Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 31: ‘Kaya nga, ang mga Iglesia’y Pinalakas sa Pananampalataya’


Aralin 31

“Kaya nga, ang mga Iglesia’y Pinalakas sa Pananampalataya”

Ang Mga Gawa 15:36–18:22; I at II Mga Taga Tesalonica

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa mga turo ni Pablo tungkol sa kung paano ibahagi ang ebanghelyo at kung paano mamuhay bilang mga Banal.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Ang Mga Gawa 15:36–41; 16; 17:1–15; 18:1–22. Matapos malutas ang pagtatalo tungkol sa nagbalik-loob na mga Gentil at sa batas ni Moises, sina Pablo at Bernabe ay naghanda para sa kanilang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Hindi sila nagkasundo tungkol sa isang kasamang misyonero at nagpasiyang maghiwalay. Isinama ni Pablo sina Silas at Timoteo at nagsimula ng gawaing misyonero sa Macedonia at Grecia. Madalas silang inuusig ngunit nakapagpapabalik-loob ng maraming tao.

    2. Ang Mga Gawa 17:16–34. Dumalaw si Pablo sa Atenas at nakitang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang buong lungsod. Nagpatotoo siya sa mga pilosopong taga Atenas at nangaral sa gitna ng Areopago (Mars Hill) tungkol sa katauhan ng Diyos, ang pagkakaisa ng mga tao bilang mga anak ng Diyos, at ang Pagkabuhay na mag-uli.

    3. I at II Mga Taga Tesalonica. Gumawa si Pablo ng dalawang liham sa mga Banal sa Tesalonica, isang lungsod sa Macedonia. Pinayuhan niya sila tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, paghahanda para sa Ikalawang Pagparito, at pamumuhay bilang mga Banal.

  2. Karagdagang pagbabasa: I Mga Taga Corinto 2:4–5, 10–13; ‘Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, 1 at 2 Mga Taga-Tesalonica, 234–235].’ ”

  3. Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, maaari ninyong naising gamitin ang mga ito sa aralin:

    1. Mapa ng ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, mapa 6 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

    2. “The Second Coming,” isang tatlong minutong yugto ng New Testament Video Presentations (53914).

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Ang mga miyembro ng klase ay may pananagutang dumating sa klase nang nakahandang magtanong, mag-ambag ng mga ideya, magbahagi ng mga karanasan, at magbigay ng patotoo. Himukin ang mga miyembro ng klase na maghanda para sa klase sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at araw-araw na pananalangin. Magpahayag ng interes at pasasalamat sa mga ambag sa klase ng mga miyembro ng klase.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Isalaysay ang sumusunod na kuwento:

Habang nakatira sa piling ng pamilyang Heywood sa Lungsod ng Salt Lake noong mga huling bahagi ng taong 1800, si John Morgan ay nanaginip isang gabi na naglalakbay siya sa isang lansangang patungong Georgia. Natandaan niya ang lansangan dahil madalas siyang dumaan dito bilang isang sundalo sa Digmaang Sibil ng Estados Unidos. Nakarating siya sa pagsasanga ng daan at nakita niya si Brigham Young na nakatayo roon. Kahit na ang kanang daan ay patungo sa susunod na bayan, sinabi pa rin sa kanya ni Pangulong Young na tahakin ang kaliwang daanan.

Sinabi ni G. Morgan, na hindi pa miyembro ng Simbahan mga panahong iyon, kay Kapatid na [babae] Heywood ang tungkol sa kanyang panaginip at itinanong kung ano sa palagay niya ang tungkol dito. Sinabi niya sa kanya na naniniwala siyang magiging miyembro ng Simbahan si G. Morgan at magmimisyon sa katimugang estado, at isang araw ay matatagpuan niya ang kanyang sarili na nasa lansangan na nakita niya sa kanyang panaginip. Kapag nangyari iyon ay maaalala niya ang payo ni Brigham Young at tatahakin niya ang kaliwang lansangan.

Maraming taon ang lumipas, matapos mabinyagan si John Morgan at natawag na misyonero sa katimugang estado, siya ay dumating sa sangang-daan na nakita niya sa kanyang panaginip. Naalala niya ang payo na tahakin ang landas sa kaliwa, at kanya itong ginawa. Makalipas ang isang oras, natagpuan niya ang kanyang sarili sa gilid ng Lambak ng Heywood—isang magandang lugar na taglay ang pangalan ng pamilya na tinirahan niya nang mapanaginipan niya ito.

Habang naglalakbay siya sa kabuuan ng lambak at nangangaral, natagpuan niya ang mga taong handang-handa nang makinig sa ebanghelyo. Matapos siyang madinig na magturo, binanggit ng ilang pamilya na may isang hindi kilalang tao na nagpunta sa lambak mga sampung araw na ang nakalilipas, na humihingi ng pahintulot na mamarkahan ang kanilang mga Biblia. Sinabi sa kanila ng estranghero na may isa pang mensahero na darating at ipapaliwanag sa kanila ang minarkahang mga pahina. Ipinaliwanag ni John Morgan ang minarkahang mga pahina habang itinuturo niya ang ebanghelyo. Nang sumunod na mga linggo, tinuruan at bininyagan ni Elder Morgan ang lahat maliban sa tatlo sa dalawampu’t tatlong pamilya sa lambak. (Bryant S. Hinckley, The Faith of Our Pioneer Fathers [1956], 242–44.)

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang nakatulong sa tagumpay ni John Morgan bilang isang misyonero? (Maaaring maibilang sa mga sagot na maluwag sa kanyang kalooban ang magtrabahong mabuti, nakikinig siya sa Espiritu, at ang mga puso ng mga tao ay naihanda sa pagtanggap ng ebanghelyo.)

Ipaliwanag na ang araling ito ay tungkol sa Apostol Pablo, na, tulad ni John Morgan, ay nakinig sa Espiritu at naging matagumpay na misyonero. Sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, si Pablo ay dumanas ng maraming paguusig ngunit nakatagpo rin ng maraming tao na handang tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang tungkol sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, talakayin kung ano ang matututuhan natin mula kay Pablo tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo, paghahanda sa ating sarili na malaman ang ebanghelyo, at pagpapatatag ang ating mga patotoo.

1. Sina Pablo, Silas, at Timoteo ay nangaral sa buong Macedonia at Grecia.

Talakayin ang Ang Mga Gawa 15:36–41; 16; 17:1–15; 18:1–22. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling talata. Maaari ninyong naising paalalahanan ang mga miyembro ng klase na ang aklat ng Ang Mga Gawa ay isinulat ni Lucas. Tila baga naglakbay siyang kasama ni Pablo sa ilan sa mga paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, dahil madalas niyang gamitin ang salitang kami kapag tinutukoy ang mga ginawa ni Pablo at ng kanyang mga kasamang misyonero (Ang Mga Gawa 16:10).

  • Sa ikalawa niyang paglalakbay bilang misyonero, si Pablo ay nangaral sa maraming lungsod sa Macedonia at Grecia, kabilang na ang Filipos, Tesalonica, Berea, Corinto, at Atenas. (Ituro ang mga lungsod na ito sa mapa.) Paano ginabayan ng Espiritu si Pablo at ang kanyang mga kasama habang naglalakbay? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 16:6–10; 18:9–11.) Paano ginabayan ng Espiritu ang inyong mga pagsisikap na paglingkuran ang Panginoon?

  • Nakatala sa mga banal na kasulatan na pinakinggan at pinaniwalaan ni Lidia ang mga salita ni Pablo dahil binuksan ng Panginoon ang kanyang puso (Ang Mga Gawa 16:14–15). Bakit kailangan ang isang bukas na puso sa pagbabalikloob sa ebanghelyo? (Tingnan sa Mosias 2:9; Doktrina at mga Tipan 64:34.) Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magsalaysay ng mga karanasan kung kailan binuksan ng Panginoon ang kanilang puso (o ang puso ng isang taong kilala nila) sa ebanghelyo.

  • Bakit ikinulong si Pablo at ang kanyang mga kasama sa Tiatira? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 16:16–24.) Paano sila napalaya? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 16:25–26.) Paano nila ginamit ang karanasang ito bilang pagkakataon sa gawaing misyonero? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 16:27–34.) Ano ang ilan pang mga halimbawa, mula sa kasaysayan ng Simbahan o sa inyong sariling buhay, kung saan mabuti ang naging bunga ng pag-uusig?

  • Ano ang itinuro ni Pablo sa mga tao sa Tesalonica nang lumagi siya ng tatlong Sabbath sa sinagoga na kapiling sila? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 17:1–3.) Ano ang naging mga bunga ng pagtuturo ni Pablo sa Tesalonica? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 17:4–10.)

  • Paano tinanggap ng mga tao sa sinagoga ng Berea ang mga turo ni Pablo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 17:10–12.) Paano natin “[matatanggap] ang salita ng buong pagsisikap” sa pag-aaral ng ebanghelyo?

2. Nangaral si Pablo sa gitna ng Areopago (Mars Hill) sa mga pilosopong taga Atenas.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Ang Mga Gawa 17:16–34. Ipaliwanag na matapos lisanin ni Pablo ang Berea, siya ay nagpunta sa Atenas, na siyang sentro ng kultura ng daigdig. Ang pananaw ng mga pilosopo roon sa Diyos ay isa siyang hindi mailarawang nilalang o kapangyarihan, sa halip na literal na Ama ng ating mga espiritu. Sinamba nila ang mga nilikha ng Diyos sa halip na sambahin ang Diyos mismo. Pinalitan nila ang paghahayag ng pangangatwiran at pagtatalo, higit na pinahahalagahan ang karunungan ng mga tao sa halip na ang mga katotohanan ng Diyos.

  • Ang mga pilosopo na Ateniense ay “walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anumang bagay na bago” (Ang Mga Gawa 17:21). Paano nakikita ang ganitong sistema sa ngayon? Ano ang maaaring mga panganib sa palaging paghahangad ng “bagay na bago”?

  • Ano ang itinuro ni Pablo sa mga Ateniense tungkol sa Diyos? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 17:22–31.) Bakit mahalagang malaman na “tayo nama’y sa kanyang lahi”? (Ang Mga Gawa 17:28). Paano nakatutulong ang pagkaunawa tungkol sa tunay na katauhan ng Diyos at sa kanyang papel bilang ating Ama upang mahalin at sambahin natin siya?

  • Sinagot ni Pablo ang katwiran at paliwanag ng mga pilosopo sa pamamagitan ng isang tapat na pagpapatotoo tungkol sa Diyos, na ating Ama. Sa pagtuturo ng ebanghelyo, bakit mas nakahihikayat ang isang matapat na patotoo kaysa sa paliwanag at katwiran? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:4–5, 10–13.)

  • Bakit nakinig ang mga pilosopo kay Pablo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 17:18–21.) Paano sa palagay ninyo nakaapekto ang layon na ito sa kanilang tugon sa mensahe ni Pablo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 17:32–33.) Paano natin maihahanda ang ating sarili na pakinggan at unawain ang mga salita ng mga pinuno ng Simbahan?

3. Sumulat ng mga liham ng pagpapayo si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa I at II Mga Taga Tesalonica.

  • Nag-alala si Pablo tungkol sa mga Banal sa Tesalonica ngunit hindi nagawang magbalik upang dalawin sila, kung kaya’t isinugo niya si Timoteo (I Mga Taga Tesalonica 2:17–18; 3:1–2, 5–7). Matapos ang pagbabalik ni Timoteo, si Pablo ay sumulat ng dalawang liham na nagbibigay ng payo at panghihikayat sa mga Banal sa Tesalonica. Ano ang matututuhan natin mula sa mga pagsisikap ni Pablo sa kapakanan ng mga bagong miyembro ng Simbahan?

  • Ano ang itinuturo ni Pablo sa I Mga Taga Tesalonica 1:5 at 2:2–12 tungkol sa kung paano ituturo ang ebanghelyo sa ibang tao? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.) Paano nakatulong sa inyong pagtuturo ng ebanghelyo ang pagsunod sa mga alituntuning ito?

  • Anong mga alalahanin ng mga Banal sa Tesalonica ang ipinakikita sa pagpapaliwanag ni Pablo tungkol sa Ikalawang Pagparito? (Tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 4:13–18; 5:1–3.) Ano ang sinabi ni Pablo sa mga taga Tesalonica na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito? (Tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–4.) Paano natupad ang propesiyang ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:15–16; 112:23; Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.)

  • Ano ang sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Tesalonica na dapat nilang gawin upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito? (Tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:4–8.) Ano ang dapat nating gawin upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito?

Kung gagamitin ninyo ang pagpapalabas ng video na “The Second Coming,” ipalabas na ito ngayon. Maikling talakayin ang payo nina Elder Packer at Elder Maxwell tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito nang walang anumang pag-aalala kung kailan ito mangyayari.

  • Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga taga Tesalonica tungkol sa pamumuhay bilang mga Banal? (Tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 4:9–12; 5:11–22.) Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase. Ayon sa patnubay ng Espiritu, talakayin ang ilan sa mga punto ng pagpapayo na inyong isinulat. Maaaring ibilang sa talakayan ang kung paano natin higit na masusunod ang payo at kung paano tayo pinagpapala kapag ginagawa natin ang gayon.

Katapusan

Magbigay ng patotoo sa mga katotohanang itinuro ni Pablo tungkol sa mga katangiang dapat taglayin ng matagumpay na mga misyonero at maawaing mga Banal sa mga Huling Araw. Himukin ang mga miyembro ng klase na hangaring taglayin ang mga katangiang ito upang makatulong sa paghahanda ng kanilang sarili at ng iba para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Karagdagang Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

Pagtuturo ng ebanghelyo na may tamang saloobin

Ipabasa sa mga miyembro ng klase ang I Mga Taga Tesalonica 2:2–3. Bigyang-diin na sinabi ni Pablo na ang ebanghelyo ay dapat na ituro nang may tapang at nang walang pandaraya o panlilinlang. Idinagdag pa ni Elder James E. Talmage na dapat nating ituro ang katotohanan nang buong tapang nang hindi pinupulaan o tinutuligsa ang paniniwala ng ibang tao. Ibahagi ang sumusunod na kuwento upang maipakita ito:

Noong estudyante pa siya, minsan ay nilapitan si Elder Talmage ng isang lalaking nag-aalok na ipagbibili sa kanya ang isang napakagandang langis na ilawan. Mayroon nang ilawan noon si Elder Talmage na kasiya-siya sa kanya, ngunit pinapasok pa rin niya ang lalaki sa kanyang silid upang ipakita nito sa kanya kung paano ito gamitin.

“Pumasok kami sa aking silid, at sinindihan ko ang aking magandang ilawan. Puno ng papuri ang aking panauhin. Iyon na daw ang pinakamagandang ilawan, at wala pa siyang nakitang ilawan na mas maayos pa kaysa rito. Pabalik-balik niyang ipinihit ang mitsa, at sinabing perpekto rin ito.

“ ‘Ngayon,’ ang sabi niya, ‘sa pahintulot mo’y sisindihan ko ang aking ilawan,’ at inalis ito sa sisidlan… . Pinaliwanag ng ningas nito ang kasuluk-sulukang bahagi ng aking silid. Dahil sa maningning na liwanag nito ay naging mahina at malabo ang ilaw ng aking ilawan. Sa sandaling iyon ng pagpapakita ko lamang nabatid kung gaano kadilim ang aking naging pamumuhay at pagsisikap, pagaaral at pagpupunyagi.”

Binili ni Elder Talmage ang bagong ilawan, at sa dakong huli ay iminungkahi niya kung ano ang matututuhan natin mula sa nagtitinda ng ilawan habang itinuturo natin ang ebanghelyo: “Hindi minaliit ng lalaking nagtitinda ang aking ilawan. Inilagay niya ang kanyang mas maningning na liwanag sa tabi ng aking mas malamlam na ningas, at kaagad akong nagpasiya na kunin iyon.

“Ang mga tagapaglingkod na misyonero ng Simbahan ni Jesucristo sa ngayon ay isinusugo, hindi para batikusin ni tuligsain ang mga paniniwala ng tao, kundi para ipakita sa daigdig ang mas nakahihigit na liwanag, kung saan makikitang mabuti ang mausok na kadiliman ng aandap-andap na ningas ng mga doktrinang gawa ng tao. Ang gawain ng Simbahan ay para magtatag, hindi para manira” (sa Albert L. Zobell Jr., Story Gems [1953], 45–48; tingnan din sa The Parables of James E. Talmage, tinipon ni Albert L. Zobell Jr. [1973], 1–6).