2010
Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan
Mayo 2010


Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan

Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Elder D. Todd Christofferson

Noong Oktubre 6, sa taong 1536, isang kaawa-awang lalaki ang inilabas mula sa isang bartolina sa Vilvorde Castle malapit sa Brussels, Belgium. Halos isa’t kalahating taon na nag-isa ang lalaki sa madilim at mapanglaw na selda. Ngayong nasa labas na ng pader ng kastilyo, ang bilanggo ay itinali sa isang poste. Nabigkas pa niya nang malakas ang huling dasal niya, “Panginoon! buksan po Ninyo ang mga mata ng hari ng England,” at pagkatapos siya ay ibinigti. Kaagad na sinunog ang kanyang katawan. Sino ang lalaking ito, at ano ang kasalanan niya para parusahan siya kapwa ng mga pulitiko at mga awtoridad ng simbahan? Ang pangalan niya ay William Tyndale, at ang krimeng nagawa niya ay ang pagsalin at paglathala ng Biblia sa wikang Ingles.

Si Tyndale, na isinilang sa England noong panahong naglakbay si Columbus papunta sa bagong daigdig, ay nag-aral sa Oxford at Cambridge at naging pari sa simbahang Katoliko. Marunong siyang magsalita sa walong wika, kabilang na ang Griyego, Hebreo, at Latin. Si Tyndale ay debotong estudyante ng Biblia, at ang laganap na kamangmangan sa mga banal na kasulatan na nakita niya sa mga pari at ordinaryong tao ay labis na bumagabag sa kanya. Sa mainitang pakikipagtalo sa isang paring tutol sa paglalagay ng banal na kasulatan sa mga kamay ng karaniwang tao, sumumpa si Tyndale na, “Kung pahahabain pa ng Diyos ang aking buhay, tutulungan ko ang batang nag-aararo na mas marami pang malaman sa mga Banal ng Kasulatan kaysa sa iyo!”

Hiningi niya ang pahintulot ng mga awtoridad ng simbahan na ihanda ang pagsasalin ng Biblia sa Ingles upang lahat ay makapagbasa at maipamuhay ang salita ng Diyos. Ipinagkait ito—dahil sa pananaw noon na ang pagkakaroon ng mga banal na kasulatan ng sinuman bukod sa pari ay banta sa awtoridad ng simbahan at nangangahulugan ng paghagis ng “mga perlas sa harap ng mga baboy” (Mateo 7:6).

Gayunman itinuloy ni Tyndale ang malaking gawain ng pagsasalin. Noong 1524, naglakbay siya sa Germany, gamit ang ibang pangalan, kung saan matagal siyang namuhay nang patago dahil sa banta ng pag-aresto. Sa tulong ng matatapat na kaibigan, nailathala ni Tyndale ang salin sa Ingles ng Bagong Tipan at kalaunan ng Lumang Tipan. Ang mga Biblia ay ipinuslit papuntang England, kung saan marami ang naghangad na magkaroon nito at labis na pinahalagahan ng mga nakakuha nito. Marami ang nagkaroon ng kopya ngunit palihim. Sinunog ng mga awtoridad ang lahat ng kopyang matagpuan nila. Gayunman, sa loob ng tatlong taon pagkamatay ni Tyndale, binuksan nga ng Diyos ang mga mata ni King Henry VIII, at sa pagkalathala ng tinatawag noon na “Dakilang Biblia,” ang mga banal na kasulatan sa Ingles ay nabibili na ng publiko. Ang gawa ni Tyndale ang naging pundasyon ng halos lahat ng sumunod na mga salin sa Ingles ng Biblia, lalo na ang King James Version.1

Si William Tyndale ay hindi ang una, ni ang huli, sa mga taong mula sa maraming bansa at wika na nagsakripisyo, maging hanggang kamatayan, upang ilabas ang salita ng Diyos mula sa kadiliman. Malaki ang utang-na-loob natin sa kanilang lahat. Siguro mas malaki ang utang-na-loob natin sa matatapat na nagtala at nagpreserba ng salita sa paglipas ng panahon, kadalasang may kaakibat na malaking pagpapagal at sakripisyo—sina Moises, Isaias, Abraham, Juan, Pablo, Nephi, Mormon, Joseph Smith, at marami pang iba. Ano ang nalaman nila tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan na kailangan din nating malaman? Ang mga tao noon sa ika-16 na siglo sa England, na nagbayad ng malalaking halaga at nanganib ang mga buhay sa pagkakaroon ng Bible, ano ang naunawaan nila na dapat din nating maunawaan?

Di katagalan bago siya namatay, ipinagkatiwala ng propetang si Alma ang mga sagradong talaan ng mga tao sa kanyang anak na si Helaman. Ipinaalala niya kay Helaman na ang mga banal na kasulatan ay “pinalawak … ang kaalaman ng mga taong ito, oo, at napaniwala ang marami sa kamalian ng kanilang mga gawain, at sila’y dinala sa kaalaman ng kanilang Diyos tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa” (Alma 37:8). Inutusan niya si Helaman na ingatan ang mga talaan upang sa pamamagitan ng mga ito ay “maipakita [ng Diyos] ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi” (Alma 37:14).

Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, tunay na “ipinapakita [ng Diyos] ang kanyang kapangyarihan” na iligtas at dakilain ang Kanyang mga anak. Sa Kanyang salita, gaya ng sabi ni Alma, pinalalawak Niya ang ating kaalaman, binibigyang-liwanag ang kamalian, at inaakay tayo sa pagsisisi at kagalakan kay Jesucristo na ating Manunubos.

Pinalalawak ng mga Banal na Kasulatan ang Ating Kaalaman

Pinalalawak ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman sa pagtulong sa atin tuwina na alalahanin ang Panginoon at ang ating kaugnayan sa Kanya at sa Ama. Ipinaaalala nito sa atin ang alam natin noon sa ating buhay bago ang buhay rito sa lupa. At pinalalawak niyan ang ating kaalaman sa iba pang bagay sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin tungkol sa mga panahon, mga tao, at pangyayari na hindi natin personal na naranasan. Wala ni isa sa atin ang naroon para makita ang paghawi sa Dagat na Mapula at pagtawid kasama ni Moises sa pagitan ng mga haligi ng tubig. Wala tayo roon para marinig ang Sermon sa Bundok, makita ang pagbangon ni Lazaro mula sa patay, makita ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus, at hindi natin narinig kasama si Maria ang pagpapatotoo ng dalawang anghel doon sa walang laman na libingan na nagbangon si Jesus mula sa mga patay. Ikaw at ako ay hindi lumapit na kasama ng maraming tao sa lupaing Masagana nang mag-anyaya ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na damhin ang mga bakas ng pako at hugasan ang Kanyang mga paa ng ating mga luha. Hindi tayo kasamang lumuhod ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan at namasdan doon ang Ama at ang Anak. Ngunit alam natin ang lahat ng bagay na ito at maraming-marami pang iba dahil nasa atin ang talaan ng mga banal na kasulatan na nagpapalawak ng ating kaalaman, na nagtuturo sa atin ng hindi natin alam. At kapag ang mga bagay na ito ay pumasok sa ating mga isipan at puso, magkakaugat ang ating pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Pinalalawak din ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman sa pagtulong sa atin na hindi malimutan ang natutuhan natin at ng mga naunang henerasyon. Ang mga taong wala o nagbabale-wala sa nakatalang salita ng Diyos ay tumitigil na maniwala sa Kanya kalaunan at nalilimutan ang layunin ng kanilang pag-iral. Maaalala ninyo kung gaano kahalaga sa mga tao ni Lehi na madala ang laminang tanso sa paglisan nila sa Jerusalem. Ang mga banal na kasulatang ito ang susi sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at sa darating na Pagtubos ni Cristo. Ang isa pang grupong “nagmula sa Jerusalem” kasunod ni Lehi ay walang dalang mga banal na kasulatan, at nang makita sila ng mga inapo ni Lehi makalipas ang mga 300 o 400 taon, naitala na “ang kanilang wika ay naging marumi; … at itinatwa nila ang pagkatao ng kanilang Lumikha” (Omni 1:15, 17).

Noong panahon ni Tyndale, ang kamangmangan sa mga banal na kasulatan ay laganap dahil walang mabasang Biblia ang mga tao, lalo na sa wikang mauunawaan nila. Ngayon ang Biblia at iba pang banal na kasulatan ay nariyan lang, pero dumarami pa rin ang walang alam sa banal na kasulatan dahil hindi binubuklat ng mga tao ang mga aklat. Dahil dito, nalimutan nila ang mga bagay na alam ng kanilang mga lolo’t lola.

Ang mga Banal na Kasulatan ay Sukatan para Makilala ang Totoo at Mali

Ginagamit ng Diyos ang banal na kasulatan para iwasto ang maling kaisipan, mga maling tradisyon, at kasalanan at mga pinsalang dulot nito. Siya ay mapagmahal na magulang na magliligtas sa atin sa walang-saysay na pagdurusa at pighati at kasabay nito ay tutulungan tayong makamit ang ating banal na potensiyal. Ang mga banal na kasulatan, halimbawa, ay pinabubulaanan ang pilosopiya noong sinauna na nasa panahon na natin ngayon—ang pilosopiya ni Korihor na walang tiyak na mga pamantayan ng kagandahang-asal, na “bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at ang bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang ano mang [gawin] ng tao ay hindi pagkakasala” at “kapag ang isang tao [ay] patay na, iyon na [ang] katapusan niyon” (Alma 30:17–18). Si Alma, na humarap kay Korihor, ay hindi iniwan ang kanyang sariling anak na si Corianton na nag-aalinlangan tungkol sa katunayan at nilalaman ng banal na batas ng kagandahang-asal. Si Corianton ay nakagawa ng kasalanang seksuwal, at kinausap siya ng kanyang ama nang may pagmamahal ngunit tahasan: “Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon; oo, pinaka-karumal-dumal sa lahat ng kasalanan maliban sa pagpapadanak ng dugo ng walang malay o sa pagtatatwa sa Espiritu Santo?” (Alma 39:5).

Kabaligtaran ng iniisip ng mga tao isang siglo na ang nakararaan, marami ngayon ang makikipagtalo kay Alma tungkol sa kabigatan ng kasalanan ng imoralidad. Sasabihin ng iba na depende ito sa tao o tutulutan ito ng Diyos dahil mahal Niya tayo. Kung mayroong Diyos, sabi nila, binibigyang-katwiran Niya ang lahat ng kasalanan at pagkakamali dahil sa pagmamahal Niya sa atin—hindi na kailangang magsisi. O kaya naman, ang simpleng pagtatapat ay sapat na. Ang nasa isip nila ay isang Jesus na nagnanais na ipaglaban ng mga tao ang kanilang karapatan sa lipunan, ngunit walang hinihingi sa kanilang personal na buhay at pag-uugali.2 Ngunit ang isang Diyos ng pag-ibig ay hindi tayo tinutulutang matuto sa pamamagitan ng malungkot na karanasan na ang “kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10; tingnan din sa Helaman 13:38). Ang Kanyang mga utos ay tinig ng katotohanan at ating proteksiyon laban sa pagdurusa na tayo mismo ang may gawa. Ang mga banal na kasulatan ay batong urian sa pagsukat ng katumpakan at katotohanan, at nilinaw ng mga ito na ang tunay na kaligayahan ay hindi batay sa pagtatatwa sa kahatulan ng Diyos o sa pagtatangkang baligtarin ang mga bunga ng kasalanan, kundi nasa pagsisisi at kapatawaran sa pamamagitan ng biyaya ng pagbabayad-sala ng Anak ng Diyos (tingnan sa Alma 42).

Ang banal na kasulatan ay nagtuturo sa atin ng mga alituntunin at kagandahang-asal na mahalaga upang mapanatiling maayos ang lipunan, gayundin ng integridad, pananagutan, pagiging di-makasarili, katapatan, at pag-ibig sa kapwa. Sa banal na kasulatan, nakikita natin nang malinaw ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa tunay na mga alituntunin, gayundin ang mga trahedyang dinaranas kapag ipinagwalang-bahala ito ng mga tao at sibilisasyon. Kung saan binabale-wala o tinatalikuran ang mga katotohanan ng banal na kasulatan, ang mahalagang pundasyon ng lipunan ay nasisira at nabubulok. Darating ang panahon na wala nang magtataguyod sa mga institusyong nagtataguyod sa lipunan.

Inilalapit Tayo ng mga Banal na Kasulatan kay Cristo, na Ating Manunubos

Sa huli, ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo—pananampalataya na Sila ay buhay; pananampalataya sa plano ng Ama para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan; pananampalataya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagsakatuparan sa planong ito ng kaligayahan; pananampalatayang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at pananampalatayang makilala “ang iisang Dios na tunay, at siyang [Kanyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3).

Ang salita ng Diyos, gaya ng sabi ni Alma, ay tulad ng binhing itinanim sa ating puso na nagbubunga ng pananampalataya kapag nagsimula na itong umusbong sa atin (tingnan sa Alma 32:27–43; tingnan din sa Mga Taga Roma 10:13–17). Ang pananampalataya ay hindi makakamit sa pag-aaral lamang ng sinaunang mga teksto. Hindi ito makakamit sa mga nahukay at natuklasan ng mga arkeologo. Hindi ito nagmumula sa mga eksperimento ng siyensiya. Ni hindi ito magmumula sa pagkasaksi sa mga himala. Maaaring pagtibayin ng mga ito ang pananampalataya, o kaya’y magsilbing hamon dito, ngunit hindi ito lumilikha ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay nakakamtan sa pagsaksi ng Banal na Espiritu sa ating mga kaluluwa, nang Espiritu sa espiritu, habang naririnig o binabasa natin ang salita ng Diyos. At lumalalim ang pananampalataya kapag patuloy tayong nagpapakabusog sa salita.

Ang mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa pananampalataya ng iba ay nakapagpapalakas sa ating pananampalataya. Alalahanin ang pananampalataya ng isang senturion na nagbigay-daan upang mapagaling ni Cristo ang kanyang alila kahit hindi pa ito nakita (tingnan sa Mateo 8:5–13), at ang paggaling ng anak ng babaing Gentil dahil tatanggapin ng mapagpakumbabang inang iyon, maging ang mga mumo mula sa dulang ng Panginoon (tingnan sa Mateo 15:22–28; Marcos 7:25–30). Naririnig natin ang pagsamo ng nahihirapang si Job: “Bagaman ako’y patayin niya, akin ding hihintayin siya” (Job 13:15)—at inihayag, “Talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan: … [at] gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman” (Job 19:25–26). Narinig at lumakas ang loob natin sa determinasyon ng batang propeta, na kinamuhian at inusig ng napakaraming matatanda: “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

Dahil ipinapaliwanag ng mga ito ang doktrina ni Cristo, ang mga banal na kasulatan ay sinasamahan ng Banal na Espiritu na ang tungkulin ay magbigay-patotoo tungkol sa Ama at sa Anak (tingnan sa 3 Nephi 11:32). Samakatuwid, ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay isang paraan para matanggap natin ang Espiritu Santo. Siyempre pa, ang banal na kasulatan ay ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa II Ni Pedro 1:21; D at T 20:26–27; 68:4), at mapatutunayan ng Espiritu ding iyan ang katotohanan nito sa inyo at sa akin. Maingat at masusing pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Pagnilayan at ipanalangin ang mga ito. Ang mga banal na kasulatan ay paghahayag, at magdudulot ang mga ito ng dagdag na paghahayag.

Pag-isipan ang dami ng ating biyaya sa pagkakaroon ng Banal na Biblia at mga 900 karagdagang mga pahina ng banal na kasulatan, kabilang ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. Pagkatapos ay pag-isipan na, bukod dito, ang mga salitang binigkas ng mga propeta kapag sila ay nainspirasyunan ng Espiritu Santo sa mga pagkakataong tulad nito, na tinatawag ng Panginoon na banal na kasulatan (tingnan sa D at T 68:2–4), ay halos napapasaatin palagi sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, Internet, satellite, CD, DVD, at magasin. Sa palagay ko ayon sa kasaysayan hindi kailanman nabiyayaan nang gayon karaming banal na kasulatan ang mga tao. At hindi lang iyan, bawat lalaki, babae, at bata ay maaaring magmay-ari at pag-aralan ang kanyang sariling kopya ng mga sagradong tekstong ito, karamihan sa sarili nilang wika. Marahil napakapambihira nito sa mga tao noong panahon ni William Tyndale at sa mga Banal ng mga naunang dispensasyon! Tiyak na kaakibat ng pagpapalang ito ay sinasabi sa atin ng Panginoon na ang palagiang pagbaling sa mga banal na kasulatan ay higit na kailangan ngayon. Nawa’y patuloy tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo na magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:3). Napag-aralan at napagnilay ko na ang mga banal na kasulatan, at sa panahong ito ng Paskua, nagpapatotoo ako sa inyo tungkol sa Ama at sa Anak ayon sa pagkahayag sa Kanila sa mga banal na kasulatan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Ang sumusunod na mga sanggunian ay pinagkunan ng impormasyon tungkol kay William Tyndale: David Daniell, The Bible in English (2003), 140–57; Lenet Hadley Read, How We Got the Bible (1985), 67–74; S. Michael Wilcox, Fire in the Bones: William Tyndale—Martyr, Father of the English Bible (2004); John Foxe, The New Foxe’s Book of Martyrs (1997), 121–33; “William Tyndale,” http://en.wikipedia.org/wiki/William_Tyndale; nakuha Pebrero 28, 2010, Bible Dictionary, “Bible, English.”

  2. Tingnan sa interbyu ni Richard Neitzel Holzapfel sa Michael De Groote, “Questioning the Alternative Jesus,” Deseret News, Nob. 26, 2009, M5.