Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 19: ‘Pinagaling Ka ng Pananampalataya Mo’


Aralin 19

“Pinagaling Ka ng Pananampalataya Mo”

Lucas 18:1–8, 35–43; 19:1–10; Juan 11

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Lucas 18:1–8. Sa pamamagitan ng talinghaga ng di-makatuwirang hukom at ng balo ay itinuro ni Jesus ang kahalagahan ng masigasig na panalangin.

    2. Lucas 18:35–43. Isang lalaking bulag ang nagpamalas ng kanyang pananampalataya at pinagaling siya ni Jesus.

    3. Lucas 19:1–10. Tinanggap si Jesus sa tahanan ni Zaqueo.

    4. Juan 11:1–54. Nagpatotoo si Jesus tungkol sa kanyang kabanalan sa pamamagitan ng pagpapabangon kay Lazaro mula sa mga patay.

  2. Karagdagang pagbabasa: Marcos 10:46–52; Lucas 11:5–13; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya,” 203–205.

  3. Kung makukuha ang mga larawang Pinagagaling ni Jesus ang Bulag (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213) at Binubuhay ni Jesus si Lazaro mula sa mga Patay (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 222), gamitin ang mga ito sa aralin.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Sinabi ni Pangulong David O. McKay na, “Maituturo lamang ninyo nang mabisa ang mga bagay na nadarama ninyo mismo” (Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 8, “Ang Patotoo ay Mahalaga sa Pagtuturo ng Ebanghelyo,” 16; Gospel Ideals [1953], 190). Magsaliksik sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, at pagkamasunurin upang palakasin ang inyong patotoo tungkol sa mga alituntunin na inyong itinuturo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 8, “Ang Patotoo ay Mahalaga sa Pagtuturo ng Ebanghelyo,” 15–16.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Bago umalis patungong misyon si Elder Hugh B. Brown ay sinabi sa kanya ng kanyang ina:

“Hugh, naaalala mo pa ba noong maliit ka pa at nagkakaroon ka ng masamang panaginip o gumigising ka sa gabi na nahihintakutan? Mula sa iyong silid ay tumatawag ka at sinasabi mong, ‘Nanay, nariyan po ba kayo?’ at sasagot ako at sisikaping payapain ka at aalisin ang takot mo. Ngayong magmimisyon ka na at lalabas sa daigdig, may mga pagkakataon na mahihintakutan ka, na madarama mong nanghihina ka, na kulang ang iyong kakayahan, nag-iisa, at may mga problema. Gusto kong malaman mong maaari mong tawagin ang iyong Ama sa Langit na tulad ng pagtawag mo sa akin at sasabihin mong, ‘Ama, nariyan po ba kayo? Kailangan ko po ang inyong tulong.’ Gawin mo ito na taglay ang kaalaman na nariyan Siya at handa Siyang tumulong sa iyo kung gagawin mo ang iyong bahagi at mamumuhay nang karapat-dapat sa iyong mga pagpapala. Gusto kong tiyaking muli sa iyo na nariyan Siya at sasagutin ang iyong mga panalangin at pangangailangan para sa iyong lubos na ikabubuti” (isinalaysay ni Marvin J. Ashton, “Know He Is There,” Ensign, Peb. 1994, 50).

Ipaliwanag na sa araling ito ay pag-aaralan natin ang mga pangyayari sa banal na kasulatan na makatutulong sa atin na magkaroon ng mas malaking pananampalataya na kilala at mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Piliin ng buong panalangin ang mga talata sa banal na kasulatan, mga tanong, at iba pang materyal ng aralin na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Talakayin kung paano maisasagawa sa pang-araw-araw na buhay ang mga piniling banal na kasulatan. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng di-makatuwirang hukom at ng balo.

Basahin at talakayin ang Lucas 18:1–8. Ipaliwanag na inilahad ni jesus ang talinghaga sa isang grupo ng mga Fariseo.

  • Sang-ayon sa Lucas 18:1, bakit ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng dimakatuwirang hukom at ng balo? Paano itinuturo ng talinghagang ito na “dapat tayong palaging manalangin”? (Tingnan sa Lucas 18:1–8.)

    Itinuro ni Elder James E. Talmage na, “Hindi binanggit ni Jesus na kung paanong pinagbigyan ng masamang hukom ang pagsusumamo ay gayundin naman ang gagawin ng Diyos; kundi binigyan Niya ng diin na kung ang isang taong tulad ng hukom na ito, na ‘hindi natatakot sa Diyos, at ni hindi nagpipitagan sa tao,’ ay pinakinggan at pinagbigyan ang kahilingan ng balo sa bandang huli, kaya walang sinumang dapat mag-alinlangan na ang Diyos, ang Makatarungan at Maawain, ay makikinig at sasagot sa pagsusumamo” (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 436).

  • Ano ang ibig sabihin ng palaging manalangin? (Tingnan sa Lucas 18:7; Alma 34:27.) Anong mga biyaya ang maaaring dumating sa atin kapag palagi tayong nananalangin? (Tingnan sa Lucas 18:7–8; 2 Nephi 32:9; Doktrina at mga Tipan 90:24.)

  • Paano naging pagpapairal ng pananampalataya ang pagiging masigasig sa panalangin? Ano ang dapat nating gawin kapag naging masigasig tayo sa pananalangin at nadama nating wala pa tayong natatanggap na kasagutan?

    Sinabi ni Elder Richard G. Scott:

    “Mali ang mag-akala na ang bawat panalangin na ating inaalay ay sasagutin kaagad. Ang ilang panalangin ay nangangailangan ng kaunting pagsisikap sa ating panig… .

    “Kapag ipinapaliwanag natin ang isang problema at iminumungkahi ang kalutasan [sa ating Ama sa Langit], kung minsan ay sumasagot Siya ng oo, kung minsan ay hindi. Kadalasan ay inaantala niya ang sagot, hindi dahil sa kakulangan ng pagmamalasakit, kundi dahil mahal Niya tayo—nang lubusan. Nais niyang ipamuhay natin ang mga katotohanang ibinigay Niya sa atin. Upang umunlad, kailangan nating magtiwala sa ating kakayahang gumawa ng mga tamang pagpapasiya. Kailangan nating gawin ang nadarama nating tama. Hindi magtatagal, Siya ay sasagot. Hindi niya tayo bibiguin” (sa Conference Report, Okt. 1989, 38; o Ensign, Nob. 1989, 30–31).

  • Ano ang natutuhan ninyo sa pagiging masigasig ninyo sa panalangin?

2. Ipinamalas ng isang bulag na lalaki ang kanyang pananampalataya at pinagaling siya ni Jesus.

Basahin at talakayin ang Lucas 18:35–43. Ipakita ang larawang pinagagaling ni Jesus ang bulag.

  • Paano ipinakita ng bulag na lalaki na malapit sa Jerico na may pananampalataya siya sa Panginoon? (Tingnan sa Lucas 18:38–42.) Paano kayo pinagpala sa pagpapairal ninyo ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Paano ipinakita ng lalaki ang pasasalamat nang magkaroon na siya ng paningin? (Tingnan sa Lucas 18:43; tingnan din sa Marcos 10:52.) Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa Panginoon?

3. Tinanggap si Jesus sa tahanan ni Zaqueo.

Basahin at talakayin ang Lucas 19:1–10.

  • Sino si Zaqueo? (Tingnan sa Lucas 19:2. Ipaliwanag na ang mga maniningil ng buwis (publikano) ay mga Judio na nagtatrabaho bilang mga tagasingil ng buwis para sa pamahalaang Romano. Karaniwang hindi gusto ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis at itinuturing silang mga taksil at makasalanan.)

  • Paano ipinakita ni Zaqueo ang kanyang matinding paghahangad na makita si Jesus? (Tingnan sa Lucas 19:3–4.) Ano ang sinabi ni Jesus kay Zaqueo matapos niyang makita ito sa puno? (Tingnan sa Lucas 19:5.) Paano tumugon si Zaqueo sa mga salita ni Jesus? (Tingnan sa Lucas 19:6.) Ano ang maaari nating gawin upang buong kagalakan nating tanggapin ang Tagapagligtas sa ating tahanan?

  • Ano ang naging reaksiyon ng mga tao nang magtuloy si Jesus kina Zaqueo upang manatili doon? (Tingnan sa Lucas 19:7.) Paano naiba ang sagot ni Jesus kay Zaqueo sa sagot ng iba? (Tingnan sa Lucas 19:5.) Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jesus sa pangyayaring ito?

  • Maraming tao ang umiwas kay Zaqueo dahil sa kanyang trabaho bilang isang maniningil ng buwis (Lucas 19:2, 7; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maniningil ng Buwis, Mga” ). Sa anong mga paraan tayo kung minsan nakagagawa ng katulad na mga panghuhusga laban sa ibang tao? Bakit mahalagang hindi natin iwasan ang iba o isipin na mas mabuti tayo kaysa kanila? (Tingnan sa Alma 5:54–56; 38:13–14.) Paano natin mapaglalabanan ang hindi mabuting damdamin sa iba?

    Sinabi ni Elder Joe J. Christensen na: “May mga taong gumigising tuwing umaga na natatakot magpunta sa paaralan, o kahit na sa gawain sa Simbahan, dahil nag-aalala sila na baka kung ano ang gawing pakikitungo sa kanila. Nasa inyo ang kapangyarihang baguhin ang kanilang buhay upang mas bumuti ito… . Umaasa ang Panginoon sa inyo na magiging tagapag-angat kayo at tutulungan ninyo sila. Huwag ninyong pakaisipin ang inyong sarili at lalo pang isipin ang kapangyarihang nasa inyo upang matulungan ang iba, maging ang mga taong bahagi mismo ng inyong pamilya” (sa Conference Report, Okt. 1996, 54; o Ensign, Nob. 1996, 39).

4. Binuhay ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Juan 11:1–54. Ipaliwanag na pagkatapos na pagkatapos na magpunta si Jesus sa tahanan ni Zaqueo, ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa kanyang mga kaibigan na sina Maria at Marta na nagsasaad na ang kanilang kapatid na si Lazaro, na matalik ding kaibigan ni Jesus, ay maysakit (Juan 11:1–5). Makalipas ang dalawang araw, inutusan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na sumama sa kanya sa Betania, ang lungsod sa Judea kung saan nakatira sina Maria, Marta, at Lazaro (Juan 11:6–7).

  • Nang magbalik si Jesus sa Betania ay apat na araw nang patay si Lazaro (Juan 11:17). Ano ang ginawa ni Marta nang marinig niyang darating si Jesus? (Tingnan sa Juan 11:20.) Ano ang hinangaan ninyo sa patotoo ni Marta tungkol sa banal na misyon ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Juan 11:21–27.)

  • Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niyang umiiyak si Maria at ang iba pang mga tao? (Tingnan sa Juan 11:33–35.) Paano naiimpluwensiyahan ng pangyayaring ito ang inyong damdamin tungkol kay Jesus?

  • Sa kabila ng kanyang matatag na patotoo ay tila nanghina ang pananampalataya ni Marta nang hilingin ni Jesus na alisin ang bato sa libingan ni Lazaro (Juan 11:39). Paano siya tinulungan ni Jesus? (Tingnan sa Juan 11:40.) Ano ang matututuhan natin dito tungkol sa inaasahan ng Panginoon sa atin?

  • Ano ang maituturo sa atin ng panalangin ni Jesus bago niya binuhay si Lazaro tungkol sa kanyang kaugnayan sa kanyang Ama? (Tingnan sa Juan 11:41–42.) Paano natin masusundan ang halimbawa ni Jesus sa ating pansarili at pangmag-anak na mga panalangin?

Ipakita ang larawan ni Jesus na binubuhay si Lazaro mula sa mga patay, at anyayahan ang isang miyembro ng klase na basahin ang Juan 11:43–44.

  • Tapos nang buhayin ni Jesus ang dalawang tao mula sa mga patay (Marcos 5:22–24, 35–43; Lucas 7:11–17). Paano naging kaiba ang pagbuhay kay Lazaro sa naunang dalawang pangyayari? (Ang anak na babae ni Jairo at ang anak na lalaki ng balo ng Nain ay binuhay mula sa mga patay pagkatapos na pagkatapos maghiwalay ng kanilang katawan at espiritu. Hindi sila nailagay sa libingan. Apat na araw nang patay si Lazaro at ang kanyang katawan ay nasa loob na ng libingan.)

  • Paano naging saksi ng banal na misyon ng Tagapagligtas ang himala ng pagbuhay kay Lazaro mula sa mga patay? Ano ang naging epekto ng himalang ito sa mga taong nakasaksi nito? (Tingnan sa Juan 11:45–46.) Paano nakapagpapalakas ng inyong pananampalataya sa Tagapagligtas ang himalang ito?

Katapusan

Ipaliwanag na ang mga alituntuning itinuturo sa mga pangyayaring tinalakay ninyo ay makapagpapalakas sa ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Matapos na sandaling pagbalik-aralan ang mga pangyayari, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Thomas S. Monson:

“Ang paglipas ng panahon ay hindi nakapagpabago sa kakayahan ng Manunubos na baguhin ang buhay ng mga tao. Kagaya ng sinabi niya sa patay na si Lazaro, ay gayundin ang sinasabi niya sa inyo at sa akin: ‘ … lumabas ka.’ (Juan 11:43.) Lumabas ka mula sa kawalang pag-asa ng pag-aalinlangan. Lumabas ka mula sa pighati ng kasalanan. Lumabas ka mula sa kamatayan ng kawalan ng pananampalataya. Lumabas ka tungo sa bagong buhay. Lumabas ka” (sa Conference Report, Abr. 1974, 72; o Ensign, Mayo 1974, 50).

Himukin ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga paraan kung paano nila mapalalakas ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Karagdagang Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

Ang talinghaga ng Fariseo at ng maniningil ng buwis

Basahin at talakayin ang talinghaga ng Fariseo at ng maniningil ng buwis (Lucas 18:9–14).

  • Paano ninyo ilalarawan ang panalangin ng Fariseo sa talinghagang ito? Paano ninyo ilalarawan ang panalangin ng maniningil ng buwis?

  • Ano ang ibig sabihin ng “Ang bawat nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa’t ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas”? (Tingnan sa Lucas 18:14; Eter 12:27.)