2010
Kayo ang Aking mga Kamay
Mayo 2010


“Kayo ang Aking mga Kamay”

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, na ating Guro, tinawag tayo para tumulong at magpagaling sa halip na manghusga.

President Dieter F. Uchtdorf

May isang kuwentong nagsabi na nang bombahin ang isang lungsod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nasira nang husto ang isang malaking estatwa ni Jesucristo. Nang matagpuan ng mga tao ang estatwa sa mga guho, nalungkot sila dahil pinakamahalagang simbolo ito ng kanilang pananampalataya at presensya ng Diyos sa mga buhay nila.

Nabuong muli ng mga eksperto ang halos buong estatwa, pero sirang-sira na ang mga kamay nito kaya hindi na ito maibalik. Iminungkahi ng ilan na umupa sila ng iskultor na gagawa ng bagong mga kamay, pero gusto ng iba na hayaan na lang ito—isang permanenteng alaala ng trahedya ng digmaan. Sa huli, nanatiling walang mga kamay ang estatwa. Gayunpaman, idinagdag ng mga mamamayan ng lungsod sa patungan ng estatwa ang mga salitang ito: “Kayo ang aking mga kamay.”

Tayo ang mga Kamay ni Cristo

May mahalagang aral sa kuwentong ito. Kapag iniisip ko ang Tagapagligtas, madalas ko Siyang ilarawan sa aking isipan na nakalahad ang mga kamay, nakaunat para umaliw, magpagaling, magbasbas, at magmahal. At lagi Niyang kinakausap, hindi hinahamak, ang mga tao. Mahal Niya ang mga mapagkumbaba at maaamo at Siya ay nakihalubilo, nagministeryo, at nagbigay ng pag-asa at kaligtasan sa kanila.

Iyan ang ginawa Niya noong Siya ay nabubuhay; ito ang gagawin Niya kung kapiling natin Siya ngayon; at ito dapat ang ginagawa natin bilang Kanyang mga disipulo at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa magandang umagang ito ng Paskua, nakatuon ang ating puso’t isipan sa Kanya—ang Pag-asa ng Israel at Ilaw ng Sanlibutan.

Kapag tinularan natin ang Kanyang perpektong halimbawa, ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso.

Ang Ating mga Kamay ay Maaaring Yumakap

Labis akong humahanga sa paglilingkod ng mga miyembro ng ating Simbahan sa iba. Kapag naririnig namin ang inyong lubos na sakripisyo at nag-uumapaw na habag, napupuspos ng pasasalamat at saya ang aming puso. Kayo ay maniningning na ilaw sa sanlibutan, at kilala kayo sa inyong kabutihan at pagiging mahabagin sa lahat ng dako ng mundo.

Ang malungkot, naririnig din natin paminsan-minsan na may mga miyembro ng Simbahan na pinanghihinaan ng loob at tumitigil sa pagsisimba at paglahok sa mga pulong natin sa Simbahan dahil iniisip nila na hindi sila nababagay rito.

Noong bata pa ako, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nawasak at gumuho ang Germany. Maraming tao ang gutom, maysakit, at naghihingalo. Tandang-tanda ko pa ang mga pangkawanggawang kargamento ng pagkain na nagmula sa Simbahan sa Salt Lake City. Hanggang sa araw na ito, naaalala ko pa ang amoy ng mga damit, at nalalasahan ko pa ang tamis ng de-latang peaches.

May ilang sumapi sa Simbahan dahil sa mga natatanggap nilang bagay noong panahong iyon. Hinamak ng ilang miyembro ang mga bagong miyembrong ito. Binansagan pa nila ang mga ito ng masakit na salitang: Büchsen Mormonen, o “Mga Mormon na Mahilig sa Pagkaing De-Lata.” Kinainisan nila ang mga bagong miyembrong ito dahil naniwala sila na kapag natugunan na ang kanilang mga temporal na pangangailangan, mag-aapostasiya na sila.

Kahit talagang nagsialis ang ilan, maraming nanatili—nagsimba sila, tinikman ang tamis ng ebanghelyo, at nakadama ng magiliw na yakap ng mapagmalasakit na mga kapatid. Nakatuklas sila ng “tahanan.” At ngayon, makalipas ang tatlo at apat na henerasyon, maraming pamilyang nakatutunton na naging miyembro sila ng Simbahan dahil sa mga miyembrong ito.

Umaasa ako na tatanggapin at mamahalin natin ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang na ang mga yaong ang pananamit, anyo, pagsasalita, o paggawa ay iba sa atin. Hindi magandang iparamdam sa iba na sila ay may kakulangan. Pasiglahin natin ang mga yaong nasa paligid natin. Malugod natin silang tanggapin. Ipadama natin sa ating mga kapatid sa Simbahan ang matinding kabaitan, habag, at pag-ibig nang sa gayon ay madama nila, sa wakas, na natagpuan na nila ang kanilang tahanan.

Kapag natutukso tayong manghusga, isipin natin ang Tagapagligtas, na “sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya… .

[At] sinasabi niya: Magsilapit sa akin lahat kayong nasa mga dulo ng mundo … [dahil], lahat ng tao ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan.”1

Nang mabasa ko ang mga banal na kasulatan, tila ang madalas mapagsabihan nang husto ng Tagapagligtas ay yaong mga mapagmataas dahil sa kanilang kayamanan, impluwensya, o pag-aakalang matwid sila.

Minsan itinuro ng Tagapagligtas ang talinghaga tungkol sa dalawang lalaking nagtungo sa templo upang manalangin. Nagdasal ang isang lalaki, na isang respetadong Fariseo: “Dios, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito. Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan.”

Ang isa naman, na isang kinamumuhiang publikano, ay nakatayo “sa malayo, [at] ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.”

At sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaring-ganap kay sa isa.”2

Ang totoo, tayong “lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”3 Kailangan nating lahat ng awa. Sa huling araw na iyon kapag tinawag tayo sa hukuman ng Diyos, hindi ba natin inaasam na mapatawad ang marami nating kakulangan? Hindi ba tayo nasasabik na mayakap ng Tagapagligtas?

Nararapat at tama lamang na ibigay natin sa iba ang gustung-gusto natin para sa ating sarili.

Hindi ko sinasabing tanggapin natin ang kasalanan o huwag pansinin ang kasamaan, sa sarili nating buhay o sa mundo. Gayunpaman, sa ating kasigasigan, kung minsan ay nagagalit tayo sa nagkasala sa halip na sa kasalanan, at napakabilis nating humatol at kakatiting ang ating habag. Alam natin mula sa makabagong paghahayag na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”4 Hindi natin kayang sukatin ang halaga ng isang kaluluwa na katulad ng hindi natin kayang sukatin ang lawak ng sansinukob. Bawat taong makilala natin ay napakahalaga sa ating Ama sa Langit. Kapag naunawaan natin iyan, mauunawaan natin kung paano natin dapat pakitunguhan ang ating kapwa.

Isang babae na nagdanas ng maraming taon ng pagsubok at kalungkutan ang lumuluhang nagsabi, “Napagtanto ko na para akong isang lumang 20-dollar bill—lukot, punit, marumi, gamit na gamit, at may pilas. Pero 20-dollar bill pa rin ako. May halaga ako. Kahit hindi ako mukhang gayon kahalaga, at kahit ako lukot at gamit na, buong 20 dollars pa rin ang halaga ko.”

Ang Ating mga Kamay ay Makakaaliw

Habang iniisip natin ito, mahabag tayo sa iba at iunat natin ang ating mga kamay sa kanila, dahil lahat ay tumatahak sa kani-kanyang mahirap na landas. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, na ating Panginoon, tinawag tayo para tumulong at magpagaling sa halip na manghusga. Inutusan tayong “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”5

Hindi natin dapat isipin na mga Kristiyano na yaong mga nagdurusa ay nararapat lamang na magdusa. Ang Paskua ay isang magandang araw upang alalahanin na kusang inako ng ating Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang pasakit at karamdaman at pagdurusa nating lahat—maging yaong mga tila nararapat na magdusa sa atin.6

Sa aklat ng Mga Kawikaan mababasa natin na “ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.”7 Magmahal tayo sa lahat ng panahon. At tulungan natin lalo na ang ating mga kapatid sa mga panahon ng paghihirap.

Ang Ating mga Kamay ay Makapaglilingkod

May kuwento sa isang lumang alamat ng mga Judio tungkol sa magkapatid na Abram at Zimri, na nagmamay-ari ng isang bukirin at magkasama nilang nililinang ito. Nagkasundo silang hatiin nang pantay ang trabaho at ani. Isang gabi nang matapos na ang anihan, hindi makatulog si Zimri, dahil tila hindi tama na si Abram, na may asawa at pitong anak na pinakakain, ay kalahati lang ng ani ang dapat matanggap, samantalang siya, na sarili lang ang tinutustusan, ay sobra-sobra ang natatanggap.

Kaya nagbihis si Zimri at tahimik na nagtungo sa bukid, kung saan kinuha niya ang ikatlong bahagi ng kanyang ani at inilagay sa bunton ng ani ng kanyang kapatid. Pagkatapos ay bumalik siya sa higaan, na nasisiyahan na ginawa niya ang tama.

Samantala, hindi rin makatulog si Abram. Naisip niya ang kawawa niyang kapatid na si Zimri, na nag-iisa at walang mga anak na tutulong sa kanyang magtrabaho. Tila hindi tama na si Zimri, na napakasipag magtrabahong mag-isa, ay kalahati lang ng ani ang dapat matanggap. Tiyak na hindi ito kalugud-lugod sa Diyos. Kaya tahimik na nagtungo si Abram sa bukid, kung saan kinuha niya ang ikatlong bahagi ng ani niya at inilagay sa bunton ng ani ng kanyang mahal na kapatid.

Kinabukasan, nagpunta ang magkapatid sa bukid at kapwa sila nagulat na makitang pareho pa rin ang taas ng mga bunton ng ani. Nang gabing iyon kapwa umalis ng bahay ang magkapatid para ulitin ang ginawa nila noong nakaraang gabi. Ngunit sa pagkakataong ito nahuli nila ang isa’t isa, at nang mangyari ito, nag-iyakan sila at nagyakap. Walang makapagsalita, dahil ang kanilang puso ay napuspos ng pagmamahal at pasasalamat.8

Ito ang diwa ng pagiging mahabagin: na mahalin natin ang iba na tulad ng ating sarili,9 hangarin ang kanilang kaligayahan, at gawin sa kanila ang nais nating gawin nila sa atin.10

Ang Tunay na Pagmamahal ay Nangangailangan ng Pagkilos

Ang tunay na pagmamahal ay nangangailangan ng pagkilos. Maaari nating pag-usapan ang pagmamahal sa buong maghapon—makakasulat tayo ng maiikling liham o tula na nagpapahayag nito, makakanta natin ang mga awit na pumupuri dito, at maaari tayong mangaral para maghikayat nito—ngunit hangga’t hindi natin ipinapakita ang pagmamahal na iyon sa ating pagkilos, ang ating mga salita ay puro “tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.”11

Hindi lamang nangusap si Cristo tungkol sa pagmamahal; ipinakita Niya ito sa bawat araw ng Kanyang buhay. Hindi Niya inilayo ang Kanyang sarili sa iba. Habang kasama ang mga tao, tinulungan ni Jesus ang nangangailangan. Sinagip Niya ang naligaw ng landas. Hindi lang Niya tinuruan ang isang klase tungkol sa pagtulong nang may pagmamahal at pagkatapos ay ipinagawa ito sa iba. Hindi lang Siya nagturo kundi ipinakita pa Niya sa atin kung paano “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”12

Alam ni Cristo kung paano ganap na magministeryo sa iba. Kapag nag-unat ng mga kamay ang Tagapagligtas, yaong mga naaabot Niya ay sumisigla at nagiging mas dakila, mas malakas, at mas mabubuting tao.

Kung tayo ang Kanyang mga kamay, hindi ba dapat ay gayon din ang ating gawin?

Maaari Tayong Magmahal na Tulad Niya

Inihayag ng Tagapagligtas ang mga perpektong priyoridad para sa ating buhay, tahanan, ward, komunidad, at bansa nang sabihin Niya na pag-ibig ang dakilang utos kung saan “[nakasalalay] ang buong kautusan, at ang mga propeta.”13 Maaari nating ubusin ang ating panahon sa walang-humpay na kaiisip tungkol sa pinakamaliliit na bagay sa buhay, batas, at mahabang listahan ng mga bagay na gagawin; ngunit kapag kinaligtaan natin ang mga dakilang kautusan, hindi natin ito mauunawaan at tayo ay mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng hangin, at mga punong walang bunga.14

Kung wala tayong pagmamahal sa Diyos Ama at sa ating kapwa anyo lamang tayo ng Kanyang Simbahan—na walang laman. Ano ang pakinabang ng ating pagtuturo kung walang pagmamahal? Ano ang pakinabang ng misyonero, templo, o gawaing pangkapakanan kung walang pagmamahal?

Pagmamahal ang naghikayat sa ating Ama sa Langit na likhain ang ating mga espiritu; ito ang dahilan kaya humantong ang ating Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani upang ipantubos ang Kanyang sarili para sa ating mga kasalanan. Pagmamahal ang dakilang layunin ng plano ng kaligtasan; ito ang pinagmumulan ng kaligayahan, ang walang hanggang batis ng paggaling, ang mahalagang bukal ng pag-asa.

Kapag pinaglingkuran natin ang iba at minahal sila na katulad ni Cristo, may magandang nangyayari sa atin. Ang ating sariling espiritu ay gagaling, mas dadalisay, at mas lalakas. Tayo ay nagiging mas masaya, mas payapa, at mas madaling makaramdam sa mga bulong ng Banal na Espiritu.

Buong puso’t kaluluwa akong nagpapasalamat sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang pagmamahal sa atin, sa kaloob ng Kanyang Anak, sa buhay at halimbawa ni Cristo Jesus, at sa Kanyang walang bahid-dungis at di-makasariling sakripisyo. Nagagalak ako sa katotohanan na si Cristo ay hindi patay kundi nagbangon mula sa libingan! Siya ay buhay at nagbalik sa lupa upang ipanumbalik ang Kanyang awtoridad at ebanghelyo sa tao. Binigyan Niya tayo ng sakdal na halimbawa ng uri ng kalalakihan at kababaihan na dapat nating kahinatnan.

Ngayong Paskua, at araw-araw, kapag pinagnilayan natin nang may pagpipitagan at paggalang kung paano tayo niyayakap, inaaliw, at pinagagaling ng Tagapagligtas, mangako tayo na maging Kanyang mga kamay, nang ang iba sa pamamagitan natin ay madama ang Kanyang magiliw na yakap. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. 2 Nephi 26:24, 25, 28; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Tingnan sa Lucas 18:9–14.

  3. Mga Taga Roma 3:23.

  4. Doktrina at mga Tipan 18:10.

  5. Mosias 18:9.

  6. Tingnan sa Alma 7:11–13; Doktrina at mga Tipan 19:16.

  7. Mga Kawikaan 17:17.

  8. Tingnan sa Clarence Cook, “Abram and Zimri,” sa Poems by Clarence Cook (1902), 6–9.

  9. Tingnan sa Mateo 22:39.

  10. Tingnan sa Mateo 7:12.

  11. I Mga Taga Corinto 13:1.

  12. Doktrina at mga Tipan 81:5.

  13. Mateo 22:40.

  14. Tingnan sa Judas 1:12.