Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 25: ‘Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo’


Aralin 25

“Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo”

Mateo 26:36–46; Marcos 14:32–42; Lucas 22:39–46

Layunin

Palakasin ang mga patotoo ng mga miyembro ng klase na makatatanggap sila ng kapatawaran, kapayapaan, at buhay na walang hanggan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan, na nagbibigay ulat tungkol sa karanasan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani: Mateo 26:36–46, Marcos 14:32–42, at Lucas 22:39–46.

  2. Karagdagang pagbabasa: 2 Nephi 2:5–8; Alma 7:11–14; 34:8–16; 42:1–31; Doktrina at mga Tipan 19:15–24; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bayad-sala”, o “Pagbabayad-sala,” 26–27 at “Getsemani” 69.

  3. Kung makukuha ang larawan na Si Jesus ay Nananalangin sa Getsemani (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 227), gamitin ito sa aralin.

  4. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na dumating sa klase na nakahandang magpahayag ng kanilang nadarama tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa Pagbabayad-sala o pagbigkas ng ilang linya mula sa isang paboritong himno na pangsakramento.

  5. Mungkahi para sa pagtuturo: Sinabi ng Panginoon na ‘Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita” (Doktrina at mga Tipan 11:21). Upang mabisang makapagturo mula sa mga banal na kasulatan, dapat ninyong pag-aralan at pagnilay-nilayin ang mga ito araw-araw. Palagiang alagaan ang inyong patotoo tungkol sa kapangyarihan at katotohanan ng mga ito. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 7, “Alamin nang May Katiyakan ang Aking mga Doktrina,” 13–14 at Yunit E, Paksa 7, “Pagbibigay-buhay sa mga Banal na Kasulatan,” 105–107.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ilang taon bago naordenan bilang Apostol si Elder Orson F. Whitney ay nakatanggap siya ng pangitain tungkol sa Tagapagligtas na nasa Halamanan ng Getsemani. Basahin ang sumusunod na siping-banggit, na paglalarawan ni Elder Whitney sa kanyang pangitain:

“Para bang ako ay nasa Halamanan ng Getsemani, isang saksi sa pagdurusa ng Tagapagligtas. Nakita ko sa Kanya ang kapayakan na hindi ko nakita kahit kanino. Habang nakatayo ako sa likuran ng isang puno sa gawing harapan ay nakita ko si Jesus na kasama sina Pedro, Santiago, at Juan, habang papasok sila sa isang maliit … na pasukan sa gawing kanan ko. Nang iwanan niya ang tatlong Apostol doon, matapos sabihin sa kanilang lumuhod at manalangin, ang Anak ng Diyos ay nagpunta sa kabilang panig ng Halamanan ng Getsemani, kung saan lumuhod din Siya at nanalangin. Iyon ay panalangin na pamilyar sa lahat ng mga mambabasa ng Biblia: ‘Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.’

“Habang nananalangin Siya ay dumaloy ang luha sa kanyang mukha, na nakaharap sa akin. Labis na naantig ang aking kalooban sa tagpong iyon kung kaya’t umiyak din ako, dahil sa nais kong damayan siya nang lubusan. Ang buong puso ko’y nahabag sa kanya; minahal ko siya nang aking buong kaluluwa, at ibig na ibig kong makapiling siya higit sa anupaman.

“Makaraan ang ilang sandali ay tumayo na Siya at naglakad patungo sa lugar kung saan nakaluhod ang mga Apostol na iyon—na mahimbing na natutulog! Marahang niyugyog niya sila, ginising sila, at sa mahinahon na tinig, na wala ni kaunting bahid ng galit o pagkayamot, ay nagtanong sa kanila nang may kalungkutan kung hindi ba nila magagawang makipagpuyat sa kanya sa loob ng isang oras. Naroon Siya, na pasan sa kanyang mga balikat ang matinding bigat ng kasalanan ng sanlibutan, kasama ang dalamhating dulot ng bawat lalaki, babae, at bata na tumitimo sa kanyang sensitibong kaluluwa—at hindi nila magawang makipagpuyat a kanya kahit sa loob lamang ng isang oras!

“Nagbalik siya sa kanyang lugar, inialay Niya ang gayon ding panalangin tulad ng dati; pagkatapos ay nagbalik at muling natagpuan silang nangatutulog. Muli niyang ginising ang mga ito, muling pinaalalahanan, at minsan pa’y nagbalik at nanalangin. Tatlong ulit itong nangyari” (Through Memory’s Halls [1930], 82).

Ipakita ang larawan ni Jesus na nananalangin sa Getsemani. Hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin ang kanilang pagmamahal para sa Tagapagligtas at kung ano ang mararamdaman nila kung sakaling nakita nila siya na nananalangin sa Halamanan ng Getsemani noong gabi bago ang kanyang Pagpapako sa Krus. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga naiisip.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Ang araling ito at ang aralin 26 ay tungkol sa Pagbabayad-sala—ang bukal sa kaloobang pag-ako ni Jesucristo sa kamatayan at mga kasalanan at karamdaman ng buong sangkatauhan. Ang araling ito ay nakatuon sa karanasan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani, samantalang tinatalakay naman ng aralin 26 ang kanyang Pagpapako sa Krus. Mahalagang tandaan na ang Pagbabayad-sala ay kinapapalooban kapwa ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa halamanan at sa krus.

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na: “Sa Getsemani at sa Kalbaryo ay isinagawa Niya ang walang katapusan at walang hanggang pagbabayad-sala. Iyon ang nag-iisang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal sa nakatalang kasaysayan. Kung kaya Siya ang naging Manunubos natin—tinubos tayong lahat mula sa kamatayang pisikal, at tinubos mula sa kamatayang espirituwal ang mga taong susunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 14).

1. Inako ng Tagapagligtas sa kanyang sarili ang ating mga kasalanan at karamdaman.

Talakayin ang Mateo 26:36–46; Marcos 14:32–42; at Lucas 22:39–46. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Ano ang hiniling ni Jesus na gawin ng Kanyang mga Apostol sa Halamanan ng Getsemani? (Tingnan sa Lucas 22:39–40.) Bakit hiniling ni Jesus sa mga Apostol na manalangin? (Tingnan sa Lucas 22:40.) Paano tayo pinalalakas ng panalangin laban sa tukso?

  • Ano ang hiniling ni Jesus na gawin nina Pedro, Santiago, at Juan sa Halamanan ng Getsemani? (Tingnan sa Mateo 26:38, 41. Bigyang-diin na ang ibig sabihin ng gamit na ito ng salitang makipagpuyat ay manatiling gising.) Paano maaaring naaangkop sa atin ang utos na magpuyat, o manatiling gising sa pagsisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo? (Tingnan sa 2 Nephi 4:28; Alma 7:22; 32:26–27.)

  • Bakit bukal sa kalooban ni Jesus na magpasailalim sa matinding paghihirap na alam niyang daranasin niya sa Halamanan ng Getsemani? (Tingnan sa Mateo 26:39, 42, 44.) Ano ang matututuhan natin mula sa panalangin ng Tagapagligtas sa Getsemani? Paano kayo pinagpala sa pagpapasailalim ninyo sa kalooban ng Ama sa Langit?

  • Matapos sabihin ni Jesus na gagawin niya ang kalooban ng Ama sa Langit, ay “nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kanya” (Lucas 22:43). Ano ang maituturo nito sa atin tungkol sa ating Ama sa Langit? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang palalakasin niya tayo habang buong kababaang-loob nating sinusunod ang kanyang kalooban.)

  • Ano ang naranasan ng Tagapagligtas sa Getsemani? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19; Lucas 22:44; Mosias 3:7; Alma 7:11–13.)

    Itinuro ni Elder James E. Talmage na: “Ang pagdurusa ni Cristo sa halamanan ay hindi maaarok ng may-hangganang kaisipan, kapwa sa kasidhian at layunin nito… . Nakipaglaban siya at dumaing sa paghihirap na hindi maaabot ng kaisipan ng sinumang nilalang na nabuhay sa mundo. Iyon ay hindi lamang pisikal na paghihirap, ni dalamhating pangkaisipan, na naging dahilan upang danasin niya ang gayong labis na hirap na naging sanhi upang lumabas ang dugo sa bawat butas ng kanyang balat; kundi isang espirituwal na pagdurusa ng kaluluwa na tanging ang Diyos ang makababata ng gayong karanasan… . Sa oras na iyon ng pagdurusa ay hinarap at napagtagumpayan ni Cristo ang lahat ng kakila-kilabot na bagay na maaaring ihasik ni Satanas, ‘ang prinsipe ng sanglibutang ito,’… . Sa di malaman na kalagayan, sa aktuwal at kahindikhindik na katotohanan bagama’t hindi kayang arukin ng tao, tinaglay ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang bigat ng mga kasalanan ng sanlibutan mula kay Adan hanggang sa dulo ng daigdig” (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 613).

    Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell na: “Bilang bahagi ng Kanyang walang hanggang pagbabayad-sala, alam ni Jesus ‘ayon sa laman’ ang lahat ng ating pagdaraanan. (Alma 7:11–12.) Tiniis niya ang mga kasalanan, pighati,dalamhati, at sakit ng bawat lalaki, babae, at bata (tingnan sa 2 Nephi 9:21)” (sa Conference Report, Abr. 1987, 89; o Ensign, Mayo 1987, 72).

2. Kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Bakit kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tingnan sa Alma 34:9.)

    1. Dahil sa Pagkahulog ni Adan at ni Eva, tayo ay daranas ng kamatayang pisikal, na siyang paghihiwalay ng katawan at espiritu (Moises 6:48).

    2. Kapag nagkakasala tayo ay nagdudulot tayo ng kamatayang espirituwal sa ating sarili dahil inilalayo natin ang ating sarili sa Diyos. Ang ating mga kasalanan ang nagpaparumi sa atin at dahilan ng ating pagiging hindi karapat-dapat na mamuhay sa piling ng Diyos (1 Nephi 10:21).

    3. Dahil hindi natin mapagtatagumpayan ang pisikal o espirituwal na kamatayan nang tayo lamang, ipinadala ng Ama sa Langit ang kanyang Bugtong na Anak upang ipaabot ang Pagbabayad-sala (Juan 3:16; 2 Nephi 2:5–9).

  • Anong mga biyaya ang mapapasaatin dahil sa pagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas? Paano natin matatanggap ang mga biyayang ito?

    1. Dahil ang Tagapagligtas ay napasailalim sa kamatayan at nabuhay na maguli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli, na napagtatagumpayan ang kamatayang pisikal (Mosias 16:7–8).

    2. Dahil inako niya ang ating mga kasalanan, mapagsisisihan natin ang ating mga kasalanan at tayo ay mapapatawad, at magiging malinis at karapatdapat tayong mamuhay sa piling ng Diyos (Alma 7:13–14; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).

    3. Dahil inako niya sa kanyang sarili ang ating mga karamdaman, nauunawaan niya ang ating mga paghihirap at alam niya kung paano tayo matutulungan (Alma 7:11–12). Nakatatanggap tayo ng kapayapaan sa kanya habang buong kababaang-loob tayong sumusunod sa kanya (Doktrina at mga Tipan 19:23).

    Ipinaliwanag ni Elder Marion G. Romney na sa pamamagitan ng Pagbabayadsala, ang lahat ng tao ay maliligtas mula sa kamatayang pisikal at ang nagsisisi at masunurin ay maliligtas din mula sa kasalanan:

    “Kinailangan ang pagbabayad-sala ni Jesucristo upang mapagsamang muli ang mga katawan at espiritu ng mga tao sa pagkabuhay na mag-uli. Kung kaya ang buong daigdig, mga mananampalataya at mga di-mananampalataya, ay may utang sa Manunubos sa tiyak nilang pagkabuhay na mag-uli, dahil ang pagkabuhay na mag-uli ay magiging kasinglaganap ng pagkahulog, na nagdulot ng kamatayan sa bawat tao.

    “May isa pang bahagi ang pagbabayad-sala na dahilan kung bakit lalo ko pang minahal ang Tagapagligtas, at pinupuspos ang aking kaluluwa ng pasasalamat na hindi maipaliwanag. Iyon ay bukod pa sa pagbabayad-sala sa paglabag ni Adan, na nagbigay-daan sa pagkabuhay na mag-uli, pinagbayaran ng Tagapagligtas ang aking sariling mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit. Pinagbayaran niya ang utang ng inyong sariling mga kasalanan at ang utang ng bawat nabubuhay na tao na nanirahan sa mundo o maninirahan sa buhay na ito sa mundo. Ngunit ginawa niya ito nang may pasubali. Ang mga benepisyo ng pagdurusang ito para sa ating kani-kanyang paglabag ay hindi darating sa atin nang walang pasubali na tulad ng pagkabuhay na mag-uli na darating sa atin anuman ang ating ginagawa. Kung tatanggapin natin ang mga biyaya ng pagbabayad-sala na may kaugnayan sa ating indibiduwal na paglabag, kailangan nating sundin ang batas.

    “ … Kapag nakagagawa tayo ng kasalanan ay nahihiwalay tayo sa Diyos at nagiging hindi karapat-dapat na pumasok sa kanyang kinaroroonan. Walang maruming bagay na makapapasok sa kanyang kinaroroonan. Hindi natin magagawa sa ating sarili, anuman ang ating gawin, na maalis ang batik na nasa atin bunga ng ating sariling mga paglabag. Kailangang maalis ang batik sa pamamagitan ng dugo ng Manunubos, at ipinakita niya ang paraan kung paano maaalis ang batik na iyon. Ang paraan na iyon ay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hinihiling ng ebanghelyo na maniwala tayo sa Manunubos, tanggapin ang kanyang pagbabayad-sala, pagsisihan ang ating mga kasalanan, magpabinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa ikapapatawad ng ating mga kasalanan, tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at patuloy na sundin nang buong katapatan, o gawin ang pinakamainam na magagawa natin upang sundin, ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa buong buhay natin” (sa Conference Report, Okt. 1953, 35–36).

Anyayahan ang inatasang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga pagtatanghal na inihanda nila (tingnan sa bahaging “Paghahanda”).

Katapusan

Magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang inyong pasasalamat sa kanyang Pagbabayad-sala. Kung naaangkop, hilingin sa mga miyembro ng klase na gawin din ang gayon.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Pagpapalabas ng video

Ang ikalimang yugto ng “New Testament Customs,” isang piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914), ay nagpapaliwanag na ang ibig sabihin ng Getsemani ay “gilingan ng olivo.” Kung ipalalabas ninyo ang yugtong ito, talakayin kung paano angkop na pangalan ang Getsemani sa halamanan kung saan tiniis ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan.

2. “Ang Tagapamagitan”

Gumamit si Elder Boyd K. Packer ng isang talinghaga upang ituro kung paano tayo pinalalaya ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa kasalanan kapag nagsisisi tayo at sumusunod sa mga kautusan. Maaari ninyong naising ibahagi ang talinghagang ito upang tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang pangangailangan sa Pagbabayad-sala. Ang talinghaga ay matatagpuan sa sumusunod na mga mapagkukunan:

  1. Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [1997], Kabanata 12, mga pahina 78–83.