Tulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng “mga taingang makikinig” upang maunawaan nila kung paano naaangkop sa kanila ang mga talinghaga ni Jesus (Mateo 13:9 ).
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Mateo 13:1–17 . Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng manghahasik at ipinaliwanag ang paggamit niya ng mga talinghaga.
Mateo 13:18–23 . Ipinaliwanag ni Jesus ang talinghaga ng manghahasik.
Mateo 13:24–53 . Itinuro ni Jesus ang tungkol sa kaharian ng langit sa lupa (ang Simbahan ni Jesucristo) sa pamamagitan ng mga talinghaga ng trigo at mapanirang damo, ang butil ng mustasa, ang lebadura, ang natatagong kayamanan sa bukid, ang mahalagang perlas, at ang lambat na inihulog sa dagat.
Karagdagang pagbabasa: Marcos 4:1–34 ; Lucas 8:4–18 ; 13:18–21 ; Doktrina at mga Tipan 86:1–7 ; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo Mga , 49–55” “Talinghaga,” 243 at “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” 104.
Mungkahi para sa pagtuturo: Sinabi ni Elder Boyd K. Packer: “Walang pamamaraan ng pagtuturo ang makahihigit, at iilan ang makakapantay, sa pisara… . Magagamit ninyo ito upang maituon ang paningin ng inyong mga tinuturuan habang inilalahad ang pangunahing aralin nang maliwanag sa pandinig nila. Habang nagsasalita kayo ay sapat ang mailalagay ninyo sa pisara upang matuon ang kanilang pansin dito at mabigyan sila ng ideya, ngunit hindi labis na tulad ng bisuwal na tulong na nakaaabala at nagiging mas kawili-wili kaysa sa inyong aralin” (Teach Ye Diligently [1975], 224–25; tingnan din sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin , Yunit G, Paksa 1, “Paggamit ng Pisara,” 191; at Yunit G, Paksa 2, “Pagguhit ng mga Simpleng Larawan,” 192–193 ).
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin nila na sila ay nakasakay sa isang bus. Habang patuloy ang paglalakbay ay nakatanaw sila sa bintana ng bus at minamasdan ang tanawin.
Ituro na ang mga tao sa magkaparehong situwasyon ay hindi palaging magkapareho ang napapansing mga bagay. Gayundin naman, hindi lahat ng tao na nakarinig kay Jesus na nagturo sa pamamagitan ng mga talinghaga ay nakauunawa kung paano naaangkop sa kanila ang mga talinghaga. Tatalakayin sa araling ito kung paano natin mauunawaan at maisasagawa ang mga talinghaga ni Jesus.
Habang tinatalakay ninyo ang sumusunod na mga talinghaga, tiyakin na alam ng mga miyembro ng klase kung ano ang isinasagisag ng magkakaibang tauhan, bagay, at kilos. Ito ay makatutulong sa kanilang maunawaan ang mga talinghaga at gamitin ang mga ito sa kanilang buhay.
Basahin at talakayin ang Mateo 13:1–17 .
Nang magtipun-tipon ang mga tao sa dalampasigan, si Jesus ay “[nagsalita] … ng maraming mga bagay sa mga talinghaga” (Mateo 13:3 ). Ano ang isang talinghaga? (Isang nagbibigay siglang kuwento na nagtuturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paghahambing sa mga ito sa mga bagay na makalupa.) Ano ang sinabi ni Jesus na layunin niya sa pagtuturo sa pamamagitan ng mga talinghaga? (Upang sabay niyang maituro ang kanyang mensahe sa kanyang mga disipulo at maitago naman ito sa mga hindi naniniwala. Tingnan sa Mateo 13:10–13 .)
Hilingan ang isang miyembro ng klase na basahin nang malakas ang talinghaga ng manghahasik (Mateo 13:3–8 ). Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng klase na sumabay sa pagbabasa, na tinatandaan na ang mga bagay at kilos sa talinghaga ay kumakatawan sa mga katotohanan ng ebanghelyo.
Ano ang humahadlang sa pag-usbong ng mga binhi na bumabagsak sa tabi ng daan? (Tingnan sa Mateo 13:4 . Isulat sa pisara ang Mga binhi sa tabi ng daan— kinakain ng mga ibon .)
Bakit nangatutuyo ang mga binhi na nasa batuhan? (Tingnan sa Mateo 13:5–6 ; Lucas 8:6 . Isulat sa pisara ang Mga binhi sa batuhan—walang ugat .)
Ano ang nangyayari kapag nalalaglag ang ilang binhi sa mga dawag? (Tingnan sa Mateo 13:7 . Isulat sa pisara ang Mga binhi sa mga dawag—nasasakal ng mga tinik .)
Ano ang nangyayari sa mga binhing nalalaglag sa mabuting lupa? (Tingnan sa Mateo 13:8 . Isulat sa pisara ang Mga binhi sa mabuting lupa—nagbubunga .)
Iwanan sa pisara ang mga salitang inyong isinulat, at ipaliwanag na sa loob ng ilang minuto ay tatalakayin ninyo ang mga katotohanang kinakatawan ng mga ito.
Ano ang maaaring maging reaksiyon ng mga tao kapag narinig nila ang talinghagang ito nang walang anumang pagpapaliwanag tungkol sa kahulugan nito? (Ang ilang tao ay maaaring makadama ng kabiguan dahil hindi nila ito nauunawaan. Maaaring maunawaan ito ng iba ngunit iisiping hindi ito naaangkop sa kanila. Ang iba naman ay maaaring pagnilay-nilayan ito at magtanong hanggang sa maunawaan nila ito at malaman kung paano ito isasagawa sa kanilang buhay.)
Ano ang paanyayang ipinarating ni Jesus matapos niyang ilahad ang talinghaga ng manghahasik? (Tingnan sa Mateo 13:9 .) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng salitang makinig sa paanyayang ito? Ano ang ibig sabihin nang tumingin ngunit hindi makakita at makinig ngunit hindi makarinig? (Tingnan sa Mateo 13:13–15 .)
Sinabi ng Propetang Joseph Smith na: “Hindi tinanggap … ng mga tao ang Kanyang sinabi … dahil ayaw nilang tumingin sa pamamagitan ng kanilang mga mata, at makinig sa pamamagitan ng kanilang mga tainga; hindi dahil sa hindi nila magawa, at hindi sila binigyan ng pribilehiyong makakita at makarinig, kundi dahil sa ang kanilang mga puso ay puno ng kasamaan at karumal-dumal… . Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi tumanggap ang mga tao … ng pagpapaliwanag tungkol sa Kanyang mga talinghaga, ay dahil sa kawalan ng pananampalataya” (Teachings of the Prophet Joseph Smith , pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 96–97).
Basahin ang Mateo 13:18–23 , at talakayin ang kahulugan ng mga bagay at kilos sa talinghaga ng manghahasik.
Ano ang isinasagisag ng tabi ng daan? (Tingnan sa Mateo 13:19 .) Isulat sa pisara ang Tabi ng Daan = mga taong nakakarinig sa salita ng Diyos ngunit hindi ito nauunawaan (daglatin ang pangungusap kung nais).
Ano ang ilang bagay na maaaring ginagawa natin na humahadlang sa atin sa pag-unawa sa salita ng Diyos? (Tingnan sa Mosias 26:1–3 para sa isang posibleng sagot.) Ano ang kailangan nating gawin upang maunawaan ang salita ng Diyos? (Tingnan sa Alma 32:27 .) Paanong ang kakulangan ng pangunawa ay nakapagpapadali kay Satanas sa pag-aalis ng salita sa ating mga puso? (Tingnan sa Mateo 13:19 .)
Ano ang isinasagisag ng batuhan? (Tingnan sa Mateo 13:20–21 .) Isulat sa pisara ang Batuhan = mga taong nakakarinig at tumatanggap sa salita ng Diyos ngunit hindi ito pinahintulutang mag-ugat sa kanilang kalooban (daglatin ang pangungusap kung nais).
Bakit hindi pinahihintulutan ng ilang tao na magkaroon ng ugat ang salita ng Diyos sa kanilang kalooban? (Tingnan sa Mateo 13:21 ; Marcos 4:5 .) Paano natin mapahihintulutang mag-ugat nang malalim ang binhi sa ating kalooban? (Tingnan sa Alma 32:41–43 .) Paano tayo matutulungan nito na mapagtiisan ang init na dulot ng paghihirap, pang-aapi, at pagkasugat ng damdamin?
Ano ang isinasagisag ng mga dawagan? (Tingnan sa Mateo 13:22 ; Marcos 4:19 ; Lucas 8:14 .) Isulat sa pisara ang Mga Dawagan = mga taong nakakarinig sa salita ng Diyos ngunit nagagambala ng mga alalahanin ng daigdig (daglatin ang pangungusap kung nais).
Ano ang ibig sabihin ng pagiging hindi mabunga ng isang tao? Anong mga “tinik” ang dahilan ng pagiging hindi mabunga ng mga tao? (Tingnan sa Mateo 13:22 ; Marcos 4:19 ; Lucas 8:14 .) Paano malinaw na makikita ang mga tinik na ito sa daigdig sa ngayon? Ano ang maaari nating gawin upang maiwasang masakal ng mga tinik na ito ang salita ng Diyos na nasa atin?
Ano ang isinasagisag ng mabuting lupa? (Tingnan sa Mateo 13:23 .) Isulat sa pisara ang Mabuting Lupa = mga taong nakakarinig sa salita ng Diyos, nauunawaan ito, at gumagawa ng kabutihan (daglatin ang pangungusap kung nais).
Ano ang maaaring magawa upang matulungang mamunga ang mga bahaging hindi namumunga? (Ang tabi ng daan ay maaaring araruhin at lagyan ng pataba, ang mga bato ay maaaring alisin, at maaaring bunutin ang mga tinik.) Paano ito maiaangkop sa ating mga pagsisikap na maging higit na madaling tumanggap ng salita ng Diyos?
Bakit sa palagay ninyo mas pinagtuunan ng pansin ng talinghaga ng manghahasik ang lupa kaysa sa manghahasik o sa binhi?
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mateo 13:24–53 . Ipaliwanag na sa mga talatang ito ang katagang “kaharian ng langit” ay tumutukoy sa Simbahan ni Jesucristo, na siyang kaharian ng langit sa lupa (Gabay sa mga Banal na Kasulatan , “Kaharian ng Langit o Kaharian ng Diyos,” 104).
Ano ang kahulugan ng talinghaga ng trigo at ng mga mapanirang damo? (Tingnan sa Mateo 13:24–30, 36–43 ; Doktrina at mga Tipan 86:1–7 . Maaari ninyong naising gumawa ng listahan sa pisara tulad ng ginawa ninyo sa talinghaga ng manghahasik. Isulat kung sino o ano ang kinakatawan ng maghahasik, ng bukid, ng mabuting binhi, ng mga mapanirang damo, ng kaaway, ng pag-ani, at ng mga mang-aani.)
Sa talinghaga ng trigo at mga mapanirang damo, bakit tumanggi ang manghahasik na kaagad tipunin ng kanyang mga alipin ang mga mapanirang damo, o damo? (Tingnan sa Mateo 13:27–30 ; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 86:5–7 , na nagbibigay-linaw sa Mateo 13:30 .)
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga talinghaga ng buto ng mustasa at ng lebadura ay tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (Teachings of the Prophet Joseph Smith , pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 98–100). Ano ang matututuhan natin tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan mula sa paghahambing dito ng Tagapagligtas sa isang buto ng mustasa? (Tingnan sa Mateo 13:31–32 .) Sa lebadura? (Tingnan sa Mateo 13:33 . Ipaliwanag na ang lebadura , ay isang sangkap, na tulad ng yeast o baking powder , na dahilan upang umalsa ang tinapay.) Paano ninyo nakitang umunlad ang gawain ng Diyos na tulad ng inilalarawan sa mga talinghagang ito?
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talinghaga ng kayamanan at mahalagang perlas? (Tingnan sa Mateo 13:44–46 .) Anong mga sakripisyo ang dapat nating kusang gawin upang makamtan ang kayamanan ng ebanghelyo? Anong mga sakripisyo ang ginawa na ninyo o ng mga kakilala ninyo para sa ebanghelyo? Anong mga pagpapala ang naging bunga ng mga sakripisyong iyon?
Ano ang kinakatawan ng lambat sa talinghaga ng lambat na inihulog sa dagat? (Tingnan sa Mateo 13:47 .) Ano ang ibig sabihin ng matipon sa lambat? Ano ang kinakatawan ng ginagawang pagtitipon ng mabubuti sa mga sisidlan at pagtatapon sa masasama? (Tingnan sa Mateo 13:48–50 . Maaari ninyong naising gamitin ang Joseph Smith—Mateo 1:4 upang ipaliwanag na “ang katapusan ng sanglibutan” sa talata 49 ay tumutukoy sa pagkalipol ng masasama.) Ano ang maaari nating gawin upang matulungan ang ating sarili na manatiling matapat sa Simbahan at tulungan ang iba na gawin din ang gayon?
Bigyang-diin na ipinaliwanag ni Jesus ang kanyang mga talinghaga sa mga naghahangad ng pang-unawa. Magpatotoo na habang pinag-aaralan natin ang mga talinghaga ni Jesus nang may matapat na hangaring maunawaan ang mga ito, ay makikita natin kung paano naaangkop ang mga ito sa ating panahon.
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan at matandaan ang mga talinghaga sa aralin, ipakita ang ilang bagay na inilarawan sa mga talinghagang ito. Halimbawa, maaari ninyong ipakita kung ano ang reaksiyon ng lebadura kapag inihalo sa tubig at asukal. Maaari kayong gumawa ng isang tinapay na may lebadura at isa na walang lebadura, at hayaang makita at matikman ng mga miyembro ng klase ang pagkakaiba. Maaari rin ninyong ipakita ang ilang buto ng mustasa (o durog na paminta, na tila itim na buto ng mustasa). Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin , Yunit E, Paksa 11, “Pagtuturo ng mga Pakay-aralin,” 115–116, para sa mga mungkahi sa pagtuturo kung gumagamit ng mga bagay.