Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na ang mga Apostol ay tinawag upang maging natatanging saksi ni Jesucristo at pinagpapala tayo kapag itinataguyod at sinusunod natin sila.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Lucas 4:14–32. Nagturo si Jesus sa isang sinagoga sa Nazaret at nagpatotoo na siya ang Mesiyas na ipinropesiya ni Isaias. Galit na galit na tinanggihan siya ng mga tao.
Kung makukuha ang sumusunod na mga larawan, gamitin ang mga ito sa aralin: Pagtawag sa mga Mangingisda (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 209) o Si Jesus at ang mga Mangingisda (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 210); Inoordenan ni Cristo ang mga Apostol (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 211); at isang larawan ng kasalukuyang Korum ng Labindalawang Apostol (mula sa pinakahuling isyu ng Ensign o Liahona na nauukol sa komperensiya).
Mungkahi sa pagtuturo: Alamin at gamitin ang mga pangalan ng mga miyembro ng klase. Kapag ganito ang ginagawa ninyo, makikita ng mga miyembro ng klase na nagmamalasakit kayo sa kanila bilang mga indibiduwal. Ang malaman ang mga pangalan ng mga miyembro ng klase ay makatutulong din sa inyo na makahimok ng paglahok dahil magagawa ninyong ibaling ang mga tanong sa tiyak na tao. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 16, “Paggamit ng mga Tanong Upang Pumukaw ng Pag-iisip,” 128–130.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Ang kasalukuyang Labindalawang Apostol
Ipakita ang mga larawan ng kasalukuyang Labindalawang Apostol at tulungan ang mga miyembro ng klase na matutuhan ang kanilang mga pangalan. Maaari ninyong naising gamitin ang sumusunod na maikling pagsusulit:
Bigyan ang bawat miyembro ng klase ng lapis at isang piraso ng papel, at hilingin sa kanilang lagyan nila ng bilang ang kanilang mga papel mula 1 hanggang 12. Ipakita ang larawan ng bawat Apostol nang hindi ibinubunyag ang kanyang pangalan, at hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat ang pangalan sa kanilang mga papel na kasunod ng angkop na bilang. Kapag naipakita na ninyong lahat ang mga larawan, balikan ang tamang mga sagot.
2. Ang orihinal na Labindalawang Apostol
Tulungan ang mga miyembro ng klase na matutuhan ang mga pangalan ng orihinal na Labindalawang Apostol (Mateo 10:2–4). Ilahad ang sumusunod na impormasyon sa sarili ninyong pananalita upang tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan kung paano tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang iba’t ibang Apostol:
Dalawang Apostol ang nagngangalang Santiago: si Santiago na anak ni Zebedeo at si Santiago na anak ni Alfeo. Dalawa ang nagngangalang Simon: si Simon Pedro at si Simon na Cananeo, na tinatawag ding Simong Masikap (“ang taong masyadong masigasig”). Dalawa ang nagngangalang Judas: si Judas (na tinatawag ding [Lebbaeus] Tadeo) at si Judas Iscariote, na nagkanulo kay Cristo. Si Mateo ay tinatawag na Levi sa Lucas 5:27–28. Si Tomas ay kilala rin bilang si Didimo, na ang ibig sabihin ay “kambal.” Ang Apostol na tinukoy na Bartolome sa mga ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas ay ipinagpapalagay na siya ring tinutukoy na Natanael sa ebanghelyo ni Juan.
3. “Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin” (Mateo 10:37)
Paano natutupad kung minsan ang mga talata 35 at 36 kapag sumasapi ang isang tao sa Simbahan? Bagaman nalalaman natin na nais ng Panginoon na maging mapayapa at nagkakaisa ang ating mga pamilya, bakit kaya sa palagay ninyo binigkas niya ang mga pangungusap na ito? Kanino natin dapat iukol ang ating buong katapatan? (Tingnan sa mga talata 37–38; tingnan din sa Lucas 14:33.)
4. Pagpapalabas ng video
Ang unang yugto ng “New Testament Customs,” isang piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914), ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa araling ito. Ang yugtong ito ay kinapapalooban ng impormasyon tungkol sa kung ano ang kahulugan kay Jesus ng kanyang sariling pagpapahayag na siya ang hinirang (anointed one), o Mesiyas (Lucas 4:18); tungkol sa pagsamba sa sinagoga; at kung ano ang ibig sabihin ng ipangaral ang ebanghelyo nang walang supot ng salapi at supot ng pagkain, na tulad ng ibinilin ni Jesus na gawin ng kanyang mga Apostol (Mateo 10:9–10).