Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 39: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal’


Aralin 39

“Sa Ikasasakdal ng mga Banal”

Mga Taga Efeso

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na ang proseso ng paggawang “sakdal … ng mga banal” (Mga Taga Efeso 4:12) ay nangangailangan ng dagdag nating pananampalataya kay Cristo, pagsunod sa mga turo ng mga apostol at propeta, at pangangalaga sa ating sarili mula sa kasamaan ng daigdig.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mga Taga Efeso 1:9–10. Itinuro ni Pablo na ang layunin ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon ay “tipunin ang lahat ng bagay na kay Cristo.”

    2. Mga Taga Efeso 2:12–22; 4:1–16. Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang ating batong panulok. Itinuro niya na binigyan tayo ng Panginoon ng mga apostol at propeta upang tulungan tayong maging perpekto at dumating sa “pagkakaisa ng pananampalataya.”

    3. Mga Taga Efeso 5:22–29; 6:1–4. Itinuro ni Pablo na kailangan ang pagkakaisa sa pagitan ng mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at mga anak.

    4. Mga Taga Efeso 4:21–32; 6:10–18. Itinuro ni Pablo na dapat tayong “mangagbihis ng bagong pagkatao” at “mangagbihis ng kagayakan ng Dios” upang mapangalagaan tayo mula sa kasamaan ng daigdig.

  2. Karagdagang pagbabasa: Juan 17:11; Mosias 18:21–22; Doktrina at mga Tipan 27:15–18; 38:25–27; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon, Mga,” 45.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala sa klase ng isang piraso ng sinulid (mga 1 hanggang 3 talampakan ang haba) at isang putol ng pisi na halos ganoon din ang haba.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan ay nakatutulong sa mga guro at miyembro ng klase na tandaan ang mahahalagang salita, ideya, mga tao, at mga pangyayari. Maaari ninyong himukin ang mga miyembro ng klase na markahan ang kanilang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mahahalagang alituntunin, pagbibigay ng iba pang sanggunian, o pagsasabi ng kung ano ang isinulat ninyo sa gilid ng inyong mga banal na kasulatan.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita sa mga miyembro ng klase ang sinulid at pisi (tingnan sa bahaging “Paghahanda”).

Gawaing Pantawag-pansin

  • Anong bagay ang parehong mayroon ang sinulid at pisi? (Kapwa yari sa mga hibla ng mga materyal ang mga ito.) Paano nagkakaiba ang mga ito? (Ang sinulid ay isang hibla lamang, samantalang ang pisi ay yari sa maraming hibla na pinagsala-salabid.) Alin sa mga bagay na ito ang mas matibay?

Ipaliwanag na, tulad ng isang piraso ng sinulid, tayo ay mahina kapag sa ating sarili lamang tayo umaasa. Gayunman, tulad ng pisi, maaari tayong maging matibay kapag nagkakaisa tayo sa pananampalataya at kabutihan. Sa kanyang liham sa mga taga Efeso, binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng paggawang “sakdal … ng mga banal” at pagkakaroon ng “pagkakaisa ng pananampalataya” (Mga Taga Efeso 4:12–13). Tinatalakay ng araling ito kung paano tayo bilang mga pamilya at Simbahan ay makagagawa tungo sa pagiging perpekto at pagkakaisa sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Tagapagligtas, pagsunod sa mga apostol at mga propeta, pagkakaroon ng matatag na mga pamilya, at pagbibihis ng buong kagayakan ng Dios.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Buong panalanging piliin ang mga talata ng banal na kasulatan at mga tanong na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon

Basahin at talakayin ang Mga Taga Efeso 1:9–10.

  • Sa unang kabanata ng Mga Taga Efeso, nagsalita si Pablo tungkol sa “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon” (Mga Taga Efeso 1:10). Ano ang isang dispensasyon ng ebanghelyo? (Isang kapanahunan kung saan ang Panginoon ay may isang tagapaglingkod sa lupa na may hawak ng mga susi ng pagkasaserdote at binigyang karapatan upang pangasiwaan ang ebanghelyo. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon, Mga.”

  • Ano ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon? (Ang dispensasyon na nagsimula sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo at organisasyon ng Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith.) Bakit tinaguriang kaganapan ng mga panahon ang ating dispensasyon?

    Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na: “Ikaw at ako ay nakararanas ng napakalaki at kahanga-hangang mga pagpapala ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Sa araw at panahong ito ay naipanumbalik sa lupa ang lahat ng alituntunin, kapangyarihan, biyaya, at susi ng lahat ng nangaunang dispensasyon” (sa Conference Report, Abr. 1992, 98; o Ensign, Mayo 1992, 70).

  • Ano ang sinabi ni Pablo na gagawin ng ating Ama sa Langit sa dispensasyong ito? (Tingnan sa Mga Taga Efeso 1:9–10.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo”? Ano ang ilang bagay na magkakasamang tinitipon sa ating kapanahunan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga banal na kasulatan, mga miyembro ng Simbahan, mga talaan ng mga patay, at mga pamilyang naibuklod sa templo.) Paano tayo makatutulong sa prosesong ito ng pagtitipon?

2. Si Jesucristo bilang ating batong panulok

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mga Taga Efeso 2:12–22 at 4:1–16.

  • Paghambingin ang Mga Taga Efeso 2:12 at 2:19. Paano inilarawan ni Pablo ang mga pagbabagong naganap sa mga tumanggap at sumunod sa Tagapagligtas? Paano ninyo nakita ang ganito ring mga pagbabago sa inyong sarili at sa iba? Paano pinagpala ang inyong buhay ng inyong pakikisalamuha sa ibang mga miyembro ng Simbahan bilang “mga kababayan” sa ebanghelyo?

  • Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa pagtuturo niya na si Jesucristo ang “pangulong batong panulok” ng Simbahan? (Mga Taga Efeso 2:20). (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang batong panulok ay isang pundasyong bato na inilalagay sa sulok kung saan nagtatagpo ang dalawang dingding. Ang batong panulok ay mahalaga sa katatagan at pagkakabuo ng istruktura.) Paano si Jesucristo naging batong panulok ng inyong pananampalataya?

  • Ano ang itinuro ni Pablo sa Mga Taga Efeso 2:20 at 4:11–14 tungkol sa kahalagahan ng mga apostol at propeta? Bakit mahalaga sa tunay na Simbahan ang buhay na mga apostol at propeta? Ano ang ilang turo mula sa mga apostol at propeta ng mga huling araw na tumutulong sa ating umunlad tungo sa kasakdalan at pagkakaisa? (Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.)

    Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na: “Ang ministeryo ng mga propeta at apostol ay palagi at kailanma’y aakay sa kanila tungo sa tahanan at sa pamilya… . Ang pinakalayunin ng lahat ng ating itinuturo ay pagsamahin ang mga magulang at mga anak sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, na sila ay masaya sa tahanan, ibinuklod sa isang walang hanggang kasal, naiugnay sa kanilang mga henerasyon, at binigyang katiyakan na tatanggap ng kadakilaan sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit” (sa Conference Report, Abr. 1995, 8; o Ensign, Mayo 1995, 8).

  • Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa pagtuturo na may “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo”? (Mga Taga Efeso 4:5). Bakit mahalagang magkaisa tayo sa ating pag-unawa at pagtuturo ng mga pangunahing doktrina ng Simbahan?

3. Pagkakaisa sa pagitan ng mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at anak

Basahin at talakayin ang Mga Taga Efeso 5:22–29; 6:1–4.

  • Anong paghahambing ang ginamit ni Pablo nang ilarawan niya ang ugnayan sa pagitan ng mag-asawa? (Tingnan sa Mga Taga Efeso 5:22–29.) Ano ang matututuhan ng mga mag-asawa mula sa paghahambing na ito upang matulungan silang magkaroon ng higit na pagmamahal at pagkakaisa sa kanilang pagiging mag-asawa? (Talakayin ang mga tiyak na paraan kung paano ipinamalas ni Jesus ang kanyang pagmamahal sa Simbahan at kung paano maiaangkop ang bawat paraan sa kasal. Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.)

    Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na: “”May makikita ba kayo sa mga sagradong banal na kasulatan kung saan binigo ng Panginoong Jesucristo ang kanyang simbahan? … Naging matapat ba siya? Naging totoo ba siya? Mayroon bang anumang mabuti at karapat-dapat na bagay na hindi niya ibinigay? Kung gayon iyon ang ating hinahanap—ang kanyang hinahanap sa isang asawang lalaki… .

    “ … Naiisip ba ninyo kung gaano niya kamahal ang Simbahan? Mahalaga sa kanya ang bawat hininga nito. Ang bawat pag-unlad, ang bawat indibiduwal nito, ay mahalaga sa kanya. Ibinigay niya sa mga taong iyon ang lahat ng kanyang lakas, lahat ng kanyang kapangyarihan, lahat ng kanyang interes. Ibinuwis niya ang kanyang buhay—ano pa ang maaaring ibigay ng isang tao na hihigit pa rito?” (Men of Example [talumpating ibinigay sa mga guro ng relihiyon, ika-12 ng Set. 1975], 4–5).

  • Ano ang payo ni Pablo sa mga anak sa Mga Taga Efeso 6:1–3? Bakit mahalaga ang payong ito sa ngayon? Paano kayo pinagpala sa paggalang ninyo sa inyong mga magulang?

  • Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang payuhan niya ang mga magulang na palakihin ang isang anak sa “saway at aral ng Panginoon”? (Mga Taga Efeso 6:4). Paano espirituwal na mapapangalagaan ng mga magulang ang mga anak? Paano masusunod ng mga magulang ang halimbawa ng Panginoon kapag nangangaral sa mga anak?

  • Paano makatutulong sa pagpapatatag ng mga ugnayan ng pamilya at pagpapanatili ng pagkakaisa sa tahanan ang payo ni Pablo sa mga magulang at sa anak? Anong payo ang ibinigay sa atin ng mga apostol at propeta sa mga huling araw tungkol sa mga pamilya? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang payo na kamakailan lamang ibinigay sa mga pangkalahatang komperensiya, sa iba pang mga pulong o fireside, at sa mga lathalain ng magasin ng Simbahan.

    Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ay itinuro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol na ang “kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan” (Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo 35538 893).

4. Pagbibihis ng “bagong pagkatao” at ng “buong kagayakan ng Dios”

Basahin at talakayin ang Mga Taga Efeso 4:21–32 at 6:10–18.

  • Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang hikayatin niya ang mga taga Efeso na “mangagbihis ng bagong pagkatao”? (Mga Taga Efeso 4:24). Ano ang ilang katangian ng mga taong naging “bago” sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tingnan sa Mga Taga Efeso 4:21–32.)

  • Habang hinihikayat ang mga Banal na isuot ang buong kagayakan ng Diyos, sila ay binalaan ni Pablo tungkol sa maraming uri ng masasamang impluwensiya (Mga Taga Efeso 6:10–12). Ano ang ilan sa mga masasamang impluwensiya sa buhay na ito?

  • Ano ang iba’t ibang piraso ng tinatawag ni Pablo na kagayakan ng Diyos? Ano ang isinasagisag ng bawat piraso? (Tingnan sa Mga Taga Efeso 6:13–18; Doktrina at mga Tipan 27:15–18. Maaari ninyong naising isulat ang mga sagot sa pisara sa ilalim ng mga pamagat na Kagayakan at Sagisag.) Paano tayo mapangangalagaan ng bawat piraso ng kagayakan ng Diyos laban sa impluwensiya ni Satanas? Ano ang maaari nating gawin upang maisuot araw-araw ang kagayakang ito?

Katapusan

Magpatotoo na itinatag ng Panginoon ang kanyang Simbahan, na may mga apostol at propeta, upang tulungan tayong maging katulad niya at makabalik upang mamuhay sa kanyang piling. Himukin ang mga miyembro ng klase na sama-samang magsikap para sa “ikasasakdal ng mga Banal” sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ni Pablo sa mga taga Efeso.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios” (Mga Taga Efeso 6:11)

Ipalabas ang “The Whole Armor of God,” isang labintatlong minutong yugto mula sa New Testament Video Presentations (53914). Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga panganib ang nakaharap ng mga sundalo sa video? Anong mga panganib ang nakaharap ng mga kabataan? Paano pinagpala ang mga miyembro ng bawat grupo sa pagsusuot ng kanilang kagayakan?

2. Pananalangin para sa mga pinuno ng Simbahan

  • Basahin ang Mga Taga Efeso 6:18–20. Bakit sa palagay ninyo hiniling ni Pablo sa mga taga Efeso na manalangin para sa kanya? Kailan kayo napalakas ng mga panalangin ng ibang tao? Bakit mahalaga na manalangin tayo para isa’t isa at para sa mga pinuno ng Simbahan?

3. “Sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya” (Mga Taga Efeso 2:8)

  • Ano ang itinuro ni Pablo sa Mga Taga Efeso 2:8–9 tungkol sa kung paano nakatatanggap ng kaligtasan ang isang tao? Bakit imposible para sa atin ang iligtas ang ating sarili sa pamamagitan ng ating mga gawa? (Tingnan sa Mga Taga Roma 3:23; Mosias 3:17; Alma 22:14. Maaari ninyong naising bigyangdiin na kinailangang madalas na paalalahanan ni Pablo ang mga Banal na mga Judio na ang mga gawa ng batas ni Moises ay hindi maaaring magligtas sa kanila. Para sa mas madetalyeng talakayan tungkol sa awa at mga gawa, tingnan sa aralin 36.)