Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Mga Tulong Para sa Guro


Mga Tulong Para sa Guro

Matapos magpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa kanyang mga Apostol, siya ay muling nagpakita sa isang pangkat nila sa Dagat ng Galilea. Habang kasama niya sila ay tinanong niya si Pedro nang makatatlong ulit: “Iniibig mo baga ako?” Sa tuwing sasagot si Pedro ng, “Nalalaman mo na kita’y iniibig” ay ganito ang naging tugon ng Panginoon sa pahayag ni Pedro: “Pakanin mo ang aking mga kordero… . Alagaan mo ang aking mga tupa… . Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:15–17).

Bilang isang guro sa Doktrina ng Ebanghelyo ay maipakikita ninyo ang inyong pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanyang tupa, na tinitiyak na ang bawat miyembro ng inyong klase ay “maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Ang isang mahalagang layunin ng salita ng Diyos ay upang tulungan tayong “magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa pagsampalataya ay magkaroon [tayo] ng buhay sa kaniyang pangalan” (Juan 20:31). Sa paggabay ng Espiritu ay matutulungan ninyo ang mga miyembro ng klase na palakasin ang kanilang mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas, sa kanilang pananampalataya sa kanya, at sa kanilang pangakong ipamumuhay ang kanyang ebanghelyo. Matutulungan din ninyo silang tanggapin ang iba pang mga biyayang nagmumula sa taimtim na pag-aaral ng Bagong Tipan, tulad ng ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang buong mensahe ng Bagong Tipan ay nagdudulot ng diwa ng pagpukaw sa kaluluwa ng tao. Ang mga anino ng kawalang pag-asa ay pinapawi ng mga sinag ng pag-asa, ang kalungkutan ay nagagapi ng kagalakan, at ang damdamin ng kawalang-kabuluhan sa kalipunan ng mga tao sa buong daigdig ay naglalaho sa tiyak na kaalaman na ang ating Ama sa Langit ay nagmamalasakit sa bawat isa sa atin” (“The Spirit Giveth Life,” Ensign, Hunyo 1997, 2).

Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Kapag naghahanda para sa klase ng Doktrina ng Ebanghelyo, mahalagang hangarin ninyo ang inspirasyon at patnubay mula sa Espiritu Santo. “Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” ang sabi ng Panginoon, “at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo” (Doktrina at mga Tipan 42:14). Tandaan na ang Espiritu Santo ang siyang guro sa inyong klase.

Masusumpungan ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aayuno, pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, at pagsunod sa mga kautusan. Habang naghahanda para sa klase, manalangin na tulungan kayo ng Espiritu na maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Matutulungan din kayo ng Espiritu na makapagplano ng makabuluhang mga paraan upang matalakay ang mga banal na kasulatan at maipamuhay ang mga ito sa kasalukuyan (tingnan sa 1 Nephi 19:23). Sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu kayo ay magiging mabisang kasangkapan sa kamay ng Panginoon upang maituro ang kanyang salita sa kanyang mga anak.

Nakasaad sa ibaba ang ilang mungkahi kung paano maaanyayahan ang Espiritu sa inyong klase:

  1. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-alay ng mga panalangin bago magsimula at pagkatapos ng aralin. Habang nagkaklase, mataimtim na manalangin na patnubayan kayo ng Espiritu na buksan ang puso ng mga miyembro ng klase, at magpatotoo at magbigay inspirasyon sa kanila.

  2. Gamitin ang mga banal na kasulatan (tingnan sa “Pagtutuon ng Pansin sa mga Banal na Kasulatan,” sa ibaba).

  3. Magbigay ng patotoo sa tuwing bibigyang-inspirasyon kayo ng Espiritu, hindi lamang sa pagtatapos ng aralin. Magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Madalas na anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbigay ng kanilang mga patotoo.

  4. Gamitin ang mga himno, mga awit sa Primarya, at iba pang sagradong musika upang maihanda ang puso ng mga miyembro ng klase na madama ang Espiritu.

  5. Ipadama ang pagmamahal sa mga miyembro ng klase, sa iba, at sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  6. Magbahagi ng mga ideya, damdamin, at karanasan na may kaugnayan sa aralin. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na gawin din ang gayon. Maaari ring sabihin ng mga miyembro ng klase kung paano nilang naisagawa ang mga alituntuning tinalakay sa mga nakaraang aralin.

Pagtutuon ng Pansin sa mga Banal na Kasulatan

Itinuro ni Elder Boyd K. Packer na, “Ang totoong doktrina, kapag naunawaan, ay akapagpapabago ng pag-uugali at saloobin” (sa Conference Report, Okt. 1986, 20; o Ensign, Nob. 1986, 17). Sa inyong paghahanda at habang nagkaklase, ituon ang pansin sa mga nakapagliligtas na doktrina ng ebanghelyo ayon sa pagkakalahad ng mga ito sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Hinihingi nito na pag-aralan ninyo nang buong tiyaga at may panalangin ang mga banal na kasulatan. Iniutos ng Panginoon na, “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita.” Habang natatamo ninyo ang kanyang salita sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay ipinangangako ng Panginoon na, “pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 11:21).

Himukin ang mga miyembro ng klase na dalhin ang kanilang mga banal na kasulatan sa klase linggu-linggo. Sama-samang basahin ang mga piling talata ng banal na kasulatan habang tinatalakay ninyo ang mga ito.

Ang bawat miyembro ng klase ay dapat mabigyan ng kopya ng Gabay sa Pag-aaral ng Miyembro ng Klase sa Bagong Tipan (35682 893). Matutulungan ng buklet na ito ang mga miyembro ng klase na pag-ibayuhin ang kanilang mga kasanayan sa pag-aaral at bumaling sa mga banal na kasulatan para sa mga kasagutan sa kanilang mga tanong. Makatutulong ito sa kanila upang maunawaan ang mga banal na kasulatan, ipamuhay ang mga ito, maghandang talakayin ang mga ito sa klase, at gamitin ang mga ito sa mga talakayan ng pamilya.

Paggamit sa Manwal na Ito

Ang manwal na ito ay isang gamit na tutulong sa inyo upang maituro ang mga doktrina ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan. Isinulat ito para sa mga klase ng Doktrina ng Ebanghelyo ng mga kabataan at ng mga nasa wastong gulang at gagamitin ito tuwing ikaapat na taon. Hindi na kailangan ang mga karagdagang sanggunian at komentaryo upang ituro ang mga aralin.

Ang mga aralin sa manwal na ito ay naglalaman ng higit na kailangang impormasyon kaysa maaari ninyong maituro sa isang oras ng klase. Hangarin ang Espiritu ng Panginoon sa pagpili ng mga pangyayari sa banal na kasulatan, mga tanong, at iba pang mga materyal ng aralin na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase.

Ang bawat aralin ay naglalaman ng sumusunod na mga bahagi:

  1. Pamagat. Ang pamagat ay binubuo ng dalawang elemento: isang maikling naglalarawang parirala o siping-banggit at ang mga banal na kasulatan na dapat ninyong basahin bago ihanda ang aralin.

  2. Layunin. Ang pangungusap na nagsasaad ng layunin ay nagmumungkahi ng isang pangunahing ideya na mapagtutuunan ninyo ng pansin habang inihahanda at itinuturo ninyo ang aralin.

  3. Paghahanda. Ibinubuod ng bahaging ito ang mga pangyayari sa banal na kasulatan na nasa banghay ng aralin at nagbibigay ng mga mungkahi upang matulungan kayong makapagturo nang mas mabisa. Maaari rin itong kabilangan ng karagdagang pagbabasa at iba pang mga mungkahi para sa paghahanda, kagaya ng mga materyal na nais ninyong dalhin sa klase.

  4. Gawaing pantawag-pansin. Ang bahaging ito ay binubuo ng isang simpleng gawain, pakay-aralin, o tanong upang tulungan ang mga miyembro ng klase na maghandang matuto, makilahok, at madama ang impluwensiya ng Espiritu. Kung gamit man ninyo ang gawaing pantawag-pansin ng manwal o ang gawain na inyong ginawa, mahalagang ituon ang pansin ng mga miyembro ng klase sa simula ng aralin. Dapat ay maikli lamang ang gawain.

  5. Talakayan at pagsasagawa ng banal na kasulatan. Ito ang pangunahing bahagi ng aralin. Pag-aralan nang may panalangin ang mga pangyayari sa banal na kasulatan upang mabisa ninyong maituro at matalakay ang mga ito. Gamitin ang mga mungkahing nasa “Paghimok ng Talakayan sa Klase” at “Paggamit ng Iba’t Ibang Paraan sa Pagtuturo ng mga Banal na Kasulatan” (mga pahina 00 [vii–viii] upang maiba ang paraan ng inyong pagtuturo at upang mapanatili ang interes ng mga miyembro ng klase.

  6. Katapusan. Ang bahaging ito ay tumutulong sa inyong maibuod ang aralin at himukin ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang mga alituntunin na inyong natalakay. Pinaaalalahanan din kayo nito na magbigay ng patotoo. Tiyaking maglaan ng sapat na oras upang tapusin ang bawat aralin.

  7. Karagdagang mga ideya sa pagtuturo. Ang bahaging ito ay matatagpuan sa halos lahat ng aralin sa manwal. Ito ay maaaring kabilangan ng mga karagdagang katotohanan mula sa mga pangyayari sa banal na kasulatan, panghaliling pamamaraan ng pagtuturo, gawain, o iba pang mga mungkahi na nagsisilbing karagdagan sa banghay ng aralin. Maaaring naisin ninyong gamitin ang ilan sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

Pagbalik-aralan ang bawat aralin ng kahit isang linggo man lamang bago ituro. Kapag pinag-aaralan ninyo ang takdang babasahin at ang materyal ng aralin nang maaga, makatatanggap kayo ng mga kaisipan at impresyon sa buong linggo na tutulong sa inyo na maituro ang aralin. Habang pinagninilay-nilayan ninyo ang aralin sa buong linggo, manalangin na patnubayan kayo ng Espiritu. Manalig na pagpapalain kayo ng Panginoon.

Paghimok ng Talakayan sa Klase

Karaniwan ay hindi kayo dapat magbigay ng mga lektyur. Sa halip ay tulungan ang mga miyembro ng klase na makisali nang makabuluhan sa pagtalakay ng mga banal na kasulatan. Ang pakikilahok ng mga miyembro ng klase ay nakatutulong sa kanila upang:

  1. Higit na matutuhan ang mga banal na kasulatan.

  2. Matuto kung paano isasagawa ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

  3. Magkaroon ng mas matibay na pangako na ipamuhay ang ebanghelyo.

  4. Anyayahan ang Espiritu sa klase.

  5. Turuan at patatagin ang bawat isa (Doktrina at mga Tipan 88:122) upang makinabang sila mula sa mga kaloob, kaalaman, karanasan, at mga patotoo ng bawat isa.

Ang mga talakayan sa klase ay dapat makatulong sa mga miyembro na lumapit kay Cristo at mamuhay bilang kanyang mga disipulo. Iwasan ang mga talakayan na hindi magsasakatuparan sa mga layuning ito.

Hangarin ang patnubay ng Espiritu habang pinag-aaralan ninyo ang mga tanong sa manwal na ito at magpasiya kung alin ang mga itatanong. Ang manwal ay naglalaan ng mga sanggunian sa banal na kasulatan upang tulungan kayo at ang mga miyembro ng klase na matagpuan ang mga sagot sa karamihan sa mga tanong na ito. Ang mga sagot sa iba pang mga tanong ay magmumula sa mga karanasan ng mga miyembro ng klase.

Mas mahalagang tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan at maipamuhay ang mga banal na kasulatan kaysa talakayin ang lahat ng materyal ng aralin na inyong inihanda. Kung ang mga miyembro ng klase ay natututo mula sa isang mabuting talakayan, madalas na makatutulong kung hahayaang magpatuloy ito sa halip na piliting talakayin ang kabuuan ng materyal ng aralin.

Gamitin ang sumusunod na mga panuntunan upang humimok ng talakayan sa klase:

  1. Magtanong ng mga katanungan na mangangailangan ng pag-iisip at talakayan sa halip na mga sagot na “oo” o “hindi.” Ang mga tanong na nagsisimula sa bakit, paano, sino, ano, kailan, at saan ay karaniwang pinakamabisa sa paghimok ng talakayan.

  2. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na nagpapakita kung paano magagamit sa kanilang buhay ang mga alituntunin at doktrina sa banal na kasulatan. Himukin din silang ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa natututuhan nila mula sa mga banal na kasulatan. Magbigay ng mga positibong komentaryo tungkol sa kanilang mga naiambag.

  3. Maging sensitibo sa mga pangangailangan ng bawat miyembro ng klase. Kahit na dapat himukin ang lahat ng miyembro ng klase na makisali sa mga talakayan sa klase, ang ilan ay maaaring mag-atubiling tumugon. Maaari ninyong naising makipag-usap sa kanila nang sarilinan upang malaman kung ano ang kanilang damdamin tungkol sa pagbabasa nang malakas o pakikisali sa klase. Mag-ingat at huwag tawagin ang mga miyembro ng klase kung magiging sanhi ito ng kanilang pagkapahiya.

  4. Magbigay ng mga sangguniang banal na kasulatan upang matulungan ang mga miyembro ng klase na matagpuan ang mga sagot sa ilang tanong.

  5. Himukin ang mga miyembro ng klase na pagnilay-nilayin ang mga tanong sa Gabay sa Pag-aaral ng Miyembro ng Klase sa Bagong Tipan habang pinag-aaralan nila ang mga takdang babasahin sa bawat linggo. Habang inihahanda ninyo ang bawat aralin, isaalang-alang kung paano tatalakayin ang mga tanong na ito sa klase. Mas madaling makasasali sa mga talakayan ang mga miyembro ng klase kung napag-aralan nila ang takdang babasahin at kung magtatanong kayo ng mga katanungan na handa nilang sagutin.

Paggamit ng Iba’t Ibang Paraan sa Pagtuturo ng mga Banal na Kasulatan

Gamitin ang sumusunod na mga mungkahi upang mas mabisang maituro ang mga pangyayari sa banal na kasulatan at upang magkaroon ng pagkakaiba-iba:

  1. Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo. Hilingin sa kanila na isaalang-alang kung paano napag-iibayo ng ilang talata ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at kung paano ito nakatutulong sa kanila na madama ang kanyang pagmamahal.

  2. Hilingan ang mga miyembro ng klase na mag-isip at magbahagi ng mga tiyak na paraan kung paano magagamit ang isang talata ng banal na kasulatan sa kanilang buhay. Hayaang ituring nila na sila ang tinutukoy sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghalili ng kanilang pangalan sa mga piling talata nang sa isip lamang.

  3. Bilang karagdagan sa pagtuturo ng doktrina, bigyang-diin ang mga kuwento sa Bagong Tipan na nakapagpapatatag ng pananampalataya, na tinitiyak na ang mga ito ay nauunawaan ng mga miyembro ng klase at talakayin ang mga paraan kung paano maisasagawa ang mga ito.

  4. Papaghanapin ang mga miyembro ng klase ng mga salita, parirala, o ideya na madalas ulitin sa isang talata ng banal na kasulatan o may natatanging kahulugan para sa kanila.

  5. Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan ay sadyang makatutulong sa pansariling pag-aaral at talakayan sa klase.

  6. Isulat sa pisara ang mga parirala, pangunahing salita, o tanong na may kaugnayan sa pangyayari sa banal na kasulatan. Pagkatapos ay basahin o ibuod ang pangyayari. Habang pinakikinggan ng mga miyembro ng klase ang mga parirala, pangunahing salita, o sagot sa mga tanong, tumigil at talakayin ang mga ito.

  7. Sa buong Aklat ni Mormon, ang pariralang “Oo, sa gayon nakikita natin” ay ginagamit upang ipakilala ang buod ng mga alituntuning itinuturo (tingnan ang halimbawa sa Helaman 3:28). Matapos talakayin ang isang talata ng banal na kasulatan, hilingin sa mga miyembro ng klase na ipaliwanag ang alituntunin sa talata na ginagamit ang pariralang “Oo, sa gayon nakikita natin.”

  8. Maghanap at talakayin ang mga sagisag na ginagamit sa Bagong Tipan. Halimbawa, ang Kasintahang lalaki at babaeng ikakasal ay sumasagisag sa Tagapagligtas at sa kanyang mga tao.

  9. Pansinin kung paano maihahambing sa isa’t isa ang mga tao at pangyayari sa mga banal na kasulatan.

  10. Ipasadula sa mga miyembro ng klase ang mga kuwento sa banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagbabasa nang malakas sa mga salita ng magkakaibang tauhan sa mga kuwento. Tiyaking ang mga pagsasadula ay nagpapakita ng kaukulang paggalang sa mga banal na kasulatan.

  11. Hatiin ang klase sa dalawa o tatlong maliliit na grupo. Pagkatapos nito ay pagbalik-aralan ang isang pangyayari sa banal na kasulatan, ipasulat sa bawat grupo ang mga alituntunin at doktrina na itinuro sa salaysay. Pagkatapos ay hayaang maghalinhinan ang mga grupo sa pagtalakay kung paano maisasagawa ang mga aral na ito sa ating buhay.

  12. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magdala ng lapis upang markahan ang mahahalagang talata habang tinatalakay ninyo ang mga ito.

Pagtulong sa mga Bagong Miyembro

Bilang guro ng Doktrina ng Ebanghelyo, maaaring magkaroon kayo ng pagkakataong turuan ang mga miyembro na bago pa lamang sa Simbahan. Ang inyong pagtuturo ay makatutulong sa mga bagong miyembro na maging matatag sa pananampalataya.

Sinabi ng Unang Panguluhan na: “Ang bawat miyembro ng Simbahan ay kailangang mahalin at pangalagaan, lalo na sa mga unang ilang buwan matapos ang kanilang binyag. Kapag ang mga bagong miyembro ay nakatanggap ng tapat na pakikipagkaibigan, mga pagkakataon upang makapaglingkod, at espirituwal na pangangalaga na nagmumula sa pag-aaral ng salita ng Diyos, sila ay nakararanas ng pangmatagalang pagbabago at nagiging ‘mga kababayan na kasama ng mga Banal, at sangbahayan ng Dios’ (Mga Taga Efeso 2:19)” (Liham ng Unang Panguluhan, ika-15 ng Mayo 1997).

Pagtuturo ng Ebanghelyo sa mga Kabataan

Kung tinuturuan ninyo ang mga kabataan, alalahanin na kadalasan ay kailangan nila ng aktibong pakikisali at mga bisuwal na paglalarawan ng mga doktrina na tinatalakay. Ang paggamit ninyo ng mga pagpapalabas ng video, larawan, at gawain na iminumungkahi sa manwal ay makatutulong sa mga kabataan na manatiling interesado sa mga aralin. Para sa iba pang mga ideya na makatutulong sa inyo sa pagtuturo ng ebanghelyo sa kabataan, sumangguni sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin (33043 893) at ang Gabay sa Pagtuturo (34595 893).