Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 29: ‘Dumadami ang Bilang ng mga Alagad’


Aralin 29

“Dumadami ang Bilang ng mga Alagad”

Ang Mga Gawa 6–9

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na malaman na ang gawain ng Simbahan ay isinasagawa ng maraming tao, at iniaambag nilang lahat ang kanilang mga talento at patotoo upang palakasin ang Simbahan.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Ang Mga Gawa 6:1–7. Inordenan ng Labindalawang Apostol ang pitong kalalakihan upang pangasiwaan ang temporal na gawain ng Simbahan.

    2. Ang Mga Gawa 6:8–7:60. Si Esteban, na isa sa pito, ay nagpatotoo sa harapan ng Sanhedrin. Nagalit ang mga taong nakikinig sa kanyang mga salita, at siya ay dinala nila palabas sa lungsod at binato siya hanggang sa mamatay.

    3. Ang Mga Gawa 8:4–40. Si Felipe, isa sa pito, ay nangaral at nagsagawa ng mga himala sa Samaria. Nagturo siya at nagbinyag ng isang lalaking taga Etiopia.

    4. Ang Mga Gawa 8:1–3; 9:1–31. Inusig ni Saulo ang Simbahan hanggang sa makatanggap siya ng pangitain tungkol kay Jesucristo. Si Saulo ay nagbalikloob at nabinyagan at nagsimulang mangaral ng ebanghelyo.

  2. Karagdagang pagbabasa: Ang Mga Gawa 22:1–16; 26:1–5, 9–18.

  3. Mungkahi sa pagtuturo: Alalahanin na nagtuturo kayo sa klase ng mga indibiduwal. Maaaring malaki ang pagkakaiba ng kani-kanilang karanasan sa buhay, tagal ng pagkakasapi sa Simbahan, pagkaunawa sa doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, mga talento at kakayahan, at mga oportunidad sa edukasyon. Hangaring maunawaan ang mga pagkakaiba ng mga miyembro ng klase at tulungan ang bawat tao na maunawaan ang mga katotohanang itinuturo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit B, Paksa 1, “Isang Maunawaing Puso,” 33–34; Yunit B, Paksa 2, “Paghahanap sa Isa,” 35–38; Yunit B, Paksa 3, “Pagiging Handa ng Mag-aaral,” 39–41; Yunit B, Paksa 6, “Tungkol sa Kabataan,” 51–54; “Pag-unawa sa mga May Sapat na Gulang,” 55.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Tanungin ang mga miyembro ng klase:

Gawaing Pantawag-pansin

  • Aling bahagi ng inyong katawan sa palagay ninyo ang pinakamahalaga? Bakit?

Matapos sumagot ang ilang miyembro ng klase ay itanong:

Gawaing Pantawag-pansin

  • Sinong miyembro ng Simbahan sa palagay ninyo ang pinakamahalaga? Bakit?

Muli ay hayaang sumagot ang ilang miyembro ng klase. Pagkatapos ay ipabasa sa miyembro ng klase ang I Mga Taga Corinto 12:14–21, at ipabasa sa isa pang miyembro ng klase ang I Mga Taga Corinto 12:12–13. Ipaliwanag na sa mga talatang ito ay inihambing ni Apostol Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan. Katulad ng kung paano mahalaga ang paa, kamay, tainga, at mata sa kanilang magkakaibang gamit, gayundin naman na mahalaga ang lahat ng miyembro ng Simbahan sa kanilang magkakaibang mga kasanayan at talento.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Pitong kalalakihan ang inordenan upang pangasiwaan ang temporal na gawain ng Simbahan.

Basahin at talakayin ang Ang Mga Gawa 6:1–7. Ipaliwanag na sa ilalim ng pamamahala ng mga Apostol ang Simbahan ay mabilis na lumago, at marami ang nangagbalik-loob sa maraming bansa. Ito ang dahilan ng malaking pagdiriwang, ngunit lumikha din ito ng ilang mga hamon. Habang lumalago ang Simbahan, kinailangan din ng mga Apostol ang ibang mga miyembro upang tumulong sa pamamahala sa Simbahan at sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos.

  • Sa paglago ng Simbahan, ang mga grupo sa loob nito ay nagkakaroon din ng mga pagtatalu-talo sa isa’t isa. Bakit nagreklamo ang ilan sa mga miyembrong Griyego laban sa mga miyembrong Hebreo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 6:1.) Bilang mga miyembro ng Simbahan, paano natin mapaglalabanan ang mga alitan at pagkakahati sa ating kalipunan, maging ang mga ito man ay nababatay sa lahi (ethnic), ekonomiya, kultura, o iba pang mga pagkakaiba? Bakit mahalagang mapaglabanan ang gayong mga pagkakahati-hati? (Tingnan sa 2 Nephi 26:33; Doktrina at mga Tipan 38:26–27.)

    Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter na: “Sa pamamagitan ng pagkaunawa at pagtanggap [sa] pangkalahatang pagiging ama ng Diyos ay mapasasalamatan nang lubos ng buong sangkatauhan ang pagmamalasakit ng Diyos sa kanila at ang kaugnayan nila sa bawat isa. Ito ay isang mensahe ng buhay at pagmamahal na tumatagos nang walang kinikilingan sa lahat ng nakasasakal na mga tradisyon na batay sa lahi, wika, katayuang pangkabuhayan o pulitikal, antas ng edukasyon, o kinalakihang kultura, dahil tayong lahat ay may iisang espirituwal na pinagmulan. Banal ang ating ninuno; ang bawat tao ay espirituwal na anak ng Diyos” (sa Conference Report, Okt. 1991, 22; o Ensign, Nob. 1991, 18).

  • Paano nakapagpapayaman at nakapagpapalakas sa Simbahan ang pagkakaibaiba sa mga miyembro? Paano tayo maaaring magkaiba-iba ngunit sa kabila nito ay nananatiling nagkakaisa?

  • Nadama ng mga Apostol na hindi nila dapat gugulin ang oras ng pangangaral ng ebanghelyo upang ayusin ang mga pagtatalu-talo at asikasuhin ang iba pang temporal na gawain (Ang Mga Gawa 6:2). Paano nila nilutas ang problemang ito? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 6:3–6.) Bakit mahalagang ibahagi ang gawain ng Simbahan sa maraming tao? Paano kayo pinagpala ng mga pagkakataon na maglingkod sa Simbahan?

  • Anong mga pagbabago sa organisasyon ang binigyang inspirasyon na ipagawa ng Panginoon sa mga pinuno ng Simbahan habang lumalago ang Simbahan? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang pagkakadagdag ng mga Korum ng Pitumpu o ang kaayusan ng Simbahan sa mga pook na pinamumunuan ng mga Panguluhan ng Pook.) Paano nakatulong ang mga pagbabagong ito sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan sa buong daigdig?

2. Nagpatotoo si Esteban sa harapan ng Sanhedrin at binato hanggang sa mamatay.

Talakayin ang Ang Mga Gawa 6:8–7:60. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Si Esteban, isa sa pitong kalalakihan na tinawag upang tumulong sa Labindalawang Apostol, ay dinakip dahil sa mga maling paratang na kalapastanganan sa Diyos at dinala siya sa Sanhedrin, ang kapulungan ng mga Judio (Ang Mga Gawa 6:11–15; kung kinakailangan, ipaliwanag na ang kalapastanganan sa Diyos ay ang kawalan ng pitagan sa Diyos o sa mga sagradong bagay). Ano ang ginawa ni Esteban habang nililitis siya ng Sanhedrin? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 7:1–53. Isinalaysay niya ang bahagi ng kasaysayan ng mga Israelita.)

  • Bakit sa palagay ninyo binigyang-diin ni Esteban ang makapangyarihang mga gawa ng Panginoon sa kasaysayan ng Israel? Paano tayo makatitiyak na hindi natin nalilimutan ang mga gawain ng Panginoon sa ating buhay? Paano nakatutulong ang pag-alaala sa mga nakaraang biyayang mula sa Panginoon sa pananatili nating matapat sa kasalukuyan?

  • Bakit kaya binigyang-diin din ni Esteban ang madalas na pagkalimot at pagsuway ng Israel sa Diyos? Anong paghahambing ang ginawa ni Esteban sa pagitan ng kanyang mga tagapakinig at ng sinaunang suwail na mga Israelita? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 7:51–53.) Ano ang naging reaksiyon ng mga tao sa paghahambing na ito? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 7:54.)

  • Anong pangitain ang tinanggap ni Esteban pagkatapos niyang magsalita? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 7:55–56.) Ano ang ginawa ng mga tao nang sabihin niya sa kanila ang tungkol sa kanyang pangitain? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 7:57–58.) Ano ang inihahayag ng huling mga salita ni Esteban tungkol sa kanyang pagiging disipulo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 7:59–60.)

3. Si Felipe ay nangaral at gumawa ng mga himala sa Samaria.

Basahin at talakayin ang piling mga talata mula sa Ang Mga Gawa 8:4–40.

  • Si Felipe, na isa pa sa pitong kalalakihan na pinili upang tumulong sa mga Apostol, ay nangaral at nagsagawa ng mga himala sa Samaria. Ano ang naging reaksiyon ng mga tao ng Samaria sa mensahe ni Felipe? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:6–8, 12.) Paano tinanggap ng mga taong ito ang kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:14–17.)

  • Ang isa sa mga nagbalik-loob na Samaritano ay isang manggagaway (sorcerer) na nagngangalang Simon. Sino ang binigyang papuri ni Simon sa mga ginawa niyang pagkilos sa pamamagitan ng panggagaway? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:9–11.) Kanino nagbigay papuri ang mga Apostol sa mga himala na kanilang nagawa? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:7–10.) Bakit malaki ang kahalagahan ng pagkakaibang ito? (Bigyang-diin na ang maraming tao na nakikipagpaligsahan upang makuha ang ating atensiyon at katapatan ay karaniwang ginagawa ang gayon para luwalhatiin ang kanilang sarili. Sa kabaligtaran ay ibinigay ng mga tagapaglingkod ng Diyos ang kaluwalhatian sa Kanya. Ang pagkaunawa sa pagkakaibang ito ay makatutulong sa atin upang pag-aralan ang maraming impluwensiya sa ating buhay.)

  • Ano ang ginawa ni Simon nang makita niyang ipinagkakaloob ng mga Apostol ang kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:18–19.) Paano sinagot ni Pedro ang kahilingan ni Simon? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:20–23.) Paano nagiging karapat-dapat ang isang tao na tumanggap ng kapangyarihan ng pagkasaserdote? (Tingnan sa Mga Hebreo 5:4; Doktrina at mga Tipan 121:36.)

    Sinabi ni Pangulong James E. Faust: “Ang pinakadakilang kapangyarihang ito sa lahat, ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ay hindi nakakamtan sa paraan na tulad ng pagkakamit ng kapangyarihan sa daigdig na ito. Hindi ito maaaring bilhin o kaya nama’y ipagbili… . Ang kapangyarihan sa mundong ito ay kadalasang ginagamit sa malupit na pamamaraan. Gayunman, ang kapangyarihan ng pagkasaserdote ay nagagamit lamang sa pamamagitan ng mga alituntunin ng kabutihan na siyang paraan ng pamamahala ng pagkasaserdote” (sa Conference Report, Abr. 1997, 59–60; o Ensign, Mayo 1997, 43).

  • Paano nakatagpo ni Felipe ang lalaking taga Etiopia? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:25–29.) Anong mga biyaya ang dumating kay Felipe at sa taga Etiopia dahil sa pagsunod ni Felipe sa Espiritu? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:30–38.) Anong mga biyaya ang dumating na sa inyo (o sa isang taong kilala ninyo) dahil sa sinunod ninyo ang Espiritu?

  • Paano nagpakita ng kababaang-loob ang taga Etiopia? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:30–39.) Paano nakatutulong sa atin ang kababaang-loob sa pag-unawa at pagtanggap ng salita ng Diyos?

4. Si Saulo ay nagbalik-loob at nabinyagan at sinimulan niyang ipangaral ang ebanghelyo.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Ang Mga Gawa 8:1–3 at 9:1–31. Ipaliwanag na si Saulo ay dating Fariseo na aktibong umuusig sa sinaunang mga Banal. Naroon siya noong binabato si Esteban (Ang Mga Gawa 7:58) at siya ang may pakana sa pagkakakulong at pagkamatay ng maraming miyembro ng Simbahan (Ang Mga Gawa 8:3; 22:4). Gayunman, nakaranas siya ng mahimalang pagbabalik-loob at naging isang dakilang misyonero.

  • Ano ang dahilan ng pagbabago ni Saulo mula sa isang taga-usig ng mga Banal tungo sa pagiging dakilang tagapaglingkod ng Panginoon? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 9:1–9, 17.) Bigyang-diin na nagbalik-loob si Saulo nang marinig niya ang tinig ng Panginoon. Paano natin maririnig ang tinig ng Panginoon? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38; 6:23; 8:2; 18:34–36.) Paano makatutulong sa ating pagbabalik-loob ang pagdinig sa kanyang tinig?

    Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na ang pagbabalik-loob ay kadalasang tahimik at unti-unting karanasan, hindi biglaan at mahimalang tulad ng karanasan ni Saulo. Sinabi ni Elder Robert D. Hales na, “Kung minsan ang mga tao ay maaaring magkaroon ng [mga karanasang tulad ng kay Saulo], ngunit kadalasan, ang pagbabalik-loob ay nangyayari pagkaraan ng ilang panahon habang tinutulungan tayo ng pag-aaral, panalangin, karanasan, at pananampalataya na umunlad sa ating patotoo at pagbabalik-loob” (sa Conference Report, Abr. 1997, 111; o Ensign, Mayo 1997, 80).

  • Sinabi ni Elder Ezra Taft Benson na ang tanong ni Pablo na, “Panginoon, ano po ang gusto ninyong gawin ko?” ang siyang pinakamahalagang tanong na maitatanong natin sa buhay na ito (sa Conference Report, Okt. 1972, 53; o Ensign, Ene. 1973, 57). Bakit napakahalaga na itanong natin ito? Paano kayo pinagpala ng pagpapasailalim ninyo sa kalooban ng Panginoon para sa inyo?

  • Bakit atubiling makipagkita si Ananias kay Saulo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 9:10–14.) Bakit nagpunta pa rin si Ananias sa kabila ng kanyang pagaalinlangan? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 9:15–16.) Ano ang matututuhan natin mula sa mga gawa ni Ananias? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang mabibigyan tayo ng Diyos ng lakas ng loob na gawin ang anumang hilingin niya sa atin at hindi natin dapat pabayaan ang isang tao, kahit na tila hindi na siya maaaring matulungan sa espirituwal.)

  • Ano ang ginawa ni Ananias para kay Saulo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 9:17–18.) Ano ang ginawa ni Saulo pagkatapos siyang mabinyagan? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 9:19–22, 26–29.) Ano ang ating mga pananagutan minsang nagbalik-loob na tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo? (Tingnan sa Lucas 22:32; Juan 8:31; Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 88:81.)

Katapusan

Bigyang-diin na tayo, tulad nina Esteban, Felipe, at Saulo, ay nabubuhay sa panahon kung kailan mabilis ang paglago ng Simbahan. Magpatotoo na nais ng Panginoon na maglingkod ang bawat isa sa atin sa kanyang kaharian habang lumalago ito. Himukin ang mga miyembro ng klase na makilala at mapasalamatan ang magkakaibang katangian, talento, at karanasan na ibinabahagi ng bawat miyembro ng purok o sangay sa paglilingkod sa Panginoon.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis” (Ang Mga Gawa 26:14)

  • Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Ang Mga Gawa 26:14. Ano ang ibig sabihin ng “sumikad sa mga matulis”? (Ang huwag sundin ang tagubilin o utos. Ang matulis na patpat ay ginagamit kung minsan para tusukin ang mga hayop upang bumilis ang kanilang pagkilos o magpunta sa tiyak na patutunguhan. Kung sisikaran ng hayop ang patpat na ito habang tinutusok siya, mas masasaktan ang hayop.) Paano makasasama kay Saulo ang kanyang mga ikinikilos noong bago niya matanggap ang pangitain? Paano natin sinasaktan ang ating sarili kapag kinakalaban natin ang katotohanan?

2. Gawaing pangkabataan

Isulat ang sumusunod na mga salita sa pisara o sa papel: Ananias, awtoridad, masama, mga mata, Espiritu Santo, liwanag, mangaral, timbangan, walang masabi, nanginginig, sisidlan, tinig.

Ipaaral sa mga miyembro ng klase ang Ang Mga Gawa 9:1–22 at alamin ang kahalagahan at kaayusan ng mga salitang ito sa kuwento ng pagbabalik-loob ni Saulo. Pagkatapos ay papagkuwentuhin sila na gamit ang lahat ng mga salita.