Aralin 37
Jesucristo: “Ang Gumawa at Sumakdal ng Ating Pananampalataya”
Layunin
Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa kanyang mga kautusan.
Paghahanda
-
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
-
Sa Mga Hebreo 1–4. Nagpatotoo si Pablo na si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Ama sa Langit, ang ating Tagapagligtas.
-
Sa Mga Hebreo 5; 6:20; 7. Ipinaliwanag ni Pablo na ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ay bahagi ng kaganapan ng ebanghelyo.
-
Sa Mga Hebreo 8:1-10:18. Itinuro ni Pablo na ang batas ni Moises ay ang lumang tipan sa pagitan ng Diyos at ng kanyang mga anak, samantalang ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang bagong tipan. Ang lumang tipan ay isang uri, o parisan, ng bagong tipan, ngunit tanging ang bagong tipan ang may kapangyarihang magligtas.
-
Sa Mga Hebreo 10:19–11:40. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na pairalin ang pananampalataya kay Jesucristo upang magmana sila ng lugar sa kaharian ng Diyos.
-
-
Karagdagang pagbabasa: Sa mga Hebreo 6; 12–13; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga: Mga Taga-Filipos, Mga Taga-Colosas, Mga Taga-Efeso, Kay Filemon, Sa Mga Hebreo,” 234–235.
-
Mungkahi sa pagtuturo: Mag-ingat na huwag maging tagapaglektyur. Kung minsan ay kakailanganin ninyo ang maikling paglelektyur upang ilahad ang impormasyon, ngunit nawawala ang bisa ng paglelektyur kapag ito lamang ang paraan na gamit sa pagtuturo. Matapos ninyong ibigay ang impormasyon o maipaliwanag ang isang alituntunin, tiyaking bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase upang sumagot at magbahagi. (Tingnan sa Pagtuturo— Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit F, Paksa 4, “Pagtatalakay [Lecturing],” 156–157.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan
Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.
Ipaliwanag na sa kabuuan ng kanyang paglalakbay bilang misyonero ay sinikap ni Pablo na kumbinsihin ang mga miyembro ng Simbahan na hindi na nila dapat sundin ang batas ni Moises. Kahit na ang mga Kristiyanong Judio ay naturuan na ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, marami pa rin sa kanila ang naniwala na ang pagsunod sa batas ni Moises ay mahalaga sa kanilang kaligtasan. Isinulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreo upang muling bigyang-diin na ang batas ni Moises ay natupad kay Cristo.
1. Si Jesucristo, na Bugtong na Anak ng Ama sa Langit, ang ating Tagapagligtas.
Talakayin ang Sa Mga Hebreo 1–4. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling talata.
-
Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa Mga Hebreo 1? (Isulat ang mga sagot ng mga miyembro ng klase sa pisara. Maaaring maibilang sa mga sagot ang mga nakalista sa ibaba.)
-
Nilikha niya ang daigdig (mga talata 2, 10).
-
Siya ay nasa wangis ng Diyos Ama (talata 3).
-
Tinubos niya ang ating mga kasalanan (talata 3).
-
Siya ang Panganay na Anak ng Diyos Ama (mga talata 5–6).
-
Ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan ay walang hanggan at hindi nagbabago (mga talata 8, 12).
-
-
Sinabi ni Pablo na ang Anak ng Diyos na “naging lalong mabuti kaysa mga anghel” (Sa Mga Hebreo 1:4), ay “ginawang mababa ng kaunti kaysa mga anghel” (Sa Mga Hebreo 2:9). Sa anong paraan ginawang “mababa ng kaunti kaysa mga anghel” si Jesus? (Tingnan sa Mosias 13:34–35. Nagpunta siya sa daigdig bilang isang mortal at dumanas ng sakit at kamatayan.) Bakit kinailangan ito? (Tingnan sa Mga Hebreo 2:9–10, 16–18; 4:15–16; tingnan din sa Mateo 23:10–11.)
-
Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na mamuhay nang matwid upang makapasok sila sa kinaroroonan ng Diyos (Mga Hebreo 3:7–19; 4:1–11). Ano ang ibig sabihin ng mapunta sa kinaroroonan ng Diyos? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:23–24; 3 Nephi 27:19.) Ano ang paliwanag ni Pablo hinggil sa kung bakit hindi nakapasok sa kinaroroonan ng Diyos ang ilan sa mga anak ni Israel noong kapanahunan ni Moises? (Tingnan sa Mga Hebreo 3:7–11, 16–19; 4:1–2.) Paano natin matutulungan ang bawat isa na maging karapat-dapat na pumasok sa kinaroroonan ng Diyos? (Tingnan sa Mga Hebreo 3:13–14; 4:11; Alma 13:12–13, 16.)
2. Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ay bahagi ng kaganapan ng ebanghelyo.
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mga Hebreo 5; 6:20; 7.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa kung paano kailangang tanggapin at gamitin ng isang lalaki ang awtoridad ng pagkasaserdote? (Tingnan sa Mga Hebreo 5:1–4.) Bakit kailangang “tawagin ng Diyos” ang isang maytaglay ng pagkasaserdote sa halip na “[tanggapin] sa kaniyang sarili [ang] karangalang ito”?
-
Anong awtoridad ng pagkasaserdote ang kaakibat ng batas ni Moises? (Ang Pagkasaserdoteng Aaron, na tinatawag ding pagkasaserdote ng mga Levita, mas mababa, o paghahanda para sa mas mataas na pagkasaserdote. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:25–27.) Anong awtoridad ng pagkasaserdote ang hawak ni Jesucristo? (Tingnan sa Mga Hebreo 5:5–6; 6:20.) Ipaliwanag na nang dumating si Jesus at tuparin niya ang batas ni Moises ay ipinanumbalik din niya ang Pagkasaserdoteng Melquisedec. Bakit kailangan ito? (Tingnan sa Mga Hebreo 7:11. Ang Pagkasaserdoteng Aaron ay walang awtoridad na magsagawa ng lahat ng mga ordenansang kinakailangan para sa kaligtasan.)
“Kahit na ang batas ni Moises ni ang pagkasaserdote ni Aaron na nangasiwa nito ay hindi magagawang akayin sa kaganapan ang mga anak ng Diyos. Ang Pagkasaserdoteng Aaron ay mas mababang awtoridad, at ang ebanghelyo na maghahanda para sa mas mataas na awtoridad ang siya lamang pinangangasiwaan nito. Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec, sa kabilang dako, ang mas mataas na pagkasaserdote, na inatasang mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo sa kabuuan ng mga ito at kayang padalisayin ang ating buhay upang muli tayong makapasok sa kinaroroonan ng Panginoon” (The Life and Teachings of Jesus and His Apostles [manwal ng Sistemang Pang-Edukasyon ng Simbahan, 1979], 385–86; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:18–20).
-
Bakit tinatawag nating mas nakatataas na pagkasaserdote ang Pagkasaserdoteng Melquisedec? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:2–4.) Paano pinagpapala ang mga miyembro ng Simbahan sa ngayon sa pagkakaroon ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at gayundin ng Pagkasaserdoteng Aaron? Paano pinagpala ng pagkasaserdote ang inyong buhay?
3. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng kanyang mga anak.
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mga Hebreo 8:1–10:18. Ipaliwanag na pinaalalahanan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na ang pagsamba sa ilalim ng batas ni Moises ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo.
-
Sang-ayon sa Mga Hebreo 8:5, ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Moises habang itinatayo ang tabernakulo na gagamitin ng mga Israelita sa pagsamba? (Ipaliwanag na ang mga seremonya sa tabernakulo ay sumisimbolo sa “makalangit na mga bagay,” na tulad ng nakabalangkas sa ibaba.)
Ordenansa sa tabernakulo:
Ano ang isinisimbolo nito:
-
Ang mga saserdote ay nag-aalay ng mga hayop bilang mga hain sa Diyos (Sa Mga Hebreo 10:1–4, 11).
Inalay ni Jesus ang kanyang sarili bilang hain para sa ating mga kasalanan (Sa Mga Hebreo 9:26–28; 10:4–12).
-
Inilalagay ng mga saserdote sa altar ang dugong mula sa inihaing mga hayop upang isagisag ang paglilinis at pagdadalisay ng mga tao (Sa Mga Hebreo 9:6–7, 19–23).
Ang dugo ni Jesus, na natigis sa Pagbabayad-sala, ang naglilinis at nagpapadalisay sa atin mula sa kasalanan (Sa Mga Hebreo 9:11–15).
-
Ang mataas na saserdote ay dumaraan sa tabing patungo sa Dakong Banal (Sa Mga Hebreo 9:1–7).
Si Jesus, ang dakilang mataas na saserdote, ay dumaan sa tabing patungong langit mismo (Sa Mga Hebreo 9:24).
-
-
Ipinaliwanag ni Pablo na ang batas ni Moises ang matandang tipan sa pagitan ng Diyos at ng kanyang mga tao (Sa Mga Hebreo 8:9; tingnan din sa Mga Taga Galacia 3:24–25). Ano ang bagong tipan na dala ni Jesucristo? (Tingnan sa Mga Hebreo 8:6–8, 10–13. Ang kaganapan ng ebanghelyo.) Bigyang-diin na ang matandang tipan ay inilarawan sa Lumang Tipan ng Biblia, samantalang ang bagong tipan ay inilarawan sa Bagong Tipan.
-
Bakit hindi nagawang gawing sakdal ng matandang tipan ang mga taong naging bahagi nito? (Tingnan sa Mga Hebreo 10:1–4.) Bakit binibigyan tayo ng bagong tipan ng higit pang pag-asa sa pagiging sakdal? (Tingnan sa Mga Hebreo 10:9–18.)
4. Ang mga nagpapairal ng pananampalataya kay Jesucristo ay magmamana ng lugar sa kaharian ng Diyos.
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mga Hebreo 10:19–11:40. Bigyang-diin na matapos ipaliwanag ni Pablo ang mga paraan kung saan ang kaganapan ng ebanghelyo ay mas mataas, mas kumpletong batas na pumalit sa batas ni Moises ay hinikayat niya ang mga Banal na sundin ang “daang bago at buhay” na ito sa pamamagitan ng pagtutuon ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo (Sa Mga Hebreo 10:19–22).
-
Ano ang una, o pinakapangunahing, alituntunin ng ebanghelyo? (Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4.) Ano ang pananampalataya? (Tingnan sa Mga Hebreo 11:1; Alma 32:21; Eter 12:6.) Paanong higit pa sa paniniwala ang pananampalataya? Bakit mahalaga sa ating kaligtasan ang pananampalataya kay Jesucristo?
-
Si Pablo ay nagbigay ng maraming halimbawa ng mga taong nakagawa ng mga dakilang bagay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Sinusino ang kanyang binanggit? (Tingnan sa Mga Hebreo 11:4–12, 17–34.) Isulat sa pisara ang mga pangalan ng mga binanggit, at talakayin kung sa paanong paraan nangailangan ng pananampalataya ang mga nagawa ng bawat tao.
Maaari ninyong naising hatiin sa maliliit na grupo ang mga miyembro ng klase para sa talakayang ito. Atasan ang bawat grupo na isaalang-alang ang ilan sa mga taong binanggit sa Mga Hebreo 11. Bigyan ang mga grupo ng ilang minuto upang mapag-usapan kung paano nangailangan ng pananampalataya ang mga nagawa ng mga tao, at pagkatapos ay hayaang ilahad nang maikli ng bawat grupo ang kanilang mga pangwakas na puna sa klase.
-
Itinuro rin ni Pablo na matutulungan tayo ng pananampalataya sa mga panahon ng kahirapan o pakikilaban (Sa Mga Hebreo 11:32–38). Paano kayo natulungan ng pananampalataya na mapaglabanan ang kahirapan? Ano pa ang ibang mga biyaya na natanggap ninyo (o ng isang taong kilala ninyo) sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo?
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Tutuparin ng Diyos ang kanyang mga pangako
-
Ano ang itinuturo sa Mga Hebreo 6:10–19 tungkol sa mga pangako ng Diyos sa Kanyang mga anak? Ano ang itinuturo ng talata 15 tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng pagtitiis ng mga pagsubok at pagtanggap ng mga pangako mula sa Diyos? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 82:10.) Ano ang mga naging karanasan na ninyo sa pagtupad ng Diyos sa kanyang mga pangako sa inyo?
2. “Pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig” (Sa Mga Hebreo 12:6)
Ipabasa sa mga miyembro ng klase ang Sa Mga Hebreo 12:5–11.
-
Paano tayo pinarurusahan ng Panginoon? Paanong “para sa ating kapakinabangan” ang parusang nagmumula sa Panginoon? (Tingnan sa Mga Hebreo 12:10; Doktrina at mga Tipan 61:8; 95:1; 101:5.) Paano natin magagamit ang pagpaparusa bilang pagkakataon na matuto at lumago? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magkuwento ng mga pagkakataon nang sila ay parusahan ng Panginoon at kung ano ang natutuhan nila mula sa karanasang iyon.