Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 35: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’


Aralin 35

“Kayo’y Makipagkasundo sa Dios”

II Mga Taga Corinto

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsasagawa sa payo ni Pablo sa II Mga Taga Corinto..

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. II Mga Taga Corinto 1:3–11; 4; 6:1–10; 11:21–33; 12:1–10. Itinuro ni Pablo ang tungkol sa pagtitiis sa malaking pagdurusa.

    2. II Mga Taga Corinto 2:5–11. Hinimok ni Pablo ang mga Banal na patawarin ang bawat isa.

    3. II Mga Taga Corinto 7:8–10. Itinuro ni Pablo ang tungkol sa pagkadama ng kalumbayang mula sa Diyos para sa mga kasalanan.

    4. II Mga Taga Corinto 5:17–21. Hinimok ni Pablo ang mga Banal na makipagkasundo sa Diyos.

  2. Kung may makukuhang kopya ng New Testament Video Presentations (53914), ipalabas ang “Godly Sorrow,” isang labing-isang minutong yugto, sa kasalukuyan ng aralin.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala ng kaunting buhangin sa klase.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Mag-ukol ng oras sa bandang huli ng klase upang ibuod ang inyong itinuro. Ang maingat na naiplanong buod ay makatutulong sa mga miyembro ng klase upang maisaayos at malinawan ang kanilang natutuhan at maisaalang-alang kung paano ito isasagawa sa kanilang buhay. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 4, “Pagbubuod ng Aralin,” 101, para sa ilang paraan ng pagbubuod.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang masimulan ang aralin.

Ipakita sa mga miyembro ng klase ang buhangin na dinala ninyo sa klase.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Kung inabutan kayo ng buhangin ng isang taong pinagkakatiwalaan ninyo at nangakong naglalaman ito ng ginto, ano ang gagawin ninyo?

Hayaang sumagot ang mga miyembro ng klase sa tanong. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pangungusap ni Elder Henry B. Eyring tungkol sa pagtanggap ng payo mula sa mga propeta:

“Huwag ipagwalang bahala ang payo, at sa halip ay pahalagahan ito. Kung aabutan kayo ng buhangin ng isang taong pinagkakatiwalaan ninyo at mangangakong naglalaman ito ng ginto, maaari ninyong buong talinong hawakan ito sa inyong kamay sa loob ng ilang saglit, na iniaalog ito nang marahan. Sa tuwing gagawin ko ang gayon sa payo ng isang propeta, pagkatapos ng ilang sandali ay nagsisimulang lumitaw ang maninipis na piraso ng ginto at nagpapasalamat ako” (sa Conference Report, Abr. 1997, 35; o Ensign, Mayo 1997, 26).

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang ibig sabihin ng pangungusap ni Elder Eyring?

Ipaliwanag na ang aklat ng II Mga Taga Corinto ay naglalaman ng mga payo ng propeta na angkop sa ating panahon. Ang mga turo ni Pablo sa liham na ito ay katulad ng mga turo na madalas nating marinig sa pangkalahatang komperensiya. Napansin din ni Elder Eyring na, “Kapag tila paulit-ulit ang mga salita ng propeta, ay dapat nating ituon nang mabuti ang ating pansin sa [mga ito]” (sa Conference Report, Abr. 1997, 32; o Ensign, Mayo 1997, 25). Himukin ang mga miyembro ng klase na tanggapin ang payo sa araling ito at “pahalagahan ito.”

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Ang araling ito ay nahahati sa apat na bahagi na nagtutuon ng pansin sa mahahalagang paksa sa II Mga Taga Corinto. Buong panalanging piliin kung alin sa mga paksang ito ang tatalakayin sa mga miyembro ng klase.

1. Pagtitiis sa matinding pagdurusa

Basahin at talakayin ang II Mga Taga Corinto 1:3–11; 4; 6:1–10; 11:21–33; 12:1–10. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Ang liham ni Pablo sa mga taga Corinto ay isinulat matapos ang panahon ng matinding pag-uusig nang sina Pablo at Timoteo ay “nawalan na ng pagasa sa buhay” (II Mga Taga Corinto 1:8). Bakit nagawang iwasan nina Pablo at Timoteo ang kawalan ng pag-asa sa kabila ng sila ay nababagabag, nalilito, inuusig, at inilulugmok? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 1:3–5; 4:5–15.) Bakit ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang pinakamainam na pagmumulan ng ating kapanatagan ng kalooban?

    Tiniyak ni Elder Neal A. Maxwell sa atin na tutulungan tayo ni Jesucristo sa ating mga paghihirap:

    “Kapag dinadala natin ang pamatok ni Jesus, ito ang nagbibigay pahintulot sa atin sa bandang huli sa tinatawag ni Pablo na ‘pakikisama ng kanyang [Cristo] kahirapan’ (Mga Taga Filipos 3:10). Maging ito man ay karamdaman o pag-iisa, kawalang katarungan o pagtanggi, … ang ating tila maliliit na pagdurusa, kung mababa ang ating kalooban, ay titimo sa pinakakaloob-looban ng kaluluwa. Kung gayon mas mainam na pasalamatan natin hindi lamang ang mga pagdurusa ni Jesus para sa atin, kundi maging ang Kanyang hindi mapapantayang pagkatao, na nagbibigay inspirasyon sa atin tungo sa higit na pagsamba at pagtulad sa kanya.

    “Inihayag ni Alma na alam na alam ni Jesus kung paano tayo tutulungan sa gitna ng ating mga kapighatian at karamdaman dahil pinagtiisan na ni Jesus ang ating mga kapighatian at karamdaman (tingnan sa Alma 7:11–12). Naranasan niya ang mga ito; kung kaya ang kanyang pakikiramay sa ating mga pagdurusa ay naramdaman niya sa pamamagitan ng mga bagay na Kanyang pinagtiisan. Siyempre, hindi natin mauunawaan ito nang mabuti na tulad ng hindi rin naman natin mauunawaan kung paano niya tiniis ang lahat ng mga kasalanan ng tao, ngunit ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nananatiling tunay na makapagliligtas at nakapagbibigay katiyakan” (sa Conference Report, Abr. 1997, 13; o Ensign, Mayo 1997, 12).

  • Paano kayo natulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa panahon ng kahirapan?

  • Ipinahiwatig ni Pablo ang pagnanais na tulungan ang iba na matanggap ang kapanatagan ng kalooban na tinanggap niya mula sa Diyos (II Mga Taga Corinto 1:4). Paano natin matutulungan ang iba na tumanggap ng kapanatagan ng kalooban mula sa Diyos?

  • Pinasalamatan ni Pablo ang mga Banal na nanalangin para sa kanya at kay Timoteo sa panahon ng kanilang paghihirap (II Mga Taga Corinto 1:11). Bakit mahalagang ipanalangin natin ang bawat isa? Paano naging biyaya sa inyo o sa isang kakilala ninyo ang panalangin ng iba? Paano tayo nabibiyayaan kapag nananalangin tayo para sa iba?

  • Paano makatutulong sa atin ang mga turo sa II Mga Taga Corinto 4:17–18 sa panahon ng kahirapan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:7–8.) Bakit makatutulong na tingnan natin ang ating mga pagsubok mula sa walang hanggang pananaw? Paano natin matututuhang tingnan ang ating mga pagsubok mula sa isang walang hanggang pananaw?

  • Ikinuwento ni Pablo sa mga taga Corinto ang mga pagsubok na tiniis niya at ng mga Banal dahil sa kanilang paniniwala kay Jesucristo (II Mga Taga Corinto 6:4–5; 11:23–33). Anong mga katangian ang itinuro ni Pablo na dapat mapasaatin upang matulungan tayong tiisin ang mga pagsubok? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 6:4, 6–7.) Paano nakatulong sa inyo ang isa o higit pa sa mga katangiang ito sa panahon ng pagsubok?

  • Sinabi ni Pablo na binigyan siya ng Panginoon ng kapansanan—isang “tinik sa laman” (II Mga Taga Corinto 12:7). Bakit ibinigay ng Panginoon kay Pablo ang kapansanang ito? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:7.) Ano ang natutuhan ni Pablo nang hindi inalis ng Panginoon ang kanyang “tinik sa laman” na tulad ng kanyang kahilingan? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:8–10.) Paano makatutulong sa atin ang ating mga kahinaan upang makatanggap ng kalakasan mula kay Jesucristo? (Tingnan sa Eter 12:27.) Paano ninyo nakita ang katotohanan ng pahayag ni Pablo na “Pagka ako’y mahina, ako nga’y malakas”?

2. Pagpapatawad sa iba

Basahin at talakayin ang II Mga Taga Corinto 2:5–11.

  • Hinimok ni Pablo ang mga Banal na patawarin ang isa’t isa (II Mga Taga Corinto 2:5–8). Bakit mahalagang patawarin natin ang iba? (Tingnan sa Mateo 6:14–15; II Mga Taga Corinto 2:7–8; Doktrina at mga Tipan 64:9–10. Talakayin kung paano tayo—at ang iba—naaapektuhan kapag tayo ay nagpapatawad at kapag hindi tayo nagpapatawad.)

    Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

    “Nakikita natin ang pangangailangan ng [pagpapatawad] sa mga tahanan ng mga tao, kung saan ang maliliit na mga hindi pagkakaunawaan ay nagiging malaking pagtatalo. Nakikita natin ito sa mga magkakapitbahay, kung saan ang maliliit na di-pagkakaunawaan ay humahantong sa walang katapusang kapaitan. Nakikita natin ito sa mga magkakasosyo sa negosyo na nangagaaway at tumatangging magkasundo at magpatawad samantalang, sa maraming pagkakataon, kung magkukusang loob na magsiupo at mangagusap nang mahinahon, ang suliranin ay malulutas sa kapakinabangan ng lahat. Sa halip, ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagkimkim ng galit at pagpaplano na makapaghiganti… .

    “Kung mayroon sinumang nagkikimkim sa kanilang puso ng nakapipinsalang damdamin ng pagkakagalit sa isa’t isa, nagsusumamo ako sa inyo na humiling sa Panginoon ng lakas upang makapagpatawad. Ang pagpapahayag na ito ng pagnanais ang siyang pagmumulan ng inyong pagsisisi. Maaaring hindi madali, at maaaring hindi ito dumating kaagad. Ngunit kung hahangarin ninyo ito nang taos-puso at pagyayamanin ito, tiyak na darating ito… .

    “ … Walang katahimikan sa pagsasariwa sa sakit na dulot ng mga sugat noong nakaraan. Tanging sa pagsisisi at pagpapatawad may kapayapaan. Ito ang matamis na kapayaan ng Cristo, na nagsabing, ‘mapalad ang mga mapagpayapa; sapagka’t sila’y tatawaging mga anak ng Dios.’ (Mat. 5:9.)” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 2, 5).

  • Ano ang maaari nating magawa upang maging higit na mapagpatawad?

3. Pagkadama ng kalumbayang mula sa Diyos para sa ating mga kasalanan

Basahin at talakayin ang II Mga Taga Corinto 7:8–10.

  • Matapos marinig na ang isa sa kanyang mga liham ay “nakapagpalumbay [sa mga taga Corinto], si Pablo ay nagalak (II Mga Taga Corinto 7:8–9). Bakit ganito ang naging pagtugon ni Pablo sa pagkalumbay ng mga taga Corinto? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:9–10.) Ano ang ibig sabihin ng makadama ng “kalumbayang mula sa Diyos” para sa ating mga kasalanan?

Kung gagamitin ninyo ang pagpapalabas ng video na “Godly Sorrow,” ipalabas na ito ngayon.

  • Ano ang pagkakaiba ng kalumbayang mula sa Diyos at ng “kalumbayang ayon sa sanglibutan”? Bakit mahalagang bahagi ng pagsisisi ang kalumbayang mula sa Diyos?

    Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball na: “Kung ang isang tao ay nagsisisi dahil lamang sa natuklasan ng isa pang tao ang kanyang kasalanan, ang kanyang pagsisisi ay hindi kumpleto. Ang kalumbayang mula sa Diyos ang dahilan upang naisin ng isang tao na magsisi, kahit na hindi siya nahuli ng iba, at ginagawa siyang determinado nito upang gawin ang tama anuman ang mangyari. Ang ganitong uri ng pagsisisi ang nagdudulot ng kabutihan at magbibigay daan sa kapatawaran” (Repentance Brings Forgiveness [polyeto, 1984], 8).

4. Pakikipagkasundo sa Diyos

Basahin at talakayin ang II Mga Taga Corinto 5:17–21.

  • Pinayuhan nina Pablo at Timoteo ang mga taga Corinto na “makipagkasundo sa Diyos” (II Mga Taga Corinto 5:20). Ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos?

    Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na: “Ang pakikipagkasundo ang proseso ng pagtubos sa tao mula sa kanyang makasalanang kalagayan at sa espirituwal na kadiliman at sa pagpapanumbalik sa kanya sa katayuan ng pagkakasundo at pakikiisa sa Maykapal… . Ang tao, na minsa’y naging makalaman at masama, na namuhay sa makamundong pamamaraan, ay naging bagong nilalang ng Espiritu Santo; siya ay muling isinilang; at kahit na munting bata, siya ay buhay kay Cristo” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:422–23).

  • Paano tayo magiging kasundo ng Diyos? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 5:17–19, 21; 2 Nephi 25:23; Jacob 4:10–11.)

Katapusan

Patotohanan ang mga katotohanan na inyong tinalakay. Himukin ang mga miyembro ng klase na alalahanin at sundin ang payo ni Pablo sa II Mga Taga Corinto.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Ang “pagkataong labas” at ang “pagkataong loob” (II Mga Taga Corinto 4:16)

  • Nagsalita si Pablo tungkol sa “pagkataong labas” at sa “pagkataong loob” (II Mga Taga Corinto 4:16). Ano kaya ang ibig sabihin ng dalawang katagang ito? Paano [maaaring] mabago sa araw-araw ang “pagkataong loob”? (II Mga Taga Corinto 4:16).

2. “Mga sugo sa pangalan ni Cristo” (II Mga Taga Corinto 5:20)

  • Sinabi ni Pablo na siya at si Timoteo ay “mga sugo sa pangalan ni Cristo” (II Mga Taga Corinto 5:20). Ano ang isang sugo? (Ang sugo ay isang opisyal na kinatawan na nagsasalita sa ngalan ng pamunuan ng isang bansa o samahan. Ang sugo ay gumagawa upang magtatag ng mabuting pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao na kanyang kinakatawan at ng iba pang mga tao.) Paano naging mga sugo sa pangalan ni Jesucristo sina Pablo at Timoteo? Paano magiging sugo sa pangalan ni Jesucristo ang bawat isa sa atin?