Aralin 4
“Ihanda Ninyo ang mga Daan ng Panginoon”
Layunin
Bigyang-inspirasyon ang mga miyembro ng klase na lumapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, pagtupad sa kanilang mga tipan sa pagbibinyag, at paglaban sa mga tukso.
Paghahanda
-
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
-
Mateo 3:1–12. Si Juan Bautista ay nangaral ng pagsisisi at nagbinyag at inihanda ang daan ng Panginoong Jesucristo.
-
Mateo 3:13–17. Si Jesus ay bininyagan ni Juan Bautista.
-
Mateo 4:1–11. Pinaglabanan ni Jesus ang mga panunukso ni Satanas sa ilang.
-
Juan 1:35–51. Ang ilan sa mga disipulo ni Juan Bautista ay nagpasiyang sumunod kay Jesus.
-
-
Karagdagang pagbabasa: Marcos 1:1–13; Lucas 3:1–22; 4:1–14; Juan 1:19–34; 2:1–25; 2 Nephi 31: Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibinyag,” 176–178; “Juan Bautista,” 99; “Magsisi o Pagsisisi,” 142.
-
Kung makukuha ang sumusunod na mga larawan, gamitin ang mga ito sa aralin: Nangangaral sa Ilang si Juan (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 207) at Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208).
-
Mungkahi sa pagtuturo: Maging matalino sa paggamit ng oras ng klase. Planuhin kung ano ang inyong tatalakayin at kung gaanong oras ang nais ninyong gugulin sa bawat bahagi ng aralin, ngunit hayaang patnubayan kayo ng Espiritu. Huwag tapusin ang isang mahalagang talakayan upang matalakay lamang ang buong aralin. Mas mahalagang matuto at madama ng mga miyembro ng klase ang Espiritu kaysa talakayin ang bawat punto ng aralin.
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan
Talakayin kung paanong higit na makapagpapalapit sa atin sa Tagapagligtas ang mga turo sa sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan. Dahil hindi madaling itanong ang bawat katanungan o talakayin ang bawat punto ng aralin, piliin nang may panalangin ang mga pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase.
1. Inihanda ni Juan Bautista ang daan ng Panginoong Jesucristo.
Basahin at talakayin ang Mateo 3:1–12. Ipakita ang larawan ni Juan na nangangaral, at ibahagi ang sumusunod na impormasyon sa inyong sariling mga pananalita tungkol sa nangyari:
Daan-daang taon bago pa sumapit ang pagsilang ni Juan ay nakini-kinita na ng maraming propeta ang kanyang ministeryo at nagpatotoo sila tungkol sa kanyang kadakilaan bilang siyang maghahanda ng daan para sa Mesiyas (Isaias 40:3; 1 Nephi 10:7–10). Bilang paghahanda sa ministeryo ni Juan ay ibinalita ng anghel Gabriel ang nalalapit na pagsilang ni Juan (Lucas 1:13–19), nagpropesiya si Zacarias tungkol sa araw ng pagpapangalan at pagtutuli kay Juan (Lucas 1:67–79), at inordenan ng isang anghel sa kanyang misyon ang walong araw na gulang na si Juan (Doktrina at mga Tipan 84:27–28). Ang pinakamataas na antas ng pananalita tungkol sa kagitingan ni Juan ay nagmula mismo sa Tagapagligtas na nagsabing, “Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila [propeta] kaysa kay Juan [Bautista]” (Lucas 7:28).
Si Juan ay isinilang nang mga anim na buwan bago isilang si Jesus. Pagkatapos na pagkatapos na maisilang si Jesus, si Herodes, na natatakot sa pahayag na isang bagong hari ng mga Judio ang isinilang, ay nag-utos at “ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibot-libot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa” (Mateo 2:16). Upang mapangalagaan si Jesus, isang anghel ang nagpakita kay Jose sa isang panaginip at inutusan siyang dalhin sina Jesus at Maria sa Egipto (Mateo 2:13–15). Upang mapangalagaan si Juan, “Inutusan ni Zacarias [si Elisabet] na dalhin siya [si Juan] sa mga kabundukan, kung saan siya pinalaki sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanya ng balang at pulot-pukyutan” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 261). Paglipas ng maraming taon ay sinimulan ni Juan ang kanyang ministeryo sa publiko, una ay nangaral siya sa ilang at pagkatapos sa Jerusalem at sa “buong lupain sa palibot-libot ng Jordan” (Mateo 3:5).
-
Ano ang misyon ni Juan Bautista? (Tingnan sa Lucas 1:76–79; 3:3–4.) Bakit sa palagay ninyo mahalagang may maghanda ng daan ng Panginoon?
-
Anong mensahe ang ipinangaral ni Juan upang maihanda ang mga tao sa pagdating ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Mateo 3:1–2.) Ano ang ibig sabihin ng magsisi? (Habang tinatalakay ng mga miyembro ng klase ang mga sagot sa tanong na ito, isulat sa pisara ang ilang aspeto ng pagsisisi tulad ng nakapakita sa ibaba. Maaari ninyong naising anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang kasamang mga banal na kasulatan.)
-
Pagkadama ng kalumbayang mula sa Diyos para sa kasalanan (II Mga Taga Corinto 7:9–10).
-
Pag-amin at pagtalikod sa mga kasalanan (Doktrina at mga Tipan 58:42–43).
-
Pagtutuwid, kung maaari, ng mga kamaliang nagawa (Lucas 19:8).
-
Pagsunod sa mga kautusan (Doktrina at mga Tipan 1:31–32).
-
Pagbaling sa Panginoon at paglilingkod sa kanya (Mosias 7:33).
-
-
Paano tayo inihahanda ng pagsisisi upang makapanirahan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? (Tingnan sa 3 Nephi 27:19.) Paano tayo natutulungan ng pagsisisi na mapalapit sa kanila sa bawat araw?
-
Nasaksihan ng mga Fariseo at Saduceo ang mga pagbibinyag na isinagawa ni Juan ngunit pinili nilang huwag magpabinyag (Mateo 3:7; Lucas 7:29–30). Pinagalitan sila ni Juan at hinikayat silang magsisi at magbunga ng karapatdapat sa pagsisisi (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:35; alalahanin na ang salitang magbunga ay tumutukoy sa mga resulta at ang ibig sabihin ng salitang karapat-dapat ay naaangkop). Anu-ano ang bunga ng pagsisisi? (Tingnan sa Moroni 8:25–26.)
-
Si Juan ay nagbinyag “sa tubig sa pagsisisi” at nangakong si Jesus ay magbabautismo “sa Espiritu Santo, at apoy” (Mateo 3:11). Ano ang ibig sabihin ng magbautismo “sa Espiritu Santo, at apoy”?
Binabautismuhan tayo sa Espiritu Santo at apoy kapag tinatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (Doktrina at mga Tipan 20:41). “Ang kaloob na Espiritu Santo ay ang karapatang mapasaatin, sa tuwing karapat-dapat ang isang tao, ang paggabay ng Espiritu Santo… . Ito ay nagsisilbing panlinis upang dalisayin ang isang tao at pabanalin siya mula sa lahat ng kasalanan. Kung kaya’t ito ay kadalasang tinutukoy bilang ‘apoy’ ” (Bible Dictionary, “Holy Ghost,” 704).
2. Si Jesus ay bininyagan ni Juan Bautista.
Basahin at talakayin ang Mateo 3:13–17. Ipakita ang larawan ni Juan na binibinyagan si Jesus.
-
Bakit nag-atubili si Juan na binyagan si Jesus? (Tingnan sa Mateo 3:14.) Bakit kinailangang binyagan si Jesus? (Tingnan sa Mateo 3:15; 2 Nephi 31:6–7, 9–11.) Bakit kailangan tayong binyagan? (Tingnan sa 2 Nephi 31:5, 12–13, 17–18; Doktrina at mga Tipan 20:71; 49:13–14.)
-
Anong mga tipan ang ating ginagawa kapag tayo ay binibinyagan? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37.) Paano dapat makaapekto sa ating pang-arawaraw na mga kilos ang mga tipang ito? (Tingnan sa Mosias 18:8–10.)
3. Pinaglabanan ni Jesus ang mga panunukso ni Satanas sa ilang.
Basahin at talakayin ang Mateo 4:1–11. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 4:1–2, 5–6, 8–9, at 11 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)
-
Pagkatapos na pagkatapos na mabinyagan si Jesus, siya ay inakay ng Espiritu patungo sa ilang upang makapiling ng Diyos (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1). Paano sa palagay ninyo naihanda si Jesus ng karanasang ito upang mapaglabanan niya ang mga tukso ni Satanas? Paano tayo pinatatatag ng pag-aayuno, panalangin, at “pag-akay … ng Espiritu” laban sa tukso?
-
Anong pagnanasa (appetite) ang sinubukang akitin ni Satanas noong tuksuhin niya si Jesus, na noon ay nag-aayuno, na gawing tinapay ang mga bato? (Tingnan sa Mateo 4:2–3. Sinubukan niyang akitin ang pagnanasang bigyang kasiyahan ang pisikal na hilig sa pagkain.) Paano tayo tinutukso ni Satanas na pagbigyan ang pisikal na hilig sa pagkain? Paano natin makikilala at mapaglalabanan ang mga tuksong ito?
-
Sinubukan ni Satanas na gawing daan ang kapalaluan nang tuksuhin niya si Jesus na magpatihulog mula sa taluktok [ng templo] at patunayan na may kapangyarihan siyang maligtas ng mga anghel (Mateo 4:5–6). Paano sinusubukan ni Satanas na pairalin natin ang ating kapalaluan? Paano natin makikilala at mapaglalabanan ang mga tukso na bigyang- kasiyahan ang mapagnasang kapalaluan?
-
Ano ang inialok ni Satanas kung sasambahin siya ni Jesus? (Tingnan sa Mateo 4:8–9.) Paano tayo tinutukso ni Satanas ng makamundong mga kayamanan at kapangyarihan? Paano natin makikilala at mapaglalabanan ang ganitong mga tukso? (Tingnan sa Mateo 4:10.)
-
Ano ang hindi totoo sa alok ni Satanas na ibibigay kay Jesus ang mga kaharian ng daigdig? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:14.) Anong mga kabulaanan ang iniaalok ni Satanas sa ngayon upang ganyakin tayo sa kasalanan?
-
Tinugon ni Jesus ang bawat panunukso ni Satanas sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga banal na kasulatan (Mateo 4:3–4, 6–7, 8–10). Paano tayo binibigyan ng lakas ng mga banal na kasulatan upang mapaglabanan ang tukso? (Tingnan sa Helaman 3:29–30.)
-
Dalawang ulit na tinanong ni Satanas si Jesus kung siya ang Anak ng Diyos (Mateo 4:3, 6). Bakit kaya ito itinanong ni Satanas? Paano niya ito itinatanong sa daigdig sa ngayon? Kapag nahaharap tayo sa tukso, paano nakatutulong ang kaalaman na tayo ay mga anak ng Diyos? (Tingnan sa Moises 1:12–22.)
-
Paano makatutulong sa atin ang malaman na si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay naharap din sa mga tukso na tulad ng mga nakakaharap natin? (Habang tinatalakay ng mga miyembro ng klase ang tanong na ito, maaari ninyong naising ipabasa sa kanila ang sa Mga Hebreo 4:14–15.)
Sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin na: “Alam na alam ng Panginoon ang ating buhay sa mundo. Alam niya ang ating mga kahinaan. Nauunawaan niya ang mga hamon ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. Lubos ang kanyang pakikiramay sa mga tukso ng makamundong hilig at pagkahumaling” (sa Conference Report, Abr. 1996, 46; o Ensign, Mayo 1996, 34).
4. Ang ilan sa mga disipulo ni Juan Bautista ay nagpasiyang sumunod kay Jesus.
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Juan 1:35–51.
-
Noong simulan ni Jesus ang kanyang mortal na ministeryo, ano ang hinimok ni Juan Bautista na gawin ng kanyang sariling mga disipulo? (Tingnan sa Juan 1:35–37.) Nang makita ni Jesus na sinusundan Siya ng dalawa sa mga disipulo ni Juan Bautista, ano ang kanyang ginawa? (Tingnan sa Juan 1:38–39.)
-
Nang marinig at makilala ni Andres ang Tagapagligtas, ano ang kanyang ginawa? (Tingnan sa Juan 1:40–42.) Matapos makatanggap ng patotoo na si Jesus ang Mesiyas, paano sinagot ni Felipe ang mga agam-agam ni Natanael? (Tingnan sa Juan 1:43–46.) Ano ang maaari nating gawin upang maanyayahan ang iba na “pumarito at tingnan” ang Tagapagligtas?
Katapusan
Magpatotoo na ang paanyayang “pumarito at tingnan” ang Tagapagligtas ay ipinaabot sa ating lahat. Ipaliwanag na maaari nating tanggapin ang paanyayang iyon sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapabinyag, pagtupad sa ating mga tipan sa pagbibinyag, at paglaban sa tukso.
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Mahahalagang bagay na dapat malaman mula sa pagbibinyag ng Tagapagligtas
Pagbalik-aralan ang Mateo 3:16–17.
-
Paano ipinakikita ng salaysay tungkol sa naging binyag ng Tagapagligtas na ang binyag ay kailangang maisagawa sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig? (Tingnan sa Mateo 3:16; tingnan din sa Juan 3:23; Mga Taga Roma 6:3–6; 3 Nephi 11:23–26; ‘Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibinyag, Binyagan,’ ” 176–178, na nagpapaliwanag na ang salitang pagbibinyag ay “nagmula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay itubog o ilubog.”)
-
Ano ang nakita ni Juan matapos niyang binyagan si Jesus? (Tingnan sa Mateo 3:16.) Kaninong tinig ang kanyang narinig? (Tingnan sa Mateo 3:17.) Ano ang itinuturo sa atin ng salaysay ng pagbibinyag ng Tagapagligtas tungkol sa katauhan ng Panguluhang Diyos? (Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na katauhan.)
2. Nagpakita si Jesus ng paggalang at pagmamahal sa kanyang ina
Ipaliwanag na pagkatapos mabinyagan si Jesus, siya at ang kanyang mga disipulo ay dumalo sa isang piging ng kasal sa Cana (Juan 2:1–11). Nang sabihin sa kanya ng kanyang ina na walang alak para sa piging ay itinanong niya sa kanyang ina kung ano ang nais nitong gawin niya para sa kanya at sinabing gagawin niya ito (tingnan sa Joseph Smith Translation, John 2:4).
-
Ano ang inihayag ng mga salita ni Jesus sa kanyang ina tungkol sa kanyang damdamin para sa ina? Ano ang ginawa niya para tulungan ang ina? (Tingnan sa Juan 2:6–11. Ituro na ito ang unang himala ni Jesus na natala sa Bagong Tipan.)
3. Si Jesus ay nagpakita ng paggalang habang nililinis niya ang templo
Ipabasa sa mga miyembro ng klase ang Juan 2:13–17, na naglalaman ng kuwento tungkol sa nakita ni Jesus na paglapastangang ginawa ng mga mangangalakal at mamamalit ng salapi sa templo. Kung may makukuhang larawan ng Ang Paglilinis ni Jesus ng Templo (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 224), ipakita ito. Ituro na nagpakita ng paggalang at pagpipitagan si Jesus nang “itinaboy niyang lahat sa templo, … at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang” (Juan 2:15). Ipaliwanag na ang pagpipitagan sa ating Ama sa Langit ay hindi lamang kinapapalooban ng tahimik na pag-upo sa Simbahan. Kabilang dito ang pagpapakita sa pamamagitan ng ating mga kilos na mahal natin siya at kinikilala natin ang kanyang kapangyarihan.