Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 43: ‘Isang Lahing Hirang’


Aralin 43

“Isang Lahing Hirang”

I at II Ni Pedro; Judas

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na mamuhay sa kabanalan at maging isang lahing hirang.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. I Ni Pedro 1; 2:1–10. Itinuro ni Pedro na kailangan nating magkaroon ng pananampalataya at mamuhay sa kabanalan. Itinuro niya na ang mga Banal ay isang lahing hirang, na tinawag upang ipakita ang mga pagpuri ng Tagapagligtas.

    2. I Ni Pedro 2:19–24; 3:13–17; 4:12–19. Itinuro ni Pedro na kailangan nating sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagbabata ng mga pagsubok at pag-uusig.

    3. II Ni Pedro 1. Hinikayat tayo ni Pedro na makibahagi tayo sa kabanalang mula sa Diyos at pagsikapang mabuti na mangapanatag tayo sa pagkatawag at pagkahirang sa atin.

    4. II Ni Pedro 2–3; Judas. Sina Pedro at Judas ay nagbabala laban sa mga bulaang guro at sa mga nagtatatuwa sa Ikalawang Pagparito. Hinikayat nila ang mga tagasunod ni Cristo na manatiling matapat.

  2. Karagdagang pagbabasa: I Ni Juan 3:2–3; 3 Nephi 12:48; Doktrina at mga Tipan 122:7–8.

  3. Mungkahi para sa pagtuturo: Pag-aralang mabuti ang bawat aralin upang maituro ito nang hindi madalas na tumitingin sa manwal. Kapag alam ninyo ang inyong materyal ay makatitingin kayo sa mga mata ng mga miyembro ng klase habang kayo ay nagtuturo. Ang palagiang pagtingin sa mata ay nakapagpapabuti sa pakikilahok at pag-uugali ng mga miyembro ng klase at nakatutulong sa pagpapahiwatig ninyo sa kanila ng inyong pagmamahal at pagmamalasakit. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 17, “Panatilihin ang Pagtingin sa Mata,” 131–133.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ibahagi ang sumusunod na kuwento na isinalaysay ni Obispo Vaughn J. Featherstone:

“Maraming taon na ang nakalilipas nang marinig ko ang kuwento tungkol sa anak ni Haring Louis XVI ng Pransiya. Si Haring Louis ay inalis sa kanyang trono at ikinulong. Ang kanyang batang anak na lalaki, ang prinsipe, ay tinangay ng mga nagpaalis sa hari sa trono. Inakala nila na dahil sa ang anak ng hari ang magmamana ng kaharian, at kung masisira nila ang kanyang pagkatao, ay hindi na niya kailanman malalaman ang dakila at magiting na hinaharap na ipinagkaloob sa kanya ng buhay.

“Siya ay dinala sa isang malayong pamayanan, at doon ay inilantad nila ang batang lalaki sa lahat ng uri ng masama at kasuklam-suklam na bagay na maiaalok ng buhay…. Siya ay pinakitunguhan nang ganito sa loob ng anim na buwan—ngunit ni minsan ay hindi napatukso ang batang lalaki. Sa bandang huli, makaraan ang matitinding tukso, siya ay tinanong nila. Bakit hindi siya napatukso sa mga bagay na ito—bakit hindi siya tumikim? Ang mga bagay na ito ay makapagdudulot ng kasiyahan, makapagbibigay kasiyahan sa kanyang mga pagnanasa, at kanais-nais ang mga ito; ang lahat ng ito ay sa kanya. Ang sabi ng batang lalaki ay, ‘Hindi ko magagawa ang ipinagagawa ninyo dahil isinilang ako upang maging isang hari’ ” (“The King’s Son,” New Era, Nob. 1975, 35).

Ganito ang naging puna ni Obispo Featherstone:

“Ang ating Ama ay isang hari, at tulad ng anak ng hari na nalantad sa bawat kasuklam-suklam at tiwaling bagay sa buhay, ay gayundin naman na malalantad kayo sa napakaraming kasamaan at kababaan ng pagkatao ng ating salinlahi. Ngunit kayo … ay isinilang din upang maging mga hari at reyna, mga lalaki at babaeng saserdote” (New Era, Nob. 1975, 35).

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang ating potensiyal bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit? Paano maimpluwensiyahan ng kaalaman tungkol sa ating banal na potensiyal ang paraan ng ating pamumuhay?

Bigyang-diin na bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, tayo ay maaaring maging katulad niya at maaari nating manahin ang lahat ng mayroon siya. Ang mga liham nina Pedro at Judas ay nag-aalok ng mahahalagang turo na makatutulong sa atin upang mamuhay nang karapat-dapat bilang mga anak ng Diyos.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Buong panalanging piliin ang mga talata ng banal kasulatan, tanong, at iba pang materyal sa aralin na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Talakayin kung paano naaangkop ang mga banal na kasulatang ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Mamuhay nang may pananampalataya at kabanalan bilang isang lahing hirang.

Talakayin ang I Ni Pedro 1 at 2:1–10. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling talata.

  • Ano ang itinuro ni Pedro sa kabanata 1 tungkol sa misyon ni Jesucristo? (Tingnan sa I Ni Pedro 1:3–4, 18–21.) Paano dapat makaapekto sa ating pang-araw-araw na kilos ang kaalaman tungkol sa misyon at sakripisyo ng Tagapagligtas? (Tingnan sa I Ni Pedro 1:8, 13–16, 22–23; 2:5. Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.)

  • Bakit “lalong mahalaga kaysa ginto” ang pananampalataya, tulad ng sinabi ni Pedro? (Tingnan sa I Ni Pedro 1:7; Sa Mga Hebreo 11:6; 1 Nephi 7:12.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pagsubok sa ating pananampalataya sa pamamagitan ng apoy? Ano ang pinakalayunin ng ating pananampalataya? (Tingnan sa I Ni Pedro 1:5, 9.)

  • Itinuro ni Pedro na ang mga propetang nagpatotoo hinggil kay Jesucristo ay “nagsikap at nagsiyasat na maigi” (I Ni Pedro 1:10; tingnan din sa talata 11). Paano mapalalakas ng masigasig na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan ang ating mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Sino ang lahing hirang na binanggit ni Pedro? (Tingnan sa I Ni Pedro 2:9–10 at ang siping-banggit sa ibaba.) Ano ang ating pananagutan bilang isang lahing hirang? (Tingnan sa I Ni Pedro 2:9.) Paano natin matutupad ang pananagutang ito? (Tingnan sa Mateo 5:16.)

    Inilarawan ni Elder Bruce R. McConkie ang lahing hirang bilang, “hindi sila mga taong nabubuhay sa isang partikular na kapanahunan, kundi … ang sambahayan ni Israel noong sinauna, sa kalagitnaan ng panahon, at sa ngayong mga huling araw…. [Kabilang dito] ang matatapat na miyembro ng Simbahan na tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo at inampon sa kanyang pamilya” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:294).

2. Sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtitiis ng mga pagsubok at pag-uusig.

Basahin at talakayin ang I Ni Pedro 2:19–24; 3:13–17; 4:12–19.

  • Isinulat ni Pedro na si “Cristo … ay nagbata dahil sa inyo [atin], na kayo’y [tayo] iniwanan ng halimbawa” (I Ni Pedro 2:21). Ano ang maaari nating gawin upang masundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtugon sa mga pagsubok at pag-uusig? (Tingnan sa I Ni Pedro 2:19–23.) Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga taong tulad ni Cristo sa pagbabata ng mga pagsubok? Paano tayo pinagpapala sa pagsunod natin sa halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtugon sa mga pagsubok?

  • Kailan kayo (o ang isang kakilala ninyo) pinag-usig dahil sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon? Paano tayo pinayuhan ni Pedro na tumugon sa gayong mga kalagayan? (Tingnan sa I Ni Pedro 3:13–17; 4:12–19. Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.) Sa anong mga paraan tayo binibigyan ng pagkakataon ng mga pagsubok na maging mas malapit sa Panginoon at luwalhatiin siya?

3. Makibahagi tayo sa kabanalang mula sa Diyos at pagsikapang mangapanatag tayo sa pagkatawag at pagkahirang sa atin.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa II Ni Pedro 1.

  • Aling mga katangian ang inilarawan ni Pedro na bahagi ng kabanalang mula sa Diyos? (Tingnan sa II Ni Pedro 1:4–7. Isulat ang mga katangian sa pisara.) Bakit mahalagang taglayin natin ang mga katangiang ito? (Tingnan sa II Ni Pedro 1:8.) Paano ninyo nakita ang mga katangiang ito sa ibang tao?

  • Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na “pagsikapan [ninyo] na mangapanatag [kayo] sa pagkatawag at pagkahirang [sa inyo]” (II Ni Pedro 1:10). Ano ang ibig sabihin ng mapanatag sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo? (Tanggapin mula sa Diyos ang katiyakan o pangako ng kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang isang tao na panatag sa pagkatawag at pagkahirang sa kanya ay nalalaman na siya ay “ibinuklod sa buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng paghahayag at ng diwa ng propesiya” [Doktrina at mga Tipan 131:5]. Tinanggap ni Joseph Smith ang pangakong ito mula sa Panginoon, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132:49.)

  • Ano ang kailangan nating gawin upang matiyak ang ating pagkatawag at pagkahirang?

    Itinuro ni Propetang Joseph Smith na: “Matapos magkaroon ng pananampalataya ang isang tao kay Cristo, magsisi ng kanyang mga kasalanan, at mabinyagan para sa ikapagpapatawad ng kanyang mga kasalanan, at matanggap ang Espiritu Santo (sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay), … sa gayon patuloy siyang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, na nauuhaw at nagugutom sa kabutihan, at nabubuhay sa bawat salita ng Diyos, at hindi magtatagal ay sasabihin sa kanya ng Panginoon na, Anak, ikaw ay tatanggap ng kadakilaan. Kapag lubusan na siyang nasubukan ng Panginoon, at napagtantong buo ang kalooban ng tao na maglingkod sa Kanya sa kabila ng mga panganib, kung magkagayon ay maseseguro ng tao ang katiyakan ng kanyang pagkatawag at pagkahirang” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 150).

4. Iwasan ang mga bulaang guro at ang mga nagtatatuwa sa Ikalawang Pagparito.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa II Ni Pedro 2–3 at Judas. Ipaliwanag na si Judas ay anak nina Jose at Maria at kapatid ni Jesus.

Katapusan

Patotohanan ang mga katotohanang inyong tinalakay. Himukin ang mga miyembro ng klase na sundin ang mga turo nina Pedro at Judas habang sinisikap nilang mamuhay nang may pananampalataya at kabanalan.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o ang dalawang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Karagdagang talakayan ng I Ni Pedro

  • Sa I Ni Pedro 1, anong mga paghahambing ang ginawa ni Pedro sa pagitan ng nasisira o naglalaho at sa hindi nasisira o walang katapusan? (Tingnan sa I Ni Pedro 1:4, 7, 18–19, 23–25. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase sa ilalim ng dalawang pamagat na: Nasisira o Naglalaho at Hindi Nasisira o Walang Katapusan.) Ano ang matututuhan natin mula sa mga paghahambing na ito?

  • Itinuro ni Pedro na si Jesus ay “nakilala [naordenan] nga nang una bago itinatag ang sanglibutan” upang maging Tagapagligtas (I Ni Pedro 1:20; tingnan din sa Apocalipsis 13:8). Bakit mahalaga ang katotohanang ito? Ano ang idinaragdag ng mga banal na kasulatan na inihayag sa mga huling araw sa ating pang-unawa tungkol sa pagkaordena noon pa ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Moises 4:1–4; Abraham 3:27–28.)

  • Anong payo ang ibinigay ni Pedro tungkol sa mga batas ng lupain? (Tingnan sa I Ni Pedro 2:13–15.) Anong payo ang inihayag ng Panginoon sa mga huling araw tungkol sa mga batas ng lupain? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:21–22; 98:4–10; 134:5; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12.)

  • Ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga patay? (Tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20; 4:6.) Kailan nagpunta si Jesus sa daigdig ng mga espiritu upang ayusin ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga patay? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:27.) Bakit niya ginawa ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:29–37.) Ano ang inihahayag ng ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa gawain ng Diyos? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang dahil sa perpektong katarungan at awa ng Diyos, ang lahat ng tao na nabuhay sa mundo ay magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo at tamasahin ang kaganapan ng mga pagpapala nito.)

  • Anong payo ang ibinigay ni Pedro sa mga pinuno ng Simbahan sa I Ni Pedro 5:1–4? Paano magagawa ng mga pinuno ng Simbahan na “pangalagaan ang kawan ng Diyos”? (I Ni Pedro 5:2; tingnan sa II Ni Pedro 1:12–15; Doktrina at mga Tipan 42:12–14). Paano kayo napagpala ng mga pinuno ng Simbahan na nakasunod sa payong ito?

2. “Alinmang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag” (II Ni Pedro 1:20)

  • Basahin ang II Ni Pedro 1:20–21. Ano ang itinuro ni Pedro sa mga talatang ito tungkol sa pinagmulan ng mga banal na kasulatan? Ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa pagpapakahulugan sa mga banal na kasulatan? Paano natin matitiyak na tama ang pagpapakahulugan natin sa mga banal na kasulatan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang paghahangad ng may inspirasyong pagpapakahulugan ng mga pinuno ng Simbahan at sa pamamagitan ng paghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo.) Paano nakatulong sa inyo ang mga turo ng Simbahan o ang patnubay ng Espiritu upang maunawaan ang isang partikular na banal na kasulatan?