpapahayag ng marami pa sa iyo, pagkaraan nito; samakatwid, maging sapat ito sa kasalukuyan. Masdan, ako ang Alpha at Omega. Amen.