Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 27: ‘Siya’y Wala Rito; Sapagka’t Siya’y Nagbangon’


Aralin 27

“Siya’y Wala Rito; Sapagka’t Siya’y Nagbangon”

Mateo 28; Lucas 24; Juan 20–21

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na makadama ng pasasalamat sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at sa mga pagpapalang idinudulot nito sa atin.

Paghahanda

  1. 1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mateo 28:1–15; Lucas 24:1–12; Juan 20:1–10. Si Maria Magdalena at ang iba pang mga kababaihan ay nagpunta sa libingan ni Jesus at nakitang wala na itong laman. Ibinalita ng mga anghel na si Jesus ay nabuhay nang mag-uli. Sina Pedro at Juan ay nagpunta upang tingnan ang libingan na wala nang laman. Ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nagpakita sa mga kababaihan.

    2. Lucas 24:13–35. Si Jesus ay lumakad at nakipag-usap sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus. Siya ay hindi nila nakilala hanggang sa hatiin niya ang tinapay para sa kanila.

    3. Mateo 28:16–20; Lucas 24:33–53; Juan 20:19–31. Nagpakita si Jesus sa kanyang mga Apostol, ipinakita sa kanila na nabuhay na siyang mag-uli, at inutusan silang ituro ang ebanghelyo sa lahat ng bansa. Hinipo ni Tomas ang mga sugat sa mga kamay, paa, at tagiliran ni Jesus.

    4. Juan 21. Nagpakita muli si Jesus sa ilan sa mga Apostol sa Dagat ng Tiberias (ang Dagat ng Galilea). Inutusan niya si Pedro na, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

  2. Karagdagang pagbabasa: Marcos 16; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkabuhay na Mag-uli,” 182–183.

  3. Hilingan ang isang miyembro ng klase na maghandang ibuod ang tungkol sa paglalakad ni Jesus at ng dalawang disipulo patungong Emaus (Lucas 24:13–32).

  4. Kung makukuha ang sumusunod na mga larawan, gamitin ang mga ito sa aralin: Ang Libing ni Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 231); Ang Libingan ni Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 232) o ang The Empty Tomb (Gospel Art Picture Kit 245); Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 233); Ipinakikita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 234); at Ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 239).

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Ang utos ng Panginoon kay Pedro na, “Alagaan mo ang aking mga tupa” (Juan 21:16–17), ay angkop sa lahat ng mga guro. Buong panalanging maghanap ng mga paraan upang maging kaakit-akit sa mga miyembro ng klase ang espirituwal na pagkain ng mga banal na kasulatan para naisin nilang magpakabusog sa mga ito. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 1, “Walang Higit na Dakilang Tungkulin,” 3.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Isalaysay ang sumusunod na kuwento ni Elder James M. Paramore:

“Maraming taon na ang nakalilipas … isang manunulat sa isang pahayagan ang tinanong ng isang mahalagang katanungan, ‘Anong pinakamahalagang balita ang maaaring tanggapin ng daigdig?’ ”

Gawaing Pantawag-pansin

  • Paano ninyo sasagutin ang tanong na ito?

Si Elder Paramore ay nagpatuloy: “Pinag-isipang mabuti [ng manunulat] ang tanong, kinausap niya ang maraming tao, at binasa ang lahat ng maaari niyang basahin sa pagsisikap na makahanap ng kasagutan para sa kanyang sarili. At sa wakas, inilimbag niya ang kanyang sagot, ‘Ang malaman na buhay ngayon si Jesucristo ang siyang pinakamahalagang balita na maaaring tanggapin ng daigdig. Sa katunayan, kung nabubuhay Siya ngayon, tayo din ay mabubuhay nang walang hanggan tulad ng Kanyang sinabi’ ” (sa Conference Report, Okt. 1990, 80; o Ensign, Nob. 1990, 64).

Ipakita ang mga larawan na nakalista sa bahaging “Paghahanda.” Ipaliwanag na ang pagdadalamhati ng mga disipulo sa pagkamatay ni Cristo ay napalitan ng hindi maipaliwanag na kaligayahan sa kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Tayo rin ay maaaring magsaya sa kaalaman na si Cristo ay nabuhay na mag-uli.

Iwanang nakikita ang mga larawan. Tukuyin ang mga ito sa angkop na pagkakataon sa aralin.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin sa mga miyembro ng klase kung paano nakaaapekto sa kanilang pangaraw-araw na buhay ang kanilang kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Sa halip na subukang alamin ang eksaktong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring may kaugnayan sa Pagkabuhay na Mag-uli (ang bawat manunulat ng Ebanghelyo ay may kaunting pinagkaiba sa pagkakasunud-sunod), ituon ang pansin sa mga patotoo hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli na ibinigay sa bawat salaysay ng Ebanghelyo.

1. Si Maria Magdalena at ang iba pang mga babae ay mga saksi ng nabuhay na mag-uling Panginoon.

Talakayin ang Mateo 28:1–15; Lucas 24:1–12; at Juan 20:1–10. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na pagkatapos na mapako sa krus si Jesus, ang kanyang katawan ay binalot sa malinis na telang linen at inilagay sa libingan na pag-aari ni Jose ng Arimatea, isa sa mga disipulo ni Jesus (Mateo 27:57–60; Lucas 23:50–53; Juan 19:38–42). Mabilis itong isinagawa dahil magsisimula na ang Sabbath. Kinabukasan pagkaraan ng Sabbath, si Maria Magdalena at ang iba pang mga kababaihan ay nagbalik sa libingan na may dalang mga unguento at pabango upang pahiran (pabanguhin) ang katawan ni Jesus.

  • Ano ang natuklasan ni Maria Magdalena at ng iba pang mga kababaihan nang dumating sila sa puntod ni Jesus? (Tingnan sa Mateo 28:1–4; Lucas 24:1–4. Pansinin na isinasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 28, tulad din ng nakasaad sa Lucas, na may dalawang anghel doon.) Ano ang sinabi ng mga anghel sa mga kababaihan? (Tingnan sa Mateo 28:5–7; Lucas 24:5–8.)

  • Ano ang ibig sabihin ng mga anghel nang sabihin nilang, “Siya’y nagbangon”? (Si Jesus ay nabuhay na mag-uli.) Ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli? (Tingnan sa Alma 11:42–45; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkabuhay na Mag-uli,” 182–183) Anong mga biyaya ang tatanggapin natin dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22, 50–58; Alma 11:42–45. Tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli at mabibigyan ng katawan na hindi na mamamatay kailanman.)

  • Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter na ang mga salitang “Wala siya, datapuwa’t nagbangon” (Lucas 24:6) “ay taglay ang lahat ng pag-asa, katiyakan, at paniniwalang kailangan upang maitaguyod tayo sa ating buhay na puno ng hamon at kung minsa’y puno ng dalamhati” (sa Conference Report, Abr. 1986, 18; o Ensign, Mayo 1986, 15–16). Paano kayo natulungan ng inyong patotoo hinggil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli sa panahon ng kahirapan?

  • Ano ang ginawa ng mga kababaihan matapos magsalita ang mga anghel? (Tingnan sa Mateo 28:8; Lucas 24:8–9.) Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang halimbawa?

  • Si Maria at ang iba pang kababaihan ang una sa maraming tao na nakakita kay Jesucristo pagkatapos na siya ay mabuhay na mag-uli (tingnan din sa ikalawa at ikatlong karagdagang mga ideya sa pagtuturo). Bakit sa palagay ninyo naging mahalaga na magpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga saksi rito sa lupa? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1.)

2. Ang dalawang disipulo sa daan patungong Emaus ay mga saksi ng nabuhay na mag-uling Panginoon.

Talakayin ang Lucas 24:13–35. Ipabuod sa inatasang miyembro ng klase ang talata ng banal na kasulatan.

  • Bakit malungkot si Cleopas at ang kanyang kasama habang naglalakad sila patungo sa Emaus? (Tingnan sa Lucas 24:13–24.) Ano ang itinuro sa kanila ng nabuhay na mag-uling Panginoon habang sila ay naglalakad? (Tingnan sa Lucas 24:25–27.)

  • Ano ang nadama ng dalawang disipulo habang tinuturuan sila ni Jesus? (Tingnan sa Lucas 24:32.) Ano ang nagbigay sa kanila ng damdaming ito? (Ang impluwensiya ng Espiritu Santo.) Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magsalaysay ng mga karanasan nang sila ay makatanggap ng patotoo mula sa Espiritu habang pinag-aaralan nila ang ebanghelyo o pinakikinggan ang isang taong nagtuturo nito.

3. Ang mga Apostol ay mga saksi ng nabuhay na mag-uling Panginoon.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mateo 28:16–20; Lucas 24:33–53; at Juan 20:19–31.

  • Ano ang inakala ng mga Apostol na nakita nila nang magpakita sa kanila ang Tagapagligtas noong kinagabihan ng araw na siya ay nabuhay na mag-uli? (Tingnan sa Lucas 24:36–37.) Paanong tiniyak na muli sa kanila ni Jesus na siya ay isang nilalang na nabuhay na mag-uli, at hindi isang espiritu? (Tingnan sa Lucas 24:38–43.)

  • Paano tumugon si Tomas sa mga patotoo ng iba pang mga Apostol na nabuhay na mag-uli na nga ang Panginoon? (Tingnan sa Juan 20:24–25.) Paano siya naniwala na nabuhay na ngang mag-uli ang Panginoon? (Tingnan sa Juan 20:26–29.) Paano natin kung minsan naipakikita ang kahinaan na tulad ng kay Tomas?

    Sinabi ni Elder Gordon B. Hinckley:

    “Hindi ba ninyo naringgan ang iba na nagsalita na tulad ni Tomas? ‘Bigyan ninyo kami,’ ang sabi nila, ‘ng tunay na katibayan. Patunayan ninyo mismo sa aming mga mata, at aming tainga, at aming mga kamay, dahil kung hindi ay hindi kami maniniwala.’ Ito ang pananalita ng ating panahon sa kasalukuyan. Ang Nag-aalinlangang si Tomas ang halimbawa ng mga tao, sa lahat ng panahon, na ayaw tumanggap maliban kung ang isang bagay ay makikita at maipapaliwanag—na para bang makikita nila ang pagmamahal, o pananampalataya, o maging ang pisikal na kababalaghang tulad ng elektrisidad… .

    “Sa lahat ng nakaririnig sa aking tinig na maaaring may mga pag-aalinlangan, inuulit ko ang mga salitang binigkas kay Tomas habang hinihipo niya ang sugatang mga kamay ng Panginoon: ‘Huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin’ ” (sa Conference Report, Abr. 1978, 90; o Ensign, Mayo 1978, 59).

  • Paano natin higit na masusunod ang payo ng Panginoon na, “huwag maging di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin”? (Juan 20:27).

4. Muling nakita si Jesus ng ilan sa mga Apostol sa Dagat ng Tiberia (Dagat ng Galilea).

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Juan 21.

  • Muling nagpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa pito sa kanyang mga Apostol habang sila ay nangingisda. Paano nila nalaman na si Jesus ang nasa dalampasigan? (Tingnan sa Juan 21:4–7.) Matapos silang kumain, ano ang hiniling ni Jesus na gawin ni Pedro at ng iba pang mga Apostol? (Tingnan sa Juan 21:15–17.) Paano natin maaalagaan ang mga tupa ng Panginoon?

  • Ano ang dahilan ni Juan sa pagsusulat ng ilan sa mga bagay na binigkas at ginawa ng nabuhay na mag-uling si Jesus? (Tingnan sa Juan 20:30–31.) Paano kayo nakinabang mula sa pag-aaral ng mga pangyayari sa banal na kasulatan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus?

Katapusan

Magpatotoo na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli at dahil sa kanya tayo rin ay mabubuhay na mag-uli. Magbigay ng patotoo tungkol sa lakas at kapanatagan ng kalooban na naidulot sa inyo ng inyong kaalaman hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Siya’y nagbangon” (Mateo 28:6)

Makipag-ayos sa isang maliit na grupo na awitin ang “Siya’y Nabuhay” (Mga Himno) o “Si Jesus ay Nabuhay” (Mga Himno) sa hulihan ng aralin. O ipaawit sa isang grupo ng mga bata ang “Si Jesus Ba ay Talagang Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata).

2. “Babae, bakit ka umiiyak?” (Juan 20:15)

Bigyang-diin na ang Ebanghelyo ni Juan ang tanging Ebanghelyo na naglalaman ng salaysay tungkol sa pagpapakita ng Panginoon kay Maria Magdalena pagkatapos na pagkatapos ng kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng klase ang pangyayaring ito sa Juan 20:11–18. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kaisipan at damdamin tungkol sa pangyayaring ito.

3. Iba pang mga saksi ng nabuhay na mag-uling Panginoon

4.Mga banal na kasulatan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli

Ang ilang mga talata ng banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan ay nakadaragdag sa ating pang-unawa tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Talakayin ang lahat ng maaari ninyong talakayin sa mga sumusunod na punto kung may oras pang nalalabi:

  1. Si Jesus ang pinakaunang nabuhay na mag-uli (2 Nephi 2:8), at dahil sa kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli (2 Nephi 9:22; Alma 11:42, 44).

  2. Pagkatapos ni Jesucristo, ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal ang mauunang mabubuhay na mag-uli, at susundan ng mga tatanggap ng kaluwalhatiang terestriyal, ng mga tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal, at sa bandang huli ng mga anak na lalaki ng kapahamakan (Doktrina at mga Tipan 88:96–102).

  3. Kapag nabuhay na tayong mag-uli, ang ating mga espiritu ay sasanib na muli sa ating perpektong katawan, at hindi na kailanman maghihiwalay (Alma 11:43, 45).

  4. Ang kaalaman at katalinuhan na matatamo natin sa mundo ay “kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli” (Doktrina at mga Tipan 130:18–19).

  5. Pagkakaalipin ang tingin ng mga espiritu ng mga patay sa pagkahiwalay nito mula sa katawan; binibigyang daan ng pagkabuhay na mag-uli na maranasan natin ang mapuspos ng tuwa at galak (Doktrina at mga Tipan 138:12–17, 50).