Himukin ang mga miyembro ng klase na hangarin ang mga inspirasyon mula sa Espiritu Santo at iwasan ang mga saloobin at kilos na hahadlang sa pagtanggap nila ng mga inspirasyong ito.
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Ang Mga Gawa 18:23–19:41 . Sinimulan ni Pablo ang kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero. Itinuro nina Aquila at Priscila ang ebanghelyo kay Apolos. Si Pablo ay nagturo, nagbinyag, at naggawad ng kaloob na Espiritu Santo sa mga mananampalataya sa Efeso. Sinulsulan ni Demetrio at ng iba pang mga panday-pilak ang mga tao sa Efeso para magalit kay Pablo.
Ang Mga Gawa 20 . Nilisan ni Pablo ang Efeso at nangaral sa Macedonia at Grecia. Sa pagbabalik niya sa Jerusalem, siya ay nagbigay ng talumpati ng pamamaalam sa mga pinuno ng Simbahan mula sa Efeso, na nagbabala laban sa lubusang pagtalikod.
Mga Taga Galacia . Sumulat si Pablo ng isang liham na pinagagalitan ang mga taga Galacia sa pagbabalik sa batas ni Moises. Ipinaalala niya sa kanila ang kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo at hinikayat silang hangarin ang mga bunga ng Espiritu.
Karagdagang pagbabasa: Gabay sa mga Banal na Kasulatan , “Espiritu Santo,” 61–62 at “Sulat ni Pablo, Mga: 1 at 2 Mga Taga-Corinto, Mga Taga-Galacia, Mga Taga-Roma,” 234–235.
Kung may makukuhang mapa ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mapa 7 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ), maaari ninyong naising gamitin ito sa aralin.
Mungkahi sa pagtuturo: Ang ilan sa mga pinakamagagandang kuwento at halimbawa ay ang mga nagmumula sa inyong sariling buhay. Umasa na tutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung alin sa inyong mga karanasan ang magiging angkop at magagamit sa pagbabahagi sa mga miyembro ng klase. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin , Yunit E, Paksa 8, “Pagpapayaman sa Inyong mga Aralin sa Pamamagitan ng mga Halimbawa,” 108–110 , at Yunit F, Paksa 5, “Ano ang Bumubuo sa Isang Magandang Kuwento?,” 157.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.
Hilingan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang talento o kasanayan (kagaya ng pagtugtog ng isang instrumento, pananahi, pagsusulat, o paglalaro) na minsan na nilang pinagyaman ngunit matagal nang hindi ginagamit. Itanong:
Komportable pa kaya kayo sa ngayon na gamitin ang talento o kasanayang ito? Ganon pa rin kaya kayo kahusay tulad ng dati? Ano ang kakailanganin ninyong gawin upang magamit ang talento o kasanayang ito na tulad ng paggamit ninyo rito noong nakaraan? (Kung walang miyembro ng klase na makaiisip ng mga talento o kasanayang nabanggit, talakayin ang isang halimbawa mula sa inyong sariling buhay.)
Bigyang-diin na ang pagkakilala sa mga inspirasyon ng Espiritu Santo ay maituturing na isang espirituwal na talento o kakayahan. Kapag lagi nating ginagamit ang talentong ito ay lalo tayong nagiging mahusay rito.
Paano tayo magkakaroon ng kakayahang makilala ang mga inspirasyon na nagmumula sa Espiritu Santo? (Maaaring maibilang sa mga sagot na sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay, sa paghahangad ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at sa pagsunod sa mga inspirasyon kapag natanggap natin ang mga ito.) Ano ang mangyayari kung napaghusay ang kakayahang ito at pagkatapos ay pabayaan na lamang ito?
Ipaliwanag na ang talakayan ngayon tungkol sa ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero at ang kanyang liham sa mga taga Galacia ay kabibilangan ng talakayan ng mga kalagayan kung saan kailangan nating sundin ang mga inspirasyon ng Espiritu Santo at kung paano tayo pagpapalain sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito.
Buong panalanging piliin ang mga talata ng banal na kasulatan at tanong na pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Talakayin kung paano maiaangkop ang mga banal na kasulatan na ito sa pangaraw- araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntuning ito ng banal na kasulatan.
Talakayin ang Ang Mga Gawa 18:23–19:41 . Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling talata. Ipaliwanag na matapos makabalik si Pablo mula sa kanyang ikalawang misyon, siya ay nag-ukol ng ilang panahon sa Antioquia, at pagkatapos ay lumisan para sa ikatlong misyon (Ang Mga Gawa 18:22–23 ). Sa ikatlong misyon na ito ay halos ginugol niya lahat ng kanyang panahon—halos tatlong taon—sa pangangaral sa Efeso. (Kung ginagamit ninyo ang mapa, ituro ang kinalalagyan ni Pablo sa angkop na mga pagkakataon habang tinatalakay ninyo ang kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero.)
Si Apolos ay isang Judio na nakaaalam tungkol sa pagbibinyag na itinuro ni Juan Bautista ngunit hindi niya alam ang tungkol sa kaloob na Espiritu Santo. Nang marinig nina Aquila at Priscila, dalawang miyembro ng Simbahan na nasa Efeso, ang pangangaral ni Apolos, itinuro nila sa kanya “ang daan ng Panginoon ng lalong maingat” (Ang Mga Gawa 18:26 ). Ano ang mga katangian na naging dahilan upang madaling maturuan si Apolos? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 18:24–28 .) Paano rin siya ginawang epektibong guro ng mga katangiang ito? Paano natin tataglayin ang ganitong mga katangian?
Anong espirituwal na pagpapahiwatig ang naganap nang tanggapin ng ilang mga taga Efeso ang kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 19:6 .) Sa alin pang mga pagkakataon naganap ang ganitong uri ng pagpapahiwatig? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:1–4 ; 10:44–46 . Ang mga Apostol ay nagsalita sa mga wika nang tanggapin nila ang kaloob na Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes. Ang ilang Gentil sa Cesarea ay nagsalita rin sa mga wika matapos tanggapin ni Pedro ang pangitain na dapat ituro ang ebanghelyo sa mga Gentil.) Anong mga pagpapahiwatig ng Espiritu Santo ang madalas na nararanasan sa ngayon? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:15, 23 ; 8:2 para sa ilang halimbawa; tingnan din sa I Mga Hari 19:12 .)
Bakit iniwan ni Pablo ang sinagoga sa Efeso at nagsimulang magturo sa paaralan sa Tiranno? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 19:8–9 . Pansinin na ang ibig sabihin ng nangangatuwiran ay nangangaral o nagpapaliwanag.) Paano tayo dapat tumugon sa mga taong umuusig o sumasalungat sa ebanghelyo? (Tingnan 3 Nephi 11:29–30 .)
Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton na: “Kapag ang ibang tao ay hindi sumasang-ayon sa ating pinaniniwalaan ay hindi tayo dapat makipagtalo, makipagtunggali, o makipaglaban sa kanila… . Tungkulin nating ipaliwanag ang ating panig sa pamamagitan ng pangangatuwiran, panghihikayat na tulad ng sa isang kaibigan, at mga katotohanan. Tungkulin nating maging matatag at naninindigan sa moral na mga isyu ng ating panahon at sa walang hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo, nang hindi nakikipaglaban sa kaninumang tao o organisasyon. Ang pagtatalo ay lumilikha ng pagkakahati sa mga tao. Ang pag-ibig ay nagbibigay daan sa komunikasyon… . Ang pagtatalo ay hindi kailanman naging at hindi kailanman magiging kapanig ng pag-unlad” (sa Conference Report, Abr. 1978, 10; o Ensign , Mayo 1978, 7–8).
Bakit nagalit si Demetrio at ang iba pang mga panday-pilak sa pangangaral ni Pablo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 19:23–28 . Sila ay lumilikha at nagbibili ng mga dambanang pilak ni Diana, isang huwad na diyosa, at nangabahala na baka mawalan ng mga suki sa pagtulong ni Pablo sa mga tao na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.) Paano makaaapekto sa ating katapatan sa Diyos ang labis na pag-aalala tungkol sa materyal na kayamanan o iba pang makamundong interes? Paano makaaapekto ang gayong mga alalahanin sa ating kakayahang makinig sa mga inspirasyon ng Espiritu?
Ihambing ang mga pag-uugali ni Demetrio at ng mga panday-pilak sa paguugali ng mga taga Efeso na sumira ng kanilang mga aklat sa panggagaway nang magsimula silang sumunod kay Jesucristo (Ang Mga Gawa 19:18–19 ). Paano natin mapananatili ang tamang pananaw hinggil sa mga ari-arian sa mundo?
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Ang Mga Gawa 20 . Ipaliwanag na nilisan ni Pablo ang Efeso at naglakbay sa buong Macedonia at Grecia, na ipinapangaral ang ebanghelyo. Nagbalak siyang bumalik sa Jerusalem para sa Pista ng Pentecostes. Sa kanyang pagbabalik sa Jerusalem, siya ay nagsugo ng isang mensahero upang hilingan ang mga pinuno ng Simbahan sa Efeso na makipagpulong sa kanya sa Mileto. Nagbigay siya ng makaantig damdaming pamamaalam na talumpati at pagkatapos ay nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.
Naniniwalang ito na ang kanyang huling pagkakataon na makikipag-usap sa mga matatanda na taga Efeso, ano ang binigyang-diin ni Pablo sa kanyang pamamaalam na talumpati? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 20:28–35 .) Sino ang “mga ganid na lobo” na ibinabala ni Pablo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 20:29 . Mga kalaban ng Simbahan.) Sino pa ang ibinabala ni Pablo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 20:30 . Mga miyembro ng Simbahan na lubusang tatalikod at magsisikap na akayin palayo ang iba pang mga miyembro.) Sa ating buhay, paano tayo makapag-iingat sa lubusang pagtalikod?
Ano ang sinabi ni Pablo na dapat gawin ng matatandang taga Efeso upang tumulong sa pangangalaga sa mga miyembro ng Simbahan mula sa mga magsisikap na akayin silang papalayo sa Simbahan? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 20:28 ; tingnan din sa Juan 21:15–17 .) Paano tayo makatutulong sa pangangalaga sa mga tupa ng Diyos mula sa “mga ganid na lobo”?
Tinapos ni Pablo ang kanyang talumpati sa mga kapatid na taga Efeso sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila tungkol sa turo ng Panginoon na “lalo pang mapalad ang magbigay kaysa tumanggap” (Ang Mga Gawa 20:35 ). Paano ninyo nalaman na totoo ito sa inyong buhay?
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa liham ni Pablo sa mga taga Galacia . Ipaliwanag na habang si Pablo ay nasa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, sumulat siya ng isang liham sa mga Banal sa Galacia, kung saan ang karamihan sa kanila ay nagbalik sa pagtupad sa batas ni Moises. Pinagalitan niya ang mga naniniwala na ang kaligtasan ay maaaring dumating sa mga gawaing hinihiling ng batas ni Moises sa halip na sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Ano ang layunin ng batas ni Moises? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 3:23–26 ; Jacob 4:4–5 ; Mosias 13:29–30 . Ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita ang batas na ito upang tulungan silang maalaala siya at upang ihanda silang tanggapin ang kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang Pagbabayad-sala.) Paano natupad ang batas ni Moises? (Tingnan sa 1 Nephi 15:2–5 ; Alma 34:10 ; 3 Nephi 9:19 . Isinakatuparan ni Jesus ang batas ni Moises sa pamamagitan ng kanyang Pagbabayad-sala, na sinisimbolo ng maraming ordenansa ng batas.)
Namangha si Pablo sa mabilis na pagbabalik ng mga Banal na taga Galacia sa batas ni Moises matapos na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo (Mga Taga Galacia 1:6; 4:9 ). Bakit nagpakita ng kakulangan ng pananampalataya sa Panginoon ang pagbabalik na ito sa batas ni Moises? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 2:16 ; 3:1–5 ; 5:1–6 .)
Noong kapanahunan ni Pablo ay hinangad ng ilang tao na sirain, o baguhin ang ebanghelyo ni Jesucristo (Mga Taga Galacia 1:7–8 ). Ano ang ilang patunay nito sa makabagong panahon? Paano ang dapat na maging tugon natin sa mga pagsisikap na sirain ang ebanghelyo?
Ano ang matututuhan natin mula sa Mga Taga Galacia 1:11–12 tungkol sa kung paano tayo tumatanggap ng patotoo ng ebanghelyo? Bakit mahalaga na ang ating mga patotoo ay nakabatay sa paghahayag mula kay Jesucristo? (Maaari ninyong naising talakayin kung paanong ang mga patotoong nakatatag sa ibang mga pundasyon, tulad ng pakikipag-ugnayang panlipunan o pagsusuring pangkaisipan, ay kadalasang hindi matatag sa mga pagsubok na nauukol sa pananampalataya.)
Binalaan ni Pablo ang mga taga Galacia sa paggawa “ng mga gawa ng laman” (Mga Taga Galacia 5:19 ). Ano ang mga gawa ng laman? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 5:19–21 .) Ano ang mga bunga ng paggawa ng ganito? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 5:21 .) Sa kabila ng laganap na mga gawa ng laman sa daigdig sa ngayon, ano ang maaari ninyong gawin sa linggong ito upang mapag-ibayo ang espirituwal na kapaligiran sa inyong tahanan?
Hinimok ni Pablo ang mga taga Galacia na hanapin ang mga bunga, o resulta, ng pamumuhay ayon sa Espiritu (Mga Taga Galacia 5:16, 25 ). Ano ang ilan sa mga bungang ito? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23 .) Paano naipakita ang mga bungang ito sa inyong buhay? Ano ang dapat nating gawin kung madarama nating wala ang mga bungang ito sa ating buhay?
Ano ang itinuro ni Pablo sa mga Banal na taga Galacia tungkol sa kung paano pakikitunguhan ang kanilang mga kapwa? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 5:14 ; 6:2 ; tingnan din sa Mosias 18:8–10 .) Paano tayo maaaring “mangagdalahan … ng mga pasanin ng isa’t isa”? Paano tayo higit na inilalapit kay Jesucristo ng paggawa ng ganito?
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “Ang Diyos ay hindi napabibiro”? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 6:7 ; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 63:58 . Ang isang kahulugan ay ang mga taong sumusuway sa Diyos at hindi nagsisisi ay hinahamak siya at parurusahan sila.) Paano hinahamak ng mga tao ang Diyos sa ngayon?
Ano ang ibig sabihin ng “ang lahat ng ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya”? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 6:7–9 .) Paano naaangkop ang alituntuning ito sa ating kakayahang makinig at sumunod sa mga inspirasyon ng Espiritu Santo? Paano ito naaangkop sa ating mga pakikipag-ugnayan sa ibang tao? Paano ito naaangkop sa iba pang situwasyon sa ating buhay?
Magpatotoo na ang hindi matwid na mga saloobin at kilos, tulad ng pagtatalo, kamunduhan, at lubusang pagtalikod, ang hahadlang sa atin sa pagtanggap ng mga inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Ngunit kung magsisikap tayong mamuhay nang matwid at susundin ang mga inspirasyon na ating tinatanggap, ang ating kakayahan na makilala at sundin ang mga inspirasyon ay madaragdagan. Himukin ang mga miyembro ng klase na hangarin at sundin ang mga inspirasyon mula sa Espiritu Santo.
Karagdagang Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
Pagtuturo ng ebanghelyo tulad ng ginawa ni Pablo
Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase, at talakayin kung paano natin masusundan ang halimbawa ni Pablo sa ating pagtuturo.