Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 46: ‘Siya’y Mananahan sa Kanila, at Sila’y Magiging mga Bayan Niya’


Aralin 46

“Siya’y Mananahan sa Kanila, at Sila’y Magiging mga Bayan Niya”

Apocalipsis 5–6; 19–22

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na harapin ang bukas nang may pag-asa dahil alam nilang ang mga puwersa ng masama ay magagapi at ang Tagapagligtas ay matagumpay na maghahari.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang mga sumusunod na banal na kasulatan:

    1. Apocalipsis 5:1–5; 6. Nakita ni Juan sa pamamagitan ng paghahayag ang isang aklat na may pitong tatak at napanood ang ilan sa mga kaganapan ng unang anim na tatak, o kapanahunan. Nakita niyang nakipaglaban si Satanas sa mabubuting tao sa lahat ng panahon.

    2. Apocalipsis 19:1–9; 20:1–11. Nakita ni Juan na igagapos si Satanas at matagumpay na maghahari si Cristo sa Milenyo.

    3. Apocalipsis 20:12–22:21. Nalaman ni Juan na pagkatapos ng huling paghuhukom, ang mga mabubuti ay maninirahan sa piling ng Diyos.

  2. Karagdagang pagbabasa: Doktrina at mga Tipan 77; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghahayag ni Juan,” 180–181.

  3. Mungkahi sa pagtuturo: “Higit sa lahat, ang pinakamahalagang paghahanda ay ang sa inyong sarili. Maghanda upang mapasainyo ang impluwensiya ng Espiritu Santo” (Boyd K. Packer, Teach Ye Diligently [1975], 219). Ang bawat isa sa atin ay dapat na magsikap na mamuhay tulad ng pamumuhay ng Tagapagligtas at magturo tulad ng ginawa niyang pagtuturo. Buong panalanging isaalang-alang kung ano ang magagawa ninyo upang makatiyak na nagtuturo kayo sa pamamagitan ng impluwensiya ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 6, “Mamuhay Batay sa Inyong Itinuturo,” 11–12; at Yunit A, Paksa 9, “Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu,” 17–18.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita ang isang bagong pahayagan, at bigyang-diin ang dalawa o tatlong nakagagambalang mga lathalain, kagaya ng mga pangyayari tungkol sa mga krimen o kalamidad.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang nadarama ninyo kapag nakakabasa kayo ng mga pangyayaring tulad ng mga ito? (Huwag talakayin nang detalyado ang bawat pangyayari.)

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang II Kay Timoteo 3:1.

Bigyang-diin na nabubuhay tayo sa mga huling araw, sa panahon na inilarawan ni Apostol Pablo na “mapanganib.” Ipaliwanag na ang isa sa mga hamon ng pamumuhay sa mga huling araw ay pagkatutong gapiin ang takot at kawalan ng pag-asa upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok at tukso. Tatalakayin ng araling ito kung paano natin masusumpungan ang pag-asa at lakas ng loob sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga pangyayaring magaganap sa mga huling araw.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Talakayin kung paano makatutulong sa atin ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan upang magkaroon ng pag-asa habang hinaharap ang mga kahirapan sa mga huling araw. Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na hindi kailangang katakutan ng mga mabubuting tao ang Ikalawang Pagparito.

1. Nakikipaglaban si Satanas sa mga mabubuti.

Talakayin ang Apocalipsis 5:1–5; 6. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na ang unang tatlong kabanata ng aklat ng Apocalipsis ay nakapatungkol sa kapanahunan ni Juan (tingnan sa aralin 45). Ang nalalabing bahagi ng aklat ay tumatalakay sa mga pangyayari na hindi magaganap sa kapanahunan ni Juan kundi sa hinaharap pa, mula sa Lubusang Pagtalikod [sa katotohanan] na naganap matapos ang pagkamatay ng mga Apostol hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa huling paghuhukom.

Ipaliwanag na ginamit ng mga kabanata 5 at 6 ng Apocalipsis ang simbulo ng isang aklat na “tinatakang mahigpit ng pitong tatak” (Apocalipsis 5:1). Ang bawat tatak ay sumasagisag sa isang libong taon na kapanahunan ng temporal na pag-iral ng mundo (Doktrina at mga Tipan 77:6–7); tayo ay nabubuhay sa kapanahunang isinasagisag ng ikaanim na tatak. (Tingnan ang ikatlong karagdagang ideya sa pagtuturo para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pitong tatak.) Sa kabanata 6 ay binuksan ng Kordero (Jesucristo) ang unang anim na tatak, na nagpapakita ng ilan sa mga pangyayaring may kaugnayan sa bawat isa sa mga kapanahunan.

  • Ang isang bagay na natutuhan natin mula sa kabanata 6 ay ang nakipaglaban si Satanas sa mabubuti sa kabuuan ng kasaysayan ng mundo. Ayon sa Apocalipsis 6:4–11, ano ang ilang paraan kung paano niya ginawa ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga nakalista sa ibaba.)

    1. Karahasan at digmaan (Apocalipsis 6:4, 8)

    2. Kagutuman at taggutom (Apocalipsis 6:5–6, 8. Ipaliwanag na ang salaping Romano ay katamtamang sahod sa maghapon at ang isang takal ng trigo ay katumbas ng isang araw na pagkain ng isang tao; isinasaad ng talata 6 na ang sahod sa maghapon ay makabibili lamang ng katumbas na pagkain sa isang araw para sa isang tao.)

    3. Pag-uusig (Apocalipsis 6:9–11)

  • Anong mga paraan (taktika) ang ginagamit ni Satanas ngayon sa pagsisikap na tuksuhin ang mabubuting tao?

    Isinaad ni Pangunong Gordon B. Hinckley na:

    “Ang digmaang iyon, na napakapait, at napakatindi, ay nagpatuloy pa rin, at hindi kailan man natigil. Ito ang digmaan sa pagitan ng katotohanan at kamalian, sa pagitan ng kalayaang pumili at pamumuwersa, sa pagitan ng mga tagasunod ni Cristo at ng mga nagtatuwa sa Kanya. Ginagamit ng kanyang mga kaaway ang bawat pamamaraan sa tunggaliang iyon. Nagpapasasa sila sa pagsisinungaling at panlilinlang. Ginagamit nila ang salapi at kayamanan. Nalilinlang nila ang kaisipan ng mga tao. Pumapatay sila at naninira at ginagawa ang bawat makasalanan at masamang gawain upang hadlangan ang gawain ni Cristo. …

    “Ang [pagsalungat] ay nadarama sa bawat walang-tigil na pagsisikap ng marami, kapwa sa loob at sa labas ng Simbahan, upang sirain ang pananampalataya, maliitin, hamakin, pasinungalingan, tuksuhin at akitin at ganyakin ang ating mga tao sa mga gawaing hindi naaayon sa mga turo at pamantayan ng gawaing ito ng Diyos… .

    “Ang digmaan ay nagpapatuloy. Ito ay pinagtatalunan sa buong daigdig sa mga isyu tungkol sa kalayaang pumili at pamumuwersa. Ito ay pinagtatalunan ng hukbo ng mga misyonero sa mga isyu tungkol sa katotohanan at kamalian. Ito ay pinagtatalunan sa ating sariling buhay, araw-araw, sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, sa ating mga samahan sa paaralan; pinagtatalunan ito sa mga tanong na ukol sa pag-ibig at paggalang, sa katapatan, sa pagkamasunurin at integridad. Lahat tayo ay kasangkot dito” (sa Conference Report, Okt. 1986, 55–58; o Ensign, Nob. 1986, 42, 44–45).

  • Matapos ibigay ang mga puna na binanggit sa itaas ay idinagdag ni Pangulong Hinckley na, “Napapanalunan natin [ang pakikipagdigmaan laban kay Satanas], at ang hinaharap ay hindi kailanman naging mas maliwanag” (sa Conference Report, Okt. 1986, 58; o Ensign, Nob. 1986, 45). Paano natin mapananatili ang pag-asa at ang isang positibong pananaw habang nakikipaglaban tayo sa digmaan laban kay Satanas? Ano ang mga mapagkukunan natin na makapagpapalakas sa atin laban sa kapangyarihan ni Satanas at ng kanyang mga tagasunod? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga buhay na propeta, awtoridad ng pagkasaserdote, mga templo, at pakikisalamuha sa iba pang mga miyembro ng Simbahan.)

2. Si Satanas ay igagapos, at si Cristo ay matagumpay na maghahari sa Milenyo.

Basahin at talakayin ang Apocalipsis 19:1–9 at Apocalipsis 20:1–11.

  • Binanggit ni Juan ang maraming salot, digmaan, at paghuhukom na magaganap bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (Apocalipsis 8–16). Pagkatapos, sa Apocalipsis 19 ay inilarawan niya ang pagdating ng Panginoon, na isinagisag ng hapunan ng isang kasalan (Apocalipsis 19:7–9). Ano ang isinasagisag ng asawa ng Cordero? (Ang Simbahan ni Jesucristo.) Ano ang ipinahihiwatig ng simbulo ng hapunan ng kasalan, kung saan si Cristo ang kasintahang lalaki at ang Simbahan ang kasintahang babae, tungkol sa ugnayan sa pagitan ng Panginoon at ng kanyang Simbahan?

  • Ano ang kailangan nating gawin upang maanyayahan sa hapunan ng kasalang ito?

    Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na: “Ipinararating na ngayon ng mga elder ng Israel ang mga paanyaya sa hapunan ng kasal ng Panginoon; ang mga naniniwala at sumusunod sa ebanghelyo ay tinatanggap ang paanyaya at mauupo sa takdang oras … sa hapag ng kasal” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:563–64).

  • Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ang magpapasimula sa Milenyo, isang libong taong panahon kung kailan personal na maghahari si Cristo sa mundo. Ano ang mangyayari kay Satanas sa Milenyo? (Tingnan sa Apocalipsis 20:1–3.) Ano na ang magiging kalagayan ng buhay kapag naigapos na si Satanas? (Tingnan sa 1 Nephi 22:26; Doktrina at mga Tipan 45:55, 58.) Paano natin malilimitahan ang kapangyarihan ni Satanas sa ating buhay sa ngayon?

  • Pagkatapos ng Milenyo ay pawawalan si Satanas sa loob ng maikling panahon, at isang kahuli-hulihang digmaan ang paglalabanan ng mga hukbo ng Diyos at ng mga hukbo ni Satanas (Apocalipsis 20:7–8; Doktrina at mga Tipan 88:111–13). Ito ay tinatawag kung minsan na digmaan sa Gog at sa Magog. Ano ang magiging resulta ng malaking digmaang ito sa dakong huli ng Milenyo? (Tingnan sa Apocalipsis 20:9–11; Doktrina at mga Tipan 88:114–15.) Dahil sa alam na ang magiging resulta ng digmaan, ano ang ating pananagutan tungkol sa tagumpay na ito?

    Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na: “Araw-araw ay nadaragdagan ang mga bagong kasapi ng mga puwersa ng masama at ng puwersa ng mabuti. Araw-araw ay personal tayong gumagawa ng mga pagpapasiya na nagpapakita kung aling mithiin ang ating itinataguyod. Ang kahihinatnan ay natitiyak na—ang mga puwersa ng kabutihan ay magwawagi. Ngunit ang nananatiling aabangan ay kung saan papanig ang bawat isa sa atin, ngayon at sa hinaharap, sa digmaang ito—at kung gaano kalakas ang ating loob na manindigan. Mananatili ba tayong matapat sa ating nalalabing mga araw at tutuparin ang ating mga misyon na inordena noon pa mang una?” (“In His Steps,” Ensign, Set. 1988, 2).

3. Pagkatapos ng huling paghuhukom, ang mabubuti ay mananahan sa piling ng Diyos.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Apocalipsis 20:12–22:21.

  • Pagkatapos ng huli at malaking digmaan ay magaganap ang huling paghuhukom. Ano ang matututuhan natin mula sa Apocalipsis 20:12 tungkol sa kung paano tayo huhusgahan? Anong mga pagpapala ang darating sa mga mahahatulang mabubuti? (Tingnan sa Apocalipsis 21:3–7. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase. Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga nakalista sa kasunod na pahina.)

Ang mabubuti ay:

  1. Mananahan sa piling ng Diyos (Apocalipsis 21:3).

  2. Hindi na makararanas ng kamatayan, kalungkutan, pag-iyak, o sakit (Apocalipsis 21:4).

  3. Mamanahin ang lahat ng bagay bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos (Apocalipsis 21:7).

  • Paano makatutulong ang kaalaman tungkol sa mga dakilang pagpapalang ito sa pagharap natin sa mga kahirapan sa buhay na ito?

  • Inilalarawan ng Apocalipsis 21:10–22:5 ang kaluwalhatiang selestiyal ng mundo at ng lungsod na titirahan ng mga nagkamit ng kaluwalhatiang selestiyal. Bakit walang templo sa lungsod na selestiyal? (Tingnan sa Apocalipsis 21:22. Ang layunin ng templo ay ilapit tayo sa Diyos at ituro sa atin ang kanyang plano. Kapag nanirahan na tayong muli sa kanyang piling ay hindi na kakailanganin ang mga templo.) Ano ang sinasabi sa atin ng Apocalipsis 22:14 na kailangan nating gawin upang makapasok sa tarangkahan ng lungsod na walang hanggan?

    Ikinuwento ni Pangulong David O. McKay ang isang pangitain kung saan nakakita siya ng isang magandang lungsod, ng maraming taong nakasuot ng puting kasuotan, at ang Tagapagligtas:

    “Sa pagkaunawa ko ang lungsod ay [sa Tagapagligtas]. Iyon ang Lungsod na Walang Hanggan; at ang mga taong sumusunod sa kanya ay maninirahan doon sa kapayapaan at walang hanggang kaligayahan.

    “Ngunit sino sila?

    “Tila nabasa ng Tagapagligtas ang aking kaisipan, sumagot siya sa pamamagitan ng pagtuturo sa isang pabilog na noo’y lumitaw sa may itaas nila, at kung saan ay nasusulat sa ginto ang mga salitang: Ito ang mga Tao na Napagtagumpayan ang Daigdig—Na Tunay na Isinilang na Muli!” (Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss [1976], 60).

Katapusan

Bigyang-diin na ang Bagong Tipan ay nagtatapos sa isang mensahe ng malaking pag-asa. Nakita ng mga propetang tulad ni Juan na Tagapagpahayag ang mga bagay na darating at sinabi niya sa atin ang mga biyayang matatanggap natin kung mananatili tayong mabuti at magtitiis hanggang sa wakas. Magpatotoo na ang mabubuti ay magtatagumpay sa katapusan ng mundo. Himukin ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng lakas ng loob at pag-asa mula sa kaalamang ito habang naninindigan sila laban sa kasamaan at hangaring mapagtagumpayan ang mga balakid sa buhay na ito.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Ang mga panganib ng pagtutuon ng ating mga puso sa mga ari-arian sa mundo

  • Itinuturo ng Apocalipsis 18:11–18 na ang masasama ay tatangisan ang paglaho ng kanilang mga ari-arian sa mundo at mamamangha sa pagkawasak ng malaking kaharian ng mundo sa napakaikling panahon. Kailan kayo nakakita ng nawasak o naglahong mga ari-arian sa mundo sa napakadaling panahon?

  • Ano ang mga panganib ng pagtutuon ng ating mga puso sa mga makamundong bagay? Sa anong mga paraan tayo ginugulo at inilalayo ng makamundong mga bagay mula sa espirituwal na mga bagay?

2. Ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Apocalipsis 20:4–6. Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang mga talatang ito, ibahagi ang sumusunod na impormasyon (nasa ibaba):

Ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli, o ang pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid, ay magsisimula sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga tatanggap ng selestiyal o kaya’y terestriyal na gantimpala ay magbabangon sa pagkabuhay na mag-uling ito (Doktrina at mga Tipan 88:98–99). Ang Ikalawang Pagkabuhay na Mag-uli, o ang pagkabuhay na mag-uli ng masasama, ay hindi magsisimula hangga’t hindi natatapos ang Milenyo. Ang mga tatanggap ng telestiyal na gantimpala at ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay magbabangon sa pagkabuhay na mag-uling ito (Doktrina at mga Tipan 88:100–102).

3. Ang pitong tatak sa aklat ng Apocalipsis

Ang kasunod na tsart ay naglalaan ng karagdagang impormasyon tungkol sa bawat isa sa pitong tatak. Ang tsart ay maaaring maging kapaki-pakinabang din sa pag-unawa ng istruktura ng aklat ng Apocalipsis.

Tatak

Mga Panguhaning Pangyayari

Unang tatak

Ang paglikha at ang pagkahulog nina Adan at Eva; ang ministeryo ni Enoc at ang pagbabagong kalagayan ng kanyang lungsod patungo sa langit (Apocalipsis 6:1–2).

Ikalawang tatak

Si Noe at ang Baha (Apocalipsis 6:3–4).

Ikatlong tatak

Ang ministeryo nina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose (Apocalipsis 6:5–6).

Ikaapat na tatak

Ang ministeryo ni Moises; ang Exodo; ang kapanahunan ng pamumuno ng mga hukom; ang kapanahunan ng pamumuno ng mga hari; ang pagkakahati ng kaharian; ang paggapi sa mga kaharian (Apocalipsis 6:7–8).

Ikalimang tatak

Ang pagsilang, ministeryo, pagpapako, at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo; ang pagkakatatag ng kanyang Simbahan at ang ministeryo ng mga Apostol; pagpaslang sa mga Apostol; ang Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan (Apocalipsis 6:9–11).

Ikaanim na tatak

Pagpapatuloy ng Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan; pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Propetang si Joseph Smith; mga palatandaan ng panahon ay ipinakikita (Apocalipsis 6:12–17; 7:1–8).

Ikapitong tatak

Mga digmaan, salot, at kapanglawan; Ikalawang Pagparito ng Panginoon (Apocalipsis 8:1–19:21). Milenyo ng kapayapaan (Apocalipsis 20:1–6). Pawawalan ng sandaling panahon si Satanas, ang huling malaking digmaan, at ang huling paghuhukom (Apocalipsis 20:7–15).

Pagkatapos ng ikapitong tatak

Ang mundo ay magiging selestiyal (Apocalipsis 21:1–22:6).

  • Bigyang-diin na ang unang limang tatak ay tinalakay sa 11 talata, ang ikaanim na tatak ay tinalakay sa 14 na mga talata, at ang ikapitong tatak ay tinalakay sa 226 na mga talata. Ano ang itinuturo sa atin ng pagbibigay-diin na ito?

Bigyang-diin na pinagtuunan ni Juan ng matamang pansin ang mga kaganapan sa ating kapanahunan at sa kapanahunang darating. Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat para sa ating panahon, at ang ating buhay ay pagpapalain habang pinagaaralan natin ito at naghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.