2010
Kapag Inutos ng Panginoon
Mayo 2010


Kapag Inutos ng Panginoon

Ang tapat na pagsunod, gaano man kahirap ang atas, ay magdudulot ng patnubay, tulong at kapayapaan ng Panginoon.

Elder Bruce A. Carlson

May kuwento tungkol sa dalawang taong mahilig mamasyal na umupa ng maliit na eroplano para madala sila sa isang liblib na lawa para sa taunan nilang pangingisda. Pagkatapos nilang makahuli ng maraming isda, nagbalik ang piloto para sunduin sila. Gayunman, agad niyang ipinaalam sa dalawa na hindi kaya ng maliit niyang eroplano na isakay silang lahat, ang kanilang kagamitan at ang dagdag na bigat ng mga isdang nahuli nila. Isa pang biyahe ng eroplano ang kailangan.

Ngayon, ayaw nang magbayad ng mga nangisda para sa pangalawang biyahe. Kaya matapos mangakong pagkakasyahin ang dala-dala nila at magbibigay ng kaunting bonus, atubiling pumayag ang piloto na subukang paliparin ang eroplano.

Nakangising nagtinginan ang dalawang ito nang piliting paliparin ng piloto ang eroplano. Gayunman, ilang sandali lang ay tumigil ang eroplano at bumagsak sa isang malaki at patag na latian sa dulo ng lawa.

Tumigil ang eroplano habang lumilipad ito dahil sa isang penomenang tinatawag na “ground effect.” Ang ‘ground effect’ ay lumilikha ng dagdag na angat sa eroplano kapag natipon ang hangin sa pagitan ng mga pakpak nito at ng lupa—kapag magkalapit ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, habang umaangat pataas ang eroplano palayo sa ‘ground effect’ kailangan nitong umasa sa sarili nitong kakayahan at lakas sa paglipad, na hindi talaga nito kaya.

Mabuti na lang walang malubhang nasaktan, at matapos silang mahimasmasan, tinanong ng isang ang kasama niya, “Ano ang nangyari?” Sumagot ito, “Pagkatapos nating mag-take off, bumagsak tayo—mga isandaang yarda (91 m) mula sa pinagbagsakan natin noong isang taon!”

Gaya ng dalawang mahilig sa isports na ito, paminsan-minsan ay naniniwala tayo na may mas madaling paraan, isang mabilis na paraan o bahagya nating mababago ang mga kautusan ng Panginoon upang maiangkop ito sa kani-kanya nating sitwasyon. Hindi kinikilala ng mga kaisipang tulad nito na ang mahigpit na pagsunod sa mga batas ng Diyos ay nagdudulot ng Kanyang mga pagpapala at ang kabiguang sundin ang Kanyang mga batas ay humahantong sa di-inaasahang mga bunga.

Noong italaga siya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Harold B. Lee, “Ang kaligtasan ng Simbahan ay nasa mga miyembrong sumusunod sa mga kautusan… . Kapag sinunod nila ang mga kautusan, darating ang mga pagpapala.”1

Kapag pinili nating hindi sundin ang isang utos, ito ay karaniwang sa kadahilanang (1) nakumbinsi na natin ang ating mga sarili na ang utos ay hindi angkop sa atin; (2) hindi tayo naniniwala na mahalaga ito; o (3) nakakatiyak tayo na napakahirap nitong sundin.

1. Ang Utos na Ito ay Hindi Angkop sa Akin

Nang patapos na ang panunungkulan ni Haring Salomon, ipinaalam sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta, “Aking aagawin ang kaharian sa iyo, at aking ibibigay sa iyong lingkod.”2

Di kalaunan pagkatapos niyon, tinukoy ng propetang si Ahias na ang lingkod na iyon ay si Jeroboam, isang “masipag” na binatang pinagkatiwalaan ni Salomon ng “lahat na gawain ng sangbahayan ni Joseph.”3 Dahil sa mga tungkulin ni Jeroboam, kinailangan niyang maglakbay mula sa mga kabundukan ng Ephraim, kung saan siya nakatira, papunta sa kabisera ng Jerusalem. Sa isa sa mga paglalakbay na iyon, nasalubong siya ni Ahias sa daan. Sa pamamagitan ni Ahias, sinabi ng Panginoon, “Ibibigay ko ang sangpung lipi sa iyo.”4 Tinagubilinan din niya si Jeroboam, “Kung [ikaw ay] … lalakad sa aking mga daan, … upang tuparin ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, … ako’y sasa iyo, … at ibibigay ko sa iyo ang Israel.”5

Matapos marinig ang propesiya ni Ahias, hinangad ni Salomon na patayin si Jeroboam kaya tumakas si Jeroboam papunta sa Egipto.6 Nang mamatay si Salomon nagbalik si Jeroboam sa hilagang bahagi ng Israel at nagsimulang pamunuan ang sampung lipi sa hilaga.7

Gayunman, ang plano ni Jeroboam na mamuno sa kaharian ay may kasamang kabutihan at kasamaan. Ginawa niyang kabisera ng bayan ang Sichem, isang lungsod na mahalaga sa relihiyon ng kanyang mga tao. Pero ang nakakalungkot, pinasimulan niya ang mga ritwal sa pagsamba sa diyablo.8

Kinumbinsi ni Jeroboam ang kanyang sarili na hindi angkop sa kanya ang ilang utos ng Diyos. Dahil sa kanyang mga ginawa, lahat ng kanyang inapo ay pinatay, at dahil sa mga gawain ng pagano na kanyang pinasimulan sa kanilang mga sagradong ordenansa, ang sampung lipi ni Israel ay itinaboy mula sa kanilang lupang pamana.9

Tulad ng kapahamakang dulot ng ‘ground effect’ sa paglipad ng isang eroplanong may mabigat na karga na di kayang suportahan ng mga pakpak nito, ang ating bahagya o piling pagsunod sa mga batas ng Diyos ay hindi magdudulot ng lubos na mga pagpapala ng pagsunod.

2. Ang Utos na Ito ay Hindi Mahalaga

Makaraan ang ilang dekada, naglakbay si Naaman, isang taga-Siria na bayani ng digmaan, isang “malakas na lalake na may tapang”10 mula sa kanyang bayang sinilangan patungo sa Israel at nilapitan ang haring si Joram, para mapagaling ang ketong.11

Itinuro si Naaman sa propetang si Eliseo. “At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, Yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, … at ikaw ay magiging malinis.”12

Sa kabila ng pangakong ito ng propeta na gagaling siya, nasaktan si Naaman nang hindi siya personal na salubungin ni Eliseo at mas nainsulto pa sa utos ng propeta na maghugas siya nang pitong beses sa maliit at maputik na Ilog Jordan. Dahil sa kanyang kapalaluan inisip niyang ang kailangan niyang gawin ay higit pa kaysa rito, isang bagay na kakaiba at malaki, na tugma sa kanyang katayuan at kalagayan sa lipunan at bansa.

Mabuti na lang at nakumbinsi si Naaman ng kanyang mga lingkod na anuman ang ipagawa sa kanya ng propeta, kapag sinunod niya, ay magdudulot ng mga pagpapala ng Panginoon. Hinugasan ni Naaman ang kanyang sarili sa Ilog Jordan tulad ng iniutos at, bunga ng kanyang pagsunod, ay gumaling sa kanyang ketong.13

Ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon, gaano man kaliit o walang halaga ito sa paniniwala natin, ay tiyak na magdudulot ng mga pagpapalang ipinangako Niya.

3. Ang Utos na Ito ay Napakahirap

Matapos mag-utos ang Panginoon, dinala ng propetang si Lehi ang kanyang pamilya sa ilang. Sa unang ilang araw ng paglalakbay, tinagubilinan ni Lehi ang kanyang anak na si Lemuel na maging “matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon!”14

Gayunman, nang iutos ng propeta na bumalik sa Jerusalem at kunin ang mga laminang tanso na naglalaman ng “talaan ng mga Judio,”15 nagrebelde ang dalawang nakatatandang anak, na nagsabing “[Ito ay] isang mahirap na bagay.”16

Sa kabila ng pagrereklamo ng nakatatanda niyang mga kapatid, nakuha pa rin ang mga laminang tanso dahil sa pananampalataya at pagsunod ni Nephi sa mga utos ng Panginoon. Nabuo ang isang bansa, naipreserba ang isang wika, at naituro ang ebanghelyo ni Jesucristo para sa darating na mga henerasyon.

Kung minsan maaari nating ikatwiran na mauunawaan ng Panginoon ang ating pagsuway dahil mahirap, nakakahiya o mabigat para sa ating naiibang sitwasyon na sundin ang Kanyang mga batas. Gayunman, ang tapat na pagsunod, gaano man kahirap ang atas, ay magdudulot ng patnubay, tulong at kapayapaan ng Panginoon.

Dalawang beses nakiusap si Propetang Joseph Smith sa Panginoon kung maaaring dalhin ng isang bantog na kaibigan, si Martin Harris, ang unang 116 na sulat-kamay na mga pahina ng mga naisalin mula sa aklat ni Lehi mula sa Harmony, Pennsylvania, pabalik sa Palmyra. Sa bawat pakiusap na ito, pinayuhan ng Panginoon si Joseph na huwag ipagkatiwala ang manuskrito kay G. Harris.

Hangad ni Martin na gamiting katibayan ang isinaling materyal para patigilin ang mga kasamahan niya sa pagkakalat ng tsismis tungkol sa pakikipagkaibigan niya kay Joseph Smith. Sa pangatlong pagkakataon ipinagkaloob ng Panginoon ang pakiusap ni Joseph.17

Nawala ni Martin ang manuskrito, at dahil dito ay binawi ang mga lamina kay Propetang Joseph Smith at matagal bago naibalik sa kanya. Ito ay isang mapait na aral para kay Propetang Joseph, na nagsabing, “Ginawa ko itong panuntunan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito.18 Ito ang dapat at maaari din nating maging panuntunan.

Tiyak ang tugon ng Panginoon kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos. Ipinangako Niya sa atin, “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”19

Dagdag pa rito, ipinayo Niya sa atin, “Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.”20

Ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay nagbibigay sa atin ng tiwala sa ating piniling landas, nagpapamarapat sa atin sa Kanyang patnubay at pagsubaybay sa ating mga pagsisikap, at binibigyan tayo ng potensyal na maging katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at makabalik sa piling ng ating Ama.

Dalangin ko na bawat araw ay magsikap tayong maging mas masunurin sa mga batas, ordenansa at utos ng ebanghelyo ni Jesucristo upang mas lubos Niyang mapagpala ang ating mga buhay.

Pinatototohanan ko na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagdudulot ng mga pagpapala ng langit; na ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay; na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos; at na si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon para sa ating panahon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Harold B. Lee, binanggit sa Stephen W. Gibson, “Presidency Meets the Press,” Church News, Hulyo 15, 1972, 3.

  2. 1 Mga Hari 11:11.

  3. 1 Mga Hari 11:28.

  4. 1 Mga Hari 11:31.

  5. 1 Mga Hari 11:38.

  6. Tingnan sa I Mga Hari 11:40.

  7. Tingnan sa I Mga Hari 12:2–3, 20.

  8. Tingnan sa I Mga Hari 12:25–30.

  9. Tingnan sa I Mga Hari 14:10, 15–16.

  10. 2 Mga Hari 5:1.

  11. Tingnan sa II Kings 5:5–6.

  12. 2 Mga Hari 5:10.

  13. Tingnan sa II Kings 5:11–14.

  14. 1 Nephi 2:10.

  15. 1 Nephi 3:3.

  16. 1 Nephi 3:5.

  17. Tingnan sa History of the Church, 1:20–21; Doktrina at mga Tipan 3; 10.

  18. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 185.

  19. Doktrina at mga Tipan 14:7.

  20. Doktrina at mga Tipan 76:5; idinagdag ang pagbibigay-diin.