Himukin ang mga miyembro ng klase na taglayin ang mga katangian ng tunay na mga tagasunod ni Jesucristo.
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Mga Taga Filipos . Pinasalamatan ni Pablo ang mga Banal sa Filipos para sa tulong na kanilang ipinadala sa kanya at hinimok silang magkaisa, at maging matapat na mga tagasunod ni Cristo.
Mga Taga Colosas 1 . Pinaalalahanan ni Pablo ang mga Banal sa Colosas na ang pagkatubos ay makakamit lamang sa pamamagitan ni Jesucristo.
Mga Taga Colosas 2:1–8, 16–23 ; 3 ; 4 . Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Colosas ang tungkol sa mga bagay na dapat nilang gawin at mga katangiang dapat nilang taglayin bilang mga hinirang ng Diyos.
Filemon . Hinikayat ni Pablo si Filemon na maging mapagpatawad kay Onesimo, na isang takas na alipin.
Karagdagang pagbabasa: Gabay sa mga Banal na Kasulatan , “Sulat ni Pablo, Mga: Mga Taga Filipos, Mga Taga Colosas, Mga Taga Efeso, Filemon, Mga Hebreo,” 234–235.
Mungkahi sa pagtuturo: Ang isang balangkas ng aralin o ilang talata ng banal na kasulatan ay maaaring maglaman ng materyal na labis sa oras na magagamit ninyo sa klase. Habang inihahanda ninyo ang bawat aralin, buong panalanging magpasiya kung aling mga doktrina at alituntunin ang pinakakapaki-pakinabang sa inyong klase. Planuhing ituro muna ang mga ito, kasama ang iba pang mga bahagi ng aralin kung may oras pa. Habang nagtuturo kayo, gayunman, maging sensitibo sa Espiritu at nakababagay nang sapat upang mabago ninyo ang inyong plano kung madarama ninyong dapat gawin ang gayon. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin , Yunit E, Paksa 19, “Paggamit at Pangangalaga sa Oras ng Aralin,” 139–140.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.
Isulat sa pisara ang ilang susing salita mula sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, gaya ng matapat , tunay , marangal , at maipagkakapuri .
Aling saligan ng pananampalataya ang naglalaman ng mga salitang ito? (Kung hindi alam ng mga miyembro ng klase, patingnan ito sa kanila sa Mga Saligan ng Pananampalataya, na matatagpuan sa hulihan ng Mahalagang Perlas.)
Kapag tama ang sagot ng mga miyembro ng klase, hilingan ang isang miyembro ng klase na bigkasin o basahin ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Pagkatapos ay ipabigkas muli sa miyembro ng klase ang unang kalahati ng saligan ng pananampalataya, hanggang sa “ang payo ni Pablo.”
Ipabuklat sa mga miyembro ng klase ang Mga Taga Filipos 4:8 at ihambing ito sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Ipaliwanag na noong banggitin ni Joseph Smith ang payo ni Pablo sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, ang tinutukoy niya ay ang Taga Filipos 4:8, na bahagi ng isang liham na isinulat ni Pablo sa mga Banal sa Filipos. Tatalakayin ng aralin ngayong araw na ito ang pabalat ng liham na ito at ang mga liham ni Pablo sa mga taga Colosas at kay Filemon, na isinulat lahat noong nakakulong si Pablo sa Roma. Tinatalakay ng mga liham na ito ang mga katangian na dapat nating hangaring taglayin bilang matatapat na tagasunod ni Jesucristo.
Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa atin sa ngayon tulad ng kung paano naangkop ang mga ito sa mga Banal noong kapanahunan ni Pablo. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.
Talakayin ang liham ni Pablo sa mga taga Filipos . Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.
Si Pablo ay nakakulong sa Roma nang sumulat siya sa mga taga Filipos. Ano ang naging reaksiyon ng ibang mga miyembro ng Simbahan sa pagkakakulong ni Pablo? (Tingnan sa Mga Taga Filipos 1:12–18 .) Paano kayo natulungan nang makita o marinig ninyo ang iba na naging malakas ang loob sa paglilingkod sa Panginoon?
Sa Mga Taga Filipos 2:2–3 , ano ang hinikayat ni Pablo na gawin ng mga miyembro ng Simbahan? Sa anong mga paraan dapat “mangagkaisa ng kaluluwa [sa kaisipan]” ang mga miyembro ng Simbahan? (Tingnan sa Mga Taga Filipos 1:27 ; 2:14–15 .) Bakit kung minsan ginagawa natin ang mga bagay para sa “pagpapalalo”? Bakit sa palagay ninyo nagpayo si Pablo ng laban dito? Bakit mahalagang hindi natin isipin na mas mabuti tayo kaysa sa ibang tao? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:24–26 .)
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesus sa Mga Taga Filipos 2:5–8 ? Paano ipinakita ni Jesus ang perpektong halimbawa ng pagiging mapagpakumbaba at masunurin sa kalooban ng kanyang Ama? (Tingnan sa Juan 8:29 .) Paano tayo higit na magiging mapagpakumbaba at pasasailalim sa kalooban ng Ama sa Langit?
Ano sa palagay ninyo ang ibig ipakahulugan ni Pablo nang sabihin niya sa mga taga Filipos na, “Lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig”? (Mga Taga Filipos 2:12 ).
Ipinaliwanag ni Pangulong David O. McKay na: “Ang ‘Gawin ang inyong sariling kaligtasan’ ay isang panghihikayat na ipakita sa pamamagitan ng gawain, ng pinag-isipan, at masunuring pagsisikap ang katotohanan ng pananampalataya. Ngunit kailangan itong gawin nang may lubos na kabatiran na ang lubusang pag-asa sa sarili ay maaaring maging sanhi ng kapalaluan at kahinaan na hahantong sa kabiguan. Dapat nating hangarin ang lakas at awa ng Diyos nang ‘may takot at panginginig’ para sa inspirasyon na makamtan ang tagumpay sa wakas” (sa Conference Report, Abr. 1957, 7).
Paulit-ulit na pinayuhan ni Pablo ang mga taga Filipos na “mangagalak sa Panginoon” (Mga Taga Filipos 3:1 ; 4:4 ). Paano tayo mangagagalak sa Panginoon?
Sinabi ni Pablo sa mga taga Filipos na naisakripisyo niya ang lahat ng bagay para kay Cristo (Mga Taga Filipos 3:7–8 ). Ano ang naisakripisyo ni Pablo? Bakit mahalagang magsakripisyo tayo para kay Cristo? (Tingnan sa Mga Taga Filipos 3:9–12 .)
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na: “Ang isang relihiyon na hindi nangangailangan ng sakripisyo ng lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan upang lumikha ng pananampalatayang kinakailangan tungo sa buhay at kaligtasan; dahil, mula pa sa unang pag-iral ng tao, ang pananampalatayang kailangan tungo sa pagtatamasa ng buhay at kaligtasan ay hindi kailanman makakamtan kung wala ang pagsasakripisyo ng lahat ng bagay sa mundo” (Lectures on Faith [1985], 69).
Paano natin makakamtan ang “kapayapaan ng Dios” na binabanggit sa Mga Taga Filipos 4:7 ? (Tingnan sa Mga Taga Filipos 4:6–7 .) Kailan ninyo nadama ang kapayapaan ng Diyos?
Paano natin maisasagawa ang payo ni Pablo sa Mga Taga Filipos 4:8 ? (Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13 .) Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang payong ito?
Nagpatotoo si Pablo na, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon [kay Cristo] sa nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13 ). Paano sa palagay ninyo nakamtan ni Pablo ang patotoong ito tungkol kay Cristo? Paano ninyo nakitang makakaya ninyong “gawin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo”?
Talakayin ang Mga Taga Colosas 1 . Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na ang mga Banal sa Colosas, na isang maliit na lungsod sa gawing silangan ng Efeso, ay naimpluwensiyahan ng mga turo na hindi gaanong nagpapahalaga sa Tagapagligtas at nakatuon sa pagkakamit ng kaganapan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa at pagsamba sa mga anghel. Sa kanyang liham sa mga taga Colosas ay nagbabala si Pablo laban sa mga turo na ito, na hinihikayat ang mga Banal na magpatuloy na “nababaon at matitibay” (Mga Taga Colosas 1:23 ; tingnan din sa Mga Taga Colosas 2:5–7 ) sa kaalaman na ang pagkatubos ay makakamit lamang sa pamamagitan ni Jesucristo.
Anong mga katotohanan tungkol kay Jesucristo ang itinuro ni Pablo sa mga taga Colosas? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 1:12–22 . Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.) Bakit mahalaga para sa mga taga Colosas na maunawaan ang mga katotohanang ito? Paano naaapektuhan ng inyong kaalaman at patotoo tungkol kay Jesucristo ang paraan ng inyong pamumuhay?
Ano ang “mana ng mga banal” na maaari nating tanggapin mula sa ating Ama sa Langit? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 1:12 ; 2 Nephi 9:18 ; Doktrina at mga Tipan 50:5 .) Sino ang gumawa ng paraan upang maging posible ang manang ito? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 1:12–14 .) Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang manang ito? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 1:10–12 ; 2 Nephi 9:18 ; Alma 5:51 ; Doktrina at mga Tipan 50:5 .)
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang hikayatin niya ang mga taga Colosas na manatiling “nababaon at matitibay” sa ebanghelyo? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 1:23 .) Ano ang mga dahilan kung bakit ang mga tao ay “nalalayo sa pag-asa ng ebanghelyo”? (Mga Taga Colosas 1:23 ). Ano ang maaari nating gawin upang mapatatag ang ating mga patotoo?
Talakayin ang Mga Taga Colosas 2:1–8, 16–23 ; 3 ; 4 . Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.
Nais ni Pablo na ang mga puso ng mga Banal ay maging “magkakalakip sa pag-ibig” at sa kaalaman tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo (Mga Taga Colosas 2:2–3 ). Paano natin ito maisasagawa sa ating sariling purok o sangay?
Ano ang ibig sabihin ng “nangauugat at nangatatayo” kay Cristo? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 2:7 .) Paano tayo mauugat kay Cristo? Paano tayo matutulungan ng “pagkaugat at pagkatayo” kay Cristo sa panahon ng pagsubok? (Maaari ninyong naising ihambing ang punong may maiikli at mababaw ang na ng mga ugat sa isang puno na mahahaba at malalim ang mga ugat. Talakayin kung aling puno ang higit na makatatagal sa mga pagsubok na tulad ng mga bagyo at tagtuyot.)
Anong mga katangian ng “mga hinirang ng Diyos” ang nakalista sa Mga Taga Colosas 3:12–15 ? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.) Paano ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng mga katangiang ito? (Hilingan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga tiyak na pangyayari kung saan nakita kay Jesus ang bawat katangian.) Paano natin mas lalong mapauunlad ang mga katangiang ito?
Paano natin mahahayaang manatili sa atin ang salita ni Cristo, tulad ng payo ni Pablo? (Tingnan sa Mga Taga Colosas 3:16–17 ; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:37 ; 18:34–36 .) Paano mapalalakas ng mga himno ang ating pangunawa at patotoo tungkol sa salita ni Cristo? Paano natin higit na magagamit ang mga himno at iba pang sagradong musika?
Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks na: “Kailangan nating gamitin pa nang husto ang ating mga himno upang makaayon tayo sa Espiritu ng Panginoon, upang mapag-isa tayo, at upang tulungan tayong maituro at matutuhan ang ating doktrina. Kailangan nating gamitin pa nang husto ang ating mga himno sa pagtuturo ng mga misyonero, sa mga klase ng ebanghelyo, sa pulong ng korum, sa gabing pantahanan, at sa pagdalaw ng mga pagtuturo ng tahanan. Ang musika ay mabisang paraan ng pagsamba sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Anak na si Jesucristo. Dapat nating gamitin ang mga himno kapag kailangan natin ng espirituwal na kalakasan at inspirasyon” (sa Conference Report, Okt. 1994, 13; o Ensign , Nob. 1994, 12).
Paulit-ulit na binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng pagiging mapagpasalamat (Mga Taga Colosas 2:7 ; 3:15, 17 ). Bakit mahalagang magpasalamat tayo? Paano natin maipakikita ang pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa lahat ng pagkakataon?
Talakayin ang liham ni Pablo kay Filemon . Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na sumulat si Pablo ng personal na liham kay Filemon, isang miyembro ng Simbahan sa Colosas, tungkol sa alipin ni Filemon na si Onesimo. Ninakawan ni Onesimo si Pablo at tumakas papuntang Roma, kung saan niya nakilala si Filemon at nagbalik-loob sa Simbahan. Hiniling ni Pablo kay Filemon na patawarin si Onesimo at tanggapin siya bilang kapatid sa ebanghelyo.
Ano ang malalaman natin tungkol kay Pablo mula sa kanyang liham kay Filemon?
Paano ipinakita ni Pablo ang paggalang niya sa kalayaan sa pagpili ni Filemon? (Tingnan sa Filemon 1:14 .) Paano niya ipinakita ang kanyang pagmamalasakit sa kapakanan ni Onesimo?
Ano ang matututuhan natin mula sa liham na ito tungkol sa kapangyarihan ng ebanghelyo na baguhin ang mga ugnayan ng mga tao? (Tingnan sa Filemon 1:16 .) Paano naaapektuhan ng ebanghelyo ang inyong pakikipagugnayan sa mga taong nakapaligid sa inyo?
Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagtataglay ng mga katangian na nakatutulong sa atin na maging higit na katulad ni Jesucristo, gaya ng mga binanggit sa mga liham ni Pablo sa mga taga Filipos, sa mga taga Colosas, at kay Filemon. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mga Taga Filipos 4:8 at Mga Taga Colosas 3:12–15 at pumili ng isang katangian mula sa mga talatang iyon na pagsisikapan na taglayin sa linggong ito.
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.