Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagsagawa ng mga himala ang Tagapagligtas.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Marcos 1:14–15, 21–45. Si Jesus ay naglakbay sa buong Galilea na nagtuturo ng ebanghelyo, nagtataboy ng mga demonyo, at nagpapagaling ng maysakit. Itinaboy niya ang isang karumal-dumal na espiritu mula sa isang tao, pinagaling ang biyenan na babae ni Simon Pedro, at pinagaling ang isang ketongin.
Marcos 2:1–12. Pinatawad ni Jesus ang mga kasalanan ng isang tao at pinagaling ang isang lalaking lumpo.
Marcos 4:35–41; 5:1–20; Lucas 7:11–17. Pinayapa ni Jesus ang maunos na dagat, itinaboy ang isang pulutong ng mga demonyo, at binuhay mula sa mga patay ang anak na lalaki ng balo ng Nain.
Marcos 5:21–43. Pinagaling ni Jesus ang babaing inaagasan at binuhay mula sa mga patay ang anak na babae ni Jairo.
Kung ang mga larawang Pagpapatigil sa Bagyo (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 214) at Binabasbasan ni Jesus ang Anak na Babae ni Jairo (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 215) ay makukuha, gamitin ang mga ito sa aralin.
Mungkahi sa pagtuturo: Kailangang malaman ng mga miyembro ng klase kung bakit mahalaga sa panahon ngayon ang mga turo sa mga banal na kasulatan. Habang inihahanda ninyo ang bawat aralin, may panalanging isaalang-alang kung ano ang magagawa ninyo upang himukin ang mga miyembro ng klase na iakma sa kanilang pamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 136; Yunit E, Paksa 21, “Pagtulong sa mga Miyembro ng Klase na Ipamuhay ang mga Alituntunin ng Aralin,” 144–146.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Mga himala sa Lumang Tipan
Ipaliwanag na ang mga himala ay hindi bago sa mga Judio. Ang mga himala ay naisagawa na noong una ng mga propetang iginalang ng mga Judio sa Lumang Tipan. Sandaling pagbalik-aralan ang sumusunod na mga halimbawa:
Binuhay mula sa mga patay ng propetang si Elijah ang isang batang lalaki (I Mga Hari 17:17–24).
Pinakain ng propetang Eliseo ang isang pulutong sa pamamagitan ng kaunting pagkain (II Mga Hari 4:42–44).
Pinagaling ni propetang Eliseo si Naaman, na isang ketongin (II Mga Hari 5:1–19).
Sa anong kapangyarihan nagsagawa ng mga himala ang mga propetang ito? (Ang pagkasaserdote, ang banal na kapangyarihan na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.)
2. “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit” (Marcos 2:17)
Ano ang naging reaksiyon ng mga eskriba at mga Fariseo nang makita nilang kumakain si Jesus na kasalo ang mga taong itinuturing nilang mga makasalanan? (Tingnan sa Marcos 2:15–16.) Ano ang sinabi ni Jesus sa kanila? (Tingnan sa Marcos 2:17.) Ano ang ibig sabihin nito? Sa anong mga paraan tayong lahat “nangangailangan … ng manggagamot”?