Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 24: ‘Ito ang Buhay na Walang Hanggan’


Aralin 24

“Ito ang Buhay na Walang Hanggan”

Juan 16–17

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na maging madaling makadama sa impluwensiya ng Espiritu Santo at mas maging malapit pa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Juan 16:1–15. Inihanda ni Jesus ang kanyang mga Apostol para sa mga panahon ng pagsubok na magaganap pagkatapos ng pagpapako sa kanya sa krus. Itinuro niya sa kanila ang tungkol sa misyon ng Espiritu Santo at ipinangako na tatanggapin nila ang kaloob na Espiritu Santo.

    2. Juan 16:16–33. Ipinropesiya ni Jesus ang kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli at pinayuhan ang mga Apostol na “magkaroon ng kapayapaan.”

    3. Juan 17. Inialay ni Jesus ang dakilang panalangin ng pamamagitan (intercessory prayer) para sa kanyang mga Apostol at sa lahat ng naniniwala sa kanya.

  2. Karagdagang pagbabasa: Juan 14:16–31; 15:18–27; 3 Nephi 19:19–36; Doktrina at mga Tipan 132:21–24; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mang-aaliw,” 148 at “Espiritu Santo,” 61–62.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala sa klase ng dalawang kahon ng regalo (o magdrowing sa pisara ng larawan ng dalawang kahon ng regalo). Maghanda ng dalawang sinulatang piraso ng papel na ilalagay sa mga kahon sa oras ng aralin: isa na nagsasaad na Kaloob na Espiritu Santo at isa na nagsasaad na Buhay na Walang Hanggan.

  4. Mungkahi para sa pagtuturo: Bukod sa pananalangin na sana ay makapagturo kayo sa pamamagitan ng Espiritu, manalangin na matuto ang mga miyembro ng klase sa pamamagitan ng Espiritu at tanggapin ang kanyang pagpapatibay tungkol sa mga katotohanan na itinuturo (tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 9, “Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu,” 17–18).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang masimulan ang aralin.

Ipakita ang dalawang kahon ng regalo (o magdrowing sa pisara ng larawan ng dalawang kahon ng regalo). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magsalita nang sandali tungkol sa mga kaloob na nais nilang matanggap.

Ipaliwanag na ang isa sa mga kahon ng regalo na ipinakita ninyo ay sumasagisag sa isa sa mga pinakadakilang kaloob na maaari nating tanggapin sa buhay na ito. Ang isa pang kahon ay sumasagisag sa tinatawag ng Panginoon na “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).

Ipaliwanag na sa araling ito ay matutuklasan ng mga miyembro ng klase kung ano ang dalawang regalong ito at malalaman nila kung paano tanggapin ang mga ito.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop sa ating lahat ang mga salita ng Tagapagligtas sa kanyang mga Apostol. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa aralin.

1. Ipinangako ni Jesus sa kanyang mga Apostol na tatanggapin nila ang kaloob na Espiritu Santo.

Talakayin ang Juan 16:1–15. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Sa mga huling sandali ng kanyang mortal na ministeryo ay tinuruan at pinalakas ni Jesus ang kanyang mga Apostol. Bakit kinailangang palakasin ang mga Apostol sa sandaling ito? (Tingnan sa Juan 16:1–6; tingnan din sa Juan 15:18–20.)

  • Sinabi ng Tagapagligtas sa mga Apostol na isusugo niya ang Mang-aaliw (ang Espiritu Santo) sa kanila (Juan 16:7). Ano ang misyon ng Espiritu Santo? (Tingnan sa Juan 14:26; 15:26; 16:7–14. Isulat sa pisara ang mga sagot tulad ng nakapakita sa ibaba.)

    Ang Espiritu Santo:

    1. Nang-aaliw (Juan 14:26).

    2. Nagtuturo (Juan 14:26).

    3. Ibinabalik sa ating alaala ang katotohanan (Juan 14:26).

    4. Nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas (Juan 15:26).

    5. Inaakay tayo sa lahat ng katotohanan (Juan 16:13).

    6. Ipinakikita sa atin ang mga darating na pangyayari (Juan 16:13).

    7. Niluluwalhati ang Tagapagligtas (Juan 16:14).

  • Ang Labindalawang Apostol ay nakaranas ng mga pagpapatunay ng Espiritu Santo noong ministeryo ni Jesus sa lupa, ngunit hindi nila natanggap ang kaloob na Espiritu Santo hangga’t hindi natatapos ang kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (Juan 20:22). Ano ang pagkakaiba ng pagpapatunay ng Espiritu Santo at ng kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa siping-banggit sa ibaba.) Paano kayo natulungan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo?

    Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na:

    “Ang mga pagpapatunay ng Espiritu Santo ay ibinibigay upang akayin ang naghahanap na matatapat tungo sa mga katotohanan ng ebanghelyo na hihikayat sa kanila sa pagsisisi at pagpapabinyag. Ang kaloob na Espiritu Santo ay mas malawak… . Kabilang [dito] ang karapatan sa palagiang paggabay [ng Espiritu], nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu’ (Doktrina at mga Tipan 20:77).

    “Sinabi sa akin ng isang bagong binyag na miyembro ang kanyang nadama nang tanggapin niya ang kaloob na iyon. Ito ay isang matapat na Kristiyanong babae na nag-ukol ng kanyang buhay sa paglilingkod sa iba. Kilala at mahal niya ang Panginoon, at nadama niya ang mga pagpapatunay ng Kanyang Espiritu. Nang matanggap niya ang karagdagang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo, siya ay nabinyagan at ipinatong ng mga elder ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo at ibinigay sa kanya ang kaloob na Espiritu Santo. Naalala niya na, ‘Nadama ko ang impluwensiya ng Espiritu Santo na lumukob sa akin na talagang kakaiba na kailanman ay hindi ko nadama. Siya ay tulad ng isang matagal nang kaibigan na gumabay sa akin noong nagdaang mga panahon ngunit dumating ngayon upang mamalagi na’ ” (sa Conference Report, Okt. 1996, 80; o Ensign, Nob. 1996, 60).

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, ilagay sa isa sa mga kahon ng regalo ang papel na sinulatan ng Kaloob na Espiritu Santo.

  • Matapos nating tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo, paano tayo magiging karapat-dapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:32; Doktrina at mga Tipan 6:14; 20:77, 79; 76:116; 121:45–46.) Paano natin mababatid ang impluwensiya ng Espiritu Santo? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23; Doktrina at mga Tipan 6:15, 23; 11:13.)

    Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na: “Ang Espiritu Santo ay nagsasalita sa pamamagitan ng isang tinig na mas nadarama ninyo kaysa naririnig. Ito ay inilalarawan bilang isang ‘marahan at banayad na tinig.’ At habang pinaguusapan natin ang ‘pakikinig’ sa mga bulong ng Espiritu, kadalasan ay inilalarawan ang espirituwal na pag-uudyok sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘May nadama ako … ’ … Ang paghahayag ay dumarating bilang mga salitang mas nadarama natin kaysa naririnig” (sa Conference Report, Okt. 1994, 77; o Ensign, Nob. 1994, 60).

    Sa isang panaginip na ibinigay kay Pangulong Brigham Young, siya ay tinagubilinan ng Propetang si Joseph Smith na ituro sa mga Banal na “ang Espiritu ng Panginoon … ay magbubulong ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang kaluluwa; aalisin nito sa kanilang mga puso ang kahalayan, poot, alitan at lahat ng kasamaan; at ang magiging buong hangarin nila ay ang gumawa ng mabuti, maging matwid at itatag ang kaharian ng Diyos” (Manuscript History of Brigham Young, 1846–1847, tinipon ni Elden J. Watson [1971], 529).

2. Ipinropesiya ni Jesus ang kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Juan 16:16–33.

  • Matapos turuan ni Jesus ang mga Apostol tungkol sa Espiritu Santo, sinabi niya sa kanila na malapit na siyang mamatay at muli siyang mabubuhay (Juan 16:16–20). Pagkatapos ay sinabi niyang, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan” (Juan 16:33). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng kapayapaan sa kanya? Ano ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Jesus sa Juan 16 na makatutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan sa kanya? (Tingnan din sa Mga Taga Filipos 4:7–9; Doktrina at mga Tipan 59:23.)

  • Sinabi ni Jesus sa kanyang mga Apostol na, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Paano kaya makatutulong sa atin ang kaalaman na nadaig ni Jesus ang daigdig upang magkaroon tayo ng lakas ng loob kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok? Bakit mahalagang magkaroon ng lakas ng loob?

3. Inialay ni Jesus ang dakilang panalangin ng pamamagitan (intercessory prayer).

Basahin at talakayin ang Juan 17, na naglalaman ng panalangin na inialay ni Jesus bago ang kanyang pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani at sa krus. Ang panalanging ito ay kadalasang tinatawag na dakilang panalangin ng pamamagitan (intercessory prayer) dahil habang nananalangin si Jesus, siya ay namagitan, o tumayo sa pagitan natin at ng Ama sa Langit, upang magsumamo para sa ating kaligtasan. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpili ng mga talata na babasahin at tatalakayin.

  • Nang simulan ni Jesus ang kanyang panalangin, paano niya inilarawan ang kanyang misyon sa mundo? (Tingnan sa Juan 17:1–2; tingnan din sa Moises 1:39.) Paano niya isinagawa ang misyong ito?

  • Sa kanyang panalangin ay sinabi ng Tagapagligtas na, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang [si Jesucristo] iyong sinugo” (Juan 17:3). Paanong kaiba ang pagkakilala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pagkakaalam lamang ng tungkol sa kanila? Paano natin sila makikilala? (Tingnan sa I Ni Juan 4:7–8; Mosias 5:10–13; Alma 22:18; Doktrina at mga Tipan 18:33–36; 132:21–24.)

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, ilagay ang papel na sinulatan ng Buhay na Walang Hanggan sa ikalawang kahon ng regalo. Anyayahan ang isang miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 14:7.

  • Sa unang bahagi ng kanyang panalangin ay inilarawan ni Jesus ang mga bagay na ginawa niya tungo sa pagtupad sa kanyang misyon (Juan 17:4–8). Paano natin iniuulat sa Ama sa Langit ang ating mga pagsisikap? Paano maaaring maapektuhan ang ating mga kilos kung sa gabi-gabi ay isasama natin sa ating mga panalangin ang ulat tungkol sa ating mga pagsisikap na paglingkuran siya sa araw na iyon?

  • Kahit na alam ni Jesus na matindi ang kanyang magiging pagdurusa, sino pa rin ang ipinalangin niya? (Tingnan sa Juan 17:6–9, 20.) Ano ang matututuhan natin mula dito?

  • Paano tayo, tulad ni Jesus at ng kanyang mga Apostol, makapamumuhay sa daigdig nang hindi nagiging “taga sanglibutan”? (Juan 17:14; tingnan din sa mga talata 15–16).

    Sinabi ni Elder M. Russell Ballard:

    “Sa Simbahan ay madalas nating banggitin ang tambalang pangungusap na, ‘Mamuhay sa daigdig ngunit huwag maging taga daigdig.’ Habang pinanonood natin ang mga palabas sa telebisyon na kung saan ginagawang pangkaraniwan at kaakit-akit ang kalapastanganan, karahasan, at kataksilan, ay madalas nating pangarapin na sana kahit paano ay masarhan natin ang daigdig at ilayo ang ating pamilya sa lahat-lahat ng mga ito… .

    “Marahil dapat nating banggitin ang tambalang pangungusap na nabanggit kanina at gawing dalawang magkahiwalay na babala. Una, ‘Mamuhay sa daigdig.’ Makisali, makialam. Sikaping maging maunawain at mapagparaya at kalugdan ang mga taong may iba’t ibang uri ng kultura, paniniwala, at iba pa. Gumawa ng makabuluhang mga kontribusyon sa lipunan sa pamamagitan ng paglilingkod at pakikisali. Ikalawa, ‘Huwag maging taga daigdig.’ Huwag sundan ang mga maling landas o baguhin ang inyong mga paniniwala o huwag ilagay sa alanganin ang inyong mga pamantayan para lamang magbigay puwang o tanggapin ang hindi tama.

    “Dapat nating sikaping baguhin ang tiwali at imoral na pagkahilig sa telebisyon at sa lipunan sa pamamagitan ng hindi pagpapapasok sa ating mga tahanan ng mga bagay na nakasasakit ng damdamin at nakapagpapababa ng pagkatao. Sa kabila ng lahat ng kasamaan sa daigdig, at sa kabila ng lahat ng pagsalungat sa kabutihan na nakikita natin sa ating paligid, ay hindi natin dapat subukang ialis ang ating sarili o ang ating mga anak sa daigdig. Sinabi ni Jesus, ‘Ang kaharian ng langit ay tulad ng lebadura,’ o pampaalsa (Mateo 13:33). Dapat nating iangat ang daigdig at tulungan ang lahat na makabangon mula sa kasamaan na nakapalibot sa atin. Ang Tagapagligtas ay nanalangin sa Ama:

    “ ‘Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama’ (Juan 17:15)” (sa Conference Report, Abr. 1989, 101; o Ensign, Mayo 1989, 80).

  • Paano “iisa” ang Ama sa Langit at si Jesucristo tulad ng nakasaad sa Juan 17:21–22?

    Tungkol naman sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo ay ganito ang sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Sila ay magkakahiwalay na katauhan, ngunit iisa sila sa layunin at pagsisikap. Nagkakaisa sila sa pagsasakatuparan ng dakila at makalangit na plano para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Diyos… . Ang perpektong pagkakaisa sa pagitan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ang nagbubuklod sa tatlong ito tungo sa pagkakaisa ng banal na Panguluhang Diyos” (sa Conference Report, Okt. 1986, 69; o Ensign, Nob. 1986, 51).

  • Bakit mahalaga para sa mga Apostol ang maging iisa? (Tingnan sa Juan 17:22–23.) Bakit kailangan nating makiisa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? sa iba pang mga miyembro ng Simbahan? sa ating mga pamilya? Paano tayo makatutulong sa pagdaragdag ng pagkakaisa sa mga ugnayang ito? (Tingnan sa Juan 17:26; Mosias 18:21; Doktrina at mga Tipan 35:2.)

Katapusan

Hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin kung ano ang nadarama nila kapag alam nilang ipinapanalangin sila ng isang tao. Anyayahan silang pagnilaynilayan kung ano kaya ang mararamdaman nila kung nakasama nila si Jesus nang ialay niya ang panalangin ng pamamagitan. Ipaliwanag na ang panalangin ng pamamagitan ay makatutulong sa atin na mapasalamatan ang mahalagang kaloob ng buhay na walang hanggan na nais ipagkaloob sa atin ng Tagapagligtas. Magpatotoo na pagpapalain tayo habang sinisikap nating sundin ang mga ibinibigay na inspirasyon ng Espiritu Santo at maging kaisa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Karagdagang Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

Pag-anyaya sa Espiritu

Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na madama at makilala ang impluwensiya ng Espiritu Santo, kausapin ang ilan sa kanila nang maaga, na inaanyayahan ang bawat isa sa kanila na pumili ng isa sa sumusunod na mga pagtatanghal na gagawin bilang bahagi ng aralin:

  1. Basahin ang isang paboritong talata sa banal na kasulatan.

  2. Magbigay ng patotoo.

  3. Awitin ang isang himno o awit sa Primarya na tungkol sa Tagapagligtas.

  4. Ipahayag ang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  5. Magbahagi ng isang espirituwal na karanasan (kung naaangkop).

Pagkatapos ng mga pagtatanghal sa klase, anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilarawan kung ano ang kanilang nadama sa oras ng mga pagtatanghal. Basahin ang pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer na nasa mga pahina 126 at tulungan ang mga miyembro ng klase na makilala ang mga damdaming nagmumula sa Espiritu Santo. Sabihin kung ano ang nadarama ninyo kapag nakakatanggap kayo ng patnubay mula sa Espiritu Santo.