Aralin 11
“Pinagsalitaan Niya Sila ng Maraming mga Bagay sa mga Talinghaga”
-
Ano ang kahulugan ng talinghaga ng manghahasik? (Tingnan sa Mateo 13:3–8, 18–23.) Bakit sa palagay ninyo mas pinagtuunan ng pansin ng talinghaga ng manghahasik ang lupa kaysa sa manghahasik o sa binhi?
-
Ano ang paanyayang ipinarating ni Jesus matapos niyang ilahad ang talinghaga ng manghahasik? (Tingnan sa Mateo 13:9.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng salitang makinig sa paanyayang ito? Ano ang ibig sabihin nang tumingin ngunit hindi makakita at makinig ngunit hindi makarinig? (Tingnan sa Mateo 13:13–15.)
-
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga talinghaga ng buto ng mustasa at ng lebadura ay tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 98–100). Paano ninyo nakitang umunlad ang gawain ng Diyos na tulad ng inilalarawan sa mga talinghagang ito?
Mungkahi para sa Talakayan ng Pamilya
Kumuha ng 14 na maliliit na piraso ng papel. Sa bawat piraso ng papel ay isulat ang isa sa sumusunod na mga parirala, na may kaugnayan sa talinghaga ng trigo at mga pansirang damo: (1) ang manghahasik, (2) ang panginoon at ang kanyang mga Apostol, (3) ang mabuting binhi, (4) ang matwid na mga miyembro ng Simbahan, (5) ang bukirin, (6) ang daigdig, (7) ang mga pansirang damo, (8) ang masasama, (9) ang kaaway, (10) ang diyablo, (11) ang ani, (12) ang katapusan ng mundo, (13) ang mga manggagapas, at (14) ang mga anghel. Paghalu-haluin ang mga piraso ng papel upang mapagbalik-aralan ang talinghaga ng trigo at mga pansirang damo. Ipatugma sa mga miyembro ng pamilya ang mga tao, bagay, at kilos sa talinghaga sa kahulugan ng mga ito. Maaari ninyong naising basahin ang Mateo 13:24–30, 36–43 at Doktrina at mga Tipan 86:1–7 habang pinangangasiwaan ninyo ang talakayang ito.