Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 3: ‘Sapagka’t Ipinanganak sa Inyo Ngayon … ang Isang Tagapagligtas’


Aralin 3

“Sapagka’t Ipinanganak sa Inyo Ngayon … ang Isang Tagapagligtas”

Lucas 2; Mateo 2

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na magalak sa pagsilang ni Jesucristo at sundan ang ipinakita niyang halimbawa noong kanyang kabataan, “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Lucas 2:1–7. Si Jesucristo ay isinilang.

    2. Lucas 2:8–39. Ang mga anghel at marami pang iba ay nagalak sa pagsilang ni Jesus.

    3. Mateo 2. Dinalaw si Jesus ng mga pantas mula sa silanganan at hinandugan siya ng mga regalo. Si Herodes, na nakadama ng takot sa pagsilang ng Hari ng mga Judio, ay nag-utos na patayin ang lahat ng mga batang dalawang taong gulang pababa na naninirahan sa Bet-lehem at sa mga karatig pook nito. Isang anghel ng Panginoon ang nag-utos kay Jose na magtungo sa Egipto na kasama sina Maria at Jesus at pagkaraan ay magbalik sa Israel na kasama nila.

    4. Lucas 2:40–52. Sa pamamagitan ng patnubay ng Ama, si Jesus ay lumaki at naghanda noong kanyang kabataan para sa kanyang ministeryo.

  2. Karagdagang pagbabasa: Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26; 1 Nephi 11:1–23; Helaman 14:1–8; 3 Nephi 1:4–21; 27:13–16; Doktrina at mga Tipan 93:11–20.

  3. Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang ilan sa mga ito sa aralin:

    1. “Luke II,” isang anim-na-minutong yugto mula sa New Testament Video Presentations (53914).

    2. Ang mga larawang No Room at the Inn (62115); Ang Pagsilang ni Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 200); Ang Kapanganakan ni Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 201); Ang Pagpapahayag ng Pagsilang ni Cristo sa mga Pastol (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 202); Ang mga Pantas na Lalaki (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 203); Pagtakas Patungong Egipto (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 204); Ang Batang si Jesus sa Templo (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 205); Ang Pagkabata ni Jesucristo (34730; 893 Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 206); at Jesus and His Mother (Gospel Art Picture Kit 242).

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Gumamit ng mga angkop na larawan at pagpapalabas ng video upang maanyayahan ang Espiritu, magkaroon ng mga iba’t ibang paraan sa pagtuturo sa mga aralin, at matulungan ang mga miyembro ng klase na maalala ang mga pangyayari sa banal na kasulatan na tinatalakay nila (tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit G, “Paghahanda at Paggamit ng mga Kagamitan sa Pagtuturo,” 189).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Isulat ang sumusunod na mga tao sa pisara: isang pastol, Simeon, isang pantas mula sa silanganan, Herodes, isang taong nasa bahay panuluyan, Ana, isang anghel, Maria.

Basahin ang sumusunod na mga sagot sa pagsilang ni Jesucristo. Hilingin sa mga miyembro ng klase na itugma ang bawat tugon sa angkop na tao:

Gawaing Pantawag-pansin

  1. Naglakbay ako nang malayo upang hanapin siya, binigyan ko siya ng mga regalo, at sinamba siya. (Isang pantas mula sa silanganan; Mateo 2:1–2, 9–11.)

  2. Hindi ko siya binigyan ng silid. (Isang taong nasa bahay panuluyan; Lucas 2:7.)

  3. Sa pagtanggap ko ng patotoo mula sa Espiritu Santo, kinarga ko ang bata at alam kong maaari na akong mamatay nang payapa. (Simeon; Lucas 2:25–32.)

  4. Sinabi kong, “Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.” (Isang anghel; Lucas 2:13–14.)

  5. Kaagad akong nagpunta upang makita siya. (Isang pastol; Lucas 2:15–16.)

  6. Nabagabag ako at tinangka kong patayin siya. (Herodes; Mateo 2:3–4, 16.)

  7. Pagkatapos ko siyang makita sa templo, nagpahayag ako ng pasasalamat at ipinamalita ang kanyang pagsilang. (Ana; Lucas 2:36–38.)

  8. Pinag-isipan kong mabuti ang pangyayari sa aking puso. (Maria; Lucas 2:19.)

Hilingan ang mga miyembro ng klase na pagnilay-nilayin ang sumusunod na mga tanong sa aralin:

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang inyong nadarama tungkol sa pangyayari sa pagsilang ng Tagapagligtas? Ano ang inyong nadarama tungkol sa kanyang buhay, kamatayan, pagbabayad-sala, at pagkabuhay na mag-uli?

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata mula sa banal na kasulatan, tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan kung bakit dapat tayong magalak sa pagsilang ng Tagapagligtas. Talakayin ang mga paraan ng pagsunod sa ipinakita niyang halimbawa noong kanyang kabataan.

1. Si Jesucristo ay isinilang.

Basahin at talakayin ang Lucas 2:1–7. Ipakita ang ilan sa mga larawan na nakalista sa bahaging “Paghahanda.”

  • Si Jesus ay may kaluwalhatian sa piling ng Ama sa Langit “bago ang sanglibutan ay naging gayon” (Juan 17:5). Nilikha niya ang kalangitan at ang mundo (Mosias 3:8). Bilang si Jehova ay inihayag niya ang mga kautusan at katotohanan ng ebanghelyo sa mga propeta ng Lumang Tipan (3 Nephi 15:2–5). Bakit nagpunta sa daigdig si Jesus? (Tingnan sa 3 Nephi 27:13–16.)

  • Ano ang mga kalagayan noong isinilang si Jesus? (Tingnan sa Lucas 2:7.) Paano inilarawan noong una pa ng mga kalagayang ito ang kanyang mortal na ministeryo at ang kanyang pagbabayad-salang sakripisyo? Sa paanong mga paraan tumatanggi ang mga tao sa ngayon na maglaan ng silid para sa Tagapagligtas sa kanilang buhay? Ano ang magagawa natin upang mapaglaanan siya ng silid sa ating buhay?

2. Ang mga anghel at marami pang iba ay nagalak sa pagsilang ni Jesus.

Talakayin ang Lucas 2:8–39. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipakita ang ilan sa mga larawang nakalista sa bahaging “Paghahanda.”

Kung gagamitin ninyo ang pagpapalabas ng video na “Luke II”, ipalabas na ito ngayon.

  • Ano ang sinabi ng mga anghel habang ibinabalita nila ang pagsilang ni Jesus? (Tingnan sa Lucas 2:13–14.) Paano niluwalhati ni Jesus ang Ama? Paano siya nagdulot ng kapayapaan at kabutihan sa lahat ng tao at sa inyo na rin mismo? Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa Diyos sa pagkakaloob niya ng kanyang Anak?

  • Ano ang ginawa ng mga pastol matapos nilang makita ang bagong silang na Tagapagligtas? (Tingnan sa Lucas 2:17–18.) Ano ang magagawa natin upang masundan ang kanilang halimbawa? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang tao na mababahaginan nila ng kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Ano ang ginawa ni Maria pagkatapos ng pagsilang ni Jesus at ng pagdalaw ng mga pastol? (Tingnan sa Lucas 2:19.) Ano ang inihahayag nito tungkol kay Maria? Bakit mahalagang mag-ukol ng panahon sa pagpapahalaga at pagninilay-nilay ng mga sagradong karanasan?

  • Paano inihanda sina Simeon at Ana para makita ang batang si Jesus? (Tingnan sa Lucas 2:25–26, 37.) Ano ang kanilang reaksiyon nang kanilang makita siya? (Tingnan sa Lucas 2:27–35, 38.) Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa kanilang mga propesiya?

3. Dumating ang mga pantas na lalaki upang sambahin ang batang si Jesus. Hinanap siya ni Herodes upang patayin.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mateo 2. Ipakita ang ilang larawan mula sa bahaging “Paghahanda.”

  • Bakit hinanap si Jesus ng “mga pantas na lalaking mula sa silanganan”? (Tingnan sa Mateo 2:1–2.) Ano ang ginawa nila nang makita nila si Jesus? (Tingnan sa Mateo 2:11. Pansinin na noong makita nila si Jesus sa dakong huli, siya ay isang “sanggol” na ang tunay na ibig sabihin nito ay isang batang paslit o musmos at hindi batang kasisilang pa lamang.) Anong mga regalo ang maaari nating ihandog sa Panginoon?

  • Bakit gusto ni Herodes na matagpuan si Jesus? (Tingnan sa Mateo 2:3–6, 13. Siya ay nabagabag, at nais niyang patayin si Jesus.) Bakit nabagabag ang hari sa pagsilang ni Jesucristo? (Tingnan sa Mateo 2:2, 6. Sang-ayon sa propesiya, si Jesus ay maghahari sa Israel.)

  • Paano napangalagaan si Jesus mula kay Herodes? (Tingnan sa Mateo 2:13–15.) Paano nalaman ni Jose na dapat na palang magbalik mula sa Egipto? (Tingnan sa Mateo 2:19–23.) Bakit sa palagay ninyo natanggap ni Jose ang ganitong patnubay mula sa Diyos? Ano ang maaaring gawin ng mga ama at ina sa ngayon upang makatanggap sila ng paghahayag tungkol sa kanilang mga pamilya? Paano kayo natulungan ng Diyos habang hinahangad ninyo ang kanyang patnubay para sa inyong pamilya?

4. Sa pamamagitan ng patnubay ng Ama ay nakapaghanda si Jesus noong kanyang kabataan para sa kanyang ministeryo.

Basahin at talakayin ang Lucas 2:40–52. Ipakita ang ilang larawan na nakalista sa bahaging “Paghahanda.” Ipaliwanag na taun-taon ay ipinagdiriwang nina Jose at Maria at ng iba pang matatapat na mga Judio ang Kapistahan ng Paskua sa Jerusalem. Tulad ng nakagawian na, sinamahan sila ni Jesus noong sumapit siya sa gulang na 12 (Lucas 2:41–42).

  • Pagkatapos maidaos ang Kapistahan ng Paskua sa Jerusalem ay sinimulan na nina Maria at Jose ang kanilang paglalakbay pabalik sa Nasaret nang matanto nila na ang 12 taong gulang na si Jesus ay hindi nila kasama (Lucas 2:43–45). Saan nila natagpuan si Jesus sa dakong huli? (Tingnan sa Lucas 2:46.) Kung hindi alam ng inyong mga magulang o ng ibang mga mahal sa buhay kung saan kayo naroroon, makatitiyak ba sila na ginagawa ninyo ang mga bagay na kalugud-lugod sa inyong Ama sa Langit?

  • Sinasabi sa Lucas 2:46 ng Pagsasalin ni Joseph Smith na ang mga kalalakihan [guro] sa templo ay “nakikinig [kay Jesus], at nagtatanong sa kanya.” Ano ang inihahayag nito tungkol sa kabataan at kasanayan ni Jesus?

  • Nang makita nina Maria at Jose si Jesus ay sinabi ni Maria sa kanya na, “Ang iyong ama at ako [ay] hinahanap kang may hapis” (Lucas 2:48). Sino ang tinutukoy niya nang sabihin niyang “ang iyong ama”? (Si Jose.) Paano sinagot ni Jesus ang pag-aalala ni Maria? (Tingnan sa Lucas 2:49.) Sino ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niyang, “aking Ama”? (Ang Ama sa Langit.) Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa pagkaunawa ng batang si Jesus sa kanyang misyon na inordena noon pa?

  • Paano pinakitunguhan ni Jesus sina Maria at Jose noong kanyang kabataan? (Tingnan sa Lucas 2:51. Kahit na siya ang Anak ng Diyos, siya ay nagpasailalim sa kanyang ina at kay Jose.) Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawang ito?

  • Noong kanyang kabataan, si Jesus ay “lumaki sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52). Sa madaling salita, siya ay umunlad sa kaisipan, sa pangangatawan, sa espirituwal, at sa pakikisalamuha sa mga tao. Ano ang ilang tiyak na mga bagay na magagawa natin upang umunlad tayo sa kaisipan, pangangatawan, sa espirituwal, at sa pakikisalamuha sa mga tao?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 93:11–17 tungkol sa paglaki ng Tagapagligtas noong kanyang kabataan? (Sa kanyang paghahanda upang maging ating Manunubos, hindi kaagad-agad na natanggap ni Jesus ang lahat ng kailangang katalinuhan, kapangyarihan, karunungan, at kaluwalhatian. Natanggap niya ang mga ito nang “biyaya sa biyaya,” nang unti-unti.) Paano naaangkop sa atin ang katotohanang ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:18–20.)

Katapusan

Magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa araling ito. Himukin ang mga miyembro ng klase na magalak sa pagsilang ng Tagapagligtas at sundan ang halimbawang ipinakita niya noong kanyang kabataan.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Datapuwa’t iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito na pinagbulay-bulay sa kaniyang puso” (Lucas 2:19)

Habang tinatalakay ninyo ang may paggalang na pagtugon ni Maria hinggil sa pagsilang ni Jesus, anyayahan ang isang ina na sabihin ang kanyang nadama matapos maisilang ang isa sa kanyang mga anak.

2. Gawaing pangkabataan

Pumili ng limang mahahalagang talata ng banal na kasulatan mula sa aralin, at ipabatid sa mga miyembro ng klase ang mga nilalaman ng bawat talata. Pagkatapos ay ipasara sa mga miyembro ng klase ang kanilang mga Biblia. Magbigay ng mga pahiwatig na magtuturo sa mga miyembro ng klase tungo sa mga talata ng banal na kasulatan na inyong pinagbalik-aralan, na sinasabi ang bawat pahiwatig upang hindi magkaroon ng pag-aalinlangan kung aling talata ang inyong tinutukoy. (Halimbawa, maaari ninyong sabihing, “Ang talatang ito ay naglalaman ng mga salita ng papuri ng anghel sa Diyos noong isilang si Jesus.” Ang tanging posibleng sagot ay ang Lucas 2:14.) Matapos ninyong basahin ang isang pahiwatig, ipabuklat sa mga miyembro ng klase ang kanilang mga Biblia at ipahanap ang tamang talata. Gamitin ang gawaing ito upang maging lalong pamilyar sa mga talata ng banal na kasulatan sa halip na mauwi sa paligsahan. Huwag gugugol nang hihigit sa ilang minuto rito.