Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 41: ‘Natapos Ko na ang Aking Takbo’


Aralin 41

“Natapos Ko na ang Aking Takbo”

I at II Kay Timoteo; Kay Tito

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na pag-aralan at ituro ang tunay na doktrina at maging mabubuting halimbawa sa ibang tao.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. I Kay Timoteo 4; II Kay Timoteo 1–4; Kay Tito 1. Inilarawan ni Pablo ang mga palatandaan ng lubusang pagtalikod sa katotohanan. Itinuro niyang ang pag-aaral at pagtuturo ng tunay na doktrina ay nakatutulong upang makaiwas sa lubusang pagtalikod sa katotohanan.

    2. I Kay Timoteo 4:12. Itinuro ni Pablo na dapat tayong maging “halimbawa ng mga nananampalataya.”

    3. I Kay Timoteo 6; Kay Tito 2–3. Itinuro ni Pablo na dapat tayong “sumunod … sa katuwiran” at tanggihan ang kalikuan.

  2. Karagdagang pagbabasa: Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga: 1 at 2 Kay Timoteo, Kay Tito,” “Timoteo,” at “Tito,” 234–235.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, maghanda ng mga papel na sinulatan ng mga sumusunod na pangungusap, o maghandang isulat ang mga ito sa pisara:

    • Upang matapos ko ang aking takbo, kailangan kong:

    • Pag-aralan at ituro ang tamang doktrina

    • Maging halimbawa ng mga nananampalataya

    • sumunod … sa katuwiran at tanggihan ang kalikuan.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Gumamit ng iba-ibang materyal at pamamaraan sa pagtuturo. Halimbawa, maaari kayong gumamit ng mga larawan o audiovisual na mga materyal, isang kakaibang paraan ng talakayan, o kakaibang pagkakaayos ng mga upuan. Ang iba’t ibang paraan ay makatutulong sa pagpapanatili ng interes sa mga aralin. Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit C, Paksa 8, “Pagiging Malikhain sa Silid-aralan,” 73–74; at Yunit E, Paksa 12, “Pagtuturo nang may Pagkakaiba-iba,” 117-118, para sa mga materyal at pamamaraan na maaaring angkop para sa inyong mga aralin.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang huling karera (paligsahan) na nilahukan o pinanood ninyo? Ano ang kaibahan ng pananalo at pagtapos ng isang mahigpitang karerahan? Ilan ang mga nananalo sa isang karaniwang paligsahan? Ano ang kailangan ninyong gawin upang manalo?

  • Paano katulad ng isang paligsahan ang ating buhay? Paano ito hindi katulad ng isang paligsahan? (Lahat ng tao ay maaaring manalo sa “karera” ng buhay.) Ano ang kailangan nating gawin upang matapos nang matagumpay ang karera ng buhay?

Hilingan ang isang miyembro ng klase na basahin ang II Kay Timoteo 4:7. (Maaari ninyong naising bigyang-diin na ang isang “karera” ay maaari ding tawaging isang “takbuhan.”) Ipaliwanag na ang Apostol Pablo ay namuhay sa paraan na kung saan ay maaari niyang taglayin ang pahayag na ito hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Tinatalakay ng araling ito ang ilang turo ni Pablo na makatutulong sa atin habang nagsisikap tayong tapusin nang matagumpay ang ating pagtakbo.

Ipakita ang papel na sinulatan ng Upang matapos ko ang aking pagtakbo, kailangan kong:

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

Ipaliwanag na sina Timoteo at Tito ay mga pinagkakatiwalaang kasama ni Pablo na tumulong sa kanya sa pangangaral ng ebanghelyo. Paglaya ni Pablo sa una niyang pagkabilanggo sa Roma ay ipinagpatuloy niya ang kanyang mga paglalakbay bilang misyonero. Iniwan niya sa Efeso si Timoteo upang pangasiwaan ang Simbahan, at iniwan niya sa Creta si Tito na may gayunding tungkulin. Sa pagpapatuloy ni Pablo sa kanyang paglalakbay ay nagsulat siya ng mga liham upang patatagin ang mga kapatid na ito at payuhan sila sa kanilang mga pananagutan bilang mga pastor o pastol sa mga Banal. Ito ang dahilan kung bakit madalas tawagin ang mga liham na ito na liham ng pastor sa kanyang nasasakupan.

1. Pag-aralan at ituro ang tamang doktrina.

Talakayin ang I Kay Timoteo 4; II Kay Timoteo 1–4; at Kay Tito 1. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Anong mga palatandaan ng lubusang pagtalikod sa katotohanan ang inilarawan ni Pablo sa kanyang mga liham kina Timoteo at Tito? (Tingnan sa I Kay Timoteo 4:1–3; II Kay Timoteo 3:1–7, 13; 4:3–4; Kay Tito 1:10–11.) Paano nakikita ang mga palatandaang ito ng lubusang pagtalikod sa katotohanan sa ngayon? (Tingnan sa 2 Nephi 28:3–9; Doktrina at mga Tipan 1:15–16.) Paano natin mapoprotektahan ang ating sarili laban sa mga kasamaang ito?

  • Bakit ang ilang tao ay “laging nagsisipag-aral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan”? (II Kay Timoteo 3:7). Paano tayo makatitiyak na ang ating pag-aaral ay umaakay sa atin tungo sa kaalaman ng katotohanan”?

  • Ano ang itinuro ni Pablo kay Timoteo tungkol sa pananagutan ng mga taong nangangaral ng ebanghelyo? (Tingnan sa I Kay Timoteo 4:6–7, 13–16; II Kay Timoteo 2:16, 23–25; 3:14–17; 4:2, 5. Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga pananagutang ito.) Anong mga pagkakataon mayroon tayo upang maituro ang ebanghelyo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagtuturo sa mga miyembro ng pamilya, pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan, at pagtatalakayan tungkol sa ebanghelyo na kasama ang mga kaibigan at kakilala. Bigyang-diin na ang bawat isa sa atin kahit paano ay isang guro ng ebanghelyo.) Paano natin mas mabisang maituturo ang ebanghelyo?

  • Binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng pagtuturo at pag-aaral ng tamang doktrina (I Kay Timoteo 1:3; 4:6, 13; Kay Tito 2:1). Paano tayo matutulungan ng pag-aaral ng tamang doktrina na makaiwas sa lubusang pagtalikod sa katotohanan? Ano ang ilan sa mga panganib ng mga maling turo? Paano pinagpala ng pag-aaral ng tamang mga doktrina ng ebanghelyo ang inyong buhay?

    Sa pagsasalita tungkol sa kapangyarihan ng tamang doktrina ay ganito ang sinabi ni Elder Boyd K. Packer: “Ang tamang doktrina, kapag naunawaan, ay nakapagpapabago ng pag-uugali at saloobin. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti ng pag-uugali kaysa sa pagpapabuting magagawa ng pag-aaral ng pag-uugali… . Ito ang dahilan kung bakit labis nating binibigyan ng diin ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (sa Conference Report, Okt. 1986, 20; o Ensign, Nob. 1986, 17).

  • Paano tayo makatitiyak na ang itinuturo natin ay tamang doktrina? (Tingnan sa Mosias 18:19–20; Doktrina at mga Tipan 52:9.)

    Si Elder Joseph B. Wirthlin ay nagpayo na: “Inihayag ng Diyos ang lahat ng bagay na kailangan para sa ating kaligtasan. Dapat nating ituro at talakayin ang mga bagay na naihayag at iwasan ang pag-uusisa sa mga tinatawag na bagay na misteryo. Ang payo ko sa mga guro sa Simbahan, nagtuturo man sila sa mga purok at istaka, sa mga institusyon ng Simbahan sa mas mataas na pag-aaral, sa mga dalubhasaan ng relihiyon, seminary, o maging bilang mga magulang sa kanilang mga tahanan, ay ang ibatay ang kanilang mga pagtuturo sa mga banal na kasulatan at sa salita ng mga propeta ng mga huling araw” (sa Conference Report, Okt. 1994, 101; o Ensign, Nob. 1994, 77).

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin natin minsang natanggap natin ang magaling na aral? (Tingnan sa II Kay Timoteo 1:13; Kay Tito 1:9.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “kumapit”? (Tingnan sa 1 Nephi 15:23–24.)

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, ipakita ang papel na sinulatan ng Pag-aralan at ituro ang tamang doktrina.

2. “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya.”

Basahin at talakayin ang I Kay Timoteo 4:12.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maging uliran ng mga nagsisisampalataya”? (I Kay Timoteo 4:12). Paano kayo naimpluwensiyahan ng isang taong naging “uliran ng mga nagsisisampalataya”?

Isulat ang bawat paraan na sinabi ni Pablo kay Timoteo upang maging isang uliran (halimbawa). Hilingin sa mga miyembro ng klase na ilarawan kung paano tayo magiging uliran sa bawat isa sa mga paraan na ito.

  • Salita

  • Pakikipag-usap (maaaring mangahulugan din ng kilos o pag-uugali)

  • Pag-ibig sa kapwa-tao

  • Espiritu

  • Pananampalataya

  • Kadalisayan

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, ipakita ang papel na sinulatan ng Maging uliran ng mga nagsisisampalataya.

3. “Sumunod … sa katuwiran” at tanggihan ang kalikuan.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa I Kay Timoteo 6 at Kay Tito 2–3.

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pag-ibig sa salapi? (Tingnan sa I Kay Timoteo 6:7–10.) Sa anong paraan nagiging “ugat ng lahat ng kasamaan” ang pag-ibig sa salapi? Paano tayo makatitiyak na hindi natin masyadong pinagtutuunan ng pansin ang salapi at ang iba pang materyal na kayamanan? (Tingnan sa I Kay Timoteo 6:17–19; Jacob 2:18–19.)

    Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na: “Hindi naman likas na masama ang salapi. Ang ginamit na salapi ng Mabuting Samaritano sa paglilingkod sa kanyang kapwa-tao ay katulad ng salaping ginamit ni Judas sa pagkakanulo sa Guro. Ang ‘pag-ibig sa salapi ang [siyang] ugat ng lahat ng kasamaan.’ (I Kay Timoteo 6:10; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.) Ang malaking kaibahan ay ang antas ng espirituwalidad na pinaiiral sa pagtanaw, pagtimbang, at pangangasiwa ng mga bagay ng daigdig na ito” (sa Conference Report, Okt. 1985, 78; o Ensign, Nob. 1985, 63).

  • Sa kanyang mga sulat kina Timoteo at Tito ay nagbigay si Pablo ng maraming tagubilin tungkol sa matwid na pamumuhay. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa sumusunod na mga talata: I Kay Timoteo 6:11–12; II Kay Timoteo 2:22; Kay Tito 2:1–8, 12; 3:1–2, 8? (Ibuod sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase. Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng mga tagubiling ito at kung paano maiaangkop ang mga ito sa ating buhay.)

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, ipakita ang papel na sinulatan ng Sumunod … sa katuwiran at tanggihan ang kalikuan.

Katapusan

Ipaliwanag na alam ni Pablo na hindi magtatagal at papatayin siya dahil sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Ngunit alam din niyang dahil sa ipinamuhay niya ang ebanghelyo, ay “natataan sa [kanya] ang putong na katuwiran” (II Kay Timoteo 4:8). Magbigay ng patotoo hinggil sa kahalagahan ng paggawa ng tamang mga bagay araw-araw at pananatili sa landas upang masabi nating tulad ni Pablo na, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya” (II Kay Timoteo 4:7).

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Karagdagang talakayan tungkol sa I Kay Timoteo

  • Anong payo ang ibinigay ni Pablo tungkol sa panalangin sa I Kay Timoteo 2:1–3? Bakit dapat nating ipanalangin ang lahat ng tao? Paano natin ito magagawa nang makabuluhan? Bakit dapat nating ipanalangin nang lubos ang mga pinuno ng mga bansa?

  • Sa I Kay Timoteo 3:1–7 ay itinakda ni Pablo ang mga katangian ng isang obispo. Bakit mahalaga ang mga katangiang ito sa isang obispo?

  • Ano ang itinuro ni Pablo sa I Kay Timoteo 5:8 tungkol sa pangangalaga sa ating mga pamilya? Bakit sa palagay ninyo madiin ang pagsasalita ni Pablo laban sa mga hindi tumutupad sa pananagutang ito?

2. “Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan” (II Kay Timoteo 1:7)

Hilingan ang isang miyembro ng klase na basahin ang II Kay Timoteo 1:7.

  • Ano ang ilang mga bagay na kinatatakutan ng mga tao sa mundo sa ngayon? Anong katiyakan ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo hinggil sa “espiritu ng katakutan”? Paano ninyo napatunayan na totoo ang pangakong ito sa inyong sariling buhay?

3. Pagiging mabubuting empleyado

Basahin at talakayin ang Kay Tito 2:9–10.

  • Paano naaangkop sa mga empleyado ang payo ni Pablo sa mga alipin sa mga talatang ito? (Bigyang-diin na ang ibig sabihin ng mangagdaya ay magnakaw o maling paglalaan ng salapi.) Paano kung minsan ninanakawan ng empleyado ang kanilang amo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang paglulustay ng salapi, pagkuha ng mga gamit ng opisina para sa sariling paggamit, o hindi pagtatrabaho nang sapat sa maghapon.)

  • Ano ang sinabi ni Pablo na dapat nating gawin sa halip na mandaya? (Magpakita ng “buting pagtatapat,” o maging matapat at mapagkakatiwalaan.) Ano na ang nakita ninyong ibinunga ng pagpapakita ng “buting pagtatapat” sa pinagtatrabahuhan?