Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 16: ‘Ako’y Naging Bulag, Ngayo’y Nakakakita Ako’


Aralin 16

“Ako’y Naging Bulag, Ngayo’y Nakakakita Ako”

Juan 9–10

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng higit na pagkakaunawa at pagpapahalaga kay Jesucristo bilang Ilaw ng Sanglibutan at Mabuting Pastor.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Juan 9. Pinatotohanan ni Jesus na siya ang Ilaw ng Sanglibutan at pinagaling ang isang lalaking isinilang na bulag. Nagpatotoo sa mga Fariseo ang lalaking pinagaling at sinamba niya si Jesus.

    2. Juan 10:1–15, 25–28. Itinuro ni Jesus na siya ang Mabuting Pastor at ibibigay niya ang kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. Ang mga tupa ng Panginoon ay ang mga dumirinig ng kanyang tinig at sumusunod sa kanya.

  2. Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal ay gamitin ang mga ito sa aralin:

    1. Ang larawan na Pinagagaling ni Jesus ang Bulag (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213).

    2. Bahagi 3 ng “New Testament Customs,” isang piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914).

  3. Mungkahi sa pagtuturo: “Ang kababaang-loob sa harapan ng Diyos ay isang susi sa tagumpay. Ang isang gurong mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon ay nananalig mula sa bukal ng lahat ng kaalaman at kapangyarihan at walang humpay na sumasalok mula rito. Iiwan ng Espiritu ang isang guro na labis na umaasa sa sariling kakayahan. Kung wala ang Diyos, wala [tayong] magagawa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari” (Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 3, “Maging Mapagpakumbaba sa Inyong Tungkulin,” 6–7).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Hilingin sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng ilang kapansanan sa katawan na ginamot ni Jesus sa panahon ng kanyang mortal na ministeryo. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay bigyang-diin na bahagi ng araling ito ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang bulag na lalaki—isang himalang madalas niyang ginagawa.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Sa inyong palagay bakit isang napakahalagang himala sa ministeryo ng Tagapagligtas ang pagpapagaling sa bulag? Ano ang maaaring espirituwal na isagisag ng pagpapagaling ng bulag? (Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na matulungan tayong mapagtagumpayan ang espirituwal na pagkabulag at “makita” o maunawaan ang espirituwal na mga katotohanan.)

Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan na pag-aaralan sa araling ito ay nakatuon sa pagtingin at pagdinig sa Tagapagligtas at sa ating pananagutan na tulungan ang iba na gawin ang gayon.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Binigyan ni Jesus ng paningin ang lalaking isinilang na bulag.

Talakayin ang Juan 9. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling talata. Ipakita ang larawan ni Jesus na pinagagaling ang lalaking bulag.

  • Bago pagalingin ang lalaking isinilang na bulag, sinabi ni Jesus, “Ako ang ilaw ng sanglibutan” (Juan 9:5). Sa anu-anong paraan binigyang liwanag ni Jesus ang bulag na lalaki? (Tingnan sa Juan 9:6–7, 35–38.)

  • Nagpatotoo nang ilang ulit ang bulag na pinagaling siya ni Jesus (Juan 9:10–11, 15, 17, 24–25, 27, 30–33. Maaari ninyong naising hikayatin ang mga miyembro ng klase na markahan ang mga talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan). Ano ang maaari nating matutuhan mula sa halimbawa ng taong ito? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang responsibilidad nating ibahagi ang ating mga patotoo. Bigyang-diin na matapang na nagpatotoo ang lalaki sa maraming tao, maging sa mga hindi naniwala sa kanyang patotoo at nagbanta sa kanya.)

  • Paano lumago ang patotoo ng lalaking ito habang ibinabahagi niya ang kanyang patotoo? (Paghambingin ang mga talata 11, 17, 33, at 38.) Paano lumago ang inyong patotoo nang ibahagi ninyo ito?

  • Ano ang ginawa ng mga Fariseo nang marinig nila ang tungkol sa himala? (Tingnan sa Juan 9:16.) Sa palagay ninyo bakit nila itinanggi na ginawa ni Jesus ang himalang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang kapalaluan, galit kay Jesus dahil sa pagpapagaling niya sa araw ng Sabbath, takot dahil maaaring mawala sa kanila ang kapangyarihan o katanyagan, at iba pa.) Paano tinangkang pasinungalingan ng mga Fariseo ang mga ginawa ni Jesus? (Tingnan sa Juan 9:16, 18–20, 24, 28–29, 34.) Paano itinatanggi ng ilang tao ngayon ang kapangyarihan ng Diyos?

  • Ano ang isinagot ng mga magulang ng lalaking dating bulag nang tanungin sila ng mga Fariseo tungkol sa himala? (Tingnan sa Juan 9:18–23.) Bakit ganito ang naging sagot ng kanyang mga magulang? (Tingnan sa Juan 9:22.) Paano tayo minsan nagiging katulad ng mga magulang ng lalaking ito? Paano tayo magiging higit na magiting sa ating mga patotoo?

  • Paano pinarusahan ng mga Fariseo ang lalaki nang patuloy niyang pinatotohanan na si Jesus ang nagpagaling sa kanya? (Tingnan sa Juan 9:34. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pinalayas ay itiniwalag.) Ano ang ginawa ni Jesus nang marinig niyang pinalayas ang lalaki dahil sa kanyang patotoo? (Tingnan sa Juan 9:35–37.) Paano kayo pinagpala ng Panginoon dahil sa pananatili ninyong matapat sa gitna ng kahirapan?

Kung gagamitin ninyo ang pagpapalabas ng video, ipalabas na ngayon ang “The Synagogue.”.

  • Sa paanong paraan nakakikita ang mga Fariseo, at sa paanong paraan sila bulag? (Tingnan sa Juan 9:39–41. Batid nila nang husto ang batas, ngunit bulag sila sa tunay na layunin nito. Itinatanggi nilang pumarito si Jesus bilang katuparan ng batas.) Ano ang kaibahan ng pagkakita sa pamamagitan ng ating mga mata at “pagkaunawa” o espirituwal na pag-unawa? Ano ang ilang dahilan ng espirituwal na pagkabulag? Ano ang matututuhan natin sa kuwentong ito tungkol sa kung paano mapagtatagumpayan ang espirituwal na pagkabulag?

2. Itinuro ni Jesus na siya ang Mabuting Pastor.

Basahin at talakayin ang Juan 10:1–15, 25–28. Sa mga talatang ito, inilarawan ni Jesus kung paano pinangangalagaan at inaalagaan ng pastor ang kanyang mga tupa. Ipaliwanag na noong kapanahunan ni Jesus, ang mga tupa ay dinadala sa isang kulungan pagsapit ng gabi. Isa sa mga pastor ang magbabantay ng pintuan samantalang ang iba naman ay uuwi ng bahay upang magpahinga. Kung may mabangis na hayop na nakapasok sa kulungan, ibibigay ng pastor ang kanyang buhay kung kailangan upang mapangalagaan ang mga tupa. Sa umaga, ang bawat pastor ay babalik at tatawagin ang kanyang mga tupa. Makikilala nila ang kanyang tinig at susunod sa kanya sa pastulan.

  • Sa pagtatalakay ni Jesus tungkol sa pastor at kanyang mga tupa, sino ang kinakatawan ng mga tupa? (Tingnan sa Juan 10:4, 27.) Sino ang pastor? (Tingnan sa Juan 10:11.) Ano ang ilang katangian ng isang mabuting pastor? (Maaari ninyong naising isulat ang mga katangiang ito sa pisara tulad ng ipinakikita sa ibaba.)

    1. Kilala niya ang kanyang mga tupa, tinatawag sila sa kanilang pangalan, pinangungunahan sila (Juan 10:3–4, 14).

    2. Siya ang pintuan ng mga tupa, pinahihintulutan silang sumama sa kawan upang maligtas at makakita ng pastulan (Juan 10:7, 9).

    3. Binibigyan niya ang mga tupa ng “buhay … at magkaroon ng kasaganaan nito” (Juan 10:10).

    4. Ibinibigay niya ang kanyang buhay para sa mga tupa (Juan 10:11, 15).

  • Ano ang kaibahan ng isang pastor at ng isang nagpapaupa? (Tingnan sa Juan 10:11–14.) Paano naging ganap na halimbawa si Jesus ng isang pastor? (Gamit ang tala na inyong isinulat sa pisara, talakayin kung paano ipinakita ni Jesus ang bawat isa sa mga katangiang ito. Tingnan sa 2 Nephi 9:41–42 habang tinatalakay ninyo kung paano naging pintuan si Jesus ng mga tupa. Habang tinatalakay ninyo ang kahandaan ni Jesus na ibigay ang kanyang buhay para sa atin, tingnan ang Juan 10:17–18.)

  • Paano nakikilala ng mga tupa ang kanilang pastor? (Tingnan sa Juan 10:3–4.) Paano natin maririnig ang tinig ng Panginoon? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:37–38; 18:33–36; 97:1.) Paano tayo napapangalagaan kung kilala at sinusunod natin ang tinig ng Mabuting Pastor?

Kung ginagamit ninyo ang pagpapalabas ng video, ipalabas na ngayon ang “The Shepherd” at “The Sheepfold.”.

  • Sino ang mga tulisan at magnanakaw na nagtatangkang pumasok sa kulungan? (Tingnan sa Juan 10:1. Sila ang mga taong nagtatangkang gawan ng masama ang mga tagasunod ng Panginoon o akayin sila sa masama.) Paano natin makikilala ang tunay na mga pastor at ang mga taong nagtatangkang umakay sa atin sa masama? (Tingnan sa Juan 10:10.)

  • Paano ginagantimpalaan ang mga tupa sa pagsunod nila sa Mabuting Pastor? (Tingnan sa Juan 10:9–10, 28). Paano kayo biniyayaan sa pagsunod ninyo sa Tagapagligtas?

Katapusan

Magpatotoo na si Jesus ang Ilaw ng Sanglibutan at ang Mabuting Pastor. Kung naaangkop, ibahagi sa mga miyembro ng klase kung paano kayo tinulungan ng Panginoon na espirituwal na makakita at sumunod sa kanya.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Ang mga responsibilidad natin bilang mga pastor

  • Paano tayo naging mga pastor din ng mga tupa ng Panginoon? Ano ang magagawa natin upang matulungan ang iba na makinig at sumunod sa tinig ng Mabuting Pastor?

    Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na: “Ang sinumang naglilingkod sa anumang tungkulin sa Simbahan na kung saan siya ay may pananagutan sa kagalingang pang-espirituwal at temporal ng sinumang anak ng Panginoon ay pastor ng mga tupang ito. Papananagutin ng Panginoon ang mga pastor para sa kaligtasan ng kanyang mga tupa” (Mormon Doctrine, ika-2 edisyon [1966], 710).

2. “Mayroon akong ibang mga tupa” (Juan 10:16)

  • Sino ang tinutukoy ng Panginoon sa Juan 10:16? (Tingnan sa 3 Nephi 15:21–24.) Kailan narinig ng “ibang mga tupa” ang tinig ng Tagapagligtas? Paano makatutulong ang talatang ito sa isang taong nagsisiyasat sa Simbahan na magkaroon ng mabuting pag-unawa sa Aklat ni Mormon?

    Itinuro ni Elder Howard W. Hunter na: “Ang mga taong pamilyar sa buhay at mga turo ng Guro mula sa kanilang kaalaman sa mga aklat ng Biblia ay magiging interesadong malaman na mayroon ding tala ng kanyang pagpapakita sa mga tao sa kanlurang bahagi ng mundo—ang ibang tupa na tinukoy niya. Ito ay pinamagatang Aklat ni Mormon na ipinangalan sa propetang nagtipon at nagpaikli ng mga tala ng mga tao sa kontinente ng Amerika. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang saksi ni Cristo at naglalaman ng kanyang mga turo sa iba pang mga kawan sa Bagong Daigdig” (sa Conference Report, Abr. 1983, 19; o Ensign, Mayo 1983, 16).

3. Iba’t ibang paraan ng pagtingin

Upang mas lubos na matulungan ang mga miyembro ng klase na pahalagahan ang mga paraan kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na makakita, gumawa ng sinulatang papel para sa ilang kahulugan ng salitang pagtingin (ang mga mungkahing kahulugan ay makikita sa ibaba). Ilagay ang mga sinulatang papel sa sumbrero o kahon, at isa-isang papiliin ang mga miyembro ng klase ng isang sinulatang papel at ipaliwanag kung paano tayo natutulungan ng Tagapagligtas na makakita sa paraang inilalarawan nito. Ang ideyang ito ay magiging mas epektibo sa klase ng mga kabataan.

makita ng mata

maunawaan

malaman

ituring na posibilidad

matuklasan

tingnan

isaalang-alang